Chapter 8 - Beyond Truth

"Bakit parang biglaan naman ata anak ? " tanong ni Narcisso sa anak.

"Eh ngayon lang kami nagkontakan ulit eh, don't worry, mag iingat po ako. " sabi ni Ronron.

Nagkibit balikat ang ama.

"Ang akin eh, wala ka bang kasamang iba ? Kahit kaibigan mo man lang. Bakit ikaw lang ang mag isang pupunta don ? " tanong pa nito.

Umiling si Ronron.

"A-ako lang ata ang nasabihan Pa. Pero ewan ko, baka mag sisunuran na din yung iba. " sabi nya.

"Sa Mama mo ikaw magpaalam. " turo ng ama.

Lumapit si Ron sa inang kanina pa tahimik.

"Ma, pumayag na si Papa. Ikaw ? " tanong nya.

"Tse !, di ako papayag. Hindi ka pa nakakapunta ng Laguna. Hindi mo pa kabisado ang pasikot sikot duon. " singhal ni Sylvia.

Sumingit ang ama.

"Tama ang Mama mo. Mahirap ang lumakad kapag hindi mo kabisado ang pupuntahan mo. Lalo pa't medyo probinsya yon. " singit nya.

Naalarma si Ronron.

Mukhang mabubulilyaso pa ata ang palusot nya sa mga magulang.

Gabi nuon.

Katatapos lamang nilang maghapunang mag anak ng buksan nya ang paksa sa balak na pagpunta kina Angel.

Alam nyang medyo tagilid sya kung magpapaalam sya.

Pwede syang magdahilan na makikitulog sa isang kaklase para tapusin ang isang project, ngunit naisip nyang kailangan nyang magsabi ng totoo.

Pero hindi buong katotohanan ang nasabi ni Ronron.

Ang dinadahilan lamang nya ay pupunta sya sa isang kaibgan para umattend ng birthday bago ito magtungo sa ibang bansa para mag aral.

Kumagat naman ang mga ito.

Ngunit nahihirapan pa rin syang payagan dahil nga sa layo ng nasabing lugar.

..

"Sige na po Ma. Promise, tatawag ako every 2 hours. " pangako ni Ronron.

Natahimik lamang si Sylvia at tila nag isip.

Binalingan nito ang kabiyak na nakatingin din sa kanya.

"Ano sa tingin mo Narcisso ? " tanong ng ina.

"Malaki na yang anak mo. " tanging nasabi ng ama.

Napasimangot si Sylvia.

"Kailan ka ba aalis ? " tanong nya.

Tinago ni Ronron ang pagngiti.

"Baka po saturday ng madaling araw Ma. Para bago mag gabi, nasa Laguna na ako. " sabi nya.

"Eh kung ihatid mo na lang sya Narcisso ? Para mapanatag ang loob nating pareho. " tanong ni Sylvia.

Mabilis na nag react si Ronron.

Baka kapag ihatid sya ng ama, malaman nitong hindi nya kilala ang kanyang pupuntahan.

"Ma naman, syang ang isang araw na pasok ni Papa sa office. Saka, paano ko naman po maeexperience ang bumyahe mag isa ? " katwiran nya.

Tumango tango ang ama.

"Tama ang anak mo. Ipalagay mo nga yang loob mo Sylvia. Ginagawa mong bata yang anak mo. Hanggang kelan mo ba balak baby-hin yan ? " tanong nya.

Napanguso lamang ang ina.

Padarag itong tumayo at tinungo ang hagdan.

"Bahala kayong mag ama !. " inis na sabi nya.

Napangiti na lang si Narcisso.

"Tumatanda ka na kasi . " pahabol na pang aasar nya.

Natawa si Ronron.

"Thanks Pa. Promise mag iingat po ako. " sabi nya.

Tumango tango si Narcisso.

"Walang kaso sa akin yan anak. Basta alagaan mong sarili mo. Nag aalala lang ang nanay mo kasi first time mong pupunta sa ganuong kalayo na ikaw lang. " paliwanag nya.

"Opo alam ko. Touched po ako, pero gusto ko ring maranasan ang mag isa ng byahe Pa. " sabi ni Ronron.

Tumango lang si Narcisso at tumayo na.

"Oh sya sya, isarado mo ng mga ilaw at tingnan mo kung may naiwang naksaksak. Pati yung mga bintana at pinto siguraduhin mong nakalock bago ka umakyat. " bilin nito.

Nag thumbs up si Ronron.

"Sir yes sir !. " biro nya.

Nagtawanan lang silang mag ama.

..

Alas tres ng madaling araw ng magising si Ronron.

Tulad ng nakagawian, saglit syang naghintay kung may magriring na cellphone kung saan.

Ngunit lumipas ang sampung minuto, wala pa ring nangyari.

Muling nakaramdam ng matinding pangungulila ang binata.

Dati rati ay marami rami na silang napag uusapan ni Angel sa ganitong oras.

Pero mabilis na naglaho ang lahat.

Huminga ng malalim si Ronron.

Bumaba sya sa kama at saglit na nag inat.

Pagkatapos ay dumiretso na sa banyo para maligo.

..

Matapos ang isang oras, kasalukuyang kinakalkal ni Ronron ang kanyang dadalhing bag.

Ininspeksyon nya itong mabuti dahil baka may nakalimutan sya.

Extrang damit, phone, pera.

Sapat na ito para sa kanyang munting paglalakbay para hanapin ang pag ibig.

Ilang saglit lang ay sinukbit na ni Ronron ang bag.

Lumabas sya ng kwarto at dumiretso sa silid ng mga magulang.

Di pa sya kumakatok ay biglang bumukas ang pinto.

Nagkagulatan pa sila ng ina.

"Ma, ang aga mo ah. " bati ni Ronron.

Ngumiti lang si Sylvia.

"Kumain ka muna anak. Di ako papayag na aalis ka ng walang laman ang tyan mo. Kahit na mag light breakfast ka lang. Teka at magluluto ako. " sabi nya.

Napangiti ang binata.

"Sige po. " sagot nya at sinundan ang ina pababa.

..

Alas singko ng madaling araw.

Nakarating si Ronron sa terminal ng bus pa Laguna.

Dahil sa kawalan ng experience, lumapit sya sa isang lalaki.

"Kuya, saan po ba ako bibili ng tiket ? " tanong ni Ronron.

"Ay dun iho, pumila ka don. " sabi nito.

Ngumiti si Ronron.

"Salamat po. " sabi nya at tumungo na nga sa pila.

May tatlong pasahero ang nasa pilahan bago si Ronron.

Di naman sya naiinip bagama't parang mabagal ang pag usad ng pila.

Hanggang sa wakas ay sya na ang magbabayad.

"Isang Laguna po. " sabi nya.

Tumawa ang lalaki sa loob ng ticket booth.

"Tanga, malaki ang Laguna, saan duon ? " tanong nito.

Nakaramdam ng kaunting insulto ang binata.

Tama naman ito na malaki ang Laguna at aminado syang nagkamali.

Pero hindi na siguro tamang sabihan pa sya ng tanga.

Nakasimangot na nilabas ni Ronron ang kapirasong papel kung saan nya nilista ang address ni Angel.

Inabot nya ito sa lalaki.

"Ah, dito pala. Sige. " sabi nito at muling binalik sa kanya ang papel.

Nilabas ni Ronron ang wallet, hindi nya alam kung magkano ang ibabayad pero para hindi na sya magmukhang tanga, naglabas sya ng buong isang libo at inabot sa lalaki.

Maya maya ay nagtaka si Ronron.

Inabot ng lalaki ang isang tiket ngunit hindi nito kinuha ang binayad nya.

"M-manong bakit ? " tanong ni Ron.

"Libre na yan, ibili mo na lang ako ng Combo #1 ni Romeo. " sabi ng lalaki.

Nanlaki ang mga mata ni Ronron at dali daling yumuko para silipin sa butas ang lalaki sa loob.

Tama ang hinala nya.

"Tanga ikaw pala yan !. " nakangising bulalas ni Ronron.

Ang tindero ng charger.

Tumawa ang lalaki sa loob at maya maya ay lumabas ito mula sa booth.

"Kamusta ? " tanong ng lalaki.

Napangiti si Ronron.

"Siraulo ka, andami mong raket. Dati tindero ka ng charger, ngayon nagtitinda ka na ng tiket sa bus. Anu ba talagang trabaho mo ? " biro nya.

"Bakit ? Anong masama sa trabaho ko ? " tanong ng lalaki.

"Wala naman, nakakahilo lang. Saka bumalik ako dun sa tindahan ng charger, syempre ikaw ang hinanap ko. Pero sabi nung may ari ata yon, wala daw ibang nagtitinda don kundi sya at yung kapatid nya. " paliwanag ni Ronron.

Napakamot sa batok ang lalaki.

"Mas malakas kasi ang benta kapag ako ang nakabantay, kaya ayun, pinalayas nila ako. Insecure eh. Obvious naman di ba? " tanong nito sabay himas sa baba.

Natawa si Ronron.

"Oh itong tiket ? Magkano ? " tanong nya.

"Combo #1 na nga lang ni Romeo ang ibayad mo. " sabi ng lalaki.

Natigilan si Ronron.

"R-romeo ? Sinong Romeo ? " tanong nya.

"Romeo Di Carprio, Ace of Spades. Kwadro Alas. Black Heart, Devil. Demonyo. Siraulo. Babaero. Kuripot. Saksakan ng gulang. Ano pa ? " nakangising litanya nito.

Napanganga si Ronron pero di nya maiwasang tumawa.

"Hahaha, magkakilala kayo ? " tanong nya.

Tumango ang lalaki.

"Yup !, Actually, ako ang tanging nilalang na kinaiinggitan nya dahil mas gwapo ako ng konti sa kanya. Sa tingin mo ? " nakangising sabi nito.

Saglit na pinagmasdan ni Ronron ang lalaki at di nya mapigilang mamangha.

"M-magkahawig kayo. " bulong nya.

Sumimangot ang lalaki.

"Hoy, yung bayad mo sa tiket . " untag nito.

Tila nabatubalani si Ronron.

"A-ah oo nga pala. S-saglit, saan bang tindahan dito ? " tanong nya.

Tinuro ng lalaki ang isang direksyon.

Dali daling nagtungo si Ronron at nakakita nga sya ng tindahan.

"Isang Lemon Square at Mountain Dew nga po. Paki plastic na lang po yung mountain dew. " sabi nya base sa sinabi ng lalaki.

Agad namang tumango ang tindera.

Matapos magbayad, dinala na ni Ronron ang mga nabili pabalik sa pwesto ng lalaki.

Naabutan nya itong nakaupo sa hintayan ng mga pasahero.

Agad itong nagtakam ng makita ang mga dala nya.

Natawa ng lihim si Ronron.

"Oh. Sigurado kang ito ang bayad ko sa tiket ? " tanong nya.

Tumango ang lalaki at mabilis na nilantakan ang pagkain.

"Masarap talaga. Hmmm. Ngapala, anong gagawin mo sa Laguna ? " tanong nito habang sumisipsip ng mountain dew.

Napaisip si Ronron kung sasabihin nya ba ang pakay o mag iimbento na lang.

Pero sa huli ay naisip nyang sabihin na ang katotohanan.

"M-matagal na kasi kaming walang kontak ng girlfriend ko. Miss na miss ko na sya. Nag aalala ako baka may kung anong nangyari sa kanya. " sabi nya.

Tumango tango ang lalaki.

"Pero sa tingin ko, mukhang ngayon ka pa lang lalakad ng mag isa sa ganuon kalayo. Sigurado ka ba sa ginagawa mo ? " tanong nito.

Tumango si Ronron.

Natahimik sila pareho.

Matapos maubos ang kinakain, tumayo ang lalaki at tinungo ang basurahan para itapon ang mga kalat.

Muli itong bumalik sa tabi ni Ronron.

"Alam mo pre, sa totoo lang, delikado yang ginagawa mo. " sabi nito.

Natahimik si Ronron.

Alam nya ang konsekwensya ng ginagawa.

Ngunit may kung anong pwersa ang nagtutulak sa kanya para ituloy ang binabalak.

"A-alam ko. Pero kailangan ko syang makita. " determinadong sabi nya.

Natahimik ang lalaki.

"Kailangan ? Baka mas tamang sabihin na gusto. Gusto mong masagot ang mga tanong mo. Kung bakit sya hindi nagpaparamdam sa'yo sa mga nakalipas na araw. Tama ba ako ? " tanong nito.

Natigilan si Ronron.

Pero di nya maiwasang mapangiti.

"Y-yeah. Sort of. " landi nya.

Ngumiti ang lalaki.

"Sa tingin ko naman, magkaibigan na tayo di ba? " tanong nito.

Napangiti ng maluwang si Ronron.

"Oo naman. " sabi nya.

"Kung ganon, siguro naman ay kahit papaano, pakikinggan mong ipapayo ko sayo. " sabi ng lalaki.

Tumango si Ronron.

"Sure pare. " sabi nya.

Huminga ng malalim ang lalaki.

Nag inat ito at tumayo.

"Mag iingat kayo. " sabi nito.

Nagtaka si Ronron.

"K-kayo ? Pero ako lang mag isa ang aalis. " sabi nya.

"Tawagan mo si Romeo. Isama mo sya. Delikado ang pupuntahan ninyo at mas maganda kung magsasama ka ng isang maasahang kaibigan. " payo ng lalaki.

Natigilan si Ronron.

"P-pero pare, di mo ata kilala si Rom, ayaw non na ginigising sya ng alanganing oras. Tanging ang tatlong alas lang ang makakagising don bukod sa mga magulang nya. " paliwanag nya.

"Alam ko. Pero may sasabihin ka sa kanya na sigurado akong hindi nya matatanggihan. Wag kang matakot. " sabi ng lalaki.

"A-anong sasabihin ko ? " tanong ni Ronron.

"Sabihin mong nagkausap tayo. " sabi ng lalaki at pumasok na ulit sa ticket booth.

Mabilis na tumayo si Ronron at lumapit.

"P-pare. Sigurado ka ? Ayaw kong magulpi. " takot na sabi nya.

Tumawa ang lalaki sa loob.

"Mas matakot ka sa maaaring mangyari. Sige na, tawagan mo na sya at sabihin mong pangalan ko. " sabi ng lalaki.

Sukat duon ay naalala ni Ronron na hindi pa nga pala nya alam ang pangalan ng bagong kaibigan.

"A-ano nga palang pangalan mo ? " tanong nya.

Ngumiti lamang ang lalaki.

"Totoy. " sabi nito.

Napanganga si Ronron at di na pinigilan ang pagtawa.

..

Naupong muli si Ronron sa upuan.

Nilabas nya ang cellphone at hinanap ang numero ni Romeo.

Di nya maiwasang mapalunok.

Napatingin sya sa direksyon ni Totoy at nakita nyang nag thumbs up ito.

Huminga ng malalim si Ronron.

"Bahala na. " sabi nya sa sarili at pinindot ang call button para tawagan ang kaibigan.

Nakailang ring ang lumipas ngunit wala pa ring sumasagot.

Habang tumatagal ang pag ring ay lalong nadadagdagan ang takot ni Ronron sa katawan.

Maya maya ay naputol ang tawag.

Napatingin si Ronron sa direksyon ni Totoy.

"P-pare, pinatay ni Rom. " sabi nya.

Rinig nya ang tawa ng lalaki sa loob ng booth.

"Tawagan mo pa. " utos nito.

"M-magagalit na yon !. " sabi ni Ronron.

"Tawagan mo, sabihin mong pangalan ko. " sabi ng lalaki.

Napalunok si Ronron.

Mukhang may kung anong koneksyon ang dalawa dahil hindi nya nakikitaan ng takot si Totoy.

Sinubukan nyang muling tumawag.

Nakalimang ring ata ang lumipas bago may nagsalita sa kabilang linya.

"Siguraduhin mong importante ang sasabihin mo Ronron. Alam mo na siguro ang konsekwensya ng paggising sa akin ng ganitong oras. " paos na boses ni Romeo.

Nakaramdam ng kilabot si Ronron.

Pero sinikap nyang pakalmahin ang sarili.

"P-pre, samahan mo ako. " sabi nya.

Saglit na natahimik ang nasa kabilang linya.

"Saan ? " tanong ni Romeo.

"Laguna pre. " sagot ni Ronron.

"Bakit ? " tanong ulit ni Romeo.

Natigilan si Ronron

Nagdalawang isip sya kung sapat ba ang kanyang dahilan para mambulabog ng kaibigan.

Ngunit sa huli ay naisip nyang nandito na sya. Natawagan na nya si Romeo at naistorbo sa pagtulog.

Haharapin nya ang galit nito.

Para kay Angel.

"Pupuntahan ko si Angel pare. " sabi ni Ronron.

Natahimik si Romeo.

Akala ni Ronron ay nakatulog na ang kaibigan pero bigla itong tumawa.

"At ano naman ang mapapala ko ? " tanong ni Romeo.

Napalunok si Ronron.

Dumaan sa kanyang harap si Totoy at sumenyas na uuwi na ito.

"T-teka Romeo. " sabi nya at hinarap si Totoy.

"S-saan ka pupunta ? " tanong ni Ronron.

"Uuwi na, tapos na ang shift ko. Pang gabi ako eh. " sabi nito.

"S-sige, salamat pare. " sabi ni Ronron.

Natahimik si Totoy, sumeryoso ang mukha nito at hinawakan sya sa balikat.

"Pare, inuunahan na kita. Maaaring mabigla ka sa maaari mong malaman sa pagpunta mo sa bahay ng girlfriend mo. Tatagan mo lamang ang loob mo't manalig ka sa Lumikha. Wag kang matakot, kasama mo si Romeo. " sabi nito.

Natulala si Ronron.

"A-anong ibig mong sabihin ? " tanong nya.

Ngumiti lang si Totoy at umalis na.

Muling kinausap ni Ronron ang kaibigan sa cellphone.

"P-pre, kahit anong hilingin mo. " sabi nya.

Natahimik si Romeo.

"Ayaw ko. " sabi nito.

Naalarma si Ronron.

Nuon nya naalala si Totoy.

"A-actually, hindi ako ang nag suggest na isama ka. May isang lalaki ang nagsabi na gisingin daw kita. " imporma ni Ronron.

"Sige, sabihin mo kung sino yang may lakas ng loob na yan para gisingin ako. " matigas na sabi ni Romeo.

Napalunok ng laway si Ronron.

"S-si Totoy. " sabi nya.

..

Makalipas ang kalahating oras.

Dumating si Romeo.

Seryoso ang mukha nito ng lumapit kay Ronron.

"Tara na. " aya ni Romeo.

Mabilis na tumayo si Ronron.

"Pare, bibili pa ako ng isang tiket. " sabi nya.

Tumango si Romeo at naupo.

Muling nagtungo si Ronron sa booth para bumili ng tiket.

Di na si Totoy ang nasa loob, babae na.

Matapos makabili ng tiket ay pinuntahan na nya ang kaibigan.

Sumakay sila sa nag aabang na bus at magkatabing naupo sa bandang dulo.

Maya maya ay tahimik ng umandar ang bus.

Sinuot ni Romeo ang shades at kampanteng nahimlay sa sandalan.

Napalunok si Ronron at lakas loob na nagsalita.

"P-pare, salamat sa pagpunta mo. " sabi ni Ronron.

Ngumiti lang ang binata at tumango.

"Okay lang. Basta may utang ka sa akin " sabi nito.

Napangiti si Ronron.

"S-sige pare, pero pwedeng magtanong ? " tanong nya.

"Sige. " sabi ni Romeo.

Huminga ng malalim si Ronron.

"S-sino si Totoy ? " tanong nya.

Mukhang natigilan si Romeo.

Dahan dahan itong nag alis ng shades at tinitigan sya sa mga mata.

"Akala ko ba sya ang nagpapunta sa akin dito ? " tanong nito.

Tumango si Ronron.

"Oo, nag titinda sya ng tiket kanina. Kaso tapos na daw ang duty nya kaya umuwi na. " sabi nya.

Biglang natawa si Romeo.

"Tiket sa bus ? Siraulo din yun eh. Anyway, mahirap ipaliwanag kung sino si Totoy sa buhay ko. Maging ako ay hindi ko alam ang eksaktong sagot pero mas mabuting wag na nating alamin. Malandi yun eh. May pa mistery effect ang peg. Matulog ka na at mamaya pa tayo makakarating dun. " sabi nito.

Napangiti si Ronron at sinandal na rin ang ulo.

Pero humirit pa sya ng tanong.

"Pare last na. Kanina sinabi ni Totoy na dapat daw matanggap ko kung anu mang matutuklasan natin. Sa tingin mo, anong ibig nyang sabihin ? " tanong ni Ronron.

Natigilan muli si Romeo.

"S-sinabi nya yon ? " tanong nito.

Tumango si Ronron.

Napangisi si Romeo at muling sinuot ang shades.

"Kung ganon, hindi ako nagkamali ng pagsama. Matulog ka na. " utos nito.

"A-anong ibig nyang sabihin pare ? " tanong ni Ronron.

Ngunit tumalikod na ng higa ang binata.

Nagkibit balikat na lang si Ronron.

Aminado syang mas kampante na ngayon ang pakiramdam nya dahil kasama nya ang isang tapat at maasahang nilalang.

Sumandal na syang muli sa upuan at pinikit ang mga mata.

Nagpatangay na rin sa antok tulad ng kaibigan.

..

Unti unting nagmulat ng mga mata si Ronron ng makaramdam ng pagkalabit.

Pag -angat nya ng tingin ay nakita nya ang kundoktor sa kanyang harap.

"Boss, Laguna na ho. " sabi nito.

Napabalikwas ng bangon si Ronron.

Agad nyang kinalabit ang katabi.

"Rom, nandito na tayo. " sabi nya.

Sinukbit na nila ang gamit at bumaba na rin.

Sila na lang pala ang natira sa bus.

Pagbaba nila ay sinalubong sila ng sariwang hangin.

"Nagugutom ako. Di ako nakapag almusal eh. " sabi ni Romeo.

Ngumiti si Ronron.

"Sige, gutom na rin ako. Noodles lang ang kinain ko kanina. San mo gusto ? Teka tatanungin ko kung may restaurant na malapit dito. " sabi nya at akmang babalik ng pigilan ng kaibigan.

"Resto ? Anong gagawi mo sa resto ? Ayan oh turo turo. Ang arte mo . " sabi ni Romeo at nagpauna na sa paglakad.

Napangiti si Ronron.

"Akala ko kasi ayaw mo dyan eh. Malay ko ba. " sabi nya at sumunod na rin.

Matapos kumain.

Nag usap ang dalawa.

"So paano ? Siguro naman hindi tayo manghuhula ng address ? " tanong ni Romeo.

Tumango si Ronron at dali daling nilabas ang kapirasong papel.

"Eto pare " inabot nya ang papel sa kaibigan.

Binaba ni Romeo ang nakasulat at pagkatapos ay muling binalik sa kanya.

"Ipagtanong natin. " sabi nito.

Tumango si Ronron at inimis na ang mga gamit nila.

Inabot nya ang bayad sa babae serbidora.

"A-ahm ate, pwede pong magtanong ? " tanong ni Ronron.

Ngumiti ang babae.

"Sige. " sabi nito.

"Alam nyo po ba itong address na to ? " tanong ni Ronron.

Binasa ng babae ang nakasulat sa papel.

Kumunot ang noo nito at nagtawag.

"Dong ! " sigaw nito.

Nagkatinginan lang sina Romeo at Ronron.

Maya maya ay may lumapit na binatilyo.

"Ano po yun Nay ? " tanong nito.

"Di ba kina Madam itong address na ito ? " tanong ng babae.

Binasa ng binatilyo ang nakasulat at pagkatapos ay tumango.

"Opo, bakit ? " tanong nito.

Tinuro ng babae sina Romeo at Ronron.

"Eh mukhang hinahanap nila eh. Teka mga pogi, ano bang kailangan nyo duon ? " tanong nito.

Ngumiti si Romeo.

"Ah bibisitahin lang po namin. " sabi nya.

Tila nagduda ang babae.

"Kaanu ano kayo nina Madam ? " tanong pa nito.

Sumingit si Romeo.

"Ah ito hong kaibigan ko, bale pamangkin ho sya ng kaibigan ng dating kapitbahay ng sinasabi nyong Madam. " sabi nya.

Natigilan si Ronron at pasimpleng siniko ang kaibigan.

"Ang gulo non pare. " bulong nya.

Tila nag isip ang babae at pagkatapos ay ngumiti ito at tinuro ang anak.

"Oh sya, samahan mo sila Dong. Nakakahiya kay Madam kung hindi mo sya ihahatid. " sabi nito.

Napakamot sa batok ang binatilyo.

"Eh Nay, may ginagawa pa ako eh. " sabi nito.

Pinandilatan ng babae ang anak.

"At ano ? Nanliligaw ka na naman ? Bwisit ka, ihatid mo sila at bumalik ka dito. Nakita mo ng maraming taong kumakain tapos kung saan saan ka nakatambay !. " singhal ng babae.

Natawa na lang sina Ronron at Romeo.

Tulad ng napag usapan.

Hinatid sila ng binatilyo.

Sumakay sila ng jeep at pagkatapos ay naglakad.

"Pare, ang ganda dito ano ? " puri ni Ronron.

Tumango si Romeo.

"Oo nga eh, malapit sa dagat. " sabi nya.

Nagtaka si Ronron.

"P-paano mong nalaman ? " tanong nya.

"Maalat yung hangin. Tama ba ako Dong ? Malapit ba tayo sa dagat ? " tanong ni Romeo.

Tumango ang binatilyo.

"Oo kuya, sasakay ka ng jeep tapos lalakad ka ng konti. " sagot nito.

Napangisi si Romeo.

Maya maya ay tumigil ang binatilyo sa paglalakad at tinuro ang isang direksyon.

"Duon mga kuya. Lakarin nyo yung gate na yun, sabihin nyo sa guard na pupunta kayo sa bahay ng mga Lacson " sabi nito.

"Lacson ? " tanong ni Romeo.

Tumango si Ronron.

"Lacson ang apelyido ni Angel pare. " sabi nya.

"Angel Lacson ? Azteeeggg.. " natatawang sabi ni Romeo.

Ngumiti ang binatilyo.

"Ah kaya po kayo nagpunta dahil kay Ate Angel ? " tanong nito.

Nagkatinginan sina Romeo at Ronron.

Pasimpleng siniko ni Ronron ang kaibigan.

"Kita mo na, sabi mo poser sya. " bulong nya.

Nagkibit balikat si Romeo.

"Dong, anong itsura ni Angel ? " tanong nya.

Saglit na napaisip ang binatilyo.

Pagkatapos ay ngumiti.

"Maganda po. Katunayan, maraming may crush kay ate. Saka mabait pa. " sagot nito.

Muling nanlaki ang mga butas ng ilong ni Ronron at inangasan si Romeo.

"Ano pare ? Mainggit ka !. " bulong nya.

Nagtroll face lang si Romeo.

"Oh bakit parang natatae ka Dong ? " tanong nya.

"Ah eh, uuwi na po ako. T-tutulungan ko si Nanay. " sabi ng binatilyo.

Natawa sina Ronron at Romeo.

"Ang sabihin mo, pupunta ka na dun sa syota mo. Haha. " sabi nila.

Namula ang pisngi ng binatilyo.

Pero hindi ito kumontra.

"Sige na Dong, salamat sa paghatid. Ayos lang ba kung ikaw lang mag isa ang uuwi ? " tanong ni Ronron.

Tumango ang binatilyo.

"Ako ho kasi ang taga hatid ng kakanin na inoorder ni Madam kay Nanay. " sabi nito.

Napatango tango ang dalawa.

Kinalabit ni Romeo si Ronron.

"Pare, bigyan mo ng pamasahe. " sabi nya.

Mabilis na sumunod si Ronron. Naglabas sya ng limang daan at inabot sa kaibigan.

"Oh Dong, pang miryenda. " sabi ni Romeo.

Umiling ang binatilyo.

"Naku hindi ho . " tanggi nito.

"Sus, pang Date din to tanga. " giit ni Romeo.

Natigilan ang binatilyo.

Pasimple nyang inabot ang binigay ng binata.

"S-salamat po. " sabi nito.

"Sus, wag ka ngang mailang sa amin. Ituring mo kaming mga kuya mo. "sabi ni Ronron.

Maya maya ay ngumiti ang binatilyo.

"Sige mga kuya. Ingat po kayo. Uwi na po ako. " paalam ni Dong.

Tumango sina Ronron.

"Sige Dong, puntahan mo na yung syota mo. Tapos mag motel kayo. " payo ni Romeo.

Nagtaka ang binatilyo.

"Ano yung motel kuya ? " tanong nya.

Mabilis na hinatak ni Ronron ang kaibigan.

"W-wala yun Dong. Ang sabi ni Kuya Romeo, mag Date kayo. Kumain sa labas tapos mamasyal. Tapos umuwi na kayo. Ganun ang sabi nya. " paliwanag nya.

Napatango ang binatilyo.

"Aaahhh, salamat po. Sige po, aayain ko syang mag motel tulad ng pinayo nyo. " sabi nito sabay mabilis na tumakbo palayo.

Natulala sina Romeo at Ronron.

..

Tulad ng sinabi ng binatilyo, nagtungo sa gate ang dalawa para hanapin ang bahay nina Angel.

Sinalubong sila ng gwardya.

"Ano po yun mga ser ? " tanong nito.

"Ah, saan ho ba ang bahay ng mga Lacson sir ? " tanong ni Ronron.

Tiningnan sila ng gwardya mula ulo hanggang paa.

"Ano hong kailangan ser ? " tanong ulit nito.

"Ah eh, bibisita ho. " sagot ni Ronron.

Muli silang tiningnan ng gwardya.

"Kaano ano nyo sila mga ser ? " tanong ulit nito.

Nainis na si Romeo.

"Ahm ser, pwede bang pakitawagan na lang sina Madam at pakisabi nandito kami. " asar na sabi nya.

Tila natauhan ang gwardya.

"Ah kina Madam pala kayo. Sige sige. Unang bahay pagliko nyo sa kaliwa. " agad na sabi nito.

Tinago nina Romeo at Ronron ang pagtawa.

Naglakad na sila papasok ng tahimik na subdivision.

"Mukhang kilala talaga yung nanay ni Angel pare. " puna ni Romeo.

"Oo nga eh, Madam pa ang tawag. Ano kayang tungkulin non dito sa lugar nila ? " tanong din ni Ronron.

Natahimik sila dahil pagliko nila ay agad na bumungad sa kanila ang malaking bahay.

"Holy shit. " sigaw ni Romeo.

"Mother of God, anlake ng bahay nila pare. " puna ni Ronron.

Nagkatinginan ang dalawa.

"Di kaya sindikato ang mga magulang ni Angel ? " tanong ni Romeo.

Siniko ni Ronron ang kaibigan.

"P-pare may lumabas sa bahay. Tara. " turo nya sabay dali daling lumapit.

Napatingin sa kanila ang isang babaeng nakauniporme na tila kasambahay.

"Anu ho yon ? " tanong nito.

Napakamot sa batok si Ronron at muling tiningala ang bahay.

"D-dito ba nakatira si Angel Lacson ? " tanong nya.

Natigilan ang babae.

"B-bakit ho ? " tanong nito.

Ngumiti si Ronron.

"Ah, boyfriend nya ako. Binibisita ko lang sya. " sabi nya.

Lalong tila natulala ang babae.

Bago pa ito makasagot ay lumapit na si Romeo.

"Hello. Bakit ka nakatulala dyan ? Nagwapuhan ka saken no ? " tanong niya.

Tila natuhan ang babae at biglang umirap.

"Hhmp, di ka gwapo. " sabi nito sabay pasok sa loob.

Nabigla si Ronron.

Natulala naman si Romeo.

Maya maya ay tumawa si Ronron at tinapik ang balikat ng kaibigan.

"Pare, pagpasensyahan mo na. Iba ata ang taste nila dito sa probinsya. Hahahaha. " tumatawang sabi nya.

Nag poker face si Romeo.

"Mukhang tama ka pare. Kailangang itama ang pamantayan nila ng kagwapuhan sa lugar na ito. Buti na lang isinama mo ako. " tiim bagang na sabi nya.

Lalong natawa si Ronron pero natigilan sila ng marinig na bumukas ang gate.

Lumabas ang isang may edad na lalaki at babae.

Kagalang galang ang itsura ng mga ito base sa pananamit.

Napansin nilang nasa likod ang kasambahay na nagsabing hindi gwapo si Romeo.

"Sila po ang naghahanap kay Senyorita Angel, Madam. " turo nito.

Tinitigan ni Romeo ang kasambahay pero inirapan lamang sya nito.

Pinigilan ni Ronron ang matawa.

"Hinahanap nyo daw ang anak ko ? " tanong ng lalake.

Agad na inayos nina Ronron at Romeo ang mga sarili.

"O-oho. " sagot ni Ronron.

"Kaano ano ka nya ? " tanong ng may edad na babae.

Napakamot ng batok si Ronron.

"B-boyfriend ho. " mahinang sagot nya.

Hinanda nya ang sarili para masigawan ng sa tingin nya ay mga magulang ni Angel.

Pero hindi, bagkus ay niluwangan ng babae ang pinto at hinawakan si Ronron sa kamay.

"Halika iho. Kanina ka pa nya hinihintay. " tila nabuhayan ang mga mata nito.

Napatingin si Ronron kay Romeo.

Tumango lamang ang binata at ngumiti.

Hinawakan ng may edad na lalaki ang kamay ng kabiyak.

"Mahal ko, ano bang ginagawa mo ? " tanong nito.

Ngumiti ang may edad na babae.

"Mahal, hindi mo ba narinig ? Nobyo sya ng anak mo ? Aba'y dapat natin syang pakiharapan ng maayos !. " sabi nito at mabilis na pumasok sa loob tangay si Ronron.

Napailing na lamang ang lalaki.

Kumunot ang noo ni Romeo at tila may napuna.

"B-bakit ho sir parang hindi kayo sang ayon sa sinabi ng misis nyo ? " tanong nya.

Lumingon ang may edad na lalake.

Duon napansin ni Romeo na tila may lungkot sa mga mata nito sa kabila ng ngiting nakadungaw sa mga labi.

"Halika iho, tuloy kayo at magpahinga. Mukhang malayo pa ang nilakbay ninyo. " sabi nito.

Pumasok si Romeo at sumunod sa lalake.

Di nya mapigilang ilabas ang pagkamangha sa tahanan ng mga ito.

"Sir, napakaganda ho ng bahay nyo. " puna ni Romeo.

"Tito, tito Angelo ang itawag mo sa akin. Salamat sa papuri iho. Ano ngang pangalan mo ? " tanong nito.

Ngumiti si Romeo.

"Romeo po. Salamat po sa pagtanggap Tito Angelo. " sabi nya.

Pumasok sila at nagtuloy sa salas.

Hindi na nakita ni Romeo ang kaibigan.

"S-saan po dinala ni Tita si Ronron ? " tanong nya.

Napabuntong hininga ang lalaki at inakay si Romeo paakyat sa hagdan.

Dumiretso sila sa isang kwarto.

Nagulat si Romeo ng biglang lumabas ng silid si Ronron at tila takot na tumakbo.

"P-pare !. " tawag nya.

Hinarang nya ang kaibigan.

"Pare anong nangyari ? " tanong nya.

Ngunit hindi nagsalita si Ronron.

Bagkus ay naupo ito sa sahig at niyakap ang sarili.

Nagtaka si Romeo.

Sinulyapan nya ang ama ni Angel.

"A-ano hong nangyari sa kaibigan ko ? " tanong nya.

Sumilay ang luha sa mga mata ng lalaki.

Imbes na sumagot, naglakad ito patungo sa isang kwarto kung saan nanggaling si Ronron.

Naiiyak na pumasok ito sa silid.

Lalong naintriga si Romeo.

Tinapik nya ang kaibigan at pagkatapos ay sumunod sa matandang lalaki.

Para lamang mabigla.

"H-hindi. " gulat na bulalas ni Romeo.

Nasa loob ang ina ni Angel.

Yakap ang isang larawan.

Ngunit hindi ito ang nakakabigla.

Tumingin si Romeo sa ama ni Angel na kasalukuyang nagpupunas ng mga luha.

"T-tito Angelo, w-wag nyong sabihin na si Angel. " sabi nya.

Tumango ang matandang lalaki.

"Tama iho, p-pumanaw na ang anak ko. Bukas ay anibersaryo ng pagkamatay nya. " mahinang sabi nito.

Ngunit sapat na iyon para magulantang ang buong sistema ni Romeo.

Ilang ulit syang napalunok bago nilingon ang kaibigan na yakap pa rin ang sarili habang nakaupo sa sahig.

Lumapit si Romeo sa kaibigan.

"P-pare. " tawag nya.

Ngumiti si Ronron.

"P-pare, binibiro nila tayo. H-hindi pa patay si Angel. Alam nyo yan ! . " singhal nya.

Imbes na sumagot, niyakap na lamang ni Romeo ang kaibigan.

Maging sya ay hindi makapaniwala sa mga natuklasan.