A/N: Pasensya na po kayo kung ngayon lang ito. Ang totoo nahihiya ko na pong ipost kase baka sa kabila ng katagalan ay ma-disappoint ko lang kayo. Hehe Pakibasa na lang po ulit kung nakalimutan nyo na yung story line, at sana po ma-enjoy nyo pa rin ito. Maraming salamat po. More powers FSS!

Kabilang Mundo: Ang Pagtatapos

Maraming mga mitilohiya ang laganap ngayon sa daigdig. Bukod sa ating mga tao, naniniwala ba kayo na mayroon pa tayong ibang nakakasalamuha sa ating pang-araw-araw na pamumuhay? Mga natatanging nilalang na hindi natin alam ang tunay na pinagmulan. Mga hindi pangkaraniwang nilalang na hindi natin inaakalang nabubuhay sa mundo.

Mga engkanto, kaluluwang ligaw, dwende, maligno, anghel at diablo, aswang at iba't ibang uri ng mga elemento na hanggang ngayon ay wala pa ring sapat na eksplanasyon kung saan sila nagmula.

Nakita ko ang namamagitan sa langit at lupa. Nasaksihan ko ang bawat pangyayaring nagaganap sa likod ng mundo. Namatay ako at muling nabuhay. Nakita ko ang iba't ibang uri ng nilalang na dati nababasa ko lang sa libro o napapanood sa telebisyon.

Nakilala ko si Tony, ang kauna-unahang human vampire sa mundo, at ang lalaking minahal ko ng lubos.
Nakilala ko rin si Jacob, ang kauna-unahang werewolf sa mundo, at ang huling lahi ng mga human white witch na si Maya.

Sila ang mga supernatural humans na tumulong sa akin para malutas ang hiwagang nakabalot sa huling Witchcrafter, ang may likha ng makapangyarihang Witchazel, at ang may likha ng lahat ng mga supernatural na nilalang sa daigdig.

Sa kasamaang palad ay nais maging tao ng bat vampire na si Marcus, isa siya sa mga nailikha ng Witchazel, at ang katawan ko ang kinasangkapan niya para maisakatuparan ang mithiin niya.

Taglay ko kasi ang malakas na Espirutu na hindi niya matagpuan sa ibang tao.
Sapagka't sinumang makagat niya ay kaagad na mamamatay, hindi tulad ko na hindi kaagad kukunin ng mga tagapag-sundo sa kabilang buhay.

Ito ang isang bagay na inaasahan na ng huling Witchcrafter, kung kaya't nag-iwan siya ng Propesiya na nahati sa apat na talinhaga upang maiwasan ang masamang balak ni Marcus.

Dahil kapag naging katawang tao si Marcus ay magiging makapangyarihan ito, at hindi na mamamatay ang sino mang makakagat niya mahina man ang espiritu, kundi magiging katulad niya at magiging alagad niya na susunod lang sa kanya.

Sa bagay na ito magbubukas na ang Twilight Zone, ang lagusan na nag-uugnay sa pagitan ng mundo ng tao at mundo ng mga kakaibang nilalang. Ito ang kinatatakutan ng mga tao sa lupa.

Marami ang mamamatay.

Ngunit ang katapusan naman ng Propesiya ay ang kamatayan ng lahat ng mga Supernaturals na nailikha ng huling Witchcrafter gamit ang Witchazel, at ang tiyak na kinababagabag ng kalooban ko ay ang kamatayan nina Tony, Jacob at Maya dahil likha din sila ng Witchcrafter.

Ngayon, nasa binggit kami ng oras at pagkakataon. Mukhang wala na talagang ibang paraan kundi kamatayan. Ang kamatayan ko at ang kamatayan ni Marcus. Sa gayong paraan, hindi na namin kailangan katagpuin pa ang huling Witchcrafter, upang hindi na rin mamatay si Tony at ang iba pang Supernatural beings. Isang malaking sakripisyong kahit pag-ibig hindi kayang talunin.

Pero hindi iyon ganoon kadali.

(Kapitulo Sinkuenta y Otso)

Lahat tayo naranasan na'ng magmahal at masaktan.
Sa pagmamahal, maraming bagay itong nagagawa.
Kaya nitong gisingin ang natutulog nating puso.
Kaya nitong lagyan ng kulay ang matamlay na buhay.
Kaya nitong bigyang buhay ang ating blankong mundo.

Pero hindi ko inakalang ang pag-ibig na bumuhay sa buong pagkatao ko, sa buong ako, ay sya ring literal na papatay sa akin.

"Kung ganoon Tony, ano pa'ng hinihintay mo? Bakit hindi mo pa ako patayin ngayon?"

Ibinalik ko sa kanya ang balisong na hindi ko naman magamit.

"Heto ang patalim..."

Tinitignan lang nya ito at sa hitsura nya parang nag-iisip sya ng malalim. Pwedeng nag-iisip sya ng ibang paraan o maari ding pinag-iisipan nya kung kaya ba nya akong patayin o hindi.

"Bakit kay dali sa iyo na gawin ito Maita? Ganoon na lang ba iyon? Papatayin kita?"

"Ano bang mahirap doon Tony? Papatayin mo lang naman ako ah! Hindi ba marami ka ng napatay? Bakit parang naduduwag ka ngayon?"

"Dahil puso ko ang kalaban ko! Manhid ka ba Maita?! Alam mong hindi kita kayang patayin sa sarili kong mga kamay!"

"Ang dami mo namang arte Tony eh! Patayin mo na ako, nagmamakaawa ako. Tapusin na natin ito! Mawawala din naman ako kapag nasakop na ni Marcus itong katawan ko!"

Marahang gumalaw ang kamay ni Tony upang kunin sa kamay ko ang kanyang punyal. Parang nagdadalawang isip pa sya, pero napansin kong namamasa ang mga mata nya. Malamang natanto din nya na tama ang mga sinabi ko, at ngayon ako ay kanyang pinagluluksa.

Alam kong mahirap ito para sa kanya, alam kong masakit ito, pero ito ang hinihiling ng kapalaran. Wala kaming magagawa kundi harapin ito, na kahit pag-ibig hindi kami kayang tulungang makatakas.

Hawak na nya ang balisong pero nanatili pa rin syang tulala. Pinagmamasdan lang nya ito sa kanyang kamay.

Tapos tiningnan nya ako...

Nakadama ako ng kaba noong makita ko ang mga mata nya. Nawala kasi bigla ang mga eyeballs nya kasabay ng pangingitim ng mga mata nya.

Senyales ba ito na iniipon na nya ang lakas at shakra nya?

Handa na ba sya?

Huminga sya ng malalim, nagkasabay pa kami. Natakot ako bigla, dahil mukhang buo na talaga ang loob nya na tapusin ako. Tapos napapikit na lang ako nang bigla nya akong sugurin.

Pikit na pikit ako. Sa isang iglap lang hawak na nya ako sa balikat ko, tapos hinihintay ko na lang ang kabila nyang kamay na may hawak ng punyal na dumapo sa akin at bumaon sa tagiliran ko.

"Aaahhhhhhgggg!!!"

Napasigaw na lang ako sa bilis ng pangyayari.

Pero... Ilang saglit na rin akong nakapikit hindi ko pa rin nararamdaman ang talim sa akin... Wala pa akong nararamdamang sakit, Wala pang matalas na bagay na dumapo sa akin.

Napamulat na lang ako nang maramdaman ko ang katawan ni Tony na yumakap sa akin. Narinig ko pa yung patalim na nahulog sa lupa.

"Patawarin mo ako Maita! Hindi ko talaga kaya..."

Pagtingin ko sa kanya umiiyak sya. Nadala ako sa emosyon ko kaya napaluha na lang din ako. Kung sakaling nagkapalit kami ng sitwasyon malamang hindi ko rin sya kayang saksakin at panoorin na lang mamatay.

"Tony, mahal na mahal kita..." isang yakap na mahigpit.

Mahigpit na mahigpit...

Nagyakapan kami na parang ayaw na naming pakawalan pa ang isa't-isa. Ayaw ko talagang bumitaw. Ayaw kong mawalay kay Tony.

"Mahal na mahal din kita Maita..."

Alam kong mas nagdaramdam sya kaysa sa akin. Sa tinagal-tagal na nyang nabubuhay sa mundo, sa halos ilang daan-daang taon nyang namalagi sa lupa ay ngayon lang sya nagmahal ng ganito, tapos ganito pa ang kinahinatnan.

Ang sakit at lumbay na nararamdaman nya ay may halong sama ng loob.

Muli kaming umupo sa may katre. Parehong tulala habang magkayakap. Pinipilit kong mag-isip ng ibang paraan pero wala talaga akong maisip. Kamatayan ko na lang talaga ang tanging natitirang paraan upang hindi naman masayang ang sakripisyong ginawa nina Jacob at Maya.

(Kapitulo Sinkuenta y Nueve)

Ilang minuto na rin kaming nakaupo ni Tony pero wala pa rin kaming nagagawa. Parang mga tangang naghihintay sa wala sa loob ng kubong ito. Magtatakip-silim na rin, at ano mang oras puputok na ang dilim. Palubog na ang araw pero hindi pa rin ako kayang patayin ni Tony.

Napatayo na lang ako nang makita ko ang kumpol ng dayami na nakakamada sa tabi ng kubo. Tapos may nakita rin akong nakarolyong lubid na nakasabit sa sawaling dingding.

Dali-dali akong lumabas. Nakakatawa dahil ako mismo ang nag-iisip ng paraan para sa sarili kong kamatayan. Mababaliw na ata ako...

"Tony, halika! Tulungan mo ako!" utos ko sa kanya habang dumadampot ng dayami.

"Ano'ng gagawin mo?"

"Tulungan mo akong ikalat ang dayami sa buong bahay ni Lola Esme..."

"Huh? Para saan?"

"Basta! Bilisan na natin, wala na tayong oras!"

Wala syang nagawa kundi tulungan ako. Ikinalat namin ang lahat ng dayami sa buong paligid ng kubo, maging sa loob nito. Alam kong alam na rin ni Tony kung para saan ang ginagawa namin. Kung hindi nya ako kayang saksakin o patayin ng harapan, pwes susunugin ko na lang ang sarili ko.

"Tony, kailangan na nating magmadali."

Kinuha ko yung lubid at ibinigay ko sa kanya.

"Heto! Talian mo ako. Itali mo yung magkabila kong kamay sa magkabilang dingding, tapos yung buong katawan ko naman."

Natutulala pa sya, nasisindak ata sa pananalita ko.

"Bilisan mo na!" nasigaw ko.

Nagulat ata, nataranta, "Ah? Oo." bigla na lang nya akong sinunod.

Tinali nya ang magkabila kong kamay sa magkabilang dingding, parang akong nakapako sa krus, tapos pinulupot nya ang natitirang lubid sa buong katawan ko at mga paa.

"Sigurado ka na ba dito?" tanong nya habang tinatalian ako.

"Bakit, may magagawa ba ako? Gawin na lang natin Tony para hindi na tayo mahirapan pa."

May bigla akong naramdamang parang kumukulo sa tyan ko. Hindi ko alam kung kumakalam lang sikmura ko dahil sa gutom pero medyo nasasaktan na ako. Parang shakra na paikot-ikot at unti-unting nabubuo.

"Ayan. Tapos na." sabi ni Tony.

"Tiyakin mo na maayos ang pagkakatali mo. Higpitan mo para hindi ako makawala..."

Parang nararamdaman ko na ang presensya ni Marcus sa loob ng katawan ko. Nagsisimula nang manginig ang kalamnan ko, ang mga kamay at mga paa ko, ang buong katawan ko.

Pero pinipigilan ko ang sakit. Ayaw kong mahalata ni Tony na may kakaibang nangyayari na sa katawan ko. Baka maalarma pa sya at lalong mataranta. Baka maisipan pa nya akong tulungan.

"Y-yung lighter mo T-tony..." nahihirapan na rin akong magsalita.

"Huh?" nagtaka pa.

"Yung zippo mo! Sunugin mo na ang kubo. Sindihan mo na yung dayami tapos umalis ka na sa lugar na ito."

Ipinasok nya yung kamay nya sa bulsa nya. Halatang sobrang natataranta sya dahil hindi nya mabunot-bunot yung lighter nya.

Umiiyak sya... Randam kong ayaw talaga nyang gawin.

"Aaahhhhggg!!!" tumitindi na ang sakit na nararamdaman ko. Parang sinasaniban ako ng masamang espiritu. Nag-iiba na ang timpla ko, nag-iiba na ang diwa ko.

Naiiyak na ako sa sobrang sakit. Pakirandam ko mapuputol na ang mga ugat ko sa katawan. Pakirandam ko malalagutan na ako ng hininga. Parang akong nalulunod

"B-bilisan mo Tony! Dumidilim na! Sindihan mo na! Umalis ka na dito!" sinisigawan ko na sya.

Unti-unting umiinit ang buong katawan ko. May maitim na usok na akong nakikita na ibinubuga ng aking bibig. Pati mga mata ko umiinit na rin, parang may itim na usok na ring lumalabas mula rito.

Nag-iiba na rin ang paningin ko, nagiging kulay dugo na ang nakikita ko.

"Aaaahhhhh T-toonnnnyyyy!!!"

Nanlalabo na ang paningin ko. Naaaninag ko na lang ang anyo ni Tony. Madilim na rin ang buong paligid, ganap na ang pagsapit ng gabi. Lumubog na ng tuluyan ang araw at hinihintay na lang ang pagtaas ng buwan.

"Maita, mahal na mahal kita..." ang huling narinig ko kay Tony bago sya lumabas sa kubo.

Tapos, apoy na ang sumunod kong nakita. Mabilis na umusbong at kumalat agad ang apoy sa buong bahay gawa na rin ng tuyong dayami. Iyon na lang ang tanging liwanag na naaaninag ko.

Makapal na usok at singaw ng mainit na apoy ang dumadampi sa akin. Parang napapaso na ang buong katawan ko kahit hindi pa man dumadampi ang apoy sa katawan ko.

"Aaahhhhhaaahhhhh Aaahhhhh!!!" sigaw ako ng sigaw upang pakawalan ang sakit na nararamdaman ko. Hindi ko inasahan na sa ganito kasakit na paraan ko makakamtan ang kamatayan.

Nahihilo na talaga ako. Pakirandam ko nasusunog na ang buong katawan ko. At ang itim na usok na lumalabas mula sa mga mata ko at sa bibig ko ay unti-unting nagkakaroon ng mukha. Parang gustong kumawala sa akin.

Ito na ba ang mukha ni Marcus?

Unti-unti na talaga akong nauubusan ng hininga, unti-unti na rin akong nanghihina, sana lang masunog kaagad ang katawan ko bago pa ito tuluyang masakop ni Marcus.

Biglang sumagi sa gunita ko si Daddy. Yung mga masasayang sandali namin noong bata pa ako, kasama si Mommy noong nabubuhay pa sya. Yung paglalaro namin sa playground sa plaza, yung magkakasabay kaming kumain.

Pati yung araw na pagluluksa namin ni Daddy para kay Mommy. Nakita ko ang hitsura ni Mommy, ang maganda nyang mukha at matamis nyang ngiti. Parang gusto na talagang pumikit ng mga mata ko.

Mga ilang saglit pa, sa kalagitnaan ng makapal na apoy ay muli kong naaninag si Tony bago pa ako tuluyang mapapikit.

"B-bakit ka pa bumalik?" nagawa ko pang magsalita pero mahinang-mahina na.

Yinakap nya ako ng mahigit, "Maita... Ano pang saysay ng mabuhay sa mundo kung mawawala ka rin lang akin? Kung mamamatay ka ngayon, mabuti pang mamatay na lang tayo ng sabay."

Pagkasabi nya sa mga bagay na ito bigla nya akong hinalikan. Naramdaman ko na lang ang mga labi nya na lumapat sa mga labi ko. Kumabog bigla ang dibdib ko. Tumibok ng mabilis ang pintig ng puso ko. Mahal na mahal talaga nya ako, at kaya din nyang magpakamatay para sa akin.

At sa puntong magkahalikan kami, biglang nagliwanag ang suot kong kwintas, ang kwintas ng may apat na elementong bato na bigay ni Reyna Diwata. Tapos ang itim na usok ni Marcus ay parang hinihigop ng suot kong kwintas. Muling nawala ang liwanag nito kasabay ng paglaho ng itim na usok. Parang ikinulong si Marcus sa pendant nito.

Nagulat na lang ako nang bigla itong mabasag at magkapira-piraso. Unti-unti ring nawala ang sakit na nararamdaman ko sa aking katawan.

Naramdaman ko na lang ang pagyanig ng lupa. Parang may malakas na lindol, kasabay ng pag-ihip ng malakas na hangin. Biglang lumutang ang maliliit na piraso ng lupa. Ito ba yung elemento ng hangin at lupa?

Nagkaroon din ng malakas na kulog at kidlat sa langit. Nagsusumiklab pa rin ang apoy kahit bumuhos na ang malakas na ulan. Tama, ang elemento ng apoy at tubig.

Hindi ko na alam ang sumund na nangyari dahil bigla na lang akong nawalan ng malay. Ang alam ko lang nakayakap pa rin sa akin si Tony.

(Kapitulo Sisienta)

Sa tamang panahon makikita ang apat na elemento na maghahatid patungo sa kinaroroonan ni Maria, ang huling witchcrafter. At malalaman lang ito sa pamamagitan ng totoong pag-ibig sa ilalim ng bilog na buwan.

Naririnig ko ang pagtibok ng puso ko sa aking tenga. Unti-unti at pabilis ng pabilis. Sunod kong narinig ay patak ng tubig, paisa-isang patak na hindi ko alam kung saan nanggagaling.

Marahan kong minulat ang aking mga mata. Kadiliman ang nakikita ko na kalaunan ay nagkaroon ng liwanag. Sinundan ko ang liwanag, nadoon sa lampara na nasa ibabaw.

Unti-unti akong nabubuhayan ng diwa. Sinubukan kong igalaw ang kamay ko upang iharang sa nakakasilaw na liwanag nung lampara.

Rehas. Mga rehas na gawa sa kahoy ang sunod kong nakita. Minulat-mulat ko ang mga mata ko. Natanto ko na nakahiga ako sa loob ng isang parang kulungan na yari sa kahoy.

Paglingon ko sa gawing kaliwa ko napansin ko ang isang babae. Nakaupo sya sa sahig, sa tabi ko. Maganda sya, mahaba ang buhok nya na kulay ulap sa sobrang puti.

Sinubukan ko syang hawakan dahil hindi ko pa magawang magsalita, ewan ko kung bakit hindi ko kayang ibuka ang aking bibig.

Nung mahawakan ko ang braso nya nagulat sya at bigla syang napalingon sa akin.

"Ate Alyana! Buhay ka!" sabi nya, tapos bigla na lang nyang inangat ang likod ko at binigyan ako ng mahigpit na yakap.

Alyana?

Naguluhan ako bigla. Ako ba ang tinatawag nyang Alyana? Pinilit kong alalahanin yung mga bagay na nangyari sa akin. Sa pagkakatanda ko kasama ko si Tony, at parehong nasusunog ang magkayakap na katawan namin doon sa kubo ni Lola Esme. At nung mawalan na ako ng malay, dito na sa lugar na ito ako nagising.

"Ang buong akala ko patay ka na!" sunod nyang sinabi kasabay ng pagtulo ng luha nya.

Sinusubukan kong magsalita para sana itanong kung sino sya at kung nasaang lugar ako pero wala pa ring lumalabas na tinig sa akin, pero paunti-unti nabubuka ko na ang bibig ko.

Hindi kaya sya na ang huling witchcrafter na hinahanap namin? Nagtagumpay kaya kami nina Tony?

"Magpahinga ka muna d'yan." binitawan nya ako at pinagpatuloy nya yung ginagawa nya.

Sinubukan kong maka-upo pero nung iangat ko na ang likod ko bigla akong bumagsak uli, nanlalambot pa rin ako.

"O, huwag ka munang tumayo, mahiga ka lang muna d'yan at matatapos na ito." sabi nya sa akin.

Nung tingnan ko yung ginagawa nya, hindi ko maunawaan kung ano iyon. Dalawang piraso ng tuyong dahon, yung iba ewan ko kung damo o kung ano man. Tapos may dinukot sya sa bag na yari sa dahon, o kung anong materyales, na isang maliit na piraso ng kawayan na hugis baso na may takip pa.

Hindi ko alam kung ano ang laman nung basong kawayan na iyon pero may likido syang ipinatak doon sa mga tuyong dahon na pinulupot nyang bilog na parang hugis meatballs.

"Heto, kainin mo ito."

Muli nyang inangat ang likod ko at pinakain nya sa akin iyon. Hindi naman ako makakontra dahil hindi ko pa rin kayang kontrolin ang paggalaw ng bibig ko.

Nung maisubo na nya ito sa akin, dumiretso ito sa lalamunan ko hanggang sa malunok ko. Medyo naubo pa ako pero agad ding nawala.

"Maya-maya lang bubuti na rin yung pakiramdam mo n'yan." at muli nya akong binitawan.

Kakaiba ang suot nya, parang kasuotan ng mga Amazonang nakilala namin sa bundok Sinai bago kami pumasok ng purgatoryo. At napansin ko na ganoon din ang suot ko ngayon.

Pinagmamasdan ko ang mga kamay ko na may mga singsing at bracelet na ngayon ko lang nakita. Napansin ko rin na parang mas pumuti ako at mas kuminis ang balat ko, at ang higit kong ipinagtataka ay ang buhok ko. Kulay ulap din sa kaputian, at parang mas humaba at lumambot.

Mayroon na naman syang ginagawang kakaiba sa mga dahon at kung ano-anong galing doon sa bag nya. Pinaghalo nya, at nung patakan nya ito nung likido mula sa basong kawayan bigla na lang itong nagliyab.

"Ano ayos ka na?" tanong nya sa akin.

Nagulat na lang ako na sa isang iglap nakakapagsalita na ako at sumagot, "Oo. Ayos na ako."

"Magaling. Ngayon kailangan na nating tumakas, magandang pagkakataon ito habang tulog pa sya."

"Sinong sya?"

Napatingin sya sa akin na parang nagtataka, "Ano ka ba, edi yung dark wizzard na nagbabantay sa atin!"

"Dark wizzard?"

Habang nag-uusap kami gumagawa ulit sya nung pinasiklab nyang apoy, at sininog nya isa-isa yung mga rehas na gawa sa kahoy.

Bumangon na ako at nagtataka talaga ako kung bakit bigla na lang akong lumakas.

"Ang galing naman nyan!" puri ko sa ginawa nyang apoy, "Paano mo iyan nagawa?" tanong ko.

"Ano?" punong-puno sya ng pagtataka, "Nalimot mo na ba? Ikaw kaya ang nagturo sa akin nito Ate."

Ako din puno ng pagtataka, "Ate? Ako ba ang tinatawag mong ate? Bakit, kapatid ba kita?"

"Ano bang pinagsasasabi mo? Ano bang nangyayari sayo? Wala ka bang matandaan?" tanong nya.

Sa pagkakaalam ko nasa tamang pag-iisip pa ako. Tandang-tanda ko ang lahat ng pangyayari sa buhay ko, pero bakit ganito ang mga sinasabi nya sa akin?

"Ang mabuti pa mamaya na tayo mag-usap," sunod nyang sabi, "Sa ngayon kailangan muna nating makatakas sa lugar na ito."

Nasaang lugar na naman kaya ako? Parte pa rin kaya ito ng kabilang mundo? At si Tony, nasaan naman kaya sya? Sana walang masamang nangyari sa kanya. Pero, teka, kung ang babaeng ito na ang hinahanap naming last witchcrafter, ibig sabihin wala na si Tony?

Lumabas kami sa kulungan. Madilim ang paligid, tanging ang sinag ng lampara na nakasabit sa dingding na lupa lang ang nagbibigay liwanag sa amin, ang labo pa. At kung lupa ang nakikita kong dingding, ibig sabihin underground ang pihitang ito?

Malamlam lang ang paglalakad namin, ang suot ko pang tsinelas hindi ko mailakad ng maayos, kase naman gawa sa kahoy, ngayon lang ako nakapagsuot ng ganito.

May ibang selda pa kaming nadadaanan pero walang laman. May natanaw din akong hagdan paakyat sa taas sa 'di kalayuan. Sa tingin ko kabisado na nitong babae ang daraanan namin.

"Nasaan ba tayo?" hindi ko matiis ang pagtatanong.

"Ano ba? Huwag kang maingay!" pabulong nyang sabi.

Tinigilan ko na muna ang pagtatanong. Marahil tama sya, baka hindi ito ang tamang oras at tamang lugar para mag-usap. Itinuon ko muna ang atensyon ko sa pagtakas namin.

Nauna syang umakyat sa hagdan na yari sa kawayan, at nung nasa itaas na sya dinungaw nya ako at sinenyasang umakyat na rin.

Pag-akyat ko sa taas bumungad sa amin ang isang maaliwalas na pasilyo na maraming pinto sa gilid. Ang sahig at dingding ay gawa lahat sa kahoy, hanggang bubungan. Marumi ang paligid, parang abandonado ang lugar, puno din ng agiw.

Hinawakan ng babae ang kamay ko, "Sshhhss" at sinenyasan akong huwag daw maingay.

Inagat na ingat sya sa bawat hakbang nya, kaya ginaya ko sya. Siguro ganoon nga sya kahigpit sa sinabi nyang bawal gumawa ng ingay.

Palingon-lingon sya sa paligid habang patuloy na humahakbang. Sa dulo ng pasilyo ay may pintuan. Iyon na siguro ang daan palabas.

Napansin ko na lang na iba na pala ang kulay ng mga mata nung babae, naging kulay puti. Naalala ko si Maya sa kanya, ganitong-ganito din sya nung nasa bundok pa kami, noong buhay pa sya. Nakakalungkot lang talagang isiping wala na sila, at sa mga sandaling ito talagang wala na sila.

Biglang napahinto ang babae sa paglalakad at hinarang nya ang kamay nya sa akin upang pahintuin din ako.

"Bakit?" pabulong kong tanong.

"May paparating."

Kinabahan ako bigla, lalo na nung may marinig akong footsteps, malalaking yapak at matunog, pero wala naman akong makita.

Napayuko kami ng kasama ko sa tabi ng isang pintuan, tapos marahan nya itong pinihit, at nung mabuksan nya magkasunod kaming pumasok, buti na lang hindi ito nakakandado, at mabuti na lang walang laman ang silid.

Nakaabang kami pareho sa pinto nung isarado na nya ito. Papalakas ng papalakas ang naririnig kong yapak, parang hindi ito yapak ng isang ordinaryong tao lang, at kada marinig ko talagang sumasabay sa kabog ng dibdib ko.

"Wala na sya. Tara na." sabi nya nung wala na kaming marinig na yapak.

Sa nakikita ko sa kanya parang hindi lang tunog ng yapak ang basehan nya para masabing may paparating o wala na, sa tingin ko tumatagos sa dingding ang paningin nya, tulad ni Maya na malayo ang nararating ng paningin.

Paglabas namin sa silid wala na ngang tao o ano mang bakas ng kung anong nilalang. Kaming dalawa na lang sa pasilyo at malayang dumiretso palabas doon sa pinto.

(Kapitulo Sisienta y Uno)

Nakalabas kami ng maayos at walang aberya. Sa mababaw na liwanag ng kapaligiran, natanto ko na takip-silim pa lang, papalubog pa lang ang araw, na sa buong akala ko kanina sa loob ay gabi na.

Tumambad sa akin ang naglalakihang punong-kahoy at damo. Nasa kagubatan pala kami, at talagang nanlaki ang mga mata ko nung malingon ako sa pintuan kung saan kami lumabas. Hindi ako makapaniwala na isa lang itong maliit na dampa o kubo, o cabin na walang bintana kundi nag-iisang pinto lang.

"Ano pang hinihintay mo Ate Alyana? Halika na! Umalis na tayo dito!" pabulong na sigaw ng kasama kong babae na hanggang ngayon hindi ko pa rin kilala.

Sumunod agad ako sa kanya. Tumakbo din ako nung makita ko syang tumakbo. Tinumbok namin yung gitna ng kagubatan, doon sa maraming puno at matataas na damo. Medyo masakit pa sa binti kase ang ikli ng suot kong palda short na hindi ko alam kung sa tela ba gawa o kung anong balat ng hayop.

Napanatag din ang loob ko nung makalayo na kami sa cabin na iyon. Wala akong ideya kung saan kami papunta ngayon, basta buo ang tiwala ko sa babaeng sinusundan ko.

Nakarating kami sa isang tulay na gawa lang sa lubid. Pang-isahan lang ito, nagdalawang isip akong tumawid, pero ang babaeng kasama ko dire-diretso lang sya.

"Teka lang, pwede ba tayong magsabay d'yan?" paniniguro ko.

"Oo naman! Tara na! Madali ka!"

Naglakas loob lang akong tumawid, buti na lang hindi ito ganoon kahaba. Nung malampasan na namin ito natanaw ko ang isa na namang dampa sa hindi kalayuan. Mukhang doon kami pupunta, hindi ko alam kung anong naghihintay sa amin doon pero siguro naman ligtas na doon.

Pumasok kami sa loob ng kubo, akala ko katulad ito nung cabin kanina na ang liit pero ang luwang sa loob na mayroong maraming silid, pero mukhang isa lang itong ordinaryong kubo.

Sa loob nito ay may isang mesa at isang mahabang upuan na gawa pa rin sa kahoy, tapos may nakasabit lang na lampara sa gitnang poste nito, at nadatnan na namin itong nakasindi.

"Hintayin mo muna ako dito Ate, magpahinga ka muna, ako na ang bahala." sabi nya sa akin.

Pinaupo nya ako sa mahabang upuan, at malalim kong iniisip kung ano ba yung bagay na tinutukoy nya na sya na daw ang bahala. Nanatili na lang akong nakaupo habang pinagmamasdan ko sya.

Kinuha nya yung lamparang nakasabit at dinala doon sa may katre na malapit sa mesa upang ilawan ang sarili. Lumuhod sya doon sa tabi ng katre, at sa ilalim nito may hinugot syang maliit na baol.

Hindi ko alam kung anong meron doon, pero sa nakikita kong pagmamadali nya mukhang napakaimportante ng laman niyon. Nung tingnan ko, isa na namang basong kawayan ang hawak nya, pero mas malaki ito kumpara doon sa nakita kong ginamit nya sa loob ng kulungan. Malamang ganoon ang pinakabote nila sa lugar na ito.

Nung hawak na nya ito, tumayo na sya, nagmamadali pa rin, at mukhang lalabas sya sa kubong ito.

"Teka, ano iyan?" tanong ko sa kanya nung daanan nya ako.

Napahinto sya at napatingin sya sa akin, "Ano?" pinakita nya sa akin ang hawak nya, "Tinatanong mo sa akin kung ano ito?" huminga sya ng malalim, "Ano ba talagang nangyayari sa iyo Ate Alyana?"

"Hindi nga ako ang ate Alyana mo!" mariin kong sabi.

"Alam mo Ate, wala akong panahon sa ganitong lokohan! Wala na tayong oras, kailangan na natin itong subukan!"

May sasabihin pa sana ako pero tumakbo na sya palabas ng kubo. Sinundan ko na naman sya kung saan sya pupunta. Sa palagay ko kailangan ko talaga syang habulin.

Nagpunta sya sa isang malaking punongkahoy, at para bang may kung anong bagay syang hinahanap sa paligid. Laking gulat ko na lang nang makita ko ang nakita nya. Isang malaking hayop na nakahilata sa damuhan. Mabalahibo ito at mukhang isang mabangis na hayop, hindi ko nga lang alam kung anong uri ito ng hayop.

"Teka, ano'ng gagawin mo?" tanong ko nung mapansin kong lumuhod sya sa tabi nito.

"Ano pa! Edi susubukan ko itong witch hazel!" malumanay nyang sagot.

"Witch hazel?!" napasigaw kong tanong.

Mabilis ko syang nilapitan at kaagad na hinawakan yung kamay nyang may hawak nung bote ng witch hazel, mabilis ko syang pinigilan bago pa nya magawang magbuhos sa kabilang palad nya.

"Huwag mong gawin iyan!" makomando kong utos.

Kung iyon ang witch hazel, pwes, ang babaeng ito ay ang matagal na naming hinahanap na Last Witchcrafter.

"Isa ba iyang wolverine?" sunod kong tanong, na ang tinutukoy ay ang hayop na nakabulagta. Naalala ko kasi na minsang nabanggit ni Jacob sa akin na ang ama daw nya ay isang wolverine.

"Oo." sagot nya na may pagtataka, "Hindi mo na ba naaalala ang bantay natin?"

"Teka! Teka! Pwede bang mag-usap muna tayo bago mo gawin iyan?" sabi ko sa kanya.

"Ha? Bakit pa?"

"Dahil ayokong masayang ang paghahanap ko sa iyo, baka akala mo, galing pa ako sa kabilang mundo para lang mahanap ka! At kapag ginawa mo iyan, magiging malagim ang kahaharapin ng buong mundo!"

Kung tama nga ang hinala ko na ang wolverine na ito ay ang ama ni Jacob, pwes hindi ako napadpad sa kung saan mang lugar, kundi bumalik lang ako sa oras, bumalik lang ako sa panahon ng huling Witchcrafter kung saan sisimulan pa lang nya ang paggamit ng witch hazel. At sa tingin ko natitiyak ko na kung ano ang misyon ko, iyon ay ang pigilan ang huling witchcrafter sa paggamit ng ipinagbabawal na witch hazel.

"Huh?! Ano kamong sinabi mo? Nagmula ka sa kabilang mundo?" pagkagulat nya, "Sa palagay ko ay alam ko na ang tunay na nangyayari ngayon." nakangiti nyang sabi.

Muli nyang tinakpan ang basong kawayan na hawak nya. Tumayo na sya at hinikayat ako na bumalik na doon sa kubo. Iniwan na namin yung nakahilatang hayop at magkasabay na naglakad pabalik sa kubo.

Pagpasok namin sa kubo, kinuha nyang muli yung lampara at pinapasok nya ako sa palikuran. Itinapat nya ako sa tapayan ng tubig kasabay ng pagtapat din ng lamparang hawak nya. Pinayuko nya ako sa bunganga ng tapayan at malinaw kong nakita ang reflection ko.

"Aba! Bakit ganito ang itsura ko?!" buong pagtataka kong tanong.

"Sinasabi ko na nga ba!" iyan lang ang narinig ko sa kanya.

Muli kong pinagmasdan ang sarili ko sa repleksyon ng tubig sa tapayan. Hindi ito ako, o mas tamang sabihing, hindi sa akin ang mukha at katawang ito. At ang unang pumasok sa isip ko ay baka nakasanib ako sa kanina pa nya tinatawag na Ate Alyana.

"Halika, maupo ka rito."

Pinaupo nya ako sa gilid ng katre kung saan din sya nakaupo matapos nyang isabit yung lampara sa dingding. Naupo ako na punong-puno ng katanungan sa aking isipan, na hindi ko alam kung alin ang uunahin kong sabihin.

"Huwag kang magtaka," pauna nyang pananalita, "Alam ko na mangyayari talaga ang bagay na ito. Na may isang darating mula sa kabilang mundo upang pigilan ang masamang mangyayari na idinulot ng paggamit ko ng witch hazel. At ikaw na nga iyon."

"Ano'ng ibig mong sabihin? At sino ka? Ikaw ba ang huling Witchcrafters?" paniniyak ko.

"Sa ngayon, ako na lang ang nabubuhay sa aming lahi ng mga White Witches."

"Ikaw nga! Ibig sabihin ikaw ang may likha ng witch hazel?"

Umiling-iling sya, "Hindi. Hindi ako ang may likha ng witch hazel na ito," muli nyang pinakita sa akin ang hawak nyang basong kawayan, "Kundi ang kapatid kong si Alyana, ang katawang kinasasaniban mo ngayon."

Napansin ata nya sa itsura ko na nahihirapan ko syang intindihin, kaya ipinaunawa nya sa akin ng mas malalim.

"Nakasanib ka ngayon sa katawan ng kapatid ko na kamamatay lang kanina sa kulungan. Kung matatandaan mo ay doon ka nagising kanina."

Naalala ko nga ang unang beses na pagtawag nya sa aking Ate Alyana kaninang magising ako sa loob ng kulungan.

"Bago namatay si Ate ay nilikha nya itong witch hazel na hawak ko kasabay ng pagtuturo nya sa akin kung paano ito gawin. Nilikha nya ito upang mapaghandaan ang digmaan sa pagitan ng mga black at white witches. Ngunit sa kasamaang palad ay hindi pa nya ito naperpekto ay umusbong na ang digmaan, may isang sangkap pa itong kulang na maging sya mismo ay hindi matukoy kung ano, kaya hindi namin ito magamit hangga't hindi pa namin nalalaman ang magiging epekto."

Nagtuon ako ng maraming pansin upang walang makaligtaan sa kanyang sinasabi. Umusog ako ng bahagya sa kanya at tinutukan ko talaga sya.

"Noong nasa kalagitnaan kami ng digmaan ay naglatag si Ate Alyana ng isang Propesiya upang kontrahin ang magiging masamang epekto ng ginawa nyang witch hazel, para kung sakaling mapunta sa kamay ng kalaban at ginamit. Inilatag nya sa iba't ibang parte dito sa bundok Sinai ang apat na talinghagang bubuo sa Propesiya kalakip ng apat na elemento ng daigdig--"

Bigla ko syang binara sa pananalita nya, "At matatagpuan lang iyon ng tunay na pag-ibig sa ilalim ng bilog na buwan?" patanong kong pagpapatuloy sa sinasabi nya.

Napangiti sya, "Ganoon na nga, at iyon ang dahilan kung bakit ka nandito ngayon."

"Pwes sabihin mo na sa akin ngayon, paano ko pipigilan ang masamang balak ni Marcus? At nang matapos na ang lahat ng ito! At ano ng mangyayari sa mga kaibigan kong pumaibabaw sa kapangyarihan ng witch hazel, lalo na kay Tony?"

Nagsalubong ang magkabila nyang kilay sa mga salitang narinig nya sa akin, na para bang nalilito sya at hindi ako maunawaan. At sa itsura nyang iyon ko natanto na hindi pala nya kilala sina Marcus at Tony. Paano nga pala nya sila makikilala gayung hindi pa sila sinisilang sa mga oras na ito?

Ito na siguro ang sinasabi noon ni Lola Esme na kapag nakita ko ang huling Witchcrafter ay mawawala na ang lahat ng nilikha gamit ang witch hazel. Sa kadahilang nagkita kami ng Last Witchcrafter sa panahong hindi pa nya nagagamit ang witch hazel.

"Kung ano man iyang iyong sinasabi, kung sino man sila na nilikha gamit ang witch hazel, natityak kong sa puntong ito ay wala ka ng dapat gawin pa, dahil ikaw mismo ang pumigil sa akin na gamitin ito sa wolverine na iyon."

Muli nyang ipinakita sa akin ang hawak nyang witch hazel, "Makinig kang mabuti sa akin, kailangan kong maperpekto ang bagay na ito sa lalong madaling panahon, at mangyayari lang iyon kung ikukwento mo sa akin ang lahat ng naging karanasan mo sa kabilang mundo."

Hindi ko alam kung bakit kusa na lang nagsasalita ang bibig ko at kusa ko na lang inilahad sa kanya ang mahahalagang parte na nangyari sa akin at naranasan ko sa kabilang mundo. Mula sa pagkagat sa akin ni Marcus, namatay ako at muling nabuhay, kung paano kami nagkakilala ni Tony at kung paano kami nagsama-sama nina Jacob at Maya.

Ang pagiging bampira ni Tony at pagiging werewolf ni Jacob at ang kwento sa kapatiran nila, at maging ang pagiging White Witch ni Maya, pati si Lola Esme ikinwento ko, at ang lahat ng nangyari sa amin sa loob ng bundok Sinai, lahat ng nakilala namin, ang mga Diwata, ang mga Malay at Amazona, mga Sirena at yung iba pa.

Pati ang dinanas namin sa loob ng Purgatoryo, ang mga zombies at ang batang may kadena sa kamay at ang naging paraan namin ni Tony kung paano ako nakarating sa lugar na ito ay taimtim kong ikinwento sa kanya.

"Sa pahayag mong iyan, natitiyak ko na kung ano ang kulang na sangkap, dahil sa nalaman kong naging epekto nito. At ito ang dahilan kung bakit naglatag ng Propesiya si Ate Alyana, upang matukoy ang nawawalang sangkap na peperpekto sa witch hazel." litanya nya pagkatapos kong magkwento.

"Ibig mong sabihin gagamitin mo pa rin ang witch hazel?"

"Tama. Pero sa pagkakataong ito ay ang perpektong witch hazel na ang gagamitin ko, kaya huwag mo ng asahang maibabalik pa ang mga naging kaibigan mo sa kabilang mundo."

Bigla akong nalungkot sa narinig ko. Parang gusto ko syang kumprontahin at sabihing, 'Ganoon na lang ba iyon?!" at tanungin sya kung may magagawa pa sya o kung may ibang paraan pa. Pero luha na lang ang naging tugon ko sa kanya. Isang masakit na iyak at sandamakmak na luha!

Napakasakit talaga, masamang-masama talaga ang loob ko! Lalo na sa parte kung saan nagmahalan kami ni Tony. Wala ng pagkakataon upang madugtungan pa ang pag-iibigan namin, at higit na mas masakit ito para sa akin, ako na naiwan!

"Huwag kang mag-alala, may ipapabaon naman akong regalo sa iyo sa pagbalik mo sa inyo, at sa mga oras na ito sa palagay ko ay kailangan mo ng umalis sa katawan ng kapatid ko at bumalik na sa normal mong buhay."

"Talaga? Anong regalo iyon? Ibabalik mo ba sa akin ang mga kaibigan ko? O kahit si Tony man lang?"

Napailing sya, "Ipagpaumanhin mo ngunit hindi ko kayang gawin iyon. Hindi ko na sila maibabalik, pero kaya ko silang kunin sa iyo ng tuluyan, sa pamamagitan ng pagbubura ko sa naging alaala mo sa kabilang mundo. Sa gayon ay makakalimutan mo sila, at kung wala na sila sa iyong puso at isipan ay hindi ka na masasaktan pa."

"Hindi! Huwag!" mariin kong pagtanggi, "Ayokong mabura sila sa puso't isip ko, lalo na si Tony!"

Oo nasaktan ako sa pagkawala nila, pero hindi ibig sabihin nun gusto ko silang kalimutan. Ayokong mawala sa akin ang magaganda naming alaala, ang masasayang sandali namin ni Tony!

Napatayo kami pareho nung biglang umusbong sa mga siwang ng dingding ang itim na usok. Hindi ko alam kung ano iyon pero mabilis ang paglaganap nito sa buong paligid.

"Nandito na sila! Kailangan mo ng makabalik sa mundo ninyo!" pagkasabi nya bigla na lang syang sumalita ng mga katagang hindi ko maunawaan.

"Nakikiusap ako sayo! Huwag mong kunin sa akin ang alaala ko!"

May puting usok na biglang lumabas sa palad nya at tinapalan nito ang itim na usok na malapit ng kumapal.

Tapos, ang kabilang palad nya ay itinutok nya sa aking mukha, "Patawarin mo ako dahil hindi ko matutupad ang kahilingan mo. Kailangan mong makalimutan ang lahat ng ito at mamuhay ng normal."

Pagkasambit nya ng mga salitang ito ay may kung anong mabangong halimuyak akong naamoy sa palad nya na nagparamdam sa akin ng kakaibang antok.

"Maraming salamat..." iyan ang huli kong narinig sa kanya atsaka na ako tuluyang nakatulog at nawalan ng malay.

(Kapitulo Sisienta y Dos)

Minulat-mulat ko ang aking mga mata nung ako ay magising. Yung wall clock ang una kong hinanap.
Hindi ko namalayan na naidlip na pala ako ng matagal.
Marahil sa matinding pagod sa buong maghapon kaya kahit kasalukuyang akong may ginagawa ay nakuha ko pa ring makatulog.

Nakaupo ako at nakaharap sa tapat ng aking salamin.
Nagsusuklay ako ng buhok at nakabihis pantulog na.
Nakaugalian ko na talagang magpaganda bago matulog.
Tanging liwanag lang ng lampshade ang ilaw ko sa aking kwarto.
Soft light lang kasi ang gusto ko.

Biglang umihip ang malakas na hangin na tumulak sa pintuang gawa sa salamin.
Ang pintuan ng balcony sa aking sariling silid.

Natigilan ako sa aking pagsusuklay at napunta ang atensyon ko sa nasabing pintuan.
Kinabahan ako dahil malamig ang simoy na dala ng hangin na dumadampi sa balat ko.
Nagtataka ako dahil kakaiba ang lakas ng hangin.
Binitawan ko ang hawak kong suklay.
Hinawakan ko ang inuupuan kong silya at iniatras kasabay ng pagtayo ko.

Sumunod ay humakbang ako papalapit sa humahampas-hampas na pinto para muli itong isara.
Walang humpay ang paglagaspas ng malakas na hangin.
Nagsiliparan pa ang mga magagaan kong gamit sa loob ng aking silid.

Marahil ay ito na ang sinasabi sa akin ni Daddy na paparating na bagyo. Sana lang hindi muna matuloy ngayon hanggang sa buong linggong ito, para naman maging masaya ang kasal bukas ng pinsan ko na dadaluhan namin ni Daddy.

"Anak, tulog ka na ba?" narinig kong pagtawag sa akin ni Daddy habang kumakatok sa pinto ng silid ko.

"Nar'yan na po Dad."

Isinara ko na ang pinto ng balcony ko at siniguradong naka-lock na ng mabuti, upang hindi na ito muling tangayin ng malakas na hangin.

"Bakit po?" tanong ko agad matapos ko syang pagbuksan ng pinto.

"Mayroon sana akong sasabihin sa iyo."

"Ah, sige po."

Pinatuloy ko si Daddy sa loob ng kwarto ko atsaka ko pinaupo sa may study table ko. Wala akong maisip na ideya sa kung ano'ng sasabihin nya sa akin sa ganitong oras ng gabi.

"Ano po ba yon Dad?" tanong ko nung makaupo na kami.

"Ah, kase, gusto ko lang sanang sabihin sa iyo na ibebenta ko na itong bahay." nakayuko nyang sabi.

"Ha? Ano ho?"

Nagulat talaga ako sa sinabi nya. Sa pagkakaalam ko kasi ayaw nyang ibenta ang bahay na ito. Pamana daw kasi ng mga ninuno pa namin ang bahay na ito, kaya kahit luma na at marupok ay ayaw pa rin nyang ibenta.

Ang totoo ako pa nga itong nangungulit sa kanya na ibenta na namin ito. Bukod kase sa mukha itong haunted house ay malayo pa sa bayan, nahihirapan kami sa transportasyon, kahit pa may kotse kami nakakapagod parin.

Isa pa madalas kaming pag-usapan sa bayan. Keyso yung bahay daw namin lungga ng mga mangkukulam. Ang mga ninuno daw namin na dating nakatira sa bahay na ito ay mga Witch. Naiinis ako kapag ganun, kahit chicmis lang at wala namang katotohanan ay nakakagalit pa rin.

"Buti po nagbago na isip nyo?"

Hindi nya ako sinagot, ngumiti lang sya sa akin at sinabihan nya akong, "Sige, magpahinga ka na. Maaga pa tayo bukas."

***** ***** *****

Pagdating namin sa bahay nung ikinasal tinanong ko agad si Daddy, "Dad, paano ko sya naging pinsan?"

"Yung lola nya at lola mo ang magpinsang buo, bale third degree na lang kayo." maiksing sagot nya.

"Ganun? May kaanak pala tayo dito, ba't ngayon ko lang nalaman? Ba't ngayon lang tayo pumunta dito?"

"Eh sa ngayon lang sila dumating eh, nag-migrate lang sila dito, sa malayong probinsya talaga sila nakatira. Tsaka nakita mo na sila nung bata ka pa, hindi mo na lang siguro maalala."

May sumalubong sa aming isang babae at lalake, mga kaedad ni Daddy. Sila siguro yung mga pinsan nila ni Mommy. Nagkamayan sila at nagkayakapan, dahil na rin siguro sa matagal nilang hindi pagkikita.

"Ito na ba yung anak mo?" tanong nung babae kay Daddy at nagpukol ng tingin sa akin, "Aba tignan mo nga naman, dalagang-dalaga na!"

"Oo, si Maita." tapos tinapik ako ni Daddy, "Maita, magmano ka sa Tito't Tita mo." utos nya sa akin.

"Kumusta po?" nagmano ako sa kanila.

Mukhang mababait naman sila, at kahit may edad na pansin ko na maganda't gwapo pa rin sila. Gandang lahi talaga kami.

Hindi kami naka-attend sa wedding ceremony kaya dito kami sa reception dumiretso, sa bahay ng Groom. May kalayuan din kaya na-late na kami ng dating.

Maganda ang set up ng kasal nila dito. Parang forest, hindi, parang paradise ang theme at motif. Marami ding tao na nagmukhang konti dahil sa lawak ng bakuran nila. Hindi sila ganoon kayaman, hindi ganoon kalaki ang bahay nila pero sa nakikita ko may kaya din sila.

Nasa garden ang catering, na napupuno ng iba't-ibang uri ng magaganda at makukulay na bulaklak. Pinapakain na nila kami pero pinauna ko na lang si Daddy, sabi ko mamaya na lang ako.

Hindi lang ako basta umupo lang, naglakad-lakad ako, lalo na nung may makita akong lake sa likod-bahay. Mahilig kasi ako sa mga magagandang tanawin.

"Dad, may titignan lang ako doon." paalam ko. Narinig ko pa na tinanong nya sa kanila kung nasaan na daw yung newly wedd couple, ang sabi nagbibihis lang daw at lalabas na.

Namangha ako sa kagandahan ng lawa. Malawak ito at may malinaw na tubig. May mga malalaking bato din sa gilid na malilinis din at mapuputi at wala man lang makikitang lumot. May mga puno din at mga bulaklak na kung iisipin ay parang sinadyang itanim.

Sa tingin ko inaalagaan nila ng maayos ang Lake na ito at pinaganda. May mga maliliit na isda din akong nakikita dahil sa sobrang linaw ng tubig na sinadya atang pakawalan.

Doon naman sa malayo ay mga palayan na kulay berde din, at matatanaw din yung matayog na bundok na napapalibutan ng ulap sa tuktok.

Sobrang amazed na amazed talaga ako.

Naisipan kong umupo sa isa sa malalaking bato. Sa mga ganitong lugar ako naaaliw tumambay. Panandaliang katahimikan ang namalagi sa akin nung pag-upo ko, nakayakap pa ako sa mga tuhod ko.

Ilang saglit, umiiyak na ako. May luhang biglang dumaloy sa magkabila kong pisngi, na kahit anong gawin kong pigil o punas ay ayaw talagang tumigil.

Naalala ko kasi ang boyfriend kong si Ron. Tumawag sya sa akin kagabi bago ako natulog, para lang sabihin na break na kami. Sabagay noon pa man nararamdaman ko na talaga ang panlalamig nya sa akin. Marahil hindi ko lang talaga matanggap na sya pa itong nakipagkalas sa akin.

Hindi sinasadyang mapalingon ako sa gawing kaliwa ko habang nagmumuni-muni. Nanlaki mga mata ko nung makita ko ang tatlong aso na nakatingin sa akin. Kinilabutan ako ng husto sa babangis ng itsura nila.

Tatayo na sana ako para sana tumakbo pero nung mapalingon naman ako sa gawing kanan ko ay may apat pa palang malalaking aso na mas malapit sa akin!

Bigla akong nagyelo at hindi makakilos sa sobrang nerbyos. Maling kilos ko lang siguradong lalapangin ako ng mga asong ito. Ano ba naman! Bakit kay daming aso dito? Parang mga puting lobo ang itsura!

"Huwag kang mag-alala, mababait ang mga iyan."

Isang boses ng lalake ang narinig kong magsalita sa likod ko. Hihingi sana ako ng tulong sa kanya na makaalis o paalisin ang mga aso pero nung lingunin ko sya bigla akong natahimik.

Nagtagpo kasi ang mga mata namin, at may kakaibang kislap sa mga mata nya na mayroong makapal na pilik. Kakaiba ang aura nya, malakas ang dating. At higit sa lahat parang narinig ko ang puso ko na tumibok.

"Hala! Para aso lang umiiyak ka na?"

Akala siguro nya yung mga aso ang iniiyakan ko, napansin siguro nya na namumula ang mga mata ko at may mumunting luha pa.

"Sayo ba mga aso 'tong mga 'to? Pakibawalan mo nga at baka kagatin ako! Dapat nakatali ang mga ito eh!"

Napangisi sya kahit sinupladahan ko sya.

"Kaya pala pinalibutan ka ng mga iyan kase ang sungit mo eh! Hahaha"

"Hindi ako nakikipaglokohan sayo!"

"O, relax lang!"

Sumipol lang sya at nagsilapit na sa kanya yung pitong aso. Tapos nung inutusan nyang pumasok doon sa loob ng bahay nila agad na sumunod ang mga aso.

"Hindi sila sa akin, alaga sila nung kapatid ko. Sya yung Groom sa kasalan ngayon."

"Ah, kapatid ka ni Jacob?" tanong ko habang lumalapit sya sa akin.

"Oo, kilala mo sya? Bisita ka nya? Si Jake talaga ang daming kilalang magagandang babae."

"Hindi ko sya kilala noh! Nakita ko lang pangalan nya dun sa tarpaulin nila sa harap."

Nginitian nya ako nung nasa tabi ko na sya. Nakaupo pa rin ako sa malaking bato nung sabihin nyang, "Pwede ba akong tumabi sayo?"

"Hindi." sagot ko, pero umupo pa rin sya sa tabi ko.

Masungit ang pagtrato ko sa kanya pero sa loob-loob ko napapangiti ako, yung feeling na parang napakasaya ng lahat ng bagay. Ngayon ko lang sya nakita, hindi ko pa alam ang pangalan nya, pero yung way ng pag-uusap namin parang matagal na kaming magkakilala at nagkasama. Magaan agad ang loob ko sa kanya.

"Bakit ba lahat ng magaganda ay masungit?" sunod nyang pang-aasar sa akin.

"Hindi ako masungit, maganda lang ako!" Nagulat ako sa nasabi ko. Ang sasabihin ko sana ay hindi ako maganda, masungit lang, pero nabaliktad yung sinabi ko.

Napatawa na lang din tuloy ako nung matawa sya sa nasabi ko. Kaya naisipan ko na kausapin na lang sya ng normal, kase baka isipin pa nya na nilalambing ko sya in disguised.

"Aba hindi ko alam na marunong ka pa lang tumawa!" nag-asar na naman, "Pero, ngayon lang kita nakita dito ah!"

"Malamang! Eh ngayon nga lang din kita nakita eh. Pinsan ko si Maya, yung Bride."

"Talaga yung si Maya oh! May pinsan palang maganda hindi man lang pinapakilala sa akin."

Nakakatuwa sya. Bigla nakalimutan ang lungkot ko dahil sa kanya. Masarap din syang kausap, napakarami naming napagkwentuhan habang magkatabing nakaupo sa bato at nakatanaw sa magandang Lake.

May dinukot sya sa kanyang bulsa, isang yosi at lighter na american zippo, "Pwede ba akong magyosi?" nagpaalam pa talaga sa akin, tumango lang ako, sanay na din ako kasi nagyoyosi din si Daddy.

Kaso hindi nya mapaapoy yung lighter nyang palyado. Natatawa ako kasi ang cute nyang tignan kapag naiinis.

"Baka may ibig sabihin na yan." sabi ko sa kanya kase hindi pa rin nya masindihan yung yosi nya.

"Ano? Na kailangan ko ng bumili ng bagong lighter?" hula nya.

Umiling-iling ako at nagpa-cute ng kaunti, "Hindi. Baka kailangan mo ng ihinto iyang paninigarilyo mo." nakangiti kong sabi.

Nginitian din nya ako, "Alam mo, gusto ko iyang ugali mo." tapos in-extend nya kanang kamay nya sa akin, "Ako nga pala si Tony, Antony Preacher." pagpapakilala nya.

Kinamayan ko sya, "Maimai, Maita Navarro."

Nang maghawak ang aming kamay napansin ko na parang ayaw pa rin nyang bitawan. Napatingin ako sa kanya at nagkatitigan kami ng matagal na may kasamang matamis na ngiti sa aming mga labi.

"O sya, ititigil ko na pagyoyosi ko, sa isang kundisyon, hayaan mo akong ligawan ka."

"Ang bilis mo naman! Naisingit mo pa talaga yon?"

Grabe, parang ngayon lang ako nabuhay.

*****TAPOS*****