August Love Story

Ang istoryang ito ay halaw sa malikot na pag-iisip ni pulandit. Anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ng mga pangalan, lugar at pangyayari ay hindi sinasadya at ginamit para bigyang kulay lamang ang istorya.

Sundan ang pakikipagsapalaran ng ating bida sa kanyang buhay pag-ibig at iba pa na punong puno ng komedya at drama.

“Augustooooo!! Bumangon kana diyan!! Wala ka ba talagang balak pumasok sa eskwela.”

Agad napabalikwas ang binata sa pagkakahiga ng maalimpungatan sa tinig ng kanyang ina.

“Bunganga talaga ni Inay oh.” Maktol niya ng pupungas pungas niyang kunin ang tuwalya sabay baba sa hagdan papunta sa kubeta.

Naabutan niya ang nanay niya sa bungad ng hagdan. Mukhang inaantabayan siya kung bababa.

“Ano ka bang bata ka? Wala kaba talagang pangarap na makatapos ng high school?”pagalit na tanong ng kanyang ina habang naka pamewang pa.

“Eto na nga po, liligo na.”padabog dabog niyang yabag sa kahoy na hagdan.

Lunes na naman. Umpisa na naman ng araw para sa estuyanteng kagaya niya.

Bakit ba kailangan pumasok?

Bakit ba kailangan mag-aral?

Isip-isip niya habang nag-uumpisang maligo.

Dali dali siyang nagsabon dahil alam niyang tanghali na. Ilang buhos lamang niya ng tubig para banlawan ang kanyang katawan ay agad siyang umahon sabay toothbrush. Hindi pa niya naubos ang isang timbang tubig na inigib niya kagabi.

Dagli siyang umakyat at isinuot ang uniporme. Puting polo na naninilaw na sa kalumaan at isang nisnis na pantalon na slacks na kulay itim. Saglit na humarap sa salamin. Ang maikling buhok ay hinagod ng kaunti at hindi na nakuha pang suklayin.

Hinagilap ang bag at agad isinukbit sa kanang balikat sabay muling bumababa ng hagdan. Nakita ang ina sa lababong nagliligpit.

“Nay, pengeng baon.”

“Baon!? Ibaon kaya kita sa lupa. Alam mo naman wala tayong pera. Kung nakatapos kaba naman kaagad ng pag-aaral eh di sana katulong kana ng iyong ama sa pagtatrabaho. Uuwi kana man ng tanghalian kaya wag kana magbaon.” Asik ng ina niya.

“Paano kung may contibution nay? Halimbawa may namatayan tapos nahingi ng abuloy. Ano ibibigay ko?”kontra niya.

“Bakit? Sapilitan na ba ang abuloy ngayon aber!?”sagot naman uli nito.

“Wag na nga lang, ang dami niyo naman sinasabi.”sabay ikot niya at agad lumakad papalayo sa ina ng makaramdam siya ng lagutok sa likod ng ulo.

“Aray!” Kita niya ang basong plastik na ibinato ng kanyang ina na gumulong gulong pa sa lupa.

“Kailan kapa natutong sumagot sagot ha.”sermon nito.

“Siya eto ang baon oh, bilis at baka magbago pa ang isip ko.”

“Talaga! Nay!”

Mabilis siyang tumakbo papunta sa ina at agad inihain ang kanang palad. Inilapat ng kanyang ina ang barya.

“Sampung piso? Anong mabibib…”hindi na siya nakatapos ng pagsasalita ng muling dukdukin ng kanyang ina ang kanyang noo ng isa pa uling plastik na baso.

“Ayaw mo ba? Akin na uli.” Sabi ng kanyang ina.

“Pwera bawi nay, pwede na din to. Sige pasok na ko.” Paalam niya at agad tumalikod. Napatigil muli at napaharap sa ina ng marinig itong magsalita muli.

“Oy, Ogos, dadaan ka naman kina Inang Cencia di ba? Mamayang tanghali pag-uwi mo ay umutang ka ng dalawang kilong bigas at dalawang sardinas.

Pasensiya na kamo at babayaran nalang sa susunod.” Bilin nito sa kanya.

Lumabas siya ng bahay at inumpisahan tahakin ang paaralan. Malapit lang sa bahay nila ang eskuwelahan kaya kahit tanghali ay pwede siyang umuwi.

Sa pagbaybay niya sa kalsada ay sumagi sa isip niya ang hirap ng buhay na dinaranas nila. Gumugulo pa rin sa isip niya kung bakit sa mahirap na pamilya pa siya ipinanganak at hindi sa isang mayaman.

Isa siyang tipikal na highschool student.

Bangkay.

Ito ang tukso sa kanya sa paaralan na kanyang pinapasukan. Hindi na niya mabilang kung ilang paaralan na ang kanyang nalipatan. Maging ang lugar kung saan sila napatira ay hindi na niya mabilang sa daliri. Nueva Ecija, Tarlac, Bulacan, at marami pang bayan at probinsiya sa norte. Ngayon naman ay nakatira sila sa isang bayan sa timog katalugan na nasasakupan ng lalawigang Quezon.

Lucban, sa bayan na ito sila mas nagtagal. Dito kung saan nakaupo ang bundok Banahaw na dinarayo ng maraming turista. Dito rin na ang isa sa malayong kamag-anak ng kanyang ama ay nag magandang loob na patirahin sila sa isang bakanteng bahay. Isa sa dahilan ng kanilang paglipat ay ang pagiging biktima niya ng pam bubully. Halos dalawa o tatlong taon siyang napatigil ng pag-aaral dahil lamang sa pambubully ng kanyang mga kamag aral.

Sa edad na desi otso ay hindi pa rin siya nakakatapos ng highschool. Pero ewan ba niya, sa lahat na lang ng puntahan nilang lugar ay lagi siyang biktima. Marahil dahil sa kanyang itsura kaya madalas siyang kinakawawa.

Matangkad siya, sa kanyang edad ay nasa 5’9 na. Payat na payat siya at maitim, ang pisngi niya ay hupyak na hupyak dahilan para ang mata niya ay parang nakaluwa. Para na siyang buhay na bangkay sa kakulangan sa timbang. Tukso pa nga ng iba, isang bulate na lang ang hindi nakakapirma at pagpipiyestahan na siya sa ilalim ng lupa. Bagamat hindi naman siya panget na panget ay ganun na rin ang sistema dahil sa hindi din siya makapag suot ng maayos na damit.

Kalimitang sinusuot niya ay ang mga pinaglumaan ng ibang tao. Mga damit na hinihingi ng kanyang ina sa mga napapagtrabahuhan nito sa paglalabada.

Ang pambubully sa kanya ang dahilan kung bakit nawalan siya ng gana sa pag-aaral. Halos araw-araw nalang ay sapilitan ang kanyang pagpasok.

Sa kabila ng kanyang pag-iisip ay hindi niya namalayan na nasa harap na pala siya ng tindahan nina Inang Cencia.

“Lola Cencia, andiyan pa ho ba si Adrienne?”magalang niyang tanong sa matanda.

Bagkus na sumagot ay sumigaw ito.

“Adre! Andito na sundo mo!”

Si Adrienne, ito lang ang kanyang naging kaibigan sa buong buhay niya. Malayong malayo ang agwat ng pamumuhay nila dahil isa sina Adrienne sa pinakamayaman sa Barangay.

Bagamat magkahiwalay ang ama at ina nito ay hindi ito naghikahos sa buhay. Lola na niya ang halos nagpalaki sa kanya. Ang ama niya ay may pamilya ng iba na nakatira sa lungsod ng Cavite. Ang kanyang ina naman ay nasa Estados Unidos at isang interior designer doon. Tuwing kasama niya si Adrienne ay lalong tumindi ang pam bubully sa kanya. Napakaganda kasi nito sa kabila ng pagiging tomboy.

Maikli ang buhok nito, siyete ang istilo. Parang lalaking lalaki talaga kumilos. Mas lalaki pa nga sa kanya kung umasta. Biglang kumudlit sa isipan niya at naalala ang utos ng ina.

“Lola Cencia, pautang daw ho si Inay ng dalawang kilong bigas at dalawang sardinas mamayang tanghali.” Sabi niya kay Inang Cencia.

“Nako, Ogos. Ang haba na ng listahan niyo oh.” Sagot sa kaniya ng matanda habang iniladlad ang listahan.

“Babayaran naman daw ho pag sahod ni Itay.”pakiusap pa niya.

“San ba natatrabaho ngayon si Raul?”siyasat uli nito.

“Eh nag-aapply pa lang ho.”sagot niyang kakamot kamot sa ulo.

“Dyuskupo Ogos, ako nga’y tigilan mo at ke aga-aga eh binubuwisit mo itong negosyo ko.” Tugon nito ng malamang wala pang trabaho ang kanyang Itay.

Isang karpintero ang kanyang ama ngunit bihira lang ang gawa dahil hindi naman araw-araw may makukuhang magpapagawa ng bahay.

“Pakisabi sa nanay mo na pasensiya na muna ha, kahit Pacencia ang pangalan ko ay nauubusan din ako kamo ng pasensiya.”bilin nito sa kanya.

Nalungkot siya sa naging pasya ni Lola Cencia bagamat naiintindihan niya ang desisyon nito. Ikaw ba naman ang utangan ng umagang umaga at halos wala pang buwena mano.

Mga ilang saglit pa ay lumabas na si Adrienne. Naka blouse na uniporme at kahit anong pilit niyang itago ang pagkakababae ay pilit pa rin itong lumalabas ng kusa. Kita niya sa matalik na kaibigan na nakasuot ito ng breast binder chest compression para hindi bumukol ang dibdib nito.

“Pards. Kanina kapa ba?”bungad nito sa kanya.

“Hindi naman Pards.” Sagot niya sa kaibigan.

Pards ang tawagan nila sa isa’t-isa simula ng maging mag best friend sila ng first year highschool.

“Halika na.”yakag nito sa kanya.

Agad silang tumulak patungo sa paaralan. Hindi siya umiimik ng may iabot sa kanya si Adre.

“Ano to?”tanong niya.

“Bazooka.”sagot nito.

Chewing gum na naging hilig ng gawin ng kaibigan na naging kontra siya.

“Kababae mong tao, nguya ka ng nguya niyan.”sabi niya ng pabulong.

“Anong sabi mo?”pagalit na sabi ni Adre dahil alam niyang ayaw na ayaw nitong tawagin siyang babae.

“Ah wala, wala naman akong sinabi.”

“Ayaw mo ata eh.”pananakot ni Adre.

“Hindi ah, wala naman akong sinabing ayaw.”sabay abot niya sa chewing gum at binuksan.

“Parang malungkot ka ata? Tinatamad kana naman pumasok no?”urirat sa kanya ng kaibigan.

“Nakakatamad kasi ang mga subject, Aralin Panlipunan lalo. Cutting nalang tayo?”yakag niya sa kaibigan.

“Ulol! Lahat naman ng subject tinatamad ka eh. Wala kabang pangarap na makapag tapos ng pag-aaral at tulungan ang mga magulang mo?” Wika nito sa kanya.

Hindi siya nakaimik sa mga tinuran ng kaibigan. Ito palagi ang lagi nitong pina aalala sa tuwing nakikita nito na wala siyang gana mag-aral.

Taong 2005, Fourth year highschool na sila at kakaumpisa pa lang ng pasukan. Ilang buwan na lang ang titiisin niya at pwede na siyang mag liwaliw. Plano niya na pagkatapos ng highschool ay samahan na lang ang ama sa trabaho. Wala rin naman siyang balak mag-aral sa kolehiyo at nakikita niyang walang kakayahan ang magulang niyang tugunan iyon.

Patuloy pa rin sila sa paglakad at hindi sinagot ang tanong ng kaibigan. Sa sobrang lapit nila sa isa’t-isa ay kapa na nila ang ugali ng bawat isa.

“May iba kapa bang problema bukod sa tinatamad kang pumasok?”usisa pa uli ni Adre.

Hindi na siya nagpaligoy ligoy pa dahil wala na naman siyang dapat pang ikahiya sa kaibigan dahil alam naman nito ang kanilang kalagayan.

“Pards, pwede mo ba akong idiskarte sa Lola mo ng dalawang kilong bigas at dalawang sardinas.?”pakiusap niya dito.

Napatingin sa kaniya si Adre na medyo nakangiti at hindi nagtagal ay tuluyan na itong tumawa.

“Yun ba? Yun ba problema mo?”tanong nito sa kanya habang tumatawa.

“Pards naman eh, tinatawanan mo ata ako eh.”sabi niya.

“Hindi naman Pards, pero yung mga ganoong bagay wag mo ng alalahanin at magsabi ka lang sakin.”

“Salamat Adre, buti kapa at walang problema. Naiingit nga ako sayo eh.” Sabi muli niya sa kaibigang tomboy.

“Ano ka ba Pards. Ako nga ang naiingit sayo dahil kumpleto at kasama mo ang pamilya mo. Kung ako siguro nasa katayuan mo, wala na akong ibang gagawin kundi mag-aral ng mag-aral.”pangaral nito sa kanya.

Sa winikang iyon ng kaibigan ay parang gumaan ang loob niya. Tama nga ito at busog siya sa pangaral sa kanyang mga magulang lalung-lalo na sa mga mura ng kanyang ina. Bunganga pa lang ng kanyang ina ay solb na at kahit hindi na magtanghaliaan ay busog na siya.

“Kailan ba uuwi ang Mommy mo?”pagbabalik niya ng tema.

“Hindi ko alam eh, pabagu bago kasi. Sabi niya February tapos April tapos May, anong buwan na ngayon? June na kaya hindi na rin ako umaasa.”sabi ng kaibigan na halatang nalungkot.

Labis siyang nagsisi kung bakit inungkat pa niya ang pag-uwi ng ina nito galing amerika. Agad siyang tumigil sa paglakad at napahinto rin si Adre.

“Oh bakit?”takang tanong ni Adre.

Umarte siya at nag kunwaring may mabigat na dinadala at saka biglang humirit sa kaibigan.

“Pwede bang….. samahan mo na rin ng chicharong baboy at tsaka yun bigas na Simangdomeng ang kuhanin mo.”

Agad napatawa ang kaibigan at nawala ang lungkot nito na siya rin ang nag-umpisa.

“Bugok! Sinandomeng!”sabi nito.

Marahil ito ang naging dahilan kung bakit naging malapit sila ni Adre. Ang mga sense of humor niya na laging patok at mabenta sa kaibigan.

Sinapit nila ang gate ng paaralan. Sa paglakad nila sa hallway na papunta sa kanilang classroom ay ang mga nakatambay na third year. Pagdaan nila ay pinatid siya ng isang estudyante na nakatambay.

Nakita iyon ng kaibigang si Adre.

“Wala kabang gagawin?”tanong nito sa kanya.

“Hayaan mo na, halika na.”yakag niya kay Adre.

Sa paglakad niya’y hinawakan siya ni Adre sa braso. Pinipigilan siya nitong umalis at parang sinasabi na huwag palampasin ang ginawa sa kaniya dahil mas senior sila.

Binitawan siya nito at akmang babalik sa mga nakatambay na third year ng pigilan niya ito.

“Wag na Adre, hayaan mo na. Hindi mo ba kilala yan? Anak yan ni Mrs. Rodriguez.”pangungumbinsi niya sa kaibigan habang hawak ang braso na hinihila papuntang classroom.

“Eh ano, hindi porke’t anak sila ng teacher ay pwede na silang mang api ng ibang estudyante.”sabay tanggal ng kaniyang kamay at tuluyang lumapit sa mga ito. Wala na siyang nagawa kundi sumunod.

Ganito lagi si Adre sa buhay niya. Ang kanyang tagapag tanggol sa mga nang-aapi sa kanya. Inaamin niya na napapahiya siya dahil sa kabila ng pinamatangkad at pinaka matanda sa paaralan ay siya pa ang nabubully at pinagtatanggol ng isang babae.

“Hoy! Anong problema mo ha? Bakit mo pinatid tong kaibigan ko?”matapang na sigaw ni Adre.

“Wala lang, para kasing palito yun kaibigan mo.”sabay tawanan ng mga kasamahan nito.

Dahil sa narinig na pangungutya sa kanya ay lalong nagpanting ang tainga ni Adre. Lalo siyang lumapit sa anak ni Mrs. Rodriguez. Agad naman itong tumayo at iniuna ang dibdib.

Matangkad din ang anak ni Mrs. Rodriguez. Mana ito sa tatay nitong 6 footer. Halos hanggang dibdib lang si Adre ng magtapat sila.

Mga ilang saglit din silang magkaharap at kinakalabit niya si Adre para yakagin ng umalis subalit hindi ito natitinag.

Yumuko ng kaunti ang anak ni Mrs. Rodriguez para magtapat ang mukha nila ni Adre at nagsalita ito.

“Alam mo kung hindi ka lang tomboy niligawan na kita.”pangaasar nito habang ang mga kasamahan ay nagbubungisngisan.

“Hoy! Kung ako hindi tomboy. Hindi kita papatulan bukod sa panget kana ay ang baho pa ng hininga mo.” Walang gatol na sabi nito.

Tinamaan ang anak ni Mrs. Rodriguez at hindi nakapag salita. Parang napansin niya na nangingilid ang luha nito sa pagkapahiya.

Muling kinuha ni Adre ang sitwasyong habang tulala ang kausap.

“Ano! Hindi ka makapag salita kasi sisingaw ang bad breath mo?”sulsol pa nito.

Nakita niya na kung kanina ay sila ang pinagtatawanan ng mga kasama nito ay parang nabaligtad na ngayon. Pinagbubulungan ngayon ang anak ni Mrs. Rodriguez ng mga kasama nito.

Kita niya sa mukha nito na parang iiyak na.

“Isusumbong ko kayo kay mama.”pananakot nito sa magkaibigan.

“Huh! Eh di magsumbong ka. Ang laki laki mo manunumbong ka pala.”pang-aasar pa ni Adre.

Hindi nagtagal ay nagyakag ng umalis si Adre patungo sa classroom.

“Ang galing mo Pards. Parang iiyak na si Paul. Pero siguradong yari tayo kay Mrs. Rodriguez.”

Si Mrs. Rodriguez. Guro nila sa Araling Panlipunan at nagsisilbi nilang adviser sa kanilang section. Malupit ito at mataray. Manang mana ang anak nito sa kasamaan ng ugali.

“Hayaan mo sila. Kaysa naman na lagi kang pinagkakaisahan.”

“Salamat ha, ewan ko ba, para kasing nanginginig na ako sa kaba kapag mga ganoong sitwasyon.”paliwanag niya sa kaibigan.

“Tanda mo pa ba ang sabi ni Mommy ng umuwi siya at kausapin ka?”

“Oo, bantayan daw kita at ipagtanggol”sagot niya.

“Yon naman pala eh. Paano mo ako ipatatanggol kung duduwag duwag ka.” Sumbat sa kanya ni Adre.

“Pasensiya na.”malungkot niyang tugon.

“Hayaan mo na nga yun. Halika na.” Sabay silang pumasok at umupo sa lagi nilang pinag-uupuan sa may unahang hanay.

Lumipas ang oras at inip na inip siya sa mga subject na nagdaan. Ang utak niya ay lumilipad hanggang sa dumating ang kanilang huling subject ng umagang iyon.

Araling Panlipunan, kung saan ang pinaka ayaw niyang guro ang nagtuturo at nagkataon pang adviser din nila.

Pumasok si Mrs. Rodriguez ng nakasimangot. Parang nakaramdam siya na ang dahilan noon ay ang nangyari kanina. Isa kasing kunsintidora itong si Mrs. Rodriguez. Walang anu-ano’y nagsalita ito.

“Open your book to page 60 to 75. Basahin niyo at magkakaroon ako ng Oral Recitation sa inyong lahat. Isa-isa kayo.”masungit na sabi nito.

Mabilis na hinalungkat ng lahat ang kanilang mga bag at kinuha ang aklat maliban sa kanya na nakasilip lang sa back pack na nakapatong sa kanyang armchair.

“Putcha!” Bulong niya na narinig din ng katabing si Adre.

“Bakit?”tanong nito sa kanya.

“Panghapong subject ang dala ko.”iiling iling niyang tugon.

Napatawa si Adre.

“Ayaw mo non, hindi kana magpapalit mamaya. Eto share tayo.”alok ng kaibigan.

“Yari tayo, sigurado hihirapan ni Ma’am ang tanong sa atin.”bulong niya sa kaibigan habang unti unting inaabot ang aklat.

“Ano bang kinakatakot mo? Di mag aral ka para kahit anong itanong sayo ay masagot mo.” Payo ni Adre sa kanya.

Napansin ni Adre na hindi siya nagbabasa ng libro at kung may anong ginagawa.

“Anong ginagawa mo Ogos?”pabulong nitong tanong.

“Finger cross, Pards. Sana mapaanak na si Ma’am mamaya.”

“Sira!, November pa due date niyan bugok. Mag leleave na din yan sa katapusan.”kontra ni Adre.

Lumipas ang binigay na oras ni Mrs. Rodriguez at nag-umpisa muli itong pumunta sa harapan.

“Class, bago tayo magumpisa. Ayokong ayoko na mabalitaan na makikipag away kayo sa ibang year at kayo pa mismo ang mag uumpisa lalo pa at dito sa loob ng paaralan. Lalabas akong kahiya hiya niyan at ako ang adviser niyo.” Sermon nito na halatang pinatatamaan sila ni Adre.

“Adrienne, August. Ano bang nangyari at inaway niyo daw si Paul.”tanong nito sa kanila at kinuha na ang oras sa pagtuturo para sila sermunan. Hindi man lang sila kinausap ng pribado.

“Ma’am yun anak niyo ho ang nag umpisa. Sadyang tinalapid si Ogos at binubully.”pagtatanggol ni Adre.

Sa narinig ay lalong bumagsik si Mrs. Rodriguez.

“Aba! Adrienne, hindi porke main sponsor ng school na ito ang iyong mommy ay pwede kanang mang away basta basta.”

Alma mater ng mommy ni Adre ang pinapasukan nila kaya lahat ng donation galing amerika ay dito bumabagsak. Nagpatayo pa nga ng isang building dito ang ina nito.

“Ma’am, wala hong kinalaman ang mommy ko dito. Ang anak niyo ang hindi niyo tinuturuan ng magandang asal.”sagot nito ng hindi mapigilan ang sarili ng idamay ang kanyang ina.

“Aba’t! I want to see your guardian. Ma…..”napatigil si Mrs. Rodriguez na hawak ang tiyan at ang pag agos ng likido sa binti nito.

“Class, tu-tulong, manganganak na ata ako.”

Agad nag sitakbuhan ang kanilang mga kaklase para tulungan ang kanilang guro. Nanatili silang nakaupo sa silya.

“Galing mo Pards. Nagkatotoo ang hiling mo.”tuwang tuwang wika ni Adre sa kanya.

Dahil sa pangyayari ay napaaga ng kaunti ang kanilang uwian at gaya ng kinagawian ay sabay sila ni Adre.

1 comments On August Love Story

Comments are closed.

Site Footer

Sliding Sidebar

error: Content is protected !!