Ika Labing Syam na Pahina

Nagulantang si Caleb sa narinig mula sa dalaga.

Nangatal ang kanyang mga labi.

Nanginig na tila nilalamig.

"W-what did you just say ? " mahinang tanong nya.

Humagikgik si Valerie.

"Wala akong sinabi. Matulog na tayo. " sabi nya.

Unti unting napangiti si Caleb.

"Hmm. Kala mo di ko tatandaan yang sinabi mo ha ? Ayaw mo ng kiss dito sa phone. Gusto mo sa personal. " bulong nya.

"Oops, wala kang ibidinsya. " biro ni Valerie.

"Yeah. Wala nga, pero alam ko ang narinig ko. Anyway, you have to sleep, it's past 1am. " sambit ni Caleb.

"Okay. Ikaw rin matulog ka na. Puyat ka eh. Bumawi ka ng tulog habang may nagbabantay sa Daddy mo." lambing ng dalaga.

Kinilig si Caleb sa simpleng pag aalala ni Valerie.

"Sure. Basta sabi mo. Ingat ka sa pagpasok tomorrow ha ? " masuyong bilin nya.

"Opo. " sagot ng dalaga.

Saglit na di nakapagsalita ang dalawa.

Pero kahit na ganito, hindi nakakaramdam ng pagkabagot ang kahit sino sa kanila.

Hanggang sa di nakatiis si Caleb.

"Val. " tawag nya.

"Yes ? " sagot ng dalaga.

Huminga ng malalim si Caleb.

"M-makaraos lang si Dad. G-gusto kong pormal na manligaw sayo. " paalam nya.

..

Sa kabilang linya.

Halos mabitawan ni Valerie ang hawak na phone dahil sa kabiglaan.

Bagama't alam na nyang duon din pupunta ang lahat, di pa rin nya akalaing ganito kalakas ang dating nga mga simpleng salita na ito sa kanyang pagkatao.

Tila idinuyan sa alapaap ang pakiramdam ng dalaga dahil sa narinig.

Di nya maiwasang mapangiti.

"O-okay. " kinikilig na sagot nya.

"Sige na. Maaga ka pa tomorrow. Just always take care of yourself ha ? Always stay beautiful. " paalala ni Caleb.

Lalong kinilig si Valerie.

"Ikaw rin. Alagaan mo ang sarili mo. Wag masyadong magpapabaya at lagi kang kakain ng marami. " bawi nya.

"Opo. " sagot ni Caleb.

Napangiti si Valerie.

"Goodnight. " sabi nya.

"Good morning baby. " pagtatama ni Caleb.

Ngumiti ng matamis si Val.

"Good morning b-baby. " bulong nya.

Saglit pa silang nagpakiramdaman bago nya masuyong pinindot ang end call button.

Ilang sandali nya munang tinitigan ang cellphone bago nakangiting nilapag ito sa katabing mesa.

Dinampot ni Valerie ang isang mahabang unan at mahigpit na niyakap.

"Baby. Goodnight. " bulong nya sabay halik dito.

..

Samantalang sa kabilang linya.

Di makapaniwala si Caleb sa tinakbo ng kanilang usapan.

Parang nangalay ang kanyang panga dahil kanina pa ito di masawata sa pagngiti.

Mula ng umuwi sya galing sa pagtakas mula sa ibang bansa, bibihira na syang mapangiti dahil sa sandamakmak na problemang dumating sa kanyang buhay.

Tila walang rason para sya ay magsaya.

Pero nitong mga nakaraang araw, mukhang muli nyang nalaman ang dahilan ng pagngiti.

At alam na alam nya ang dahilan na iyon.

Si Ms. Laway.

Naalala pa ni Caleb kung paano sila magtalo ng tyahin dahil sa pagpipilit nitong pumasok sya at mag aral.

..

( Nakaraan. )

1 araw bago pormal na magbukas ang klase.

Kagagaling lamang ni Amy sa highschool kung saan ini-enroll nya ang pamangkin.

Bagama't ayaw nitong mag aral, naisip nyang kagagalitan sya ng kapatid kung sakaling hahayaan nyang mapabayaan ni Caleb ang pag aaral nito.

Kaya tumatanggi ang binata, palihim nya itong pinasok sa pampublikong highschool.

Magalit na kung magalit si Caleb.

Bilang guro, mahalaga sa kanya ang edukasyon kaya di sya papayag na balewalain ito ng binata.

Kipkip ni Amy folder na naglalaman ng requirements ng binata sa kili kili habang hawak sa kaliwang kamay ang isang plastik ng pagkain, inangat nya ang kanang kamay para kumatok sa pinto.

Ngunit nakailang katok na sya pero wala paring nagbubukas.

Nagtaka ang dalagang guro, marahil ay nasa banyo ang pamangkin.

Nagpasya na syang buksan ang pinto at pumasok.

Matapos isara, dumiretso sa loob si Amy para lamang mahabag sa nabungaran.

Kasalukuyang nakabaluktot si Caleb sa isang upuan.

Pilit pinagkakasya ang malaking katawan.

Ngunit kahit na mahirap ang kinalalagyan, tulog na tulog ang binata.

Hinaplos ang pusong maawain ni Amy.

Batid nya ang sakripisyo ni Caleb nitong mga nakaraang araw.

Naging abala kasi sya sa pag aasikaso sa mga kakailanganin sa eskwelahang pinaglilingkuran.

Dahil dito, halos isang linggong tanging ang binata ang nagbabantay sa ama nitong comatose.

..

Napahinga ng malalim si Amy para pigilan ang pagluha.

Nilapag nya ang mga dala sa mesa at tsinek ang nakatatandang kapatid.

Nakapanlulumong wala pa ring pagbabago sa status nito.

Mag iisang buwan na sila sa ospital at hindi biro ang kanilang ginagastos sa bawat paglipas ng mga araw na pananatili dito.

Malapit ng maubos ang kanyang ipon pati na rin ang ipon ng kanyang kuya.

Konting konti na lang ang kanilang budget.

Pero ayaw nya itong isiping mabuti.

Madali lamang gumawa ng pera, kung kailangan nyang magtrabaho ng bente kwatro oras, gagawin nya, maibalik lamang ang pagsasakripisyo ng kapatid nuong sya pa ang nag aaral pa.

Muling napahinga ng malalim si Amy.

Hinalikan nya sa pisngi ang kapatid at nilapitan na ang pamangkin.

Hinila nya ang isang bangko at naupo sa harap nito.

Napangiti ng kimi si Amy.

Gwapo talaga ang pamangkin nyang ito, kamukhang kamukha ng kanilang ama.

Kaya nga Caleb ang ipinangalan sa binata.

Sinunod ng kanyang Kuya sa pangalan ng kanilang butihing ama.

Napangiti si Amy.

Dahil sa lumaki sa states ang binata, Caleb na ang naging pangalan nito.

Pero para sa kanya, ito si Ador.

Natawa ng marahan ang dalagang guro.

Batid nyang kung naririnig sya ng pamangkin, siguradong maiinis ito sa kanya.

Mabaho nga naman ang pangalang Ador kumpara sa Caleb.

Pero wala syang pakialam.

Lambing na lang nya ito sa mga pamangkin.

Tulad ng kambal ng binata na si Coleen.

Kuling ang tawag nya dito na ikinaiinis din ng dalaga.

Ng maalala ang kakambal ni Caleb ay bigla syang tila nalungkot.

Maraming emails mula rito ang kanyang natatanggap.

Kadalasan ay puro sentimyento ukol sa mahigpit na Lola.

Nais daw nitong pasyalan ang ama ngunit mahigpit na tinutulan ina ng ina.

Inggit na inggit daw ito sa kapatid dahil nagagawa na ng kuya nito ang gusto.

Kung alam lang sana ni Coleen ang sitwasyon ng kuya nito at ng ama.

..

Tumingala si Amy para pigilin ang luha.

Awang awa sya sa kinahinatnan ng pamilya ng kanyang kuya.

Dahil sa hindi pagkakasundo nito at ng mga magulang ng napangasawa, nagpasya ang kanyang kapatid na dalhin ang mag iina pabalik ng Pilipinas.

Pero palihim lamang para hindi mapigilan ng mga biyenan.

Ayos na sana ang lahat.

Nagdahilan lamang ang kanyang kuya na dadalawin ang nag iisang kapatid na walang iba kundi sya.

Matagumpay itong nakauwi.

Pero ito lamang ang nakauwi.

Nalaman ng mga magulang ng asawa nitong si Harriet ang planong pagsunod sa asawa nito dala ang mga anak.

At hindi na nga sila nagkita pa mula nuon.

..

Pinilig ni Amy ang ulo.

Matagal na panahon na rin ang lumipas mula ng mangyari ang lahat na tila kahapon lamang.

At sa mahabang panahon na ito, nakita nya ang pagdusura ng kapatid malayo sa pamilya nito.

Ilang beses na nagtangka ang kuya Gab nya na muling kunin ang mag iina.

Pero nagulat na lamang sya ng bigla itong tumigil isang araw sa di nya malamang dahilan.

Duon nagsimulang sirain ng kapatid ang buhay nito sa pamamagitan ng araw araw na pag inom.

At marahil ay dito nito nakuha ang sakit na naghatid dito ospital.

Huminga ng malalim si Amy.

Nais nyang pigilin ang emosyong mabilis na sumasakop sa kanyang pagkatao.

Bata pa lamang sya ay sanay na syang tumatakbo sa kanyang kuya kapag nalulungkot.

Pero paano nya ito magagawa, kung ang mismong kapatid ang dahilan ng kanyang kalungkutan.

"Tita ? " boses ni Caleb.

Nagulat si Amy at mabilis na pinahid ang mga luhang nagbabantang magbagsakan mula sa kanyang pisngi.

Pinilit nya ang sariling ngumiti at sinalubong ang titig ng pamangkin.

Dahil sa ginawa, para narin syang nakipagtitigan sa mismong kuya nya.

"G-gising ka na pala. " tanging nasabi nya.

Ngumisi si Caleb.

"Ay hindi po, tulog pa ko. " biro nya.

Natawa si Amy at pinalo sa braso ang pamangkin.

"Siraulo ka talaga. Kamusta ? May dala akong almusal. Kumain ka na." sabi nya.

Ngumiti si Caleb at inayos ang sarili.

Pasimple nyang hinilot ang sentido.

"Kamusta ang po ang lakad nyo Tyang ? " tanong nya.

"Ayos naman. Nagbawas ako ng work load. Alam mo naman, kailangan nating bantayan ang Dad mo. Baka bigla syang magising tapos natutulog ka eh. " sabi ng dalaga.

Tumayo si Caleb at nagtungo sa banyo para maghilamos.

Ilang sandali ang lumipas ay presko na ang binata.

Nilapitan nya ang mga dala ng tyahin at isa isang hinanda.

"Ayos lang naman ako Tyang eh. Kaya ko naman kahit ako mag isa. " sabi nya.

Ngumiti si Amy at pinagmasdan ang pagkilos ng pamangkin.

"Pwede ba naman kitang pabayaan na ikaw lang ang nandito ? Wag na nating pagtalunan yon. May sopas dyan. " sambit nya.

Nagkibit balikat lang si Caleb at pasimpleng pinagmasdan ang ama.

Kung ano ang itsura nito ng makatulog sya, ganun din ang itsura nito ngayon.

Bumuntong hininga ang binata.

"Tyang, magkano pa po budget natin ? " tanong nya.

Nabigla si Amy.

Pero mabilis syang ngumiti.

"A-ayos pa naman. Wag mo na sabing isipin yon eh. Yakang yaka pa. " biro nya.

Tahimik na hinanda ni Caleb ang mga pagkain.

Bigla syang natigilan ng may mapasin.

"Ano po to Tyang ? " tanong ng binata at dinampot ang isang folder.

Napangiti si Amy.

"Tingnan mo. " sabi nya.

Binuksan nga ng binata ang folder para lamang mapanganga.

Mabilis nyang pinasadahan ng tingin ang mga dokumentong nasa loob.

"A-ano po to ? " tanong ng binata.

"Transfer records. Nahirapan akong gapangin yan. Buti na lang nagawan ng paraan ni Kuling. " sagot ni Amy.

Kumunot ang noo ni Caleb.

"Pero para saan po ito ? Baka malaman ni Lola kung nasan ako. " sabi nya.

"Don't worry iho. Sinabihan ko ang kapatid mo na ilihim ang ginawa namin. Kailangan mo yan eh. " wika ni Amy.

"Pero para saan nga po ? " muling tanong ni Caleb.

"Mag aaral ka. " tipid na sagot ni Amy.

Napanganga si Caleb.

"Tyang ! Sabi ko nga po pass muna ako this year eh. " paalala nya.

Umiling si Amy.

"No no no no. Hindi pwede ang sinasabi mo Calebrador. " sabi nya.

Napangiwi si Caleb ng marinig ang pangalan.

Pero hindi nya ito pinansin.

"Tyang, nag usap na po tayo eh. " paalala nya.

"Alam ko. Pero pumayag na ba ako sa gusto mo ? " tanong ni Amy.

"Tyang naman eh. Wala pong tao dito kapag pumasok ako ! " giit ni Caleb.

"Alam ko na yan. Kaya nga inayos ko na yung sched ko eh. 4 hours na lang akong magtuturo at sa hapon pa. Pang umaga ka kaya nandito ka sa hapon. Ikaw ang magbabantay habang nagtuturo ako. " katwiran ni Amy.

Pero di pa rin nag paawat si Caleb.

"Tyang, mahihirapan akong bumyahe. Tapos baon pa araw araw at projects. Dagdag gastos lang po. " giit nya.

"Wag kang mag aalala. Nakabudget na yang allowance at baon mo. Tapos walking distance lang dito sa ospital yung school. So after class, dito ka didiretso para ako naman ang papasok. Then after kong pumasok, uuwi ako sa bahay para magbihis then babalik dito para ikaw naman ang makauwi. Gets mo ? " paliwanag ni Amy.

Natigilan si Caleb.

"P-planado nyo na Tyang ah. " tanging nasabi nya.

Napangisi si Amy.

"Ako pa ! Saka magagalit si Kuya Gab kung pababayan kong pabayaan mo ang pag aaral mo. Nakwento ko na sayo di ba ? Halos gumapang sya para lang maigapang ako. Tapos ikaw na mismong anak nya hindi ko matulungan ? Aba aba Calebrador, wag mong alisin sakin ang pagkakataon na maibalik ko kay kuya ang sakripisyo nya nuong ako ang nag aaral. " litanya nya.

Muling napangiwi si Caleb ng marinig ang pangalan.

"T-tyang naman eh. " sabi nya.

"Wag mo kong maTyang Tyang dyan at baka tadyakan kita. Hala at mag almusal ka na tapos plantsahin mo yung binili kong uniporme mo. " mataray na utos ni Amy.

Napasimangot si Caleb.

"Sabi ko na eh. May purpose yung uniform na yon. Sabi nyo pinatago lang sa inyo. " sumbat nya.

Natawa bigla si Amy.

"Sige na sige na. Wag ka ng maarte. Basta galingan mo sa eskwela. Wag mo kong ipapahiya. Huh ! Try mo ding abutin yung grades ko nung ako ang nag aaral. " pagyayabang nya.

Natawa na lang si Caleb at napailing.

"Tyang talaga. Daming alam. " tanging nasabi nya.

..

( Kasalukuyan )

Napailing si Caleb.

Mukhang kailangan nyang magpasalamat sa Tyahin dahil sa pagpipilit nitong pag aralin sya.

Mabuti na lamang at kahit na labag sa loob, sumunod sya at pumasok sa eskwela.

Kung hindi ay hindi nya makikilala ang dalaga.

Napangiti ng maluwang si Caleb at itinabi na sa side table ang cellphone.

Di nya maitatangging may espesyal syang nararamdaman sa dalaga.

Batid nya ang nararamdaman at nasasabik sya sa mga susunod na mangyayari sa kanila.

Pero di nya kailangang madaliin ang sitwasyon.

Masyado pang maraming kailangang ayusin bago nya bibigyang laya ang sariling kapritso.

Alam naman nyang kasama nya ang dalaga sa pag aayos sa mga problemang ito.

Lalong napangiti si Caleb.

Sinilip nya ang kambal at binalot ng pagmamahal ang kanyang puso ng makita ang maamo nitong mukha.

Himbing na natutulog si Coleen.

Yakap ang isang stuffed toy na regalo walang iba kundi ng kanilang ama.

Matagal na ang stuffed toy na ito, marahil ay limang taon na ang tanda pero parang kahapon lamang binili.

Tulad nya, mahal na mahal din ni Coleen ang kanilang ama kaya naiintindihan nya ang sakit na nararamdaman nito.

Pero kailangan nyang magpakatatag.

..

Dinampian ng masuyong halik ni Caleb sa noo ang kapatid.

Kinuha nya ang kumot at binalot ito sa katawan ng dalaga.

Humiga sya sa tabi nito at nagmuni muni.

Ngunit ilang minuto ang lumipas, di pa rin dinadalaw ng antok ang binata.

Marahil ay dahil sa sayang nararamdaman sa mga oras na iyon.

Napangisi na lamang si Caleb at nagpasyang tumayo.

Kinuha nya ang cellphone at tinext ang dalaga.

"Sweet dreams baby. :* " text nya.

Napangiti si Caleb at tiningnan ang oras sa cellphone.

"Mag aalas dos na pala. Kailangan ko ng matulog. " sabi nya sa sarili.

Pero di pa talaga sya inaantok.

Sa mga ganitong oras, marahil ay natutulog na rin ang tyahin sa comforter na binili nya.

"Haaayyyy. " bumuntong hininga si Caleb.

Napatingin sya sa bintana.

Bumangon at lumapit.

"Hmm, magbabad muna kaya ako sa pool ? " bulong ni Caleb sa sarili.

Muli syang napatingin sa pool.

"Tulog pa naman siguro si Mom. Sabi ni Ate Lisa, kakauwi lang daw nya. For sure na tulog na tulog yon dahil sa pagod sa byahe. " sa isip isip ni Caleb.

Nagkibit balikat ang binata.

Nilampasan nya ang natutulog na si Coleen at dahan dahang lumabas ng pinto.

Ginala nya ang paningin sa hallway.

"Walang tao. " nakangising bulong ni Caleb.

Para syang ninja na tinahak ang sariling kwarto.

Binuksan ang pinto at dali daling nagkalkal ng panligo.

Ng makita ang hinahanap, mabilis na lumabas si Caleb sa sariling silid at nagmamadaling bumaba sa hagdan.

Kahit madilim ang paligid, kabisado nya ang sariling tahanan.

Dire diretso sya sa pool area.

Mabilis na hinubad ang T-Shirt at parang batang tumalon sa tubig.

Lumikha ng ingay ang ginawang pagdive ni Caleb.

Pero di nya ito inalintana.

Matagal tagal na rin syang hindi nakakalangoy kaya sasamantalahin na nya ang pagkakataon.

Ilang ulit din syang nagpabalik balik bago iginupo ng pagod.

Parang baliw na ngumiti si Caleb at nahiga sa gilid.

Pinagmasdan ang mga bituin sa kalangitan.

Nagulat sya ng may makitang bulalaw na dumaan.

Pinikit ni Caleb ang mga mata.

"Sana. Sana matapos na ang lahat ng problema. Gumaling na sana si Dad at magkabalikan na sila ni Mommy. Sana matanggap na rin kami ni Lola. At sana mahalin din ako ni V - " pinigilan ng binata ang paghiling ng makarinig ng kaluskos.

Dali dali syang bumangon at sininop ang mga hinubad na damit.

Akmang tatakbo sya papasok sa bahay ng may magsalita.

"A-anak ? " boses ng babae.

Natigilan si Caleb.

Kahit na matagal na silang di nag - uusap ng ina, hinding hindi nya malilimutan ang boses ng nag silang sa kanya.

Huminto ang binata sa napipintong pagtakbo.

Unti unting bumilis ang pagtibok ng kanyang puso.

Hinanda na nya ang sarili sa mahaba habang sermon.

Ngunit lumipas ang ilang sandali, walang nagsalita.

Kumunot ang noo ni Caleb at dahan dahang lumingon.

Nuon nya nakita ang ina.

Nakatayo lamang ito bungad ng sliding door.

"Calebrado, ikaw ba yan ? " tanong ni Harriet.

Napalunok si Caleb.

"O-opo. " sagot nya.

Kahit sa madilim na paligid, nakita ni Caleb ang pagngiti ng ina.

Duon sya nagtaka.

..

Marahang lumapit si Harriet.

Unti unting binabalot ang kanyang pagkatao para sa pangungulila sa panganay na anak.

"A-anong ginagawa mo ? " tanong nya.

Napalunok si Caleb.

"L-lumalangoy lang po Mom. P-pauwi na po ako. " sagot nya.

Ngumiti ng malungkot si Harriet.

"Uuwi ? But you are home anak. " bulong nya.

Nagulat si Caleb.

"M-mom. " tanging nasabi nya.

Unti unting bumagsak ang kanina pa pinipigilang pagluha ni Harriet.

Kahit basa ang katawan ng anak, di nya pinigilan ang sariling dambahin ito at yakapin ng mahigpit.

"I m-missed you anak. W-wag mo ng iiwan si Mommy ha ? " umiiyak na hagulgol ng ina.

Nanlaki ang mga mata ni Caleb.

Bumuka ang kanyang bibig ngunit walang salitang namutawi duon.

Kusang umangat ang kanyang dalawang kamay at pumalibot sa ina.

"M-mommy ! " sambit ng binata.

Umiyak ang dalawa sa bisig ng isa't isa.

Napaupo na sila sa sahig ngunit hindi sila nagbitiw.

Halos limang minuto ang lumipas ng magsalita si Caleb.

"M-mom. S-sorry po sa pagpapasaway ko. " sabi nya.

Umiiyak na umiling si Harriet.

"You don't have to say sorry. It's my fault anak. Please, please forgive Mommy. " wika nya.

Pinilit ni Caleb ang ngumiti at pinunasan ang mga luha ng ina.

"Wag ka na pong umiyak Mom. " sabi nya.

Umiling ulit si Harriet.

"Kung alam mo lang ang kagustuhan kong pauwiin ka na anak. Sana patawarin mo si Mommy ha ? " tanong nito.

Napangiti si Caleb at hinalikan ang noo ng ina.

"Wala kang kasalanan Mom. Ako po ang nagpasaway. Sorry po. " sagot nya.

"Dito ka na uuwi anak ha ? " parang batang tanong ni Harriet.

Natigilan si Caleb ng maalala ang ama.

"M-mommy. M-may sasabihin po ako sa inyo. " sabi nya.

Tumitig si Harriet sa mga mata ng anak.

Dahil sa ginawa nyang ito, para na rin syang tumitig sa mga mata ng pinakamamahal na kabiyak.

ITUTULOY !!!