1. Home
  2. Stories
  3. Dilim... ( Pt. 01 )
Lagablab

Dilim... ( Pt. 01 )

By wish_trish ·
" Dilim... " ( Pt. 01 ) Binalot ng dilim ang paligid. Ang kanina'y maingay at buhay na buhay na distrito ng Magsaysay Street, ay nanahimik sa gitna ng malamig na gabi. Paisa isa ang mga sasakyang dumadaan. Nakatayo ako sa ilalim ng isang posteng gawa sa kahoy. Bagama't may bumbilya ito, ay nanatiling madilim ang poste at walang ilaw. Tago ang aking kinalalagyan, malayo sa kanto, malayo sa tanaw ng mga tao mula sa daan. Ako'y matiyagang nag intay. Nagmamasid, nag aabang. Mula sa entrada ng eskinita ay natanaw ko siya. Malaking tao, mukhang brusko, mukhang walang sinasanto. Palingon lingon at mukhang nagsisiguro, ay tinahak niya ang espasyo patungo sa kinalalagyan ko. Sa tahimik na lugar, parang dagundong ang ingay ng kanyang mga yabag sa matigas na semento. "Sigurado ka ba dito?" Mababang boses ang lumabas sa kanyang bibig, nanginginig, at wari'y nag aalala. Itinaas ko lalo ang kwelyo ng itim na leather jacket ko, at inayos ang itim na baseball cap sa aking ulo, bago marahang tumango. "Kapag pumasok tayo, hindi ka na pwedeng umatras Miss Tabanda... kaya uulitin ko, sigurado ka ba dito?" Muling tanong ng lalake sa harap ko. "Walang atrasan... walang iwanan... walang sisihan. Handa ako. Sigurado ako. Itutuloy natin ito." Sagot ko na kalmado, walang takot sa maaring maganap, sa pwedeng mangyari, at sa kung ano ang kahihinatnan. Ipinikit ko sandali ang aking mga mata, at nag balik tanaw sa kung saan nag umpisa ang panibago kong kwento. Lunes... mga alas diyes ng umaga. Ipinasa sa klase ang isang fishbowl. May lamang mga naka tiklop na papel. Sa mga papel na iyon ay naka sulat ang aming mga pangalan. Isa na namang activity, sa araw na ito, mga expose ang topic ng aming discussion sa klase ni Dr. Galuba. Ang mabubunot na pangalan sa fishbowl ay ang magiging ka pareha namin sa aming reporting. Kalahati ng klase ay pinatayo sa harapan, sila ang nag sulat ng kanilang mga pangalan. Ang mga natirang naka upo ang siyang bubunot. Obligasyon ng mga naka tayo sa harapan ng klase ang umisip ng topic na ipe-presenta namin sa aming report, at responsibilidad naman ng mga naka upo na bubunot ng pangalan ang pag kuha ng mga datus at impormasyon na tatalakayin sa harap ng kapareha niyang naka tayo. "Alright, settle down class. We have thirty students all in all in this class, with everyone present that should make fifteen pairs. After you've picked the names of your partner from the bowl, the people standing infront right now will in turn pick numbers from a box. That number will determine the order in which each and everyone of you will present your report infront of the class. Is that understood?" Tanong ng guwapo at maskuladong duktor sa harap ng klase. Tinawag isa isa ang mga pangalan ng mga naka upo sa klase, pag binasa nila ang pangalan ng kapareha nila, ang kapareha naman nilang naka tayo ang magpapakita ng numero na nabunot nila mula sa maliit na karton ng biskwit. "Miss Sabater, whose name did you pick by chance?" Tanong ni Dr. Galuba. "Mr. Baraquiel, sir." Sagot na mahiyain ng isang dalaga malapit sa pinto. Tumango ang lalakeng tinutukoy ng babae, at ipinakita ang bola na may kulay berdeng numero dos. Napa simangot ang babae, at natawa ang buong klase. "Mr. Toledo, whose name do you have?" Tanong ni Dr. Galuba matapos isulat ang pangalan at numero ng pares. "Miss Calatan, sir." At mas lumakas ang tawanan ng ipakita ng babae na tangan niya ang bola na may number one. "Miss Tabanda? Your pick please?" Tanong sa akin ng aking guro. "Mr. Carino sir." Sagot ko na naka ngiti. Ngumiti din sa akin ang aking kapareha mula sa harap, at ipinakita ang numero siyete na bolang tangan niya. Nagpatuloy ang tawagan ng pangalan at bilangan hanggang sa matapos lahat, bago kami dinismiss ng maaga upang makapag usap sa kung ano ang aming tatalakayin. Maingay ang classroom na nilisan ng guro, lahat nag iisip, lahat may gustong patunayan, at karamihan hindi alam ang gagawin. Naka upo ako sa arm chair na gawa sa kahoy, habang si Rocky Carino na kapareha ko ay naka upo sa sahig na semento ng klase. Matagal na kaming magkakilala ni Rocky. Elementary pa lang kami ay magkalaro na kami sa eskwelahang pinapasukan naming pareho nuon. Hindi mahirap maka palagayan ng loob ang taong ito. Maginoo, mabait, at kahit na gwapo siya ay walang hangin sa utak ang taong naka hiligan kong pangalanan ng Graba, dahil bato nga ang kanyang pangalan sa wikang Ingles. Nanatli kaming magkaibigan sa maraming lumipas na taon, sa kadahilanang parehong nasa gobyerno ang aming mga magulang. "May naisip ako... pero 'wag na lang. Baka 'di mo magustuhan." Umpisa nito ngunit nag alangan. "Hmmm, tama ka, hindi ko nga nagustuhan." Sabi ko dito na naka taas ang kaliwang kilay. Nag tawanan kaming dalawa. "Paano mo naman malalaman kung gusto ko ang na isip mo kung 'di mo sasabihin sa akin. 'Di nga ba, sabi ni Dr. Galuba, 'yung mga naka tayo kanina ang mag iisip ng topic, at ako, bilang isa sa mga naka upo kanina, ang kukuha lang ng mga impormasyon tungkol sa topic mo." Pagpapaalala ko rito. "Kasi naman, medyo asiwa para sa mga babae ang isyu eh, isa pa, baka malaking tao ang babangain natin pag tinuloy natin ito." Nagkakamot ng ulo na sabi ng binata sa may paanan ko. "O kita mo na 'yan, malaking tao pala tapos babangain ko. Eh kung mapilay pa ako, ikaw na lang ang bumanga para naman patas kayo sa laki ng katawan." Panunuya ko pa rin dito. "Kulit naman kasi eh. Ang ibig kong sabihin..." "Oo na, naintindihan ko, ito naman 'di na mabiro. Alam mo Graba, kaya nga expose ang gagawin, kasi ito na ang chance natin na patunayan na kaya natin mag report, tungkol sa mga relevant isues sa ating lipunan. 'Yung tipong walang takot, patas, at walang bahid pulitika. Tsaka bat ka natatakot, eh konsehal ang tatay mo, madali ka nung mapo-protektahan." Tango ko dito. "Eh hindi naman 'yun ang kinakatakot ko eh. Takot ako sa nanay mo! Pag may nangyari sa iyo, ako ang babalatan nun ng buhay, at ilalaglag sa kumukulong tubig ng patiwarik. Alalahanin mo, ikaw lang mag isa ang pwedeng kumuha ng impormasyon... 'yun ang arrangement sa assignment na ito, 'di ba?" May puntong tanong nito. "Teka, teka, teka ha Graba. Ang dami na agad nating iniisip eh, pwede umpisahan muna natin sa topic, from there, at tsaka na natin problemahin 'yung iba." Nagta tali ng ribbon sa buhok kong sabi sa binata. "Ok, it's like this. Ang iba dito sa atin, narinig ko na gustong talakayin ang mga iligal na jueteng sa barangay nila. May iba naman gusto i-expose, ang mga kawani ng gobyerno natin dito na tumatanggap ng lagay. At 'yung iba naman, narinig ko na balak kunin na isyu nila ang mga scholarships sa eskwela na ito, na hindi pa naibibigay sa mga estudyanteng sinabihang may scholarship grants sila. Pero iba ang naisisp ko." Huminga ito ng malalim, at naka titig sa mga mata ko bago itinuloy ang kanyang explanasyon. "May isang sinehan sa Magsaysay Street na lumang luma na. Nuong nasa high school ako, madalas naming puntahan ito ng aking mga kabarkada. Dati, may mga singit na bold films silang pinapalabas duon. Pero ngayon, ipinasara na ito ng pamahalaang lunsod natin dahil sa luma na ito, at dilapidated na. Ang sikreto dito... patuloy pa rin itong nagpa palabas ng mga malalaswang pelikula, at ang mga parokyano nito ay mga suki na nila nang matagal na panahon, at kilala na rin nila sa pangalan." Pagtatapos nito. "Teka lang, bakit walang nagsu sumbong sa pulis tungkol sa iligal na pagpa palabas ng mga bold films ng sinehan na ito?" Tanong ko sa kapareha ko. "Well, una, protektado daw ito ng isa sa mga malalaking pangalan sa ating gobyerno dito sa Baguio. Pangalawa, tinatangkilik kasi talaga ito ng madaming mga suki, at malakas daw ang kita ng sinehan na ito. Kaya naman pati mga pulis na binabayaran ng namamahala sa sine, ay parang mga bulag sa nangyayari sa lugar na ito. Dati mga lalake lang ang pumapasok dito, pero ngayon, pati mga kababaihan ay nagkalat na rin sa loob ng sinehan na ito." Sabi ni Rocky. "Eh tutoo ba naman 'yan? Baka naman kwentong kutsero lang 'yan, ma sayang pa ang oras natin." Pagdududa ko sa kwento ng binata sa harap ko. "Tutoo! Hindi ba sinabi ko na sa iyo na matagal na akong pumupunta sa sinehan na iyon? Nakilala ko na ang lalake na nagbe benta ng ticket dun, at isa na ako sa mga pwedeng pumasok dun at magdala ng kaibigan. Kampante, at tiwala na sila sa akin. Ano, pwede na bang 'yun ang gawin nating report?" Kumukuha ng papel at ballpen si Rocky upang isulat ang mga iba't ibang tanong, na dapat naming sagutin upang maging maganda ang aming expose. Pinamasdan ko nang matagal ang pader sa aking kanang tagiliran. Nag iisip. Nagpa plano. Nag aalangan. Nag intay ako na magsalita muli si Rocky, bago ako muling kumibo. "Hello... Miss Tabanda, are you still with us?" Naka ngising sabi ng binata. "Sige. Ok na. May topic na tayo. Kelan natin isasagawa ito?"