1. Home
  2. Stories
  3. Ang Hiwaga Sa Daigdig Ng Mga Engkanto (Chapter 8)
Filipino Sex Stories

Ang Hiwaga Sa Daigdig Ng Mga Engkanto (Chapter 8)

By BladeMaster_Elven ·
Author's Note: This story is entirely fictional. Any events and names in this series that resemble real-life are purely coincidental. This series is brought to you by kapeng barako, sa Tindi ng pait Ikaw ay ngibit and is free to read the story. Sharing of this story is allowed only with permission and credits to the author. thanks and have a nice reading.

Ang lagusan
BY: BladeMaster_Elven

CHAPTER 8

MAY nasumpungang isang batis sa pinakapusod ng gubat sina Rheanna at Efraim kinabukasan. Doon na sila naligo at nagpalit ng damit.

Maraming prutas sa paligid ng batis na napakalinaw ng tubig. Papaya, saging at lansones ang inalmusal nila. Busog na busog tuloy ang dalawa nang lisanin nila ang lugar.

Sa pagalalakad ay napadpad sila sa isang bahagi ng gubat na may nakatayong isang munting kubo. Nagtataka man ay punong-puno ng pananabik na tinungo iyon nina Rheanna at Efraim.

"Tao po!" Tawag ni Efraim sa may pinto.

"Magandang araw po! Tao po!" Sigaw rin ni Rheanna sa tapat naman ng nakasarang bintana.

"Wala yatang tao!" sabi ni Efraim pagkatapos siyasatin ang buong paligid. "Baka abandonado na ang bahay na ito."

"Sigurado ka?"

"Walang tao, e! Pero mabuti na rin kung ganoon," aniya. "May isang lugar tayong masisilungan.

"Kumatok ka uli at baka natutulog lamang ang may-ari," sabi ni Rheanna.

"Tao po! Tao po!" Muli ay tawag niya. Ngunit wala pa ring sumasagot. "Wala talaga. Pasukin na kaya natin?"

"Sige, " sang-ayon nito.

Marahang itinulak ni Efraim ang pinto. At nang ganap niya iyong mabuksan ay halos lumuwa ang mata niya sa nakitang tanawin sa loob.

"Rheanna..." Hindi makapaniwalang tawag niya sa kasama.

"B-bakit – " Maging ito ay napamulagat sa nakita.

Ginto at hindi sira-sirang pawid ang dingding ng munting kubo. Maliwanag na maliwanag sa loob. Kumikislap ang lantay na ginto sa bawat sulok ng bahay!

"Bahay ito ng engkanto!" Iyon kaagad ang mga katagang lumabas sa bibig ni Efraim. "Umalis na tayo rito! Mapapahamak tayo!" Aniyang hinatak si Rheanna ngunit humulagpos ang kamay ng dalaga at naiwan ito sa loob.

Walang kaginsa-ginsa'y yumanig ang buong paligid. Unti-unti, tila kahong tumutupi ang munting kubo.

"Rheanna! Lumabas ka!"

"Tulungan mo ako, Efraim! Hindi ako makaalis! May humihila sa akin!"

Nang sumilip si Efraim ay nakita niya ang sinasabi nitong humihila sa kamay nito. Mga tao ring tulad nila na marahil ay nasilaw sa kinang ng ginto at nilamon ng bahay na iyon hanggang hindi na nakalabas pa ang mga ito.

"Rheanna!" anang isang tinig.

"R-Ralph?" Gimbal ang dalaga pagkakita sa nawawalang nobyo. "P-paanong--"

Umiiyak si Ralph. "Patawarin mo ako," sabi nitong pilit inaabot ang kamay ni Rhenna subalit tila nakagapos ang katawan nito at hirap na hirap makakilos. "Nasilaw ako sa maraming kayamanan sa loob ng kahong ito! Ngunit ang lahat ng ito'y patibong ng engkantong si Juvai! Papatayin n'ya tayo! Kaya't umalis na kayo habang may panahon pa!"

"Tutulungan ka namin, Ralph!" Sabi ng dalagang umiiyak na rin at awang-awa sa nakikitang kalagayan ng kasintahang matagal nang nawawala. "Hindi ako papayag na hindi kita kasama pag-alis ko dito!"

"Hindi natin kaya si Juvai! Makapangyarihan siya at maraming mga alagad! Ngunit may isang tanging paraan para magapi ang mga engkanto..."

"Anong paraan?" Si Efraim na hindi nakatiis na huwag magtanong.

"Ang lagusan... hanapin ninyo ang lagusan!" pagkasabi niyon ay biglang umusok ang katawan ni Ralph at hindi pa naglilipat-sandali'y abo itong lumagpak sa makintab na sahig ng bahay.

"Ralph!" Parang papanawan ng ulirat si Rhenna! "Ralph!"

Nagkaroon ng malakas na pagyanig. Kung hindi nakakapit si Efraim sa mga sanga ng punongkahoy na katabi ng bahay ay nabuwal na siya. "Abutin mo ang kamay ko! Bilisan mo!" Sigaw ni Efraim. Naabot naman ni Rheanna ang kamay niya. Nang mahawakan ito ay ubos-lakas niyang hinatak ang dalaga palabas.

Eksaktong nailabas niya si Rheanna nang tuluyang sumara ang kubo. At kamangha-manghang naging isa itong maliit na kahon, singlaki lamang ng kahon ng sapatos .

"Salamat po, Diyos ko!" Naiusal ni Rhenna. "Muntik na tayong mapahamak! Pero si Ralph..." Napahagulhol na naman ito ng iyak.

Niyakap ito ni Efraim. "Wala na tayong magagawa, Rhenna... Napakahirap mabuhay sa engkantadong gubat na ito," nailing na wika ni Efraim. "Tama si Tiyo Amado. Kung hindi mo susundin ang tibok ng iyong puso ay hindi mo malalaman kung ano ang totoo!" Di nagtagal ay napakalma rin ng binata ang kalooban ni Rheanna.

"Tingnan mo, Efraim! Ang Bundok ng Matungao! Malapit na tayo!" Nagtititiling yumakap ito sa kanya. "Sa wakas, malapit na tayo!"

Umiling siya. "Hindi pa, Rheanna," aniya. "Huwag ka munang magsaya. Hindi pa nag-uumpisa ang tunay na laban. May iniwang banta ang engkantong itim na si Juvai. At hindi natin batid kung kailan o saan siya muling magpapakita para makipagtuos. Ngunit ganoon pa man, marami na siyang isinugong alagad niya. Baka doon pa lamang ay hindi na tayo magtagumpay!"

Natahimik ang dalaga. Alam din kasi nito ang katotohanan ng mga sinabi niya. Bago pa ang Bundok Matungao kung saan naroon daw ang silahis ng araw na nag-iiba-iba ng kulay na siyang palantadaang malapit na sila sa sinasabing lagusan patungo sa daigdig ng mga engkanto.

"Halika na, Rheanna," pag-aaya niya. "Mahirap nang maunahan pa tayo ng mga engkantong itim! Siguradong sa mga oras na ito ay may binabalak na si Juvai at ang mga kampon nito!"

HABANG papaalis ang dalawa ay lihim na natutuwa si Mazoorka. Mula sa batis ay nakalutang sa hanging sinundan niya ang mga ito. At nagagalak ang engkatadang Leighna sapagkat kahit maliliit pa lamang na mga pagsubok ang dinaanan ni Efraim ay nakasisiguro naman siyang dala nito ang pag-asa.

"Sa wakas ay nakatagpo rin ako ng tunay na alagad ng Lumikha," masayang wika ng engkantadang Leihgna. Umiikot-ikot pa ang malalaki at puting-puti nitong mga mata na tanda ng malaking kagalakan.

"Hindi pa ito ang oras ng pagbubunyi, Mazoorka," anang tinig na sa likod niya.

Si Zikriyol, isang lalaking Leighna. Kumakampay-kampay ang malapad nitong mga tainga na parang sa elepante. Iyon ang tanging kaibahan ng lalaki sa mga babaing Leighna. Ang malalapad nitong mga tainga.

Ang babaing Leighna, may maliliit na butas sa gilid ng magkabilang mga mata. Doon sila nakakarinig. At kapag-umiikot-ikot iyon, ibig sabihin ay nakakarinig o naghahanap sila ng tunog.

"Ikaw pala, Zikriyol," sabi ni Mazoorka na pinalutang ang sarili sa hangin. "Anong ibig mong sabihin?"

Tumupi ang tainga nito. "May banta ang hari ng mga timawa ng gubat," anito.

"Ang kapatid kong si Juvai?"

"Oo. Isang malaki at madugong digmaan ng mga engkanto at pati na rin ng mga tao! Mangyayari ito sa lalong madaling panahon!"

NAPABALIKWAS si Tiyo Amado nang maramdamang may taong nakatayo sa harap niya.

"Sino ka? Paano kang nakapasok sa bahay ko?" tanong niyang agad ay napaurong. Hindi na niya nagawa pang isuot ang pang-itaas na damit.

Humalakhak ang babae. " Ang dali mo namang nakalimot, Amado! Ngunit hindi ka gaanoon kadaling sumuko!" sabi nitong biglang nagbago ang anyo.

Nangaliskis ang balat nito at nagmistulang ahas pati ang mga mata. Lumabas ang mahaba at tila sungay nitong dila.

"Reptil?" gulantang na tanong ni Tiyo Amado nang mapagsino ang taong-ahas na nasa harap niya. "I-ikaw? Paanong – ?"

"Ha! Ha! Ha! Hisssss! Hisssss! Naalala mo pa pala ako matandang albularyo? Hisssss!"

"Buhay ka pa palang hayup ka!"

Humaba ang leeg nito at umaktong tutuklawin siya. "Hissss! Masarap ang laman ng tao, Amado! Kayang-kaya kitang patayin ngayon pa lang! Hissssss!" Dinilaan nito ang pisngi ng nahihintakutang albularyo. Tumulo ang malagkit nitong laway at pumatak sa hubad niyang dibdib.

Nandidiring pinahid iyon ni Tiyo Amado. "Paano kang nabuhay na hayup ka?"

"Huwag mong maliitin ang kapangyarihan ng kadiliman, Amado! Ang mahalaga'y nagbalik ako para maningil!" sabi nitong nangingislap ang kulay berdeng mga mata. Gumagalaw-galaw pa na animo'y may sariling buhay ang bawat kaliskis nito sa katawan habang nagsasalita.

Iniiwas ni Apo Adoy ang mukha niya nang muli itong didilaan ng taong ahas. Ngunit gumalaw ang mahaba nitong katawan at bigla siyang nilingkis.

"Ahhhh! " napasigaw siya nang halos madurog ang kanyang mga buto. "A- Alam kong sugo ko ni Juvai! Ngunit kahit patayin mo ako ngayon, hindi pa rin kayo magtatagumpay! Itinakda nang mabunyag ang lihim ng lagusan!"

Nagalit ang ahas. Ibinuka nito ang bibig kung saan kasyang-kasya ang ulo ni Tiyo Amado. Napapikit na lamang siya habang hinihintay ang malagim niyang kamatayan. Pumatak pa sa noo niya ang malagkit at kulay dilaw nitong laway. Ngunit bago pa siya tuluyang sakmalin ng buong-buo ng ahas ay tila lantang gulay itong bumagsak sa sahig.

"Ugh! Ugh!" saka lamang nakahinga ng maluwag si Tiyo Amado nang tuluyan siyang bitiwan ng ahas. Muli itong naging isang babae. Ngunit nag-iwan ito ng isang banta bago tuluyang umalis.

"Malupit ang aking paghihiganti! Makikita mo, Amado! Makikita mo!"

Sa isang iglap ay wala na sa harap niya ang ahas.

"Ugh! Ugh! Ugh!' Napaubo siyang muli. At pagmulat niya ng mata ay nakita niya ang pamilyar na panauhin. "M-Mazoorka? Salamat at iniligtas mo ako, kaibigan!"

Tinitigan siya nito.

Ibang makipag-usap ang mga Leighna sa mga tao. Mata sa mata at tila sa isip ng kausap ng mga ito naririnig ang nais ipahatid na mensahe.

"Walang anuman, kaibigan." Kusang pumasok sa utak ni Tiyo Amado ang mensaheng nais ipahatid ng engkantada. "Basta ikaliligtas mo."

Bumangon siya at umupo sa gilid ng kanyang kama. "Ano ang pakay mo kaibigan?" Tanong niya.

Lumutang sa hangin si Mazoorka at umikot-ikot ang mga mata nito. Para itong ballerina na paikot-ikot at nagsasalabid ang katawan sa hangin.

Humuni ito na parang ibon. "Nakita ko ang pamangkin mo at ang kasama nitong babae sa pusod ng gubat," sabi ng Leighna. "Malapit na sila sa kuwebang kinaroroonan ng silahis ng araw."

"Ang lagusan...," nawika ni Apo Adoy. "At malapit na rin iyon sa kaharian ng mga Timawa ng gubat, hindi ba, kaibigan? At nanganganib sina Efraim at Rheanna sa kamay ni Reptil!"

Naisip kaagad niya ang panganib na haharapin ng dalawa sa kuko ng taong- ahas na sumalakay sa kanya. Kanang kamay iyon ni Juvai.

"Si Reptil ang kinikilalang reyna ng mga makamandag na ahas sa engkantadong gubat kung saan naroon ngayon ang pamangkin mo, Amado," muli ay sabi ni Mazoorka na sa isip niya pumapasok ang mensahe habang nakalutang itong lumalayo sa harap niya. "Marami rin itong mga kampon. Ngunit higit na nakakatakot ang katotohanang pinalakas siya ng kapatid kong si Juvai dahil ito ang pangunahing tauhan niya! Maghanda ka, Amado, sapagkat anumang oras ay magkakaroon ng madugong pagtutuos!" sabi ng Leighna bago ito tuluyang magpaalam.

NANG mga oras ding iyon ay napahinto sa paglalakad si Efraim. Nakaramdam ng panganib ang binata. Kanina pa niya napapansing parang may sumusunod sa kanila ni Rheanna.

"Bakit Efraim?" Kinakabahang tanong ni Rheanna na ilang metro ang layo sa likod niya. Napasugod ito sa binata.

"Talasan mo ang pakiramdam mo! May iba pa tayong kasama sa gubat na ito!"

"Sino?" Lumingon sa likod si Rheanna para hanapin ang sinasabi niyang sumusunod sa kanila. "Wala naman, a!"

Madawag ang dakong kinaroroonan ng dalawa. Abot hanggang baywang ang mga talahib at halos hindi na nila makita ang lupang tinutungtungan ng kanilang mga paa. Mabuti na lamang din at may dalang mahabang gulok si Efraim. Habang naglalakad sila ay panay ang putol niya ng matataas na damo para may madaanan sila.

"Nangangati na ako dito!" Nagkakamot sa binting sabi ni Rheanna. "Bilisan na natin ang paglalakad! Aabutan na naman tayo rito ng gabi ay hindi pa natin nakikita ang lagusan!"

Hinawakan niya ito sa kamay. Hindi naman tumanggi ang dalaga. Ginantihan pa nito ang marahan niyang pagpisil sa malambot nitong mga palad. "Halika na! Kailangan na talaga nating magmadali! Masamang-masama na ang kutob ko!"

"Bakit...?"

"Nararamdaman ko, malapit na dito ang kaharian ni Juvai! Ang engkantong iyon ang nagbabantay sa lagusan! At tama si Tiyo Amado. Dahil iyon sa isang lihim! Kung anuman iyon... malapit na nating matuklasan!"

Napatango na lamang ang dalaga. Paalis na sana sina Efraim at Rheanna nang bigla silang may naamoy na kakaiba. Malansa at amoy nabubulok. Bumabaligtad ang kanilang mga sikmura. At nang hindi na makayanan ay magkasabay silang napasuka sa nakakahilong amoy.

"Anong amoy 'yun?" Hawak ang bibig na tanong ni Rheanna.

"Ewan k-ko! Ugh! Ugh!" Sapu-sapo naman niya ang kanyang dibdib. "Hindi ako makahinga!" Hanggang magdilim ang kanyang paningin at tuluyan siyang mawalan ng ulirat.

ITUTULOY