Ang Hiwaga Sa Daigdig Ng Mga Engkanto (Chapter 6)

Filipino Sex Stories
10 minutes
Author's Note: This story is entirely fictional. Any events and names in this series that resemble real-life are purely coincidental. This series is brought to you by kapeng barako, sa Tindi ng pait Ikaw ay ngibit and is free to read the story. Sharing of this story is allowed only with permission and credits to the author. thanks and have a nice reading.

Maligno: Mga itim na nilalang
BY: BladeMaster_Elven

CHAPTER 6

PAUWI na si Apo Adoy nang mapahinto ito sa paglalakad.

Nakaramdam siya ng panganib sa paligid. Hindi normal ang katahimikan ng gabi. At alam na niya ang maaring mangyari kapag ganoon ang sitwasyon.

Isa iyong babala.

Binilisan niya ang paghakbang. Ngayon ay tanaw na niya ang kanyang bahay. Hindi na baleng mahulog siya sa maputik at madulas na pilapil. Ang mahalaga'y makarating siya kaagad bago pa mangyari ang kinatatakutan niya.

"Efraim! Efraim!" umaalingawngaw ang kanyang sigaw habang tumatakbo sa iilang dipa na lamang ang layo niyang bahay. "Efraim!"

"Si Tiyo Amado!" sabay namang napatayo ang dalawang naghahapunan at sinilip siya sa bintana.

"Magandang gabi ho, Mang Amado," bati ni Rheanna subalit hindi ito pinansin ng matanda.

"Madali ka, Efraim! Isara mong lahat ang mga bintana at tiyaking nakakandado ang pinto!"

Tuloy-tuloy na sabi nito nang nasa may balkonahe pa lamang. Diretso kaagad ito sa loob ng kusina at mahigpit na isinara ang pinto doon.

"May problema ho ba, Tiyo?" Nagugulumihanang tanong ni Efraim. "May nakaaway ho ba kayo sa labasan?"

Subalit tila hindi nito narinig ang pagtatanong ng pamangkin. "Iyong mga bintana sa kuwarto ninyo! Isara mong mabuti at tiyaking kahit hangin ay hindi makakapasok!"

Nagpalitan ng tingin sina Rheanna at Efraim. Kapwa nagtataka sa ikinikilos ng matandang lalaki. At kung ano man ang dahilan ni Tiyo Amado ay pareho rin silang kinakabahan.

Walang kaparis ang takot na nakabadha sa mukha ng albularyo. Kahit si Efraim ay ngayon lamang nakitang takot na takot ang kapatid ng kanyang ama.

"Doon tayo sa aking silid," sabi ni Tiyo Amado sa mahinang boses nang masigurong nakasara na ang buong bahay.

Sumunod sa kanya ang dalawa.

"Bakit ho kayo ginabi, Mang Amado?" Si Rheanna na naaalangan pa rin ang nagtanong.

"Kanina pa ho namin kayo hinihintay ni Efraim. Nag-aalala na nga ho kami na baka may masamang nangyari sa inyo."

Tinitigan lamang ni Tiyo Amado ang mga ito. "Makinig kayong dalawa sa sasabihin ko," hindi pa rin nagbabago ang reaksyon ng mukhang sabi niya. "Hindi ko akalaing mangyayari ang lahat ng ito. Dumating na ang kinatatakutan ko!"

"Hindi ko ho kayo maintindihan, Tiyo Amado," Sabi ni Efraim.

"Efraim, mapanganib ang paghahanap sa lagusan! Maaari mong ikamatay... ninyong dalawa ni Rheanna! Subalit kailangan nating subukan bago mahuli ang lahat!"

Napamaang ang binata. "Ano hong ibig ninyong sabihin?"

"Iyong ikinuwento mo sa akin tungkol 'ika mo sa computer na nagsasabing may lagusan...

ay totoo! Pero hindi ko alam kung sino ang may pakana niyon. Ang tungkol sa lagusan ay matagal nang lihim. Nasa Bundok ng Matungao ang daan patungo roon ngunit hindi ko alam kung saan ang eksaktong lokasyon ng pader na lagusan!"

"Maaring napuntahan ko na 'yun!" Sabi ni Rheanna. "Kaya lang parang may time space warp sa lugar! Mahirap makita. May mga bagay na nangyayari pero hindi ko maipaliwanag.

Doon kami nawala ni Ralph. Pero hindi ko alam kung paano ako nakabalik!

"Hindi lamang kayo ang nagtangkang hanapin ang lagusan," nakayukong sabi ni Tiyo Amado. "Marami na. At lahat sila ay nangamatay."

Napalunok si Efraim. "Ano hong dapat naming gawin?"

"Noong una ay inisip kong makabubuti kung hindi na kayo tutuloy dahil siguradong ikapapahamak ninyo. Pero..."

"Pero ano, Tiyo?"

"Kailangan ng mga enkanto ang tulong ninyo!"

Sa tinatakbo ng kanilang usapan ay halos walang maintindihan sina Efraim at Rheanna. Kung magsalita ang kanyang Tiyo Amado ay parang ganoon lamang kadaling puntahan ang daigdig ng mga engakanto!

"Totoo ho ba talagang may engkanto?" Lakas-loob na tanong ni Rheanna.

Tinapunan ni Efraim ng makahulugang tingin ang dalaga. "E, Tiyo," sabi ni Efraim. "Iyon hong lumikha ng website sa computer, kilala ba ninyo? Ibig ko hong sabihin ay alam din ba ng mga engkanto ang tungkol dito?"

"Hindi," umiiling na sabi nito. "Higit na kapahamakan ang dulot ng makabagong teknolohiya, hindi lamang sa mga tao kundi sa iba pang nilalang na nabubuhay sa daigdig. May kutob akong isang tao na naghahanap rin sa lagusan ang gumawa niyon. Posibleng nakabalik siya sa ating daigdig at plano niyang muli itong hanapin sa pamamagitan ng paggamit sa ibang tao. Kaya maraming sumuong sa panganib... at nawala na lamang na parang bula!"

"Nakabalik? Ibig sabihin ay natagpuan na niya ang lagusan?" Tanong ni Efraim.

"Wala pang nakakatagpo sa lagusan, ni isa mang taong nakakapasok sa mundo ng mga lamang-lupa," tugon ni Apo Adoy nang umupo ito sa may gilid ng kama. "Isang lugar na mahiwaga...."

"Ano ho talaga ang hiwaga sa engkantadong gubat, Apo Adoy?"

"Minsan pa lang akong naisama doon ni Mazoorka. Mapanganib at mapanlinlang ang dakong iyon."

"Si Mazoorka ay ang engkantadang puting-puti na nagpakita na rin sa akin," paniniiyak ni Efraim.

"Leihgna ang tawag sa lahi niya," ani Apo Adoy. "Para rin silang mga tao. Tulad rin nating may mga paa at kamay ngunit dalawa lamang ang mga daliri, na malambot at parang bulak na ubod ng busilak."

"Paano ho silang nakakatayo kung napakalambot pala ng kanilang katawan."

"Nakakalutang sila sa hangin kahit na walang pakpak."

Napatango ang dalawang nakikinig. Pilit inilalarawan sa isip ang hitsura ng mga Leighna.

"May iba pa ho bang klase ng mga engkanto?" Si Rheanna.

"Marami. Pero sila lamang ang kilala ko. At maaring sa paghahanap ninyo ay makita ninyo ang iba pang uri ng mga lamang-lupa at mga maligno! At tama ang hinala mo, Efraim, ang pinuno ng mga Timawa ng gubat na si Juvai ang pumatay sa kapatid ko!"

Napatiim-bagang si Efraim. Gaano mang panganib ang susuungin niya, lalo lamang niyong pinalalakas ang loob niya para ipaghiganti ang ama.

"Bakit ganoon na lamang ang galit ng mga ito sa ama ni Efraim?" Kinilabutan si Rheanna.

"Hindi sa ama niya kundi kay Efraim! Malaking insulto para sa engkantong si Juvai ang pagkatalo nito noon kay Efraim! Madalas sabihin sa akin ng mga kaibigan kong lamang-lupa kung paano nito pinaghahandaan ang paghihiganti sa pamangkin ko."

"Hindi ako natatakot sa kanya!" Nagpupuyos ang kalooban ni Efraim. Nakahanda na siya sa kung ano pa man ang maaring mangyari.

"Higit na malakas at maraming kampon si Juvai ngayon. Ewan... hindi ko pa rin maintindihan. Ngunit may isang malaking lihim sa ilalim ng lupa na maaring mabunyag kaya ganoon na lamang ang takot ng mga engkanto na matuklasan ang lagusan patungo sa kanilang daigdig!"

"Lihim? Anong lihim?" Halos sabay na tanong ng dalawang kaharap ni Apo Adoy.

Isang malalim na buntunghininga lamang ang unang naging tugon nito sa kanila. "Kayo na ang bahalang tumuklas sa kasagutan sa tanong na iyan," matalinhagang sagot ng albularyo. "Kailangan ng ibayong ingat at – "

Hindi pa natatapos sa sasabihin si Apo Adoy nang bigla silang makarinig nang malakas na kalabog sa bubong ng bahay.

"ANO 'yun?" nahihintakutang tanong ni Rheanna. Napasiksik ito sa dibdib ng binata.

"Shhh..." sabi ni Apo Adoy na itinapat ang isang daliri sa mga labi nito. "Nariyan na sila!"

"Sinong sila?" paanas na tanong ni Efraim.

Marahang humakbang ang albularyo patungo sa isang sulok kung saan naroon ang maliit na aparador na pinagtataguan nito ng benditadong gulok. Pagkakuha ay mahigpit nito iyong hinawakan.

"Mga kampon ni Juvai," sabi nito. "Mga maligno!"

Nakarinig sila ng mga kaluskos. May mahihina at mabibilis na mga yabag na tila organisado at tiyak kung saan patungo.

"Huwag na huwag kayong gagalaw!" mahinang utos ni Apo Adoy. "Kapag may nagtangkang pumasok, alisto kaagad kayo!"

Kinulong ng katahimikan ang buong bahay. Pare-pareho silang nakikiramdam. Patuloy pa rin ang mga kaluskos at mabibilis na mga yabag. At mula sa bintanang capiz ay kitang-kita nila ang pagtawid ng isang anino. Ngunit hindi nila matiyak kung tao o ibang klase iyon ng nilalang. Walang porma at napakabilis pang kumilos ng aninong tumawid.

Ilang sandali pa'y nakarinig sila ng tumatawag. "Apo Adoy! Apo Adoy!"

Nagkatinginan ang tatlo.

"Sino 'yun?" Tanong ni Efraim.

"Apo Adoy! Si Victor ho ito!" sigaw ng lalaki sa labas.

Hindi malaman ng albularyo kung ano ang gagawin. Tiyak nitong mahalaga ang sadya sa kanya ng panauhin. Napagbilinan niya itong kung magkaproblema at hindi kaagad gumaling ang asawa nitong si Elena ay huwag magdalawang-isip na bumalik sa kanya.

Subalit hindi sa pagkakataong ito! Tiyak na mapapahamak si Victor!

"Paano iyan, Apo Adoy?" tanong ni Rheanna na nakasiksik pa rin sa likod ni Efraim.

"Apo Adoy!" Dinig nila ay nakapasok na ito sa kanilang bakuran. "Tao po! Apo Adoy si Victor ho ito!"

Tumahimik ang paligid.

Mata lamang ang gumagalaw sa tatlong nasa loob.

"Sigurado ka bang si Victor iyon Tiyo Amado?" paniniguro ni Efraim. "Paano kung hindi?"

Hindi kaagad nakasagot ang matandang lalaki.

Mayamaya ay nakarinig sila ng napakalakas na sigaw.

"Ahhhhhhh! Saklolo! Tulungan ninyo ako!" Sigaw ni Victor sa labas. "Arrrgggh!"

"Victor!" hindi na nagdalawang-isip pa si Tiyo Amado na lumabas ng bahay upang alamin ang nangyari sa kanyang kababayan. "Mahabaging Dioys!" sabi nito nang makita ang nakahandusay na katawan ni Victor. Buto na lamang ng lalaki ang naabutan ng tatlo sa labas.

"Panginoon ko! Anong klase ng nilalang ang gumawa niyan?" Bumaligtad ang sikmura ni Efraim sa naratnang hitsura ng bangkay. "Demonyo ang gumawa niyan!"

"Umalis na tayo rito! Ilayo ninyo ako dito!" humahagulgol na sabi ni Rheanna. "Mamamatay tayo ditong lahat!"

"Awwwwwoooo!"

"Ang alulong ng aso!" Nanlaki ang mata ni Tiyo Amado.

Kasunod niyon ay ang mga kaluskusan. Hindi rin nakaligtas sa paningin nila ang paggalaw ng mga tumubong palay sa pilapil.

"Madali! Pumasok kayo sa loob!" Pasigaw na utos ni Tiyo Amado. "Pasok! Pasok kayo sa loob!"

Mabilis na tumalima sina Efraim at Rheanna. Kasunod ng mga ito si Tiyo Amado.

"Ang pinto, Efraim! Siguraduhin mong nakasarang mabuti!"

Ngunit biglang hinampas ng malakas na hangin ang dahon ng pinto. Kahit anong pagpipigil ang gawin ni Efraim ay pilit siyang itinutulak ng malakas na hangin.

"Tulong! Ahhhhh!" May matulis na kukong bumaon sa kanyang mga braso. Sapu-sapo niya ang duguang bahagi ng katawan

Napasugod sa kanya ang tiyuhin at sabay nilang itinulak ang pinto pasara.

Humihingal na napaupo sa sahig ang mag-tiyo nang maisara at maikandado ang pinto.

Kataka-takang biglang nagngalit ang panahon. Walang tigil ang paghampas ng malakas na hangin.

"Ano ho iyong nakita natin kanina?"

"Ang sinasabi kong Timawa ng gubat! Mga maligno. Mga itim na engkanto! Mas malaki kaysa sukat ng mga tiyanak. Ngunit ang pakaiingatan ninyo ay ang mabugahan kayo ng laway ng mga malignong iyon. Maagnas ang inyong balat!"

Naikuyom ni Efraim ang dalawang palad. Humapdi ang sugat niya. "Mga hayup na malignong iyon!"

"Isang malaking pagkakamali na labanan sila ng sabayan, Efraim.Pero doon sa gubat... Doon ninyo sila makikita at maaring mapatay." Tumayo ito ng ganap na maibuhol ang damit sa dumudugong braso ni Efraim. "Ngunit makapangyarihan ang mga lamang-lupa. May kakayahan silang magbagong- bihis. At panumbalikin ang kanilang buhay sa lalong madaling panahon!"

"Metamorphosis?" tanong ni Efraim. "Parang sa butiki na kapag napuputol ang isang bahagi ng katawan nito ay muling nadurugtungan ng bagong kapalit?"

Tumango ito bilang pagsang-ayon. "Para ring sa mga paru-paro."

"Kung gayon ay walang kuwentang labanan sila," sabi ni Rheanna. "Mamamatay kaming walang kalaban-laban!"

"Dapat natin silang labanan para matigil na ang kaguluhang ito," sabi ni Tiyo Amado. "Sa bunbunan ng mga malignong iyon ay may isang maliit na butas. Doon sila maaring mamatay. Kapag natusok ang butas na iyon at sumingaw ay unti-unti silang matutunaw."

Humupa na rin ang pagngangalit ng panahon sa labas. At tama ang kutob ni Tiyo Amado. Mga engkanto ang may kagagawan niyon. "Wala na sila," sabi nito.

Saka lamang sila nakahinga ng maluwag. Subalit tigib ng lungkot ang kanilang mga damdamin dahil sa malagim na sinapit ng walang kamalay-malay nilang kababayan.

"Mayroon pang paraan kung paano magagapi ang lahi ng mga itim na engkanto," sabing muli ni Apo Adoy. "At ito'y dahil sa isang matagal ng lihim ng mga engkanto..."

Napamulagat ang dalawa.

"Bukas na bukas din ay pumaroon na kayo," anito. "Isang mahabang paglalakbay patungo sa daigdig ng mga engkanto ang haharapin ninyo! At nakatakda kayong dumaan sa maraming pagsubok at lumutas ng maraming kababalaghan bago kayo makarating sa inyong patutunguhan!"

"Kahit na ano...! Basta para sa Itay ko!" Matigas na sabi ni Efraim.

"At para rin kay Ralph!" sabi ni Rheanna.

Awtomatiko namang nakadama ng kirot sa dibdib si Efraim. Bagaman sandaling panahon pa laang silang nagkakakilala ng dalaga, batid niyang hindi na niya kayang itago pa ang nararamdamang pag-ibig para sa dalaga! Mahal na niya si Rheanna!

ITUTULOY

About BladeMaster_Elven

u/BladeMaster_Elven
BladeMaster_Elven has nothing to say.

More from BladeMaster_Elven


    Related Stories