1. Home
  2. Stories
  3. Kabilang Mundo 11
Filipino Sex Stories

Kabilang Mundo 11

By Fiction-Factory ·
Please refer to the previous part.

(Kapitulo Biente-Siete)

Maaga pa ay umalis na kaagad kaming apat.
Ang kotse ni Tony ang ginamit namin, isang modified 4x4 hi-lux Off-Road Smartcar.

"Mahigit isang daang kilometro mula rito."
sabi ni tony habang sini-set ang router sa GPS Navigator ng kotse niya.
Katabi niya si jacob, habang kaming dalawa ni maya ay magkatabi sa backseat.

"Maya, tunay na makasaysayan ang bundok na 'yon... Iba't-ibang kwento ang naririnig ko"
sambit ko kay maya para basagin ang katahimikan, pareho pa kaming nakadungaw sa magkabilang bintana ng sasakyan.

Mabilis namang magpatakbo si tony ngunit sadyang nakakainip ang biyahe.

"Ayon sa isang theorya, may isang babae na pagala-gala sa bundok na 'yon, ang tinatawag nilang Maria Makiling"
paglathala ko.

"oo, tama ate maita, at siya ang hinahanap natin, si Maria, ang kaisa-isang anak ni Gretel at ang kahuli-huliang witchcrafter na nabubuhay"
pagsang-ayon niya.

"ngunit walang nabanggit ang theorya na isa siyang witch, kundi isang sawing-palad na babae na iniwan ng kanyang kasintahan, at hanggang ngayo'y kanyang hinihintay at hinahanap sa bundok na 'yon, at gabi-gabi daw na umiiyak..."
patuloy ko.

Nagkibit-balikat si maya kasabay ng pagtawa ng malakas ni jacob na parang nakakainsulto.

"bwahaha maita, maita, maita... Saan mo ba nabasa ang theoryang yaon?! Nakakatawa talaga ang tao, kung ano-anong kasulatan ang sinasaliksik malaman lang nila ang katotohanan. Bubulagin ka lang ng mga binabasa mo maita, mga kuro-kuro lamang yan na gawa-gawa lang ng tao."
sambit niya.

"ano ka ba jacob! Kung ayaw mong maniwala, tumahimik ka nalang! Pwede?!"
medyo may pagka-asar ang pagkasabi ko.

Napansin ata ako ni maya na nawawala ako sa mood kaya iniba niya ang usapan.

"ate, kumusta ka na? Ikatlong araw mo na ngayon, pero parang wala namang nagbago sayo"
wika niya sabay patong ng kamay niya sa kamay ko.

"ayos lang ako maya..."
maikling sagot ko.

Napansin ko ang nagmamanehong si tony na nagtuon ng paningin sa akin gamit ang rear mirror.
Nagkatinginan kami at tila punong-puno ng pag-aalala ang mga mata niya.

Naalala ko ang nangyari kagabi.
O tony, napaka-buti mo, nawa'y mapalitan ng pagmamahal ang pagmamalasakit mo sa akin, dahil ako, parang nahuhulog na ang kalooban ko sa mga ipinapamalas mong katangian sa akin.

Tinitignan ko ang reflection ko sa salamin ng bintana ng sasakyan.

"Ako nga ba ito?"
sa puso ko.

Parang hindi ko na kilala ang sarili ko, parang ibang tao ang nakikita ko.
Sa mga nagdaang araw ay napakarami ng nangyari sa buhay ko, sa maikling panahon ay napakarami kong nalaman at natutunan.

Nakatagpo ako ng mga bagong kaibigan na pinakilala sa akin ang kabilang mundo, na kahit pinakamatalinong taong nabubuhay ay hindi alam at hindi pa nakikita.

Maswerte nga ba akong maituturin?
Habang papalapit ang araw ng muling pagkabuhay ni marcus ay parang pinanghihinaan ako ng loob, na parang nawawalan na ng pag-asa.
Sana'y magkaroon naman ng kabuluhan itong ikalawa kong buhay na ipinagkaloob sa akin.

Naging emosyonal ako sa nangyayaring ito, lalo na ngayong naalala ko si daddy.
Kumusta na kaya siya?
Siguradong nag-aalala na siya sa akin ng husto.
Sa mga nagdaang taon ay naging sutil akong anak sa kanya, ngayon ko unti-unting napapagtanto ang mga naging kasalanan ko sa kanya.
Kung kailan nalalapit na ang aking kamatayan.
Ni hindi man lang ako makakahingi ng tawad o mayayapos man lamang siya sa aking mga huling sandali.
Sana'y nasa mabuti siyang kalagayan sa mga oras na ito.

Sa 'di kalayuan ay natatanaw na namin ang tuktok ng bundok Makiling.

"Malapit na tayo, iliko mo sa kanto Kuya!"
utos ni maya kay tony.

Bako-bako at makipot ang daan, sakto lang ang sinasakyan namin, tamang-tama dahil talagang pang-off road ang sasakyan ni tony, ni hindi nabawasan ang bilis namin at hindi man lang namin naramdaman ang baku-bakong kalsada.

Maalikabok at walang kabahay-bahay ang dinaanan namin, hanggang makarating kami sa dulo kung saan nakatayo ang bahay ng lola ni maya, isang maliit na dampa na halos nasa paanan na ng bundok.

"Sinong kasama ng lola mo dyan?"
tanong ko kay maya.

"wala, siya lang mag-isa..."
tugon niya.

"ilang taon na ba ang lola mo? Paano niya nagagawang mamuhay sa ganitong klase ng lugar at mag-isa pa? Ba't di mo siya isama sa bahay mo sa siyudad?"
naging sunod-sunod na ang mga tanong ko.

"ayaw niyang iwanan ang lugar na ito, kahit anong pilit ko. ako ma'y nagtataka kung paano siya namumuhay dito."
bigla pang nalungkot itong si maya.

(Kapitulo Biente-Otso)

Pagbaba namin ng sasakyan, kailangan pa naming maglakad papunta sa bahay-kubo ng lola ni maya, hindi na kasi makapasok ang sasakyan namin gawa ng makapal na damo at ng mga malalaking punong nakaharang.

Tinahak namin ang kakurampot na malinis na daan kung saan dalawang tao lang ang magkakasya dito, ngunit sa kalagitnaan ng aming paglalakad ay biglang nagsilabasan ang pitong higanteng wolf ni Jacob.

Nagulat kami ni maya at bigla kaming napahinto at nagyakapan.

"Anong nangyayari?"
tanong agad ni maya, alalang-alala siya at natakot sa pitong nagsulputang malalaking wolf.

Nanatiling nakatayo lang si jacob at nakayuko, habang ang mga wolves niya ay nakaharap sa mga punong-kahoy sa gilid ng daan sa parteng kanan namin.
Mababangis, galit na galit at parang handang-handa sa laban, nasa malayo ang tingin nila, parang may inaabangan silang papalapit.

"Gggrrrrrr..... Rooaaaarr"

Nagkatinginan sina Tony at Jacob, tapos nilapitan kami ni tony.

"Dito lang kayo sa likod ko."
sabi niya sa amin ni maya.

Bigla ko nalang naramdaman na parang gumagalaw ang lupa, parang nagkakalindol, mahina hanggang palakas ng palakas, parang may kung anong naglalakad na nagpapayanig ng lupa sa bawat hakbang nito.

Bhag! Bhag! Bhag!

Mula sa mga punong kahoy kung saan nakatanaw ang mga wolves ay may nakita akong isang higanteng nilalang na papalapit sa amin, mga isang kilometro pa ang layo niya o baka higit pa, dahil sa tangkad niya ay nakita agad namin siya ng gano'n kalayo, at bawat madaanan at masagi niyang puno ay natutumba.

Kinilabutan ako ng husto at gayundin si maya, sabay pa kaming napapaatras, at napatago sa likod ng pinakamalapit na punong aming nakita, ngunit nakadungaw parin kami ni maya para masaksihan ang mga mangyayari pa.

Napakalaki niya, mas matangkad pa siya sa mga nakaabang na wolves ni jacob.
Parang tao rin siya.
Tama! parang isang lalaki na ang tanging suot ay bahag.
Kulay berde ang matipunong katawan niya ngunit medyo malaki ang tiyan niya, napakadungis niya, at ang talagang kinatakot ko ay ang mata niya, malaki at nag-iisa lang, oo, isa lang ang mata niya.

"Cyclops ba yan? Totoo nga ba 'to?"
si maya na punong-puno ng pagtataka, nagawa pa talaga niyang magtanong gayong nanginginig na kami pareho.

"Hindi! Isa 'yang Orc na nabuhay dahil sa pighati ng mga witchcrafter."
sagot naman ni tony.

"anong ibig mong sabihing nabuhay sa pighati?"
pagtataka ko.

"Hindi ko rin sila gaanong kabisado, pero ayon sa kasaysayan, may isang batang witchcrafter na binihag ng mga blackwitch, iyak lang siya ng iyak dahil hindi niya kayang ipagtanggol ang kanyang sarili, at ang luha niya ay binigyang buhay ng galit at pighati sa puso niya, at 'yon ang mga naging orcs.
Hindi mo ba alam 'yon maya?"
paliwanag niya sabay lingon kay maya.

"Hindi. Hindi naikwento ni lola ang bagay na 'yon"
sagot naman ni maya.

Ako naman ay talagang nahihiwagaan dahil hindi gano'n ang pagkakaalam ko na pinanggalingan ng mga orcs.
Ibang-iba sa mga napapanood ko sa telebisyon.

Pabalik sa nangyayari.
Sinalubong ng mga wolves ni jacob ang higanteng Orc, pinasok nila ang gubat, matulin ang kanilang pagtakbo sa pagitan ng mga punong-kahoy, tapos nang makalapit na sila sa Orc ay sunod-sunod silang nagtatatalon at sumalakay,
ngunit huminto ang higanteng Orc at mabilis na bumunot ng isang malaking punong-kahoy, parang bumunot lang siya ng hibla ng buhok sa ulo.

Bawat wolf na lumalapit sa kanya ay hinahampas niya nito.
Masyado siyang malakas dahil nagsipagtalsikan lang ang bawat tamaan niyang wolf, pero hindi rin maawat ang mga matatapang na wolves dahil patuloy parin nila itong inaatake kahit ilang beses na silang tumilapon at natumba.

Nagalit na ata ng husto si Jacob sa nakita niyang sinasapit ng mga wolves niya, nahihirapan kasi ang mga ito at hindi man lang makalapit sa Orc.
Napansin ko agad ang paghaba ng sampung kuko ni jacob sa daliri sa magkabila niyang kamay, tapos lumingon siya kay tony na nasa harapan namin ni maya.

Nakita ko ang mga mata niya na puting-puti at wala nanamang eyeballs, sabi na nga bat galit na galit na siya.
May sinenyas siya kay tony na mukhang silang dalawa lang ang nakakaalam.

Humakbang ng dalawang beses si tony palapit kay jacob.

"Maita, d'yan lang kayo"
sabi pa niya.

Kami naman ni maya ay nanonood lang sakanila, nandun parin yung tensyon at kaba kung kaya't nagkayakapan nalang kami.

Biglang tumakbo ng matulin si jacob papunta sa direksyon ng higanteng Orc para salubungin niya at umatake, mabilis, sigurado at desidido, habang si tony naman ay nakatayo at kung ano-anong hugis nanaman ang ginagawa niya sa kanyang dalawang kamay.
Ginagamit nanaman niya ang sining ng Genjitsu, pinupustura niya ngayon ang sarili niyang jitsu.

Bigla namang humarang ang isang wolf sa dadaanan ni jacob, ngunit kasama pala 'yon sa plano, biglang tumalon si jacob at inapakan niya ang ibabaw ng wolf para makagawa ng mas malakas at mas mataas na pagtalon, gayundin sa ikalawang wolf na inabangan ang pagbagsak ni jacob, inapakan din niya ang wolf at muling gumawa ng mataas na pagtalon, nagsi-pila naman ang mga natitirang wolf niya at nagtatatalon si jacob sa ibabaw ng mga wolves,
Hanggang sa huling pagtalon niya ay nagawa niyang makalapit sa mukha ng higanteng Orc.

Ang galing! Ginawa niyang tulay ang mga wolf para maabot niya ang mukha ng Orc, ang puntirya niya ay ang mata ng Orc, ito marahil ang nakikita niyang pinakamahinang parte ng orc.

Biglang itinaas ng Orc ang hawak niyang Puno at inihanda niya para hatawin si jacob.

Ngunit nang matapos na ang ritwal ng jitsu ni tony ay bigla nalang napahinto ang Orc.
Tulad ng inaasahan ay nagmistulan siyang estatwa, nanatili lang nakataas ang hawak niyang punong-kahoy na ihahampas sana kay jacob, at dahil tumalab sa kanya ang kapangyarihan ni tony ay hindi na nga ito makagalaw kung kaya't malayang-malaya si jacob na tusukin ng mga kuko niya ang mata ng Orc, mas matulis pa sa dulo ng espada.

Isang dangkal nalang ang pagitan ng mga kuko ni jacob sa mata ng Orc nang biglang may babaeng nagsalita sa likod namin nina maya at tony.

"Huwag! Huwag ninyo siyang papatulan"
sigaw niya, boses matanda.
Pagtingin ko, nakita ko siyang naglalakad papalapit sa amin, isang ordinaryong matandang babae na may hawak ng mahabang tungkod pang-alalay.

"Lola!"
paglingon naman ni maya sakanya.

Napatindig si tony at bigla nalang niyang mabilis na pinagdikit ang dalawang daliri niya, ang hintuturo at ang sentrong daliri na mabilis niyang idinampi sa noo niya.

Pagkadamping-pagkadampi palang ng dalawang daliri niya sa noo niya ay bigla nalang siyang naglahong parang bula.

Teka! Hindi! Hindi siya naglaho, kundi nag-teleport siya mula dito ay nando'n na siya ngayon sa kinaroroonan ni jacob, sa likuran niya, para silang lumilipad sa ere malapit mismo sa mukha ng nakatayo at naka-steady na Orc, at pagkahawak na pagkahawak ni tony sa balikat ni jacob ay muli nanaman niyang idinampi ang dalawang daliri sa kanyang noo at muli nanaman silang naglaho sa hangin at sumulpot nalang bigla sa tapat ng isang malaking punong-kahoy.

Dumiretso naman ang mga kuko ni jacob sa katawan ng puno na kanina'y para sana sa mata ng Orc, ang lakas ng impact.
Nabutas ang puno, tumagos at lumusot ang kamay niya sa kabilang side ng puno.

Ang tindi, paano nalang kung sa mata ng Orc ito dumiretso, siguradong hindi lang mata niya ang mabubutas kundi pati ang ulo niya, na pwede pa niyang ikamatay.

Biglang napaluhod si jacob at muli na namang hinimatay tulad ng dati, kasabay ng pagkalaho ng mga wolf niya sa hangin.

Samantalang ang higanteng orc ay tumakbo pabalik matapos ang sampung segundo.
Bigla siyang huminahon nang makita niya ang matanda.

"Hindi ako maaaring magkamali, kayo nga ang magkapatid na vampire at werewolf.
Ang orc na 'yon ay ang nagbabantay sa akin para sa mga nilalang na tulad niyo na supernatural being."
nasambit ng matanda.

Teka, tama ba ang narinig ko, si Tony at Jacob ay magkapatid?
Paaano'ng nangyari na ang isang vampire ay kapatid ng isang werewolf?
Mukhang maraming alam ang matandang babae na ito.

"Lola Esme, sila po ay mga kaibigan ko, at naparito po kami par-"
hindi pa man natatapos si maya ay bigla na siyang binara ng matanda.

"Alam ko maya. Inasahan ko na ang araw na ito. Nailathala na ang propesiya tungkol sa Diablong si Marcus, ngunit darating ang huling witchcrafter na siyang pupuksa sa kanya."
sambit ng matanda.

Panandaliang tumahimik ang paligid kasabay ng pag-ihip ng malamig na hangin.
Totoo ba ang narinig ko na isa itong propesiya na nakatakdang mangyari?

Inanyayahan kami ng lola ni maya sa bahay niya.
Pinasan ni Tony si Jacob at nagpatuloy kami sa paglalakad papunta sa bahay-kubo kasama ang matanda.

(Kapitulo Biente-Nueve)

"Saan po namin matatagpuan ang huling witchcrafter?"
tanong agad ni tony pagkalapag niya kay jacob sa katre sa loob ng kubo.

Nagpukol ng tingin sa kanya si lola esme.

"Ang witchcrafter ay naninirahan sa tuktok ng bundok sinai, marami nang nakaakyat sa bundok na 'yan, ngunit ni isang nilalang ay wala pang nakakakita sa kanya"
ayon kay lola esme.

"paano po namin siya matatagpuan?"
sabat ko.

"makikita niyo lang siya kapag nakita niyo na ang apat na elemento ng daigdig."
kumunot ang kilay ko sa sinabi ni lola.

"apat na elemento? Ang ibig niyo po bang sabihin, Hangin, Tubig, Apoy at Lupa?"
paniniguro ko.

Mukhang matinding palaisipan ito.
Lumapit si lola esme kay jacob at idinampi niya ang kanyang kamay sa noo ni Jacob, tapos bigla nalang nagising ang walang-malay na si jacob.

"hanggang ngayon ay hindi mo parin kayang kontrolin ang kapangyarihan mo. Tanggalin mo ang poot sa puso mo at ika'y hindi na pipikit pa."
sabi niya kay jacob.

Nagtataka si jacob at minulat-mulat niya ang mga mata niya habang hawak-hawak ang batok niya.

"Lola, saan po namin matatagpuan ang apat na elemento?"
muling nagsalita si tony.

Matiyaga nanaman siyang nagsisindi ng sigarilyo gamit ang zippo lighter niyang nagloloko-loko.

"makikita niyo lang ang apat na elemento sa ilalim ng liwanag ng buwan. Kapag nangyari iyon, magpapakita na sa inyo ang tinatawag nilang Maria Makiling, o ang huling witchcrafter na may likha ng mga supernaturals sa mundo."
sagot ni lola esme.

"teka po lola, mukhang kay hirap intindihin ng sinasabi niyo. Ba't di nyo nalang po kami diretsahin?"
sambit ko.

Napatindig ako sa matalim na tingin na ipinukol sa akin ni lola kasabay ng paghakbang niya papalapit sa akin.

"Hija, direkta ang talinhaga ng witchcrafter, dapat mong maunawaan na ang lahat ay may tamang panahon."
mariin ang pagkabanggit niya habang hinihipo ng kamay niya ang pisngi ko.

"maaari akong gumawa sa ilalim ng buwan ng apoy, maglagay ng lupa at tubig, at ang hangin ay nandiyan lang sa paligid. Sagayon po ba, lilitaw na ang witchcrafter?"
muling tanong ni tony.

"Hindi ginoo. Hinding-hindi, dahil sagrado ang tinutukoy kong apat na elemento. Sa puso ito manggagaling at sa puso din ito uusbong, sa gayon, magpapakita na ang huling witchcrafter."
nalilito ako at naguguluhan na ang isip ko sa sinasabi ni lola esme.

Malalalim ang mga katagang binibitawan niya, marahil ay wala na talaga akong pag-asa, mukhang imposible ang sinasabi niya.

"Nagsasayang lang tayo ng oras, umakyat na tayo sa bundok makiling at nang maliwanagan na tayong lahat."
si jacob, na mukhang naiirita na.

"Ikaw na anak ni William, ipanatag mo ang iyong sarili tulad ng kapatid mong ito na anak ni Marcus. Baka kapag nangyari na ang mangyayari ay baka pagsisihan mo pa."
kalmado talaga si lola esme.

Binanggit nanaman niya ang kapatiran ng dalawa.

"magkapatid po sina tony at jacob? Papanong ang isang vampire at isang werewolf ay magkapatid?"
paniniyak ko.

"simple lang hija, magkapatid sila sa ina. Ang asawa ni William na pinagsamantalahan ni Marcus"
sagot ni lola.

Natigilan ang lahat at umusbong ang katahimikan.
Nagpukol ako ng tingin kina tony at jacob, ngunit umiiwas sila ng tingin at hindi makatingin ng diretso sa akin.

Sa kinikilos nila ay mukhang alam na nilang magkapatid sila pero ito'y inilihim nila sa akin.

Kaya pala mula noo'y hindi na sila magkasundo.

"bakit naman po ako magsisisi?"
pagbabasag niya sa katahimikan.

"hindi mo nanaising magpakita ang huling witchcrafter, dahil kapag nangyari iyon, ang lahat ng napahiran ng nilikha niyang witchhazel ay babawian niya ng kapangyarihan. Lahat sila mamamatay. Kasama na kayong dalawa."
Nakakatakot na ang mga sinasabi ni lola.

Si maya naman ay taimtim lang na nakikinig, halata ang pagiging edukada niya, ngunit alam kong natatakot din siya para sa amin.

Nandito kami para iligtas ako, ngunit ang kapalit pala nito ay ang buhay ng dalawa kong kaibigan.
Hindi ko na alam ang gagawin at iisipin ko.
Nalilito na talaga ako.

Bigla naman nalungkot ang dalawa, pati ako ay nalulungkot narin sa nangyayari.

Nagulat ako nang biglang humaba ang mga kuko ni jacob at bigla siyang lumapit sa akin, ngunit hinarangan siya ni tony.

"tony, 'wag kang makialam, patayin nalang natin si maita, kaysa tayo ang mamatay, tapos patayin nalang din natin si marcus"
nanlaki ang mga mata ko sa narinig ko kay jacob.
Gano'n paman, maluha-luha siya na parang tutol na tutol parin ang kalooban niya.
Naiintindihan ko siya, sino nga ba ako para isakripisyo niya ang kanyang sariling buhay.
Dito nasusubok ang pagmamahal na binabanggit niya kagabi.

"Mag-hunos-dili ka jake, kapag pinatay mo si maita, sa tingin mo ba makakaya nating patayin si marcus?"
katwiran ni tony.

"ngunit kung hindi natin papatayin si maita, tayo ang mamamatay tony!"
mukhang desidido talaga si jacob.

"no'ng una pa lang, alam ko na ang bagay na 'yan jake..."
sambit ni tony.

Nagkatinginan ang dalawa, maging ako ay nabigla sa sinabi ni tony.
Alam na pala niyang mamamatay siya kapag nagpakita ang huling witchcrafter pero itinuloy parin niya.

"alam mo na pala, pero bakit mo parin ito ginagawa? Nagpapakamatay ka ba?!"
naiinis na si jacob.

"jake, hindi ka pa ba nagsasawa? Ilang daang taon na tayong nabubuhay sa mundong ito, lahat ng karahasan, kamatayan ay nasaksihan ko na jake. Gusto ko naring magpahinga..."
sagot ni tony.

"paano naman ako tony? Gano'n na lang ba 'yon? Ayoko pang mamatay tony!"
napaiyak na ng tuluyan si jacob at hinawakan ang magkabilang kuwelyo ng leather jacket ni tony.

Hindi ko na matiis pa ang pagtatalo nila kaya nagdesisyon na ako.

"Marahil tama si Jacob. Patayin niyo na lamang ako para matapos na ito."
pagsabat ko sa usapan nila.

Nagkatinginan kami ni jacob, pakiramdam ko kumalma na siya, dama ko ang pangamba at kalungkutan niya.
Matapang siya at malakas ang katawan, pero mahina parin siya.

Unti-unti ng umaatras ang mga kuko niya at tumigil narin sa pag-iyak.

"Patawarin mo 'ko maita....nadala lamang ako ng pangamba ko....marahil tama kayo, oras na ng pagsasakripisyo."
sabi niya.

"Nauunawaan kita. Ako man ay hindi sigurado kung mabubuhay pa pagkatapos nito"
pagtatapos ko ng usapan.

"Kailangan niyo ng umalis. Mataas ang bundok, tatlo o apat na araw ang dadanasin niyo bago niyo marating ang tuktok."
sumabat narin si lola esme.

"wala pong problema, tatlong oras lang po yan sa amin"
pagyayabang pa ni tony.

"imposible hijo, dahil pagpasok niyo sa bundok, hindi niyo na magagamit ang mga kapangyarihan niyo"
pailing-iling na sabi niya.

Nagkatinginan kaming lahat sa sinabi ni lola esme.

(Kapitulo Trienta)

Pagdating namin sa paanan ng bundok ay dumiretso agad si tony sa kagubatan.

"Hindi d'yan ang daan sa bundok sinai. Hindi niyo basta-basta maaakyat ang bundok na 'yan tulad ng ginagawa ng mga ordinaryong tao."
ayon kay lola esme.

Nagkatinginan kaming lahat at sumunod lang sa bawat sinasabi ni lola.

Idinala kami ni Lola esme sa tapat ng isang pinto. Isang pintuan na ginagapangan na ng makapal na damo.
Hinawi-hawi nina tony at jacob ang damo at nilinis nila ang kabuuan ng pinto.
Nagtataka kami dahil wala namang kinakapitan simento o anuman, basta nakatayo lang ito. Isang ordinaryong pinto.

"Dito. Sa pintuang yan ang daan papunta sa kabilang mundo ng bundok makiling, sa mundo ng bundok sinai, kung saan marami kayong makikita na hindi makikita ng mga ordinaryong tao na ang inaakyat ay ang bundok makiling."
sambit ni lola.

"ang ibig niyo pong sabihin, kung hindi kami dadaan sa pintuang iyan ay hindi kami makakarating sa bundok sinai?"
pagkokumpirma ko.

"Oo. at piling-pili lang ang mga taong maaaring makapasok diyan, dahil hindi yan nabubuksan ng mga mortal na nilalang lang"
dagdag pa ni lola.

"O ano pang hinihintay natin?! Pumasok na tayo!"
pagmamadali ni Jacob.

Pagkasabi niya'y pinihit agad niya ang doorknob at dumiretso na siyang pumasok agad.

Pagkapasok niya ay bigla nalang siyang napaluhod sa lupa, hinahawakan niya ang ulo niya na parang masakit na masakit.

"Aaahhhhgggg"
daing niya.

"Lola, ano pong nangyayari?"
"Lola, bakit po siya nangingisay?"
nagkasabay pa sina tony at maya.

Biglang lumabas ang isang wolf ni jacob.

"Saiyha!"
pagsambit ni jacob sa wolf niya, at naging sunod-sunod na ang paglabas ng iba pang mga wolf sa katawan ni jacob.

"Nadare, Setsuna!"
bawat lumalabas ay tinatawag ni jacob ang mga ito sa pangalan nila.

Biglang tumayo si jacob at mabilis niyang hinubad ang kanyang damit.
Napansin ko ang mga tattoo niya sa magkabilang braso, nagnining-ning ang tinta ng mga tattoo niya, parang mga titik sa lenguaheng chinese.
Marahil ang mga titik na ito ay ang mga pangalan ng wolves niya.

Tama, dahil sa bawat paglabas ng wolf sa katawan niya ay isa-isa ring nabubura ang mga tattoo niya.

"Madohka, Ruyi, Coque!"
tuloy-tuloy lang ang paglabas ng mga wolf niya at isa-isang nagsilabasan sa pintuan.

"Obeshi!"
naiiyak na si jacob.

"bakit?! Anong nangyayari?"
sigaw ni jacob pagkatapos makalabas ng huling wolf.

"oo nga pala, pasensya na, nakalimutan kong sabihin na mawawalan kayo ng kapangyarihan pagkapasok niyo sa bundok sinai."
sagot ni lola esme.

"ngunit 'wag kang mag-alala, babalik din sa'yo ang mga alaga mo sa muli mong paglabas sa bundok"
patuloy niya.

Buti nalang at kalmado ang mga alaga niyang wolves na nagkaipong nakaupo at nahiga lang sa isang tabi.

"Hayaan mo na jake, para may magbantay narin sa pintuan at kay lola esme."
sabi naman ni tony.

"'Wag niyo na akong alalahanin. Maya, ikaw na ang bahala sa kanila, gabayan mo sila sa kanilang mithiin.
Hanggang dito na lamang ako, maaari na akong magpahinga ngayon dahil tapos na ang misyon ko.
Nawa'y magtagumpay kayo. Paalam!"
sambit ni lola esme.

Biglang umihip ang hangin kasabay ng paglalaho ni lola esme.
Ang katawan niya'y nagkapira-pisaso at nagsiliparan sa paligid, sa anyo ng paro-paro.

"lola esme!"
sigaw ni maya at tumakbo papalapit kay lola para sana yakapin.
Ngunit nahuli na siya dahil naglaho na si lola esme at ang yakap niya'y sinapo nalang ng hangin.

Natigilan si maya at nanatili lang nakatayo, parang nag-iisip kasabay ng pagtulo ng kanyang luha.

"Tayo na! Gawin na natin ang nararapat!"
Nasabi nalang ni maya habang nagpupunas ng luha.

Nang kalmado na si jacob ay sunod ng pumasok si tony, nag-aalangan pa siya no'ng una pero bigla siyang itinulak ni maya papasok ng pinto.

Tulad ng inaasahan ay nangisay din siya tulad ni jacob, ngunit dahil wala siyang alaga ay walang lumabas sa katawan niya kundi itim na usok na lumabas din sa labas ng pintuan.

"Ano 'yang usok na 'yan?!"
nagtatakang tanong ni jacob nang mahimasmasan na si tony.

"Jake, ang usok na 'yan ay mga kaluluwa ng mga Hokage sa panahon ng Yuan Dynasty."
sagot naman ni tony.

"Kakaiba talaga ang trip mo! Bakit mga hokage? Hindi ka na naawa sa mga hari."
pailing-iling pa si jacob.

Napangiti lang si tony.
Sumunod narin kaming dalawa ni maya, at dahil wala naman kaming kapangyarihan ni maya ay wala namang kakaibang nangyari sa amin.
Pero itong si maya ay nag-iba ang hitsura.
Lalo siyang gumanda at nag-iba ang kulay ng kanyang buhok, ang dating kulay itim ay naging kulay puti na ngayon.

"Aba maya, para kang prinsesa!"
biglang puri ni jacob.

Nagtataka naman si maya dahil hindi pa niya napapansin ang pagbabagong hitsura niya.

"Ano ka ba jake! Syempre, teritoryo ni maya ito, kaya ingat ka na ngayon sa kanya!"
pagbibiro pa ni tony.

Sabay-sabay kaming lumingon sa tatahakin naming kagubatan.
Matataas ang mga puno at maging mga damo ay matataas at makapal din.

"Para lang tayong mga ordinaryong tao nito tony.
Mukhang mahirap na pakikibaka ang haharapin natin"
ayon kay jacob.

Nanatili pa kaming nakatayo at nakatulala sa kagubatan ng ilang sandali.
Ano na kayang mangyayari sa amin ngayon?
Sana'y mapagtagumpayan namin ito.

To be continued...
Fiction-Factory
Copyright2013