Panimula

"Good morning class, I am Mrs. Jean Senining. Ako ang magiging class adviser nyo for this year. Nice to meet you guys. " nakangiting panimula ng guro.

Agad na nilista ni Valerie ang pangalan ng adviser nila sa isang pirasong papel.

Pati na ang oras at subject nito.

Matapos ilista ang lahat ay nagsimula na syang makinig sa guro.

Hindi nito nilihim ang bigat ng mga hamon para sa kanilang mga graduatings sa taong ito.

"Hindi naman siguro kaila sa inyo na sa susunod na taon ay papasok na ang K-12 Program. At di ko masasabi kung maswerte ba kayo o hindi dahil hindi nyo ito inabutan. Maswerte kayo dahil mas hindi nyo na kailangan pang magbuno ng isa pang taon sa highschool pero masasabi ko ring sayang ang pagkakataon kasi dagdag kaalaman din ito para sa inyo. " paliwanag ng guro.

Napaismid si Valerie.

Bagama't gustong gusto nya ang pag aaral, hindi applicable para sa pamilya nila ang nasabing K-12 program.

..

Nagpatuloy sa pagsasalita ang teacher.

Nanatili namang nakikinig si Valerie ng bigla syang makaramdam ng pagkalabit sa kanyang likod.

Pasimple syang lumingon.

Ngunit bigla syang natulala ng salubungin ng pinakamagandang pares ng mga matang kanyang nakita.

"Psst, may ballpen ka ba ? " tanong ng binata sa likod nya.

Agad na naglaho ang pantasya ni Valerie.

Napasimangot sya at umiling.

"Wala. " matipid nyang sagot.

Tumango ang binata sa likod at sumandal sa upuan.

Agad namang binalik ni Valerie ang tingin nya sa guro ngunit batid nyang wala na ang kanyang isip dito.

..

Nagpatuloy pa ang guro.

Kung saan saan umabot ang talakayan nila at kahit papaano ay nakalimuitan ni Valerie ang tungkol sa nilalang sa kanyang likod.

"Okay class, maglabas kayo ng 1 half sheet of paper, lengthwise. " sabi ng teacher.

Napaungol ang buong klase.

Natawa naman ang guro.

"Oops, wag nyong isipin na balak kong sirain ang first day nyo. Syempre hayahay muna kayo, alam ko naman yon. Kailangan lang talaga namin ang opinyon nyo sa bagay na ito. Sige na guys, wag ng magpacute pa at wala naman kayong magagawa. " biro ni Mrs. Senining.

Natawa na lang din ang klase at isa isa ng naglabasan ng mga gamit.

..

Napabuntong hininga si Valerie.

First day pa lamang ng klase ay mukhang mababawasan na ang bagong biling papel nya.

Wala syang 1 half lengthwise at wala syang balak bumili ng ganon.

Kailangan nyang maging praktikal kaya 1 whole pad ang binili nya para sa mga ganitong pagkakataon.

Hinugot nya sa bag ang papel.

Maging ang ginagamit nyang bag ay galing sa kapitbahay nila na pinaglumaan nito.

Mahirap lang kasi sila.

Tricycle driver ang tatay nya samantalang suma - sideline na manikurista ang kanyang ina sa mga kapitbahay para kahit papaano ay makatulong sa kanilang pang araw araw na gastusin.

Tatlo silang magkakapatid ay sya ang minalas na panganay kaya naatang sa kanya ang mas mabigat na responsibilidad.

Pero kahit na ganuon, hindi nya makuhang magreklamo.

Masyado nyang mahal ang kanyang pamilya para sa mga reklamo.

..

Tulad ng naisip, nilabas ni Valerie ang buong pad paper at pumilas ng isa.

Pagkatapos ay muli nyang binalik sa bag ang papel dahil baka putaktehin sya ng mga "buraot" sa klase.

Hindi sya maramot, sadyang kailangan nya lang magtipid dahil ayaw nyang makadagdag pa sa gastusin nila sa bahay ang papel na ito.

Ng maipasok na sa bag ang papel ay hinarap na ni Valirie ang dapat gawin.

Hinawakan nya ang dalawang dulo ng papel at pinagdikit ang dalawang dulo.

Pasimple nya pang nilawayan ang tinuping bahagi para mas maganda ang pagkakahati nya.

Ng matapos lawayan ay dahan dahan nyang pinunit ang papel sa dalawa para maging 1 half lengthwise.

..

Napangiti ang dalaga ng matagumpay na mapaghiwalay ang dalawa.

Akmang isisilid na nya ang kalahati ng papel ng may maramdaman na naman syang pagkalabit.

Takang lumingon si Valerie at muli, nakita na naman nya ang mga matang iyon mula sa binata.

"Akin na lang yung kalahati. " sabi nito.

Natulala si Valerie.

Unti unting umarko ang isang kilay nya sa sinabi ng binata.

"Ano ka ? Sinuswerte ? " taray nya.

Ngunit hindi nasindak ang lalaki.

Bagkus ay sumilay ang nakakalokong ngisi sa mga labi nito.

"Grabe ka naman, sige na please ? " nilakasan nito ang boses.

Dahil sa ginawa nito ay nakuha nila ang atensyon ng guro.

Agad na lumapit si Mrs. Senining sa pwesto nila at nagtanong.

"Anong problema dito ? " tanong ng guro.

Napalitan ng nakakaawang ekspresyon ang mukha ng lalaki.

"E-eh Ma'am, nanghihingi po kasi ako ng papel sa kanya kasi n-nakalimutan ko po yung sa akin. Dadalhin ko na lang po bukas yung papel ko at babayaran ko sana sa kanya. " sabi nito.

Nanlaki ang mga mata ni Valerie.

Ang siste ay sya pa ang lumalabas na madamot !

Napalingon sya sa guro at akmang ibubuka sana ang bibig para mangatwiran pero ngumiti lamang si Mrs. Senining.

"Ah ganun ba ? Oh Valerie right ? Ikaw yung nanalo sa quiz bee last year di ba ? " puna nito.

Napangiti ng kimi si Valerie at marahang tumango.

Pero biglang sumingit ang lalaki.

"Wow, ang swerte ko pala, matalino ang nasa tapat ko. Mukhang tataas ang grades ko nito ah. " sabi nito.

Nagtawanan ang klase pati ang guro ngunit hindi ang dalaga.

"Sige na iha, bigyan mo na sya ng papel. Tutal eh babayaran naman daw nya tomorrow. " sabi ng guro.

Tinago ni Valerie ang pagkayamot at inabot ang kalahati ng papel nya sa lalaking nasa likod.

Di na sana sya magrereklamo pero di nakatakas sa kanyang paningin ang nakangising mukha nito na tila sinasabing "Oh ano ? Magdadamot ka pa ? "

..

Ng maiabot na ng dalaga ang papel ay agad syang tumalikod at hinarap ang sariling papel.

Bumalik naman na ang guro sa harap at nagsimulang idikit sa board ang isang kartolina na naglalaman ng gagawin nila.

"Here guys, kita nyo ba sa likod ang nakasulat ? " tanong nito.

Nagtaas ng kamay ang lalaki sa likod ni Valerie.

"Yes iho ? " tanong ni Mrs. Senining.

"Ma'am, di ko po kasi masyadong makita. Medyo malabo po ang mga mata ko. Pwede po ba akong umusog ? " tanong nito.

Tumango ang guro.

"Sure iho, go ahead. " sabi nya.

Nanlaki ang mga mata ni Valerie ng biglang buhatin ng lalaki ang silya nito at itabi sa kanyang upuan.

"There. Oks na Ma'am. " nakangising sabi nito.

Pinigilan na lamang ni Valerie ang sarili at nagfocus na sa gagawin.

Napailing naman ang guro sa ginawa ng binata.

..

"So eto nga, isulat nyo sa 1 half lengtwise ang opinyon nyo tungkol sa k-12 program ng DepED. Pabor ba kayo o hindi ? Kung oo, bakit ? At kung hindi ? Bakit din. Babalik ako after half an hour. Wag nyong masyadong seryosohin kasi survey lang naman yan. Sige simulan nyo na. " sabi ni Mrs. Senining at lumabas na ito ng silid.

Kanya kanyang sulat na ang mga estudyante.

Maging si Valerie ay nagfocus na sa gagawin at binalewala na lamang ang katabi nya.

"In fairness, amoy laway to. " biglang sabi ng lalaki.

Nanigas si Valerie sa kinauupuan at marahas na napatingin sa lalaki.

"Akina nga yan !. " singal nya at pilit na inabot ang papel.

Tumatawang umiwas ang binata.

"Ahaha, okay lang no, mabango naman yung laway mo. " biro pa nito.

Natigilan si Valerie dahil nagtawanan ang mga kaklase nya.

Napatingin sya sa binatang nasa harap at biglang nanlaki ang kanyang mga mata ng makita si Yohan Ynares. Ang student council president at long time crush nya !.

Tumatawa ang binata at mukhang sya ang pinagtatawanan nito.

Dahil dito ay inis na inayos ni Valerie ang sarili at nagfocus na lamang sa ginagawa.

..

Mukhang nakunsensya naman ang lalaki at tumigil na rin ito.

Nakita nyang inayos ng binata ang upuan at nagsimula na ring magsulat.

Dahil sa likas na hilig ni Valerie sa mga balita, hindi na bago sa kanya ang issue tungkol sa nasabing topic.

Marami rami ang naisulat nya at nailabas nya ang saloobin hinggil dito.

Tulad ng sinabi ng guro, makalipas ang kalahating oras ay bumalik ito at isa isang kinuha ang mga papel nila.

..

"Okay, infairness. Di ko akalain na matatapos kayong lahat. Akala ko may maaabutan pa akong nagsusulat eh. " biro ni Mrs. Senining.

Isa isa na ngang nagpasa ang mga estudyante ng ginawa nila.

Napatingin ang guro sa relo nito.

"Maaga pa tayo ng 10 minutes. Hmm, sige nga, basahin nga natin yung iba. " nakangiting sabi nya.

Napaungol ang ibang estudyante.

Natawa ang guro.

"Oh bakit ? Wag kayong mahiya sa mga sinulat nyo. Ayos lang yan. " sabi nya.

Bumunot si Mrs. Senining ng isang papel at sa malas ay kay Valerie ang nakuha.

..

"Oh, medyo mahaba ito Valerie ah. Sige nga tingnan natin ang saloobin mo . " biro pa nito.

Napayuko si Valerie ng simulang basahin ng guro ang kanyang gawa.

Matapos ang ilang minuto ay namangha ang ibang estudyante ng matapos basahin ng guro ang sinulat ni Valerie.

Pero nagulat sila ng biglang pumalakpak ang katabi nya.

Napatingin ang lahat sa binata at isa isa silang gumaya.

Namula ang mga pisngi ni Valerie ng umugong ang masigabong palakpakan sa pangunguna ng katabi.

"Maganda ito Val, pwede itong gawing sample letter para sa ibang section. " puri ni Mrs. Senining.

Napangiti lang si Valerie.

Muling tumingin ang guro sa kanyang relo.

"5 minutes pa. Nakakahiya kung unang klase natin tapos ang aga nating umuwi eh wala naman tayong ginawa. Mas magandang isipin nila na sumobra tayo sa oras tapos nagpacute lang tayo dito sa loob. Di ba? " biro nito.

Natawa ang lahat pero natigilan sila ng muling bumunot ng isang papel ang guro.

"Hmm, who's Caleb Concepcion ? " tanong nito.

Nagkatinginan ang lahat at napako ang atensyon nila ng magtaas ng kamay ang binatang katabi ni Valerie.

"Ako yata yan Ma'am. " biro nito.

Natawa ang guro at tiningnan ang hawak na papel.

"Kabaligtaran naman ng kay Valerie, maiksi ang sayo. Parang napadaan ka lang eh. " biro nito.

Napakamot sa batok ang lalaki.

Pero binasa pa rin ni Mrs. Senining ang gawa nya.

"Ang K-12 program ay parang isang palito ng posporo. Isang piraso pero kaya nitong tanglawan ay nanlalabong edukasyon sa ating bansa. Maganda ang inentsyon ngunit may kaakibat na kahirapan para sa mga ordinaryong pamilya. Saan sila kukuha ng perang pantustos sa isa na namang taon ng kanilang mga supling ? Saan sila kakapa ng pantustos sa isa na namang taon gayong ang apat na taon ay parang pagpasok sa butas ng karayom. At kung sakaling makaraos sa dagdag na pasakit, anong kasiguraduhan na may makukuhang hanapbuhay ang magsisipagtapos gayong santambak ang unemployed graduates sa bansa ? " salaysay ng guro.

Natahimik ang mga estudyante.

Maging si Valerie ay tila naumid ang dila.

Halos parehas nya ng paniniwala ang binata pero kamangha mangha ang pagkakahanay at uri ng pagsusulat nito.

Kamangha mangha.

Pero hinding hindi nya pupurihin ang lalaki.

Ang pagtunog ng bell ang bumasag sa katahimikan ng klase.

"Oh it's time. Nice work Caleb and Valerie. See you tomorrow kids. Diretso ang uwi. " nakangiting sabi ni Mrs. Senining at lumabas na ng silid.

Nag kanya kanyang ligpit naman ng gamit ang mga estudyante.

Ang iba ay naglalagay pa ng kolorete pero hindi si Valerie dahil wala syang hilig sa ganito.

Sininop nya ang mga gamit at pasimpleng sinulyapan ang katabi na kampante lamang na nakaupo.

Napatingin sa kanya si Caleb.

Mabilis na nag iwas ng tingin si Valerie at nagmamadaling lumabas ng silid para puntahan ang bestfriend na nasa covered court.

..

Kinabukasan.

Maagang pumasok si Valerie.

Kasabay na nya ang kaibigan dahil magkapitbahay lang naman sila.

Kahapon kasi ay hindi ito pumasok dahil may nag apply ng part time sa school canteen.

Pagkalapag pa lamang ng gamit ni Valerie ay agad na lumapit sa kanya ang kaibigang si Cheska.

"Hoy bruha, balita ko may gwapo ka daw katabi kahapon ah ? " tanong nito.

Kumunot ang noo ni Valerie.

"Gwapo ? Sino ? Si Yohan ? Di ko sya katabi, nasa harap sya eh. " sabi nya.

Umiling si Cheska.

"Loka hindi, at hindi ako nagagwapuhan kay Yohan no. " sabi nito.

"Hoy !, gwapo si Yohan. Tumigil ka nga. " pagtatanggol ni Valerie.

Ngumisi si Cheska.

"Eh yung katabi mo nga daw ? Anong name non ? Caleb ? " tukso nito.

Nanigas ang likod ni Valerie ng maalala ang pangalan ng binata.

Mabilis syang lumingon sa likod para tingnan kung dumating na ba ito.

Pero mukhang wala pa ang lalaki dahil bakante pa ang silya nito.

Napabuntong hininga si Valerie.

"Hoy ano na ? Gwapo ba talaga ? " tanong ni Cheska.

Inis na nilabas ni Valerie ang notebook at nagbasa basa para itaboy ang kaibigan.

Ngunit hindi ito ang nakapagtaboy dito kundi ang pagtunog ng bell at pagpasok ng una nilang guro para sa araw na iyon.

Nagsimula silang magpakilala sa isa't isa dahil hindi pumasok ang nasabing teacher kahapon.

Ngunit wala na rito ang atensyon ni Valerie.

Kundi sa bakanteng silya na nasa likod nya.

Di nya maintindihan ang sarili.

Parang nanlulumo sya at nanghihinayang dahil hindi nya nakita ang binata.

Pero mabilis din nyang kinontra ang nasa isip.

"Bakit naman ako manghihinayang ? Itsura non !, mukhang di naliligo !. " pang aasar nya.

Napatingin sa kanyang ang mga kaklase dahil sa biglaang pagsasalita.

"Yes Ms ? " tanong ng baklang guro.

Namula ang mga pisngi ni Valerie at mabilis na umiling.

"N-nothing S-sir. A-ay Ma'am, ay sir pala. " tarantang sabi nya.

Lalong nagtawanan ang klase pero ngumiti lang ang guro.

"I prefer sir. Pero okay din ang Ma'am. " pagsakay nito sa biro.

Napangiti na lang si Valerie at nagpasalamat.

Inabala na lamang nya ang sarili sa pagtuturo ng guro pero di nya maiwasang lingunin ang likod.

Nagbabaka sakaling late ang binata.

Pero lumipas na ang buong maghapon ng hindi ito dumarating.

Tumunog na ang bell para sa pagtatapos ng klase sa araw na iyon pero hindi pa rin dumarating ang binata.

"Tara na hoy !. " sigaw ni Cheska mula sa pinto.

Napahinga na lamang ng malalim si Valerie.

"Bakit kaya absent si klasmeyt ? " pabirong bulong nya sa sarili at sumunod na sa kaibigan.