LARAWAN 13

Filipino Sex Stories
19 minutes
(Paki click na lang po "FOLLOW" sa profile ko then refresh the page para mabasa yung story. Salamat po.)

********************

Napahangos ang mga nasa harapan upang saklolohan ang dalaga na agad pinangkong mag-isa ni Marco. Parang walang anumang bigat ang dalaga sa mga bisig ng alkaldeng alalang-alala sa nangyari sa kanyang mapapangasawa.

Nagmadali itong dalhin ang walang malay na dalaga sa kanilang in-house clinic na nasa bandang likod lang ng gusali ng munisipyo. Nagsisunod din sa clinic ang ibang nag-uusyosong kawani. Kasama ding umalalay si Mang Bert na di din maiwasang mag-alala para sa kanyang anak.

Tarantang inalalayan ng mga clinic staff ang alkalde upang mailapag ang dilag sa higaang naroon. Agad namang inasikaso at binigyan ng nurse ng paunang lunas ang namumutla at walang-malay na dalaga.

************************

Abalang-abala si Lucy sa mga gawaing-bahay. Nangingiti ito habang nagpupunas ng mga muwebles sapagkat di maalis sa kanyang isip ang magagandang bagay na nangyayari ngayon kay Daniel. Sa pagkakatagpo nito ng panibagong pag-ibig at sa muling pagkikita at pagkaka-ayos nilang mag-ama.

Sa pagpupunas niya ng estante na lagayan ng kung ano-anong pigurin at mga pangdekorasyon ay di sinasadyang may natabig siyang bagay at tuluyan iyong nahulog sa sahig. Sa pagkaabala ay saka na lang siya napalingon sa tunog ng pagkabasag niyon.

"Maryosep!!"

Nanlaki ang mga mata ni Lucy nang makita ang bagay na nahulog at ang nagtalsikang bubog mula dito. Nagulat din ang kanyang kapatid na kasalukuyang nagkakape at nanonood sa telebisyon at agad itong lumapit kay Lucy.

Di na nito napigilan ang kapatid nang damputin ang nakakwadrong larawan na nagkadurog-durog ang salamin. Larawan ng kanilang namayapang kapatid kasama ang binatilyo pa lang noon na si Daniel nang manalo ito sa isang sinalihang art contest.

Kahit nagdurugo na ang daliri ay di alintana ni Lucy ang tinamong sugat bula sa bubog. Balisa itong nakatitig sa dinampot na larawan na puno ng kaba and dibdib.

"Ano ga! Di ka nag-iingat alam mo namang bubog ya-an eh!" Pilit ding itinago sa kanyang kapatid ang pangamba nang makitang hawak ni Lucy ang larawang may bahid pa ng kanyang dugo.

"Kuya... Si... Si Daniel!" alumpihit na sambit nito habang iniaabot sa kapatid ang larawan ng mag-ina na bitak-bitak na ang salamin.

"Ay sus! Wag ka ngang mag-isip ng ganyan! Yan eh kasabihan la-ang ng matatandang naihi na sa salawal!" pilit na pagpapakalma nito sa kapatid ngunit maging siya ay di maitago ang pangamba sa kanyang mga mata.

************************

Wala sa sarili ang binata habang nagmamaneho. Tulala itong nagpapatakbo ng sasakyan na ni hindi alam kung saan siya patungo. Harurot. Mabilis. Pilit tinatakasan ang nasaksihan kanina na halos dumurog sa kanyang puso.

Naninigas ang mga kamay nitong nakakapit sa manibela. Nakadiin ang paa sa silinyador. Tila wala sa kalsada ang paningin ng naghihilam na mga mata dahil sa pinipigilang pagluha.

'BAKIT IKAW PA?' Yan ang kanina pa paulit-ulit na umuukilkil sa kanyang isip. Ganito ba talaga magbiro ang tadhana?

Bakit sa dinami-rami ng babae sa mundo na bibihag sa kanyang puso ay bakit si Trisha pa. Ang babaeng siya ring dahilan ng pagbabalik ng ningning sa mga mata ng kanyang ama. Hindi malaman ni Daniel kung matatawa na lang sa mapait na pagkakataon, at tuluyang dumadaloy ang luha sa kanyang pisngi.

Di niya namamalayang halos sumasagad na ang kanyang milyahe sa bilis ng pagpapatakbo. Mabuti na lamang at nasa ilang na lugar siya at kakaonti ang mga sasakyang dumaraan. Ngunit bukod sa lumulutang ang isip habang nagmamaneho ay hindi na kabisado ni Daniel ang lugar na iyon.

Walang anomang babala sa daan na papalapit pala siya sa isang matalim na kurbada pakaliwa. Nagulat na lang si Daniel nang maramdaman ang pagdulas ng kanang bahagi ng sasakayan sa pagdaan niya sa mabuhanging bahagi ng kalsada.

Pinilit niyang kinabig ang manibela pakaliwa sabay tapak ng madiin sa preno. Napapikit na lang ang binata nang maramdaman ang pag-ikot ng kanyang sasakyan.

Matinis ang langitngit ng pagkagat ng preno at pagsadsad ng gulong. Amoy na amoy ang pagkapudpod ng goma mula sa maitim na usok na likha niyon at sa markang iniwan noon sa kalsada.

Di mabilang ni Daniel kung ilang ikot ang nangyari sa kanyang sasakyan. Nanatili lang siyang madiing nakapikit kahit hanggang sa nakahinto na ito.

Nang magmulat ang binata at lumabas ay nanlulumo itong napaupo sa semento at sumandal sa kanyang sasakyang nakahambalang sa gitna ng daan.

"AAHHHHHH!!!" ubod-lakas niyang hiyaw. Nagngangalit ang mga ugat sa leeg at hinang-hinang napayuko na lamang sa labis na panlulumo.

************************

Nang mahimasmasan si Trisha ay napalinga ito sa paligid at tinangka agad na bumangon. Ngunit pinigilan lamang ito ng mayor na nagbabantay sa kanyang tabi.

"Teka lang Marco... Kailangan kong---" Unang sumagi sa kanyang isip ay ang pagnanais na pigilan ang pag-alis kanina ni Daniel.

"Shhh... Magpahinga ka muna at baka mabigla ka."

Hinawakan siya ng alkalde sa magkabilang balikat at sinabihang manatili lamang sa kanyang pagkakahiga. Dinampian ng daliri sa kanyang mga labi at inawat din maging ang kanyang pagsasalita.

"Okay naman daw ang vital signs mo... Pero baka kailangang ipa-examine ang dugo mo para makasigurado tayo."

Puno ng pag-aalala si Marco habang hawak ang kamay ng dilag na ngayon lamang nagising matapos itong mawalan ng malay.

Gusto sana niyang tanungin si Trisha tungkol sa nabanggit nito na kailangan nilang pag-usapan bago ito hinimatay kanina. Ngunit dahil sa kaba ay minabuti na lamang muna ni Marco na manahimik. Pilit niyang winawaksi sa isipan ang kanyang sapantaha tungkol sa nais sabihin ng dalaga.

Alam niyang patungkol iyon tiyak sa kanilang nalalapit na kasal. Kaya nga't imbis na pansinin ang pakiusap kanina ng dilag na mag-usap muna sila ay minabuti niyang halikan ito sa harap ng lahat. Parang di niya kayang marinig na umuurong na ito sa kanilang pag-iisang dibdib.

"Mas maigi sigurong magpahinga ka muna... Ihahatid na lang kita sa inyo mamaya pag pwede ka na maglakad. Gusto ko makapagpahinga kang mabuti... Ayokong magkasakit ang mahal ko..." at dinampian nito ng halik ang kanyang kamay.

"M--May kailangan kang malaman Marco..." mahinang sambit ng dalaga sa alkalde.

Huminga ng malalim si Marco at inihanda na ang sariling marinig ang sasabihin ng batang kasintahan. Ngunit naputol ang kanilang pag-uusap sa pagtunog ng telepono ng alkalde. Agad iyong sinagot ni Marco nang makita na ang hepe ng kanyang pulisya ang tumatawag.

"Ahh sige Hepe... Pakisabi sa media na hintayin ako dyan, papunta na ko. Salamat."

"Babalikan kita dito ha. Kailangan ko lang harapin ang press for an interview about Umali."

Isang dampi ng halik sa noo ang iginawad ni Marco sa nakahigang dilag bago ito tuluyang lumabas ng klinika.

Di na hinintay pa ni Trisha na makabalik ang alkalde at nagpasya na siyang magpaalam sa clinic doctor, umigi na rin naman ang kanyang pakiramdam.

Bigo ang dalaga na makausap ng masinsinan ang alkade tungkol sa kanilang kasal. Ngunit mas lubos siyang nag-alala ngayon kay Daniel na nakita niya kaninang nakamasid pala at nasaksihan ang anunsiyo ni Marco.

Di niya lubos-maisip na sa kabila ng kanilang kasiyahan kahapon ay ito naman ngayon ang magiging kapalit. Ang masayang mukha ng binata na gustong-gusto niyang namamasdan, kabaligtaran ang nakita niya kanina. Ang nakahahalinang ngiti nito at kinang ng mga mata ay napalitan ng lungkot at pang-uusig.

Minabuti ni Trisha na magpahatid na lang sa kanyang ama pauwi sa kanilang bahay.

"Nak?... Sigurado ka bang ayus ka la-ang?" pag-aalala ni Mang Bert habang nagmamaneho at pasulyap-sulyap sa katabing anak.

Bahagya lamang tumango ang dilag sa tanong ng kanyang ama. Ni hindi niya man lang ito tinapunan ng tingin at sa halip ay nanatiling nakatanaw sa labas ng kanyang bintana.

"Alam ko anak na hindi ka masaya sa pagpapaksal mo kay Marco..." Sa nadinig ay dahan-dahang napalingon si Trisha sa kanyang tatay.

"Alam ko din na may... na may ibang nagpapasaya sayo..." Napayuko ang dilag sa narinig na waring inaamin ang sinabi ng magulang.

"Wala kaming ibang hangad ng nanay mo anak kundi ang kaligayahan ninyong magkakapatid... Nandito la-ang kami na nagpapaalala sa inyo." Nangingilid na din ang luha ng ama sa kanyang pagmamaneho habang nagsasalita.

"Siguro naman eh hindi pa huli ang lahat para hanapin mo anak kung saan ka talaga magiging masaya." Napayakap si Trisha sa kanyang tatay nang huminto ito sa gitna ng trapiko.

Kung tutuusin ay hindi naman siya sinabihan ng mga magulang na magpakasal kay Marco. Ngunit dahil pakiramdam niya ay naipit na siya at upang huwag mapahiya ang mga magulang sa laki ng utang na loob ng pamilya nila sa alkalde ay kusa niyang tinanggap ang alok nito.

Ngayon lang niya naisip na siya pa rin ang dapat masunod. Tanging siya lamang ang nakakaalam kung saan siya talaga magiging masaya at kailangan niya iyong ipaglaban.

"I'm sorry Tay... huhuhu... Nakita ko na siya eh... Siya po ang mahal ko...." hagulgol nito sa balikat ng ama.

Humaplos lamang si Bert sa buhok ng kanyang panganay. Nangangamba man para sa kanyang anak na baka masaktan lamang ng lalaking iyon ay kailangan niyang sumugal. Kailangan nilang tanggapin kung sino man ang talagang makakapagpasaya sa kanyang nag-iisang anak na babae.

Di na hinintay pa ng dilag na makagilid ng husto ang sasakyan. Agad binuksan ni Trisha ang pinto at nagmamadaling bumaba. Hangos itong pumasok ng kanyang silid, kinuha ang telepono at sinubukang tawagan ang binatang tunay na nagmamay-ari ng kanyang puso.

************************

Patuloy ang pag-ring ng cellphone ni Daniel, kanina ay mga tawag mula sa kanyang tiyahin, ngayon naman ay sa babaeng pakakasalan ng kanyang ama. Walang sinagot ang binata alin man sa mga tawag na iyon. Pati mga mensahe ng mga ito ay hindi rin niya binasa.

Paano nga ba niya ngayon ipaliliwanag sa kanyang tiyahin na ang babae palang kanyang ipaglalaban ay walang iba kundi ang babae din na muling nagbigay buhay sa kanyang ama?

At paano niya sasabihin sa babaeng minamahal ang ugnayan niya sa lalaking nakatakdang pakasalan nito?

Inis na inis siya sa kanyang sarili. Parang ang tanga-tanga niya. Bakit niya hinayaang mahulog muli? Bakit kay Trisha pa?

Hindi ba nga't noon pa niya sinabihan ang sarili na hindi na muli pang magmamahal? Di ba't para sa kanya ay wala naman talagang maidudulot iyong mabuti at pinag-uugatan lamang ng pighati?

Hindi ba't kaya nga siya di naghahanap ng dalaga, para umiwas na mahulog? Pero bakit ngayon ay nandito siya sa sitwasyong pinaka-iiwasan niya?

Ang daming tanong. Ngunit kahit isa ay wala siyang mahanap na sagot.

"PUTANG INA!!! GANITO BA TALAGA MAGMAHAL?!!" sabay hagis sa tinutunggang bote ng beer sa gilid ng kalsada.

Nakaparada ang sasakyan ng binata sa gilid ng highway. Nakatanaw sa kabundukan habang nag-iinom at pilit nilulunod ang sarili dahil sa sakit na nadarama.

Tila ba isang maigsing panaginip ang lahat ng namagitan sa kanila ni Trisha. Isang napakagandang panaginip ngunit nagising naman siya sa isang bangungot.

Kahapon lang ay punong-puno ng kulay ang kanyang mundo. Puno ng pag-asa. Puno ng kumpiyansa sa sarili at desididong ipaglaban kahit kanino ang babaeng muling nagpatibok sa kanyang puso.

Kung kailan muli niyang naranasan ang amor ng kanyang ama. Kung kailan muli nyang namasdan ang buhay sa mga mata nito. Paano niya ilalaban sa ama ang babaeng siyang sanhi ng pagkamit niya ng pagpapatawad nito?

************************

"Talaga ba Kuya Marco, hindi nagawi dito si Daniel? Ang paalam kasi samin eh dadalawin ka niya."

Alalang-alala si Lucy at di na nakatiis at sinundan ang binata sa munisipyo ng kabilang bayan. Lalo pang nagtaka nang malamang hindi pala natuloy ang plano nitong pagdalaw sa kanyang ama.

"Di pa kami nagkikita buhat kahapon... Sige ipapaalam ko agad sayo pag nagpakita siya sakin."

Lihim na nagalak si Marco nang malamang pupuntahan pala siya dapat ng kanyang anak. Nagtataka man na hindi natuloy ang pagbisita nito ay iniwasan niyang mag-isip pa ng kung ano dahil na din sa dami na ng kanyang alalahanin nang araw na iyon.

"Saka wag kang mag-alala Lucy... malaki na si Daniel. Baka kung saan lang napasabit yon." dagdag pa nito.

Hindi sila gaano maasikaso ng alkade dahil sa dami ng kausap nito. Isang special report kasi ang bumulabog sa buong Batangas. Inaresto na si Congressman Umali kasunod ng pagkaka-raid ng isa sa mga bodega nito. Nasabat ang mga hindi lisensyadong armas at bulto-bultong shabu na aabot ng daang milyon ang halaga sa merkado.

Ngunit sa kasamaang palad ay di kasamang nadakip ang anak nito na isa sa malalaking isdang nagpapatakbo ng sindikato ng droga. Hindi lamang sa Batangas gumagalaw ang operasyon nito kundi maging sa mga karatig probinsya hanggang Kamaynilaan, at may mga kontak maging sa iba pang parte ng bansa.

Puring-puri ng Pangulo si Mayor Marco Vargas at ang buong sangkapulisan ng kanyang bayan dahil sa pagkakatuklas at pagbubunyag ng ilegal na gawain ng mag-amang Umali.

"Puta sarhento... Paano na raket natin ngayon nahuli na si boss? Saka baka tayo naman isunod ng mga to?" bulong ng di mapakaling police bodyguard ni Marco.

"Kay boss John naman tayo naka payroll kaya hangga't di nahuhuli yun ok tayo. Saka isa pa, wala namang hawak si John na ebidesiya laban satin. Kaya nga tayo may extrang cellphone di ba?" pagpapalakas naman ng loob ng isa sa tiwaling kabaro.

Nagngangalit ang panga ni John habang pinapanood sa flash report ang pagkakahuli sa kanyang ama at ang panayam kay Mayor Vargas. Mabuti na lamang at natunugan nya ang pagdating ng mga operatiba at nagawa pa niyang makatakas kanina.

Kasalukuyan silang nagkukubli ng ilang mga tauhan sa isa pa nilang hideout na hindi alam ng kanyang hudas na pinsan. Malayo-layo ito sa bayan ng alkalde at di paghihinalaang siya ang nagmamay-ari ng abandonadong resort na iyon.

"PUTANG INA KA VARGAS!! SINIRA MO LAHAT NG MGA PLANO KO! LINTIK LANG ANG WALANG GANTI!!!"

Di halos makalapit ang mga natitirang tauhan ni John ng mga oras na iyon dahil sa nakikitang init ng ulo ng kanilang amo. Umiiwas na madamay pa sila sa matinding galit nito.

************************

Hapon na nang magpasyang sumilip sa kanyang telepono ang binata. Pulang-pula ang mukha nito dahil sa dami ng alak na naubos ngunit parang kulang pa at nagbabalak pa itong bumili.

Bagaman nakapaglabas na ng hinaing sa puntod ng kanyang ina ay tila di pa rin mabawasan ang sakit na kanyang iniinda. Wala atang kahit anong makakapawi sa kirot na nararamdaman niya ngayon.

Isa-isang binasa ni Daniel ang mga mensahe mula sa kanyang tiyahin. Nakaramdam ng awa sa pag-aalala ng kanyang Momi na sumunod pa pala sa opisina ng kanyang ama sa kahahanap sa kanya. Nagpadala lamang siya ng isang maigsing tugon upang sabihan ang nanay-nanayan na huwag na itong mag-alala.

Sumunod niyang binasa ang mga mensahe ni Trisha na nakikiusap na sagutin ang mga tawag nito. Mapait na ngiti ang gumuhit sa mga labi ni Daniel. Desidido na siya sa kanyang binabalak.

Wala na siyang pakialam kahit masaktan siya o makasakit man siya. Ang mahalaga ay magawa niya ang sa tingin niya'y nararapat. Kahit napakabigat sa kanyang kalooban.

Dali-daling nag-dial si Trisha nang makitang sa wakas ay 'seen' na ang messages niya sa binata. Agad naman itong sinagot ni Daniel nang may malamig na tinig. Nagkasundo silang magkita sa waiting shed malapit sa paanan ng burol sa mungkahi ng binata.

Halos lumundag ang dalaga at nagmadaling ayusin ang sarili upang katagpuin ang binata. Handa na siyang ipagtapat ang lahat dito kung paano siya napasuong sa kasalang di niya kailanman ginusto.

Higit sa lahat, handa na si Trisha na piliin si Daniel kahit iyon pa ang maging mitsa ng pagkakasira ng kanilang pamilya at ni Marco. Naisip niyang marami pang ibang paraan na makakabayad sila ng utang na loob dito. Ngunit ang isakripisyo ang kanyang kaligayahan ay hindi niya pala kayang maatim.

Nang masalubong ang amang si Mang Bert palabas ng bakuran ay yumakap pang muli ang dalaga. Mahigpit na yakap ng kagalakan at pasasalamat sa pang-unawa nito.

Lumuwag ang dibdib ng ama nang makita ang ningning sa mga mata ng kanyang panganay. Alam niyang nagmamahal ang kanyang anak at sino nga ba siya para pigilan ito. Yun naman talaga ang itinuro nila ni Fely sa kanilang mga anak. Ang pagmamahal.

"Kailangan ko siyang makausap tay... Nandun siya sa munisipyo kaninang umaga."

"Oo nak nakita ko... at alam kong siya ang dahilan kaya ka nawalan ng malay kanina." Naluha si Trisha sa nadinig at muling niyakap ang kanyang tatay.

Tumanggi itong magpahatid at nagpasyang mamamasahe na lamang. Hindi na nagpilit pa si Bert.

Muling nanumbalik ang mga alaala ng ama. Nasaksihan niya nang magkagusto ang anak sa isang lalaki nung dalagita pa lamang ito. Puppy love na maituturing ngunit nakakatuwang makita ang nag-iisang anak nilang babae na masaya.

Ngunit nakita din niya nang masaktan ito sa murang edad. Nasaksihan niya kung paano ito nalungkot at labis na naapektuhan nang bigla na lang mawala ang crush nitong si Billy.

Di man nito sabihin, alam niyang sa paglipas ng mga taon ay si Billy pa din ang hinihintay nitong magbalik kaya't hindi ito kailanman nagkaroon ng nobyo.

Ang dating kinang sa mga mata ni Trisha ay ngayon na lang niya ulit nakita ngunit labis ding nangangamba na muling makaranas ng sakit ang kanyang anak.

'Ahhh sana wag na maulit pa yun anak... Sana hindi siya kagaya ni Billy na bigla na la-ang mawawala.' sa isip-isip ni Bert habang pinagmamasdan ang anak na palabas ng kanilang bakuran.

************************

Hindi na sinalubong pa ng binata ang pababang dalaga mula sa tricycle. Mataman lamang nitong minasdan ang babaeng papalapit sa kanya.

Hindi kayang tabunan ng tama ng alak ang matinding lungkot na kanyang nadarama habang papalapit ito. Pilit niyang pinipigilan ang sarili sa kagustuhang salubungin ito ng mahigpit na yakap at ipadama muli ang kanyang pagmamahal.

Hangos na lumapit si Trisha nang makita si Daniel na nakaupo sa bench sa ilalim ng waiting shed. Namumula ang nanlulumong mukha nito. At napatungo na lang ito sa lupa nang tuluyan siyang makalapit.

"Daniel... I'm so sorry sa nakita mo kanina."

Bahagya lamang ngumiti ang binata habang nananatiling nakayuko. Ngiti na hindi mabasa ng dalaga kung ano ang kahulugan.

Nag-alangan tuloy siyang yakapin ito dahil hindi man lang ito tumayo upang siya ay salubungin. Naupo na lamang si Trisha sa tabi ni Daniel at nakikiramdam.Walang kumikibo. Walang nais magwika.

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ng binata. Waring kumukuha ng lakas ng loob upang basagin ang katahimikang namamagitan sa kanilang dalawa. Lakas ng loob upang isagawa ang ganyang binabalak.

Titig na titig ang dalaga kay Daniel. Ramdam niyang may nais itong itanong o sabihin kaya't naghintay lamang siya ng salitang lalabas sa bibig nito.

"Alam ko na kung bakit ka sumama sakin nung gabing yon Trisha."

Saglit na tinapunan lamang nito ng tingin ang babaeng katabi bago patuloy na nagsalita.

"Malinaw na sa akin ngayon kung bakit sa akin mo ibinigay yung dapat na sa lalaking mapapangasawa mo." kunot-noo nitong turan.

Napamaang si Trisha sa mga salitang lumalabas ngayon sa bibig ni Daniel. Hindi ito ang inaasahan niyang maririnig mula dito. Gulat na gulat, hindi siya makapagsalita dahil sa pagkalito sa tinutumbok na sabihin ng binata.

"Mali pala 'ko ng inakala... na kaya mo sa akin ibinigay ang sarili mo dahil may nakita o naramdaman ka para sa akin..."

Hirap na hirap bumigkas ang binata at ni hindi magawang lumingon sa dalagang nagugulumihanan sa kanyang tabi. Dahil kung makikita niya ang mukha nito ay baka wala nang lumabas na tinig sa kanyang mga labi.

"Daniel... ano bang pinagsasabi mo?" garalgal na wika ni Trisha.

Napatayo si Daniel sa kanyang kinauupuan at bahagyang dumistansiya sa babae. Di niya kayang marinig nang malapitan ang basag na boses nitong parang iiyak.

"Ganon mo kadaling binigay sakin yung bagay na yon... kasi gusto mo lang na ma-disappoint siya, right?"

Gulat na gulat ang dilag sa mga narinig. Nagtataka kung bakit tila biglang nagbago si Daniel mula sa binatang nakilala at minahal niya kahit sa maigsing panahon lamang.

Litong-lito si Trisha. Bakit biglang nag-iba si Daniel? Bakit sa isang iglap ay parang hindi na ito ang lalaking inaminan niya ng tunay na damdamin noong nakaraang araw lang.

"Your silence means yes?" at mapaklang ngumiti ito sa dalaga.

"Hindi totoo yan!"

Tuluyan nang dumaloy ang mga luha ni Trisha nang makita ang tingin ni Daniel sa kanya na parang nang-uuyam.

"Come on Trish! Hindi mo lang maatim na magpapakasal ka sa isang matanda di ba? Masyado namang siyang jackpot kung siya makakauna sayo... kaya ganun na lang kadali mong ibinigay sakin ang virginity mo?!" patuloy nito, pilit nilalabanan ang dibdib na wag panghinaan ng loob habang minamasdan ang pagluha ng sinisinta.

"Ako naman si tanga... naniwala agad na may espesyal sa namagitan sa atin! Putangina... Ginulo ko lang ang isip ko sa isang babaeng katulad mo!"

Halos sumabog ang puso ni Daniel. Napakabigat man sa kanyang loob na puros kabaligtaran ang kanyang mga sinasabi sa dalaga, kailangan niyang gawin ito.

"BAKIT?! ANONG KLASENG BABAE BA AKO SA TINGIN MO?!"

Napatayo na din ang dilag at nakipagtitigan sa binata ang nananangis nitong mga mata.

Pinipigilan ni Daniel ang damdamin para sa dalaga. Sinisikap ibahin ang emosyong ipapakita sa babaeng minamahal. Pilit itinatago ng kanyang mapanghusgang tingin ang tunay na nilalaman ng kanyang puso para dito.

"Ewan... Ikaw ang makakasagot niyan Trisha... Bukod sa kapangyarihan at pera, ano pa nga ba ang habol mo sa matandang yon?"

Isang malakas na sampal ang itinugon ni Trisha kay Daniel. Saka nito pinaghahampas ang dibdib ng binata habang humahagulgol sa pag-iyak na parang bata. Di niya sukat-akalain na ganito siya pag-iisipan ng lalaking minamahal nang malaman nito kung sino ang kanyang pakakasalan.

"I HATE YOU DANIEL!! I HATE YOOOU!! Huhuhu..."

Hindi pinigilan ni Daniel ang malalakas na kabog ng mga braso ng dalaga sa kanyang dibdib. Hindi niya ininda ang sakit niyon dahil mas nangingibabaw ang sakit mula sa kanyang puso. Wala nang mas titindi pang sakit sa sadyaing saktan ang babaeng kumukumpleto sa kanya.

Ang malalakas na hampas ay unti-unting nanghina habang tuloy lang ang dalaga sa pagpalahaw. Ngunit lalong sumisidhi ang sakit sa nakikitang panlulumo ng dilag sa kanyang harapan.

Para siyang sinasaksak habang nakikita ang nanginginig nitong katawan na hindi niya magawang yakapin.Habang nadidinig ang panaghoy na halos dumurog sa kanyang puso.Habang minamasdan ang magandang mukha na wala siyang ibang nais kundi makitang masaya... ngunit ngayon ay tumatangis nang dahil sa kanya.

"Hindi totoo yan Daniel... huhuhu... hindi totoo yan!"

Napaupo na lang muli ang dilag sa panghihina sa mga narinig mula kay Daniel. Ngayon lang siya nakatikim ng panghuhusga sa tanang buhay niya. Kahit ang mga kakilala niya ay di niya naringgan ng anuman patungkol sa pagpapakasal niya kay Marco.

"Ang sakit naman Daniel... Of all people, sayo ko pa maririnig yan? Kung bakit naman kasi... BAKIT IKAW PA MINAHAL KO! Sana hindi na lang kita nakilala! Huhuhu..." at muli itong nagpalahaw ng iyak.

Nangyari na. Masakit man sa kanyang kalooban, nagawa na ni Daniel ang kanyang pakay sa huling pagtatagpo nilang iyon.

"Goodbye Trisha... I'm sorry..."

Isang malalim na buntong-hininga at lumakad na ang binata papunta sa kotseng nakagilid sa daan at sumakay nang ni hindi man lamang lumilingon sa tumatangis na dalaga.

Naiwan si Trisha na patuloy na lumuluha habang nakatanaw sa papalayong sasakyan ni Daniel.

About paradoxxxx

u/paradoxxxx
paradoxxxx has nothing to say.

More from paradoxxxx

  • LARAWAN 8

    Filipino Sex Stories
    "ISHIIIEEEE!!" " Uy... Uy... Pre gising! Kanina ka pa umuungol! Binabangungot ka yata!" tapik ni Jorge kay Daniel na natutulog sa...
    21 minutes
  • LARAWAN 13

    Filipino Sex Stories
    (Paki click na lang po "FOLLOW" sa profile ko then refresh the page para mabasa yung story. Salamat po.) ******************** Napahangos...
    19 minutes
  • Larawan 4

    Filipino Sex Stories
    Simula nang kunin ni Marco Vargas si Mang Bert na magtrabaho sa kanya bilang personal driver ay unti-unti nang napalapit...
    17 minutes
  • Larawan 5

    Filipino Sex Stories
    "Ahh, Mrs. Diane Aguinaldo?... Ms. Diane... Ma'am pasok na daw po kayo sabi ni Doc." Marahang tumayo ang babae patungo...
    28 minutes
  • LARAWAN 10

    Filipino Sex Stories
    Pilit nagpumiglas si Trisha sa kamay ni Marco na mahigpit na nakakapit sa kanyang braso. Dama ng dilag ang pagbaon...
    30 minutes
  • Larawan 2

    Filipino Sex Stories
    " Ano ba 'tong nangyayari sa 'kin, bakit ako nagkakaganito?" pabulong nyang wika habang papasok sa tinutuluyang condo unit. Agad siyang...
    19 minutes
  • Larawan

    Filipino Sex Stories
    "Ohhhh... Ohhhh... ang saaraaap.... Ahhhh sige paaa!" halinghing ng babae habang titig na titig sa mukha ng estrangherong hayok na...
    10 minutes
  • LARAWAN 14

    Filipino Sex Stories
    Isang huling sulyap sa babaeng sinadyang saktan upang mas madali sa kanya ang lumisan. Ngunit sa kanyang pagtalikod, pakiramdam ni...
    26 minutes
  • Larawan 3

    Filipino Sex Stories
    Nag-aapurang tinungo ng dalaga ang pintuan habang hinihila ang hapit na palda pababa. Taranta nyang pinihit ang seradura para mabuksan...
    16 minutes
  • LARAWAN 6

    Filipino Sex Stories
    "PUTANGINA!!!... TIRAHIN NYO NAAAA!" galit na galit na bulyaw ng anak ng kongresista na di pa rin nakakabangon buhat sa...
    23 minutes

    Related Stories