" Lupain... " ( Part One )
 
Matulin ang takbo ng dalawang kabayo na tinatahak ang direksyon ng lumulubog na araw. Tila nais nitong habulin ang oras, at pahabain pa ang liwanag. Nauuna ang kulay abo na kabayo, may puti itong buhok sa batok, sa buntot, at apat na mga paa nito, habang ang makintab na purong kulay itim na kabayo ay wala pang isang dipa ang layo dito.
 
Iniwasan ng kulay abo na kabayo ang naka higang patay na puno sa gitna ng masukal na daan, habang ang itim na kabayo ay tinalon ito, dahilan upang mauuna ngayon ang itim na kabayo at patuloy na lumayo ang distansya sa dalawang nag hahabulang mga hayop.
 
Sumusunod sa hangin ang mahabang buhok ng dalaga sa ibabaw ng itim na kabayo, habang ang matipuno at makisig na lalake ay pilit pinapatakbo pa nang mabilis ang kanyang kabayo upang mahabol ang nauunang kabayo.
 
Malawak ang lupain ng mga Tabanda sa San Pascual, Tuba, Benguet... mahigit sampung hectarya ang lawak nito. Ito'y matatagpuan sa tuktok ng isang mataas na bundok. Sa tuktok ng bundok ay patag, at sa sentro nito ay naroon ang Casa Celestina, ipinangalan sa pinaka unang babae sa angkan ng mga pulitiko na aking kinabibilangan.
 
Nasilayan ko na ang arko na gawa sa kawayan at abaka, senyales ito na narating na namin ang lupain ng mga Tabanda. Sa tuktok ng bundok na ito, hindi mabilang na pawis, at dugo, ng mga sinaunang ninuno ko ang dumaloy, upang mas palawakin at palakasin ang aming angkan at ari-arian.
 
Lumingon ako sa aking likuran, at nakita si Marcong may ilang metro na ang layo sa akin, aninag ko ang kanyang maskuladong pangangatawan sa alikabok na iniiwan ng mga yabag ni Diablo, ang itim na kabayong sinasakyan ko.
 
Kumaway sa akin ang bantay na malapit sa may arkong naka sulat na Casa Celestina, at nagpatuloy ako sa aking direksyon papasok sa lupain ng aking mga ninuno. Isang utusan ang nagsisindi ng mga sulo sa magkabilang gilid ng bato batong daan patungo sa sentro ng lupain, at inalis nito ang kanyang sumbrero nang makitang paparating ako.
 
Sa lugar na ito'y walang nakakakilala kay Marco. Para sa mga nasasakupan namin, isa lamang siya sa mga manliligaw ko. Walang nakaka alam na anak siya ng mahigpit na kalabang angkan, at hindi dapat pinapapasok sa sagradong lupain na ito ang mga kalaban.
 
Naka lampas na ako sa mahabang bato batong daan mula sa pinaka entrada, ang malawak na hardin na pinamumugaran ng hindi mabilang na uri ng paru-paro, at ibon, ay siya ring kina tatamnan ng ilang klase ng anthoriums, chrysanthemums, hydrangeas, orchids, at rosas.
 
Isang tulay na gawa sa abaka, kahoy, kawayan, at lubid ang kinakailangan naming daanan bago makarating sa lumang bahay sa sentro ng lupain, at tatawid na sana ako, nang marinig ko ang tawag ni Marco sa may bandang likod ko.
 
Bagama't pawisan, ay makislap pa rin ang mga mata nito, at matamis ang ngiti sa kanyang mga labi. Inintay kong abutan niya ako, pigil ang hininga, tulalang nakatitig sa gwapong lalake na bumihag sa aking puso.
 
"Cookie... let's walk." Humihingal na sabi nito. "Malayo pa Joey, baka hindi mo kayanin?" Naka ngiti kong sabi dito. "Mas hindi ko na kaya, kanina pa naiipit ang bayag ko sa kabayo niyo, masakit na, kawawa naman si junior ko, baka hindi na tayo magka anak nito mahal ko." At sabay kaming nagtawanan. Bumaba ako kay Diablo, at kinuha ko ang renda ng kabayo niya na si Ulap. Pinatakbo ko ang mga ito sa pamamagitan ng pag palo sa may bandang tagiliran nila, kampanteng uuwi ang mga ito sa stables kung saan makakakain at makakainom sila.
 
Naglakad kami ni Marco nang magka hawak kamay sa tulay, naka tingala sa mga bituin na paisa isang sumisilip sa bughaw na langit. Umihip ang malamig na hangin, at sumunod ang mga apoy sa sulo na patuloy ang pagbibigay liwanag sa aming dadaanan. Tumakbo bigla si Marco, hila hila niya ang kamay ko, at nag uunahan kaming marating ang dulo ng tulay. Sa kabila nito ay may isang waterfalls, ang mga naipon na tubig ulan, at tubig mula sa mga ugat ng mga puno ang pinagmumulan ng lagaslas na malinaw.
 
Tumapat si Marco sa ilalim ng malamig na tubig, nagbabanlaw ng alikabok na kumapit sa kanyang katawan. Sinalok ko mula sa aking maliliit na palad ang tubig, at isinaboy ito sa kanya. Agad namang nakipag basaan ito sa akin, at sa ilalim ng mga bituin kami'y parang mga batang naglalaro sa walang patid na daloy ng tubig.