1. Home
  2. Stories
  3. LARAWAN 17
Filipino Sex Stories

LARAWAN 17

By paradoxxxx ·
Kung muli lamang lumingon si Trisha habang inaalalayan ni Marco pasakay ng sasakyan ay nakita niya sana kung sino ang nagsauli ng bracelet.

Tigib sa luha ang mga mata ni Daniel habang tinatanaw ang dalagang noon pa pala niya minahal. Lalaking noon pa ma'y masaya na matanaw lamang ang dilag.

"Kuya nandito ka lang pala eh!" sita ng batang paslit na inutusan niyang mag-abot ng pulseras.

Mabilis na nagpunas ng luha ang binata nang makitang mayroon palang nakakakita sa kanya.

"Kuya... Lab mo sya noh?"

Napangiti ang binata sa tinuran ng batang paslit. Sabay tango dito bilang sagot sa itinanong nito.

"Sabi ng lola ko... kapag kayo daw talaga... gagawa ng paraan si Papa Jesus para sa huli kayo pa din."

Napailing at mahinang natawa si Daniel sa sinabi ng bibong paslit. Minsan pala ay nakakagaan din ng damdamin yung may nakakaalam ng sakit na nasa iyong dibdib. Kahit sino pa, kahit nga isang bata lang.

Bagama't napangiti siya ng bata ay dala pa rin ni Daniel ang bigat sa kanyang dibdib. Nang makasampa sa kanyang motorsiklo ay mabilis iyong pinasibat na parang mauubusan ng kalsada.

Agad niyang narating ang himlayan ng kanyang ina. Malungkot na pinagmasdan ang larawang nakadikit sa marmol na puntod nito.

"Ma... Siya pala si Ishie... Ba't di mo naman agad sinabi sakin hahaha" Nakangiti man ay mababakas ang matinding lungkot sa kanyang mga mata.

"You're right... Na she'll become a pretty woman someday... Damn, look at her now!" sambit nito habang minamasdan ang mga larawan ni Trisha sa kanyang telepono.

"Kaso Ma hindi pwede eh... Turuan mo naman ako, paano ko ba siya makakalimutan?"

Muling tumulo ang mga luhang pinipigilang bumagsak. Parang mas lalo siyang naging mahina ngayon kumpara noong una siyang nakaranas ng kabiguan.

Sadyang mas masakit ngayon nang malaman niyang iisang tao lang pala ang dahilan ng kanyang pag-iyak. Kaya naman pala parehas din kung paano tumibok ang kanyang puso sa unang pagkikita pa lang nila ni Trisha. Dahil si Ishie din pala ito. Iisa lang pala sila.

"Kahit siguro i-delete ko mga photos at messages nya Ma dito sa phone ko... parang di ko na mabura mga alaala niya dito..." sabay turo sa tapat ng kanyang dibdib.

"I miss you Ma... lalo na ngayon..."

Di na napigilan ni Daniel ang pagyugyog ng balikat sa paghagulgol nang pawalan ang kinikimkim na damdamin. Tila ito na lang ang tanging paraan upang kahit sandali ay mapawi ang sakit. Kahit papaano ay mapawi ang kirot ng mapaglaruan ng tadahana.

"Ma alis na po ako... balik na lang ako dito kapag... pag okay na lahat."

Habang papalabas siya ng sementeryo ay muli niyang natanaw ang matandang puno ng Acacia sa tuktok ng burol. Tinangka niyang ipaling ang kanyang tingin ngunit tila kumakaway ang mga sanga nitong hinihipan ng hangin. Para bang nagpapapansin ang puno at ibinabalik ang mga alaalang lumipas.

************************

"I LOVE YOU PAPA BILLY!! MARRY ME PAPA!!!" hiyaw ng maharot na baklang estudyante sa gitna ng dumadagundong na tilian at hiyawan sa gymnasium.

Natawa si Dandan sa nadinig na tiling iyon patuon sa kanyang kaibigan. Hindi magkamayaw ang mga nanonood na sumusuorta sa magkabilang team na naglalaban sa larong basketball. Mula sa malaking lamang ng isang koponan ay naging dikit na dikit na ang laban sa mga huling sandali ng laro.

Dumadagundong ang hiyawan at kantiyawan. Ang lahat ng tao sa stadium ay sa loob ng court nakatuon ang pansin maliban sa kanya.

Bagama't may kalayuan siya sa dalagitang tinatanaw ay maliwanag na maliwanag sa kanya ang kagandahang nasisilayan. Ang mga tawa nitong nakakahawa ay sadyang nakakahalina sa binatilyo.

Hindi siya pumasok sa eskwela nang araw na iyon upang panoorin ang laro ng kanyang kaibigan. Kapwa sila nasa ika-apat na taon sa sekondarya ngunit sa magkaibang paaralan. Sa pribadong high school siya habang si Billy naman ay sa public.

Ngunit kahit laro ang kanyang idinayo ay parang wala siyang matandaan sa buong oras ng match na iyon sapagkat lagi lang siyang nakamasid sa isang dalagita. Wiling pinagmamasdan ang mga tawa at pakikipagharutan nito sa katabing kaibigan.

Gustuhin man niyang makipagkilala dito ngunit sadyang likas na mahiyain ang binata. Sa kabila ng estado niya sa buhay ay malaki ang kakulangan nito pagdating sa kumpinyansa sa sarili.

Matangkad sana ito ngunit patpatin naman ang katawan. Kahit yata isang dakot na vitamins na ang laklakin niya ay wala talagang katalab-talab. Para pa ding kawayan sa nipis ang kaha nito na nakakantiyawan ngang wala man lang lilim.

Maganda sana ang mga mata nito ngunit pirming natatabunan ng suot nitong salamin. Nasa gitna ang biyak ng buhok na nakasanayang hinahagod ng kamay upang itabon sa mga tigyawat sa kanyang noo. May mahiyaing ngiti na pilit ikinukubli ang braces sa kanyang ngipin.

Maganda ang kaniyang ina na si Laura. Katunayan ay lagi itong nasasali sa mga beauty pageant nung kabataan nito. Hindi rin papatalo ang amang si Marco na campus heartthrob sa parehas na unibersidad na pinapasukan ng kanyang ina.

Simula high school pa lamang ay magkasintahan na ang kanyang mga magulang. Sila nga ang itinanghal na King and Queen sa kanilang Prom. Nagpatuloy ang kanilang pag-iibigan sa kolehiyo hanggang sa sila'y makatapos ng pag-aaral at magpakasal.

Larawan sila ng perpektong mag-asawa na waring sadyang itinadhana para sa isa't isa.

Natapos na ang palaro at itinanghal na kampyon ang koponan ng kaibigan. Kanina pa nagtatangkang lumapit si Dandan sa dalagitang nakaupo sa pinakataas na bleachers ngunit pinangunahan siya ng hiya.

Nagsimula na ang awarding ceremony ngunit hindi pa rin makakuha ng bwelo ang binatilyo na nanatiling bahag ang buntot.

"Oh akala ko umuwi ka na?" tawag ni Billy kay Dandan na nakatayo malapit sa stage kung saan siya ginawaran ng medalya.

"Bro... ahh ano eh... hmmm... Can I ask a favor?"

"Huh?!... Sige ano yun?"

Napakunot ang noo ni Billy nang sa halip na sumagot ang kaibigan kung ano ang hihilingin nitong pabor ay napatingin ito sa malayo na parang may tinatanaw.

"May nambully na naman ba sayo? Saan?! Turo mo!"

"No... no wala... ahh wag na nga lang!"

"Chicks ba?" natatawang hula ni Billy.

Napangiti na lang si Dandan sa hula ng kaibigan. Maya't maya ang tingin nito sa gawi ng dalagitang tinatanaw sa malayo. Nagulat naman si Billy na tila tumama ang kanyang hula. Ngayon lang yata kasi ito nagkainteres sa isang babae.

"Sino ba dun bro?" tanong niyang muli. "Turo mo nga baka kilala ko."

Inilarawan na lamang ni Dandan ang babaeng natitipuhan. Ang cute na mestisang dalagita na naka-pigtails ang buhok at may pagka-chubby ang pangangatawan.

Habang dinedescribe ay pinipigilan niya ang kamay ni Billy na ituro ng kamay ang babae. Nahihiyang baka kung ano ang isipin ng dalagita at ng kasama nito lalo't mukhang sa direksiyon nila ni Billy nakatingin ang magkaibigan.

Nagkataon namang hindi rin kakilala ni Billy ang babaeng tinutukoy ng kaibigan kahit kaeskwela pala niya ito. Pinilit niya si Dandan na siya na ang umakyat upang makipagkilala ngunit di niya ito napilit. Kaya't wala siyang nagawa kundi tumungo sa taas upang tanungin ang pangalan ng dalagita para sa kanyang kaibigan.

Ishie. Iyon pala ang ngalan ng dalagitang nakapukaw sa kanyang pansin. Ang unang babaeng mapapamahal kay Dandan.

************************

"Ah Ma... hmm, pwede bang pakilagay sa box yan?" hiling ni Dandan sa kanyang ina isang umaga nang makitang naghahango ito ng cookies mula sa oven.

Napatingin ang mag-asawa sa kanilang unico hijo na noo'y nag-aalmusal bago pumasok sa eskwela. Nagtataka ang mga ito kung bakit kailangan pang ilagay sa kahon ang cookies na babaunin lang sana ni Marco.

Matagal na kasing tumatanggi ang anak na pabaunan ng mga ibinake ni Laura. Nahihiya daw ang nagbibinatang anak na naiintindihan naman ng kanyang ina.

"May pagbibigyan ka ba?" nangingiting tanong ng ina na pasulyap-sulyap din sa kanyang asawang nagbabasa ng pahayagan habang nagkakape.

"Ahh... ehh... Wala Ma... hmm... parang namiss ko lang ulit yung cookies mo." halatang pagdadahilan lang nito.

"Eh di wag na i-box... sayo naman pala eh... Supot mo na lang yan Hon." pigil ang tawang wika ni Marco.

Pinandilatan naman ni Laura ang asawa. Sinaway ito sa pang-aasar sa nag-iisa nilang anak. Kahit kasi parang magkakatropa lang silang tatlo kung mag-asaran, ngayon lang nila natunugan ang anak na tila may pagbibigyan at ayaw niyang maglihim ito sa kanila nang dahil sa hiya.

"Saka teka ha... Eh di ba sa akin yan Hon? Ano memeryendahin ko mamaya?" patuloy na pagbibiro ni Marco sa kanyang mag-ina.

"Igagawa na lang kita ulit bukas Hon. Kay Dandan na lang muna to at baka nga NAMISS na niya ang cookies ng mama niya." Di na nakatiis at sumali na din si Laura sa pambubuska sa kanilang anak.

"Sige ha... Pinagtutulungan niyo ko ha!" natatawa na lang din si Dandan sa halatang panunuya ng mga magulang.

"So kailan mo ba ipakikilala samin yung GELPREN mo?... Oh baka naman pag nalaman na SYOTA mo siya eh magbreak na kayo? Hehehe" pang-aasar pa lalo ni Marco sa anak na nakangising napapailing na lang habang sumusubo.

Napuno ng tawanan ang pagsasalo ng Pamilya Vargas sa hapag kainan nang umagang iyon. Natutuwa ang mag-asawa na makita ang kanilang anak na tila mayroon nang iniibig.

Di na kasi lihim sa kanila ang madalas na pagbili ng anak ng kung ano-anong pang-regalo. Matyagaang binabalutan ng makukulay na wrapper at nilalakipan ng mensahe. Nakikita nilang ipinapabigay ni Dandan ang mga iyon sa kaibigan nitong si Billy.

Pagkaabot ni Laura ng kahon ng mga cookies ay sumakay na ang anak sa kotse nito. Mas maagang umalis si Dandan nang umagang iyon upang sumaglit sa eskwelahan nila Ishie.

Nang tumuntong si Dandan ng disi-siete anyos kamakailan lang ay pinagamit na ng mag-asawa ng sariling oto ang anak. Mayroon naman na itong student driver's license at responsible naman ang binata sa pagmamaneho kaya't kanila nang pinagkatiwalaan.

"Arrghh! Ikaw na kase mag-abot nyan! Na-Guidance na nga yun nung Monday... nahuli daw ng teacher na binabasa yung card mo." reklamo ni Billy kay Dandan na nakasilip sa bintana ng kotse habang pilit inaabot ang kahon ng chocolate chip cookies na gawa ng kanyang mama.

"Eh pa-sorry ko nga to sa kanya bro... sige na naman oh..." pagsusumamo ng binata.

Kahit anong pakiusap ni Dandan ay hindi niya talaga mapilit ang kaibigan na iabot iyon sa dilag. Bukod sa nahihiya daw itong magbitbit dahil malaki ang kahon ay baka mahuli pa daw siya ni Ishie.

Iniwan na siya ni Billy na nagmadali nang pumasok ng gate ng kanilang paaralan kaya't mapipilitan siya ulit na sa guwardiya na lang iyon ipaabot.

Bababa na sana siya ng kanyang sasakyan nang mapansin niya ang kaibigan ni Ishie na nakatayo sa may tindahan sa tapat. Patingin-tingin ito sa mga taong lumalabas at pumapasok sa gate ng kanilang paaralan na tila may hinihintay.

'Hmm... ano nga kaya kung ako na lang ang magbigay?' sa isip-isip ng binata. Gusto din niya sanang pormal na humingi ng paumanhin dahil naging dahilan pa ang huling ipinadala niyang card sa pagkaka-office ng dilag.

Matagal-tagal pa ang inabot bago nakapagdesisyon ang binatilyo na siya na ang mag-abot kay Ishie. Akmang bababa na sana siya ng kotse upang harapin muna ang matalik nitong kaibigan ngunit biglang may humintong tricycle lulan ang dalagita.

Sa pagbaba ni Ishie ng tricycle na sinalubong naman ng kaibigan nito ay siya ding biglang pagsara ng pinto ng kanyang oto. Napalingon pa ang magkaibigan sa kanyang kotse dahil sa lakas ng kalabog.

Napayuko si Dandan sa hiya. Pababa na sana siya ngunit parang asong nabahag ang buntot na napabalik nang muling masilayan ang dalagita. Abot ang pagbuga ng hangin kasunod ng malalalim na paghinga dahil sa kaba habang nasa loob ng kanyang sasakyan.

Lalong nagulantang ang binatilyo sa sunod-sunod na katok sa kanyang bintana. Napakunot ang noo nito nang makita kung sino ang kumatok na umikot sa kabilang gilid ng kanyang oto at sumenyas na pagbuksan ang nakalock na pinto.

"Ma! Ano pong ginagawa niyo dito?!" nagugulumihanang tanong nito sa ina habang papasakay ito sa kanyang kotse.

"Siya ba si Ishie nak? Yung bumaba sa tricycle? Wow! She's pretty ha!" di mapigil na pag-uurirat ni Laura sa kanyang binata.

"Wait... Bakit ka nga nandito Ma?!"

Lihim pala siyang sinundan ng ina. Nakisabay lang ito sa sasakyan ng amiga dahil kung magdadala siya ng sasakyan ay baka makahalata ang anak na binubuntutan niya ito.

Hula niya'y pupunta ang anak sa bahay ng kaibigan nitong si Billy. Kapag nakaalis na si
Dandan ay balak niya sanang usisain sa binata kung sino ang babaeng nililigawan ng kanilang anak.

Ngunit nang lumampas si Dandan sa bahay nila Billy at mukhang didiretso sa paaralan ng babae ay doon na lang siya nagpahatid sa kanyang kaibigan.

"Ma naman eh! Argghh!" reklamo nito.

"Pero alam mo nak... she looks familiar... Parang nakita ko na siya." at kunot-noo itong napaisip kung saan nga ba niya nakita ang dalagita.

Mabilis na bumaba si Dandan at pasimpleng iniabot na lamang sa guwardiya ang bitbit nitong kahon ng cookies habang mukhang abala si Ishie at ang kaibigan nito sa pagbili sa tindahan.

Napailing na lang ang guard na sanay na sa mga ipinapakisuyong ipaabot ng torpeng binatilyo para sa isang dalagitang nag-aaral sa eskwelahang kanyang pinapasukan.

Nang makarating ang mag-ina sa pribadong paaralanan ni Dandan ay si Laura na ang pumalit sa manibela. Pero bago siya umuwi ay muli niyang tinawag ang anak.

"Dan... Lakasan mo ang loob mo anak... malay mo she's the one pala di ba?"

Sumimangot lang ang binatilyo sa ina. Nanliliit siya sa hiya dahil hanggang ngayon ay para pa din siyang bata minsan kung tratuhin ng kanyang ina.

Pero sa kabila noon ay masaya din siya sa suportang ipinapakita nito sa kanya. Tuwang-tuwa siya na aprubado nito ang babaeng kanyang napupusuan. Sabi pa ng kanyang mama ay maganda si Ishie at lalo na daw kapag nagdalaga na ito.

Parehas na parehas sila ni Laura na marunong tumingin kung ano ang maganda. Palibhasa'y kapwa nasa linya ng sining ang mag-ina kaya naman sanay ang mga mata sa pagkilatis at pagpapahalaga sa natural na kagandahan.

Umalis na si Laura at nagbilin sa anak na magtext na lang ito kapag uuwi na upang maipasundo na lang sa tauhan. Nagagalak siyang masaksihan ang pagbibinata ni Dandan at ang maranasan ng kaisa-isang anak ang umibig sa unang pagkakataon.

************************

Lumipas ang ilang mga linggo at patuloy pa din si Dandan sa pagpapaabot ng mga regalo at sulat kay Billy para kay Ishie. Masaya naman ang binatilyo na makatulong sa kanyang kaibigan.

Ngunit lingid sa kaalaman ni Dandan ay nagbago na ang intensiyon ni Billy. Ang nagsisilbing tulay niya kay Ishie ay mayroon na palang nabubuong sariling plano.

Alam ni Dandan ang tungkol sa pangyayari nang minsang nahuli si Billy na nagsisingit ng liham na ipinabigay niya para kay Ishie. Ngunit wala siyang kaalam-alam na ang mga sumunod niyang sulat ay hindi na pala nito ipinararating sa dalagita.

Ang buong akala niya'y patuloy na nababasa ni Ishie ang kanyang pagpapahayag ng damdamin. Ngunit ang totoo, matapos basahin ang mga liham na para sana sa dalagita ay itinatapon lang ni Billy ang mga iyon.

"Salamat bro ha... Libre na lang kita mamaya. Food trip tayo."

Iniabot ni Dandan kay Billy ang isang kahon ng mamahaling imported na chocolates na galing sa kanyang ina, at isang tangkay ng pulang rosas na pinitas naman ng kanyang ama sa kanilang garden. Wala kasi siyang dalang pang-regalo nang umagang iyon bago umalis ng kanilang bahay.

Tila nakatuwaan siya ng kanyang mama at papa na pagbitbitin ng maibibigay para sa dilag. Naiiling na lamang si Dandan sa kakulitan ng kanyang mga magulang. Natuwa naman siya sa ambag ng mga ito para sa kanyang nililigawan at nilakipan na lamang niya ang padala ng mga ito ng isang simpleng liham.

"Sure bro... ikaw pa!" sagot naman ni Billy habang inaabot ang mga ipinabibigay ni Dandan.

Pagtalikod ng kaibigan ay pinagmasdan lang ni Billy ang tangan na rosas at tsokolate. Kinuha niya ang liham na nakadikit sa kahon at saka iyon itinapon.

Simula nang malapitan niyang makaharap ang dalagita at napagsalitaan niya ng hindi maganda ay parang may damdamin siyang nabuksan para dito. Tila biglang nakita ni Billy sa mga mata ni Ishie ang gandang sinasabi ng kanyang kaibigan.

Bago pumasok sa kanilang campus nang umagang iyon ay nagpaprint muna si Billy sa computer shop malapit sa kanilang paaralan. Hindi niya maaaring gamitin ang sariling sulat-kamay dahil baka mapansin ni Ishie na nag-iba iyon sa mga dati nitong natatanggap na liham.

Inilakip niya ang pinaprint na note na nagsasabing 'Sorry' sa mga regalong kanyang iniabot sa dalagita. Mabuti at tinanggap naman ni Ishie ang mga iyon. Mukhang masaya-masya pa din ito sa pagpapahalagang natatanggap kahit sino pa ang nasa likod ng alyas na Unseen.

Habang tumatagal ay lalong lumalakas ang nararamdaman ni Billy para sa dilag. Nagiging mas pala-ayos na kasi ito sa kanyang sarili kaya't lalo na itong naging kahali-halinang pagmasdan. Ngunit parang may kumukurot sa kanyang puso sa tuwing makikita niya ang saya nito sa mga simpleng bagay na natatanggap mula sa kanyang kaibigan.

Nang lumaon ay sumasagot na din si Ishie sa mga liham ni Unseen na ipinabibigay din kay Billy. Ngunit sa kasamaang-palad ay sa basurahan lamang nauuwi ang mga iyon.

************************

"Oh... tig-isang bote muna tayo..." alok ni Marco ng beer kay Dandan habang nakatambay sila sa art studio ng mag-ina sa kanilang bahay.

Ito na ang naging bonding nilang mag-anak tuwing araw ng linggo, ang panoorin si Laura na magpinta. Maging si Dandan ay nakahiligan din ang sining mula pagkabata pa lang nito. Sa katunayan ay ilang art competions na din ang napanalunan ng binatilyo mula elementary pa lamang.

"Hoy! Seventeen pa lang yan ha!" saway naman ni Laura sa kanyang asawa.

"Isa lang eh... Saka beer naman yan, nakakataba kaya yan. Hahaha!" katwiran ni Marco na may halong pambubuska sa anak.

"Siya nga pala Dandan... Hmm ano na ba lagay? Napasagot mo na ba si Ano?" pagtutukoy nito sa dinidiskartehan ng anak na di niya alam ang pangalan.

Natawa na lamang si Laura dahil nagiging makakalimutin na ang asawa gawa ng sobrang pagtatrabaho. Mabuti na nga lang at nakakapaglaan pa din ito ng oras upang maka-bonding silang mag-ina sa kabila ng pagiging abala nito sa kanilang mga negosyo.

"Wala pa nga Pa eh ... ganun pa din haha" sagot naman ni Dandan.

"Sus... halikan mo agad! Kita mo si mama mo nung highschool kami..."

Napakunot ang noo ni Laura nang bitinin ng asawa ang sasabihin at matamang nag-abang sa karugtong niyon.

"Aba eh hinalikan ako agad! Ayun di na ko nakapalag kaya sinagot ko na!" humahagikgik na dugtong ni Marco habang nakamasid sa tumataas na kilay ng misis.

"HOY!!! ANG KAPAL MO AH!" natatawang apela ni Laura na napatayo sa kanyang inuupuan sa harap ng ipinipinta.

Agad isinawsaw ang hawak na pinsel sa lata ng pintura at iwinisik iyon sa kanyang mister. Dumampot ng isa pang brush si Marco at isinawsaw din iyon sa pintura upang makaganti. At parang mga batang naghabulan ang dalawa sa harap ni Dandan.

Tuwang-tuwa ang binatilyo sa pagiging sweet pa din ng kanyang mga magulang sa isa't isa. Parang walang nagbabago sa pagmamahalan ng mga ito kahit sa paglipas ng maraming taon.

************************

"Ano bro, may pag-asa kaya ako kay Ishie?" minsang naitanong ni Dandan sa kaibigan habang nagpipinta ito.

Nagulat si Billy sa tanong ng kaibigan. Mabuti na lamang at nakatuon ang atensiyon nito sa canvas na pinipintahan kaya't hindi nito nakita ang pagkagitla sa kanyang mukha at ang paghahagilap niya ng maisasagot dito.

"Ha? Ewan... baka... basta pagkaabot ko ng mga ipinapabigay mo umaalis na ko eh."

"Sana man lang sagutin niya mga notes ko... Kahit yun lang sana happy na ko haha"

Naiiling si Billy sa mga naririnig kay Dandan. Para siyang nakukunsensiya dahil matagal naman nang sumasagot si Ishie sa mga liham nito. Yun nga lamang ay hindi nakakarating ang mga iyon sa binatilyo.

Ngunit ano nga ba ang magagawa niya. Tulad ng kaibigan ay parang nahulog na din siya sa dalagita. Nakakaramdam na siya ng selos sa kapag nakikita niya ang saya ng dilag sa tuwing makakatanggap ito ng mensahe mula kay Unseen.

Lalo siyang nakaramdam ng panibugho nang mabasa niya ang mga sagot ni Ishie kay Unseen. Na kung mababasa lamang ni Dandan ang mga iyon ay tiyak na magkakaroon na ng lakas ng loob ang kaibigan na dumirekta na sa dilag.

"Bro... tingin ko lang ha... mukhang wala kang pag-asa eh... Balita ko kasi parang nagkakagusto ata sa iba si Ishie..." tangka nitong pagsira sa loob ng binatilyo.

Nakakunot ang noo ni Dandan na napalingon kay Billy. Di naman makatingin ang huli sa mga mata ng kaibigan na tila nagtataka at naghahanap ng kasagutan.

"Hmmm... Kanino? Sayo?!" pagbibiro pa ni Dandan. Walang kamalay-malay sa sa pagiging tuso ni Billy.

"Uy di ko type yun... ang taba-taba eh." hugas-kamay nito.

"Hindi kaya... ang cute niya nga eh!"

Kumalansing ang mga babasaging platito na inilapag sa salamin ng lamesita. Nagulat ang dalawa na naroon pala si Laura at mukhang nadinig ang kanilang pag-uusap.

Matapos nitong ibaba ang meryendang inihanda para sa kanila ay lumapit ito kay Dandan at may iniabot sa anak. Isang makulay na bead bracelet na si Laura mismo ang gumawa para kay Ishie. Lalo nang nainggit si Billy sa suportang ibinibigay ng ina ng kaibigan upang lalong mapalapit ang anak sa dalagitang napupusuan.

"Akina... ako na magbibigay." mabilis na prisinta ni Billy sa mag-ina.

"No!" agad namang pagtanggi ni Laura.

"This time ikaw na mag-abot niyan ha Dandan." pautos na sabi nito sa anak.

"Ako gumawa niyan! I'm sure magugustuhan niya yan."

"Ughh... Ayan ka na naman Ma eh... sige po ako na bahala." reklamo ng binatilyo sa kanyang ina.

"Ang bagal mo kasi Dandan eh!" singit ni Sabel na nagsilbing yaya ni Dandan mula nang maliit pa. Isinunod nito ang pitsel ng juice na ipinatimpla ni Laura para sa dalawa.

"Isa ka pa yaya ha!" biro nito kay Sabel.

Naiiling na lang si Dandan sa pangungulit ng ina na magpakilala na siya sa dilag.Parang kinabahan naman si Billy kung susundin na nga ng kaibigan ang payo ng ina nito. Sa pagkakakilala niya dito ay alam niyang lumalakas ang loob nito kapag ang kanyang mama na ang nagsabi.

Tiyak na kung magkikita at magkakausap ang dalawa ay malalaman ng mga ito ang tungkol sa mga liham ni Ishie na hindi nakararating kay Dandan. At doon na din siguro magtatapos ang pagkakataon niya na maagaw ang dilag mula sa kaibigan.

Kahit nakaalis na si laura ay hindi umubra ang pangungumbinsi ni Billy kay Dandan na siya na ang mag-abot ng pulseras kay Ishie. Tinangka pa niyang sirain ang loob ng kaibigan ngunit tila yata desidido na itong magpakilala sa dalaga.

************************

Huling araw na ng klase sa pagtatapos ng school year. Maagang dumating si Dandan sa paaralan ng dalagita. Hawak niya ay kumpol ng mga bulaklak na nakatago sa kanyang likuran at ang bracelet na ginawa ng kanyang ina para kay Ishie.

Matiyaga siyang naghintay. Abot-abot ang kaba nito habang isa-isang nagdaratingan na ang mga estudyanteng papasok ng gate na para bang maiihi siya sa nerbiyos.

"Relax ka lang utoy... malapit nang dumating hinihintay mo... Basta lakasan mo la-ang ang loob mo..." wika ng guwardiya sa may gate habang nag-iinspeksiyon ng mga ID ng papasok na estudyante.

Parang imbis na lumakas ang kanyang loob ay lalo pa siyang kinabahan sa sinabi ni Manong Guard. Tuwang-tuwa kasi ito nang malamang sa pagkakataong iyon ay siya na mismo ang mag-aabot ng kanyang regalo.

"Oh eto na! Eto naaa!" sabik na wika ng guwardiya nang matanaw ang dalagita lulan ng paparadang tricycle.

Napalingon si Dandan at nakita ang dilag na papalapit sa may gate. Sa paningin niya'y parang lalo itong gumanda sa simple nitong pananamit. Palibhasa'y huling araw na ng klase kaya't pinayagan na ang mga estudyante na pumasok kahit di naka-uniporme.

Parang napako ang kanyang paningin habang pinagmamasdan itong papalapit. Tila nanlalamig ang kanyang buong katawan na para ding gigisawan ng pawis. Lalong tumitindi ang kaba ng binatilyo habang papalapit si Ishie sa kanyang kinatatayuan.

"Uy!" bulalas ng katabing guwardiya na bahagya siyang siniko.

Napansin kasi ni Manong na parang namumutla na ang binatilyo. Kahit halos kaharap na nito ang dalagita ay nanatili pa ding nakatago ang mga bulaklak sa likuran nito. Sandaling nagtama ang mga mata nila Ishie at Dandan ngunit agad ding nagbaba ng tingin ang binata.

"Good morning po." bati ng dilag sa security guard na gumanti rin ng bati sa kanya.

Kung natitigan lamang ni Ishie ang guwardiya ay parang may gusto sana itong inguso sa kanya. Sabik na ituro ang katabing binatilyo na matagal nang may lihim na paghanga at pagtatangi sa kanya.

"Haay... Ano ga iyan!" dismayadong bulalas ng guwardiya sabay lingon sa binatilyo ngunit laking gulat niya na wala na pala ito sa kanyang tabi.

Agad lumabas ang guwardiya at nakita niya ang binatilyo na nasakasandal sa pader. Nakatukod patingala ang ulo nito at tila naghahabol ng hininga. Di makapagsalita at kamot-ulong inilahad ang braso sa kanya upang siya na lang ulit ang magbigay ng mga bulaklak sa dilag.

"Ay Ishie!" pahabol na tawag ni Manong Guard sa dalagita.

Nakasilip lamang si Dandan sa pagitan ng mga rehas na bakal ng bakod ng paaralan. Kitang-kita niya ang saya ni Ishie nang iabot ng guwardiya ang mga bulaklak. Namasdan niya ang ningning sa mga mata ng dalagita nang makita ang pulseras na may pangalan nito.

Kabaligtaran sa mga sinabi ni Billy na may ibang nagugustuhan ang dalagita ay mukha namang tuwang-tuwa itong muling makatanggap ng sorpresa mula kay Unseen. Lalo na ng makita niyang isinuot agad ng dalagita ang bracelet at parang sabik na sabik na napatakbo ito papasok ng classroom.

Tulad ng dati ay bumili muna si Dandan ng meryenda saka niya binalikan si Manong upang ibigay iyon. Ayaw kasi nitong tanggapin kapag pera ang iniaabot niya bilang pakonsuwelo sa mga tulong nito.

"Oh kuya burger po... thank you po ulit ha." at nilapag na lang niya sa lamesa ang meryendang nabili bago lumakad na pabalik sa kanyang kotse.

"Ay teka lang!" habol nito sabay hugot sa drawer ng kapirasong papel.

Takang-taka ang binatilyo nang iabot iyon ng nakangising guwardiya.

"Ala-eh basahin na!" utos nito.

Binuksan ni Dandan ang nakatuping papel. Nagliwanag ang mukha nito at di makapaniwala sa kanyang nababasa.

Isang liham ng paanyaya mula sa babaeng kanyang tinatangi. Hinubad pa niya at pinunasan ang de gradong salamin at muli iyong binasa. Di maalis ang ngiti sa mga labi nito.

"Sabi ko naman sa i-yo ikaw na magbigay kanina eh... Oh ayan magkita na daw kayo!"

Napakunot ang noo ni Dandan sa guwardiya.

"Binasa mo kuya?" tanong nito.

"Ahh... ehhh... hindi ah! Nahulaan ko la-ang!" tatawa-tawa nitong sagot.

Pag-uwi ay masaya niyang ibinalita agad sa kanyang mama na inanyayahan siya ng dilag na makipagkita sa kaarawan nito. Ikinuwento niya ang lahat ng detalye sa ina maging kung saan at kailan magaganap ang kanilang pagkikita.

"Wow! Tignan mo nga naman... ka-birthday ko pa pala siya! Nako excited ako nak, sige ipagbe-bake ko siya." mungkahi ni Laura na tuwang-tuwa sa nalaman.

"Eh di ba Ma hihintayin mo si Momi Lucy na makauwi saka tayo maghahanda?" pagtutukoy ni Dandan sa bunsong kapatid ng kanyang ina na magbabakasyon mula sa Amerika. Komo matandang-dalaga ay parang pangalawang ina na nila kung ituring magpipinsan.

"Yeah... Pero igagawa ko si Ishie ng cake... Sabihin mo ako nagbigay ha." lambing nito sa anak na tinanguan na lang nito.

"Siya nga pala Dandan... dun kamo kayo sa burol magkikita?"

"Opo Ma... Why?"

"Naalala mo pa ba nung nagstart ka pa lang mag-sketch eh pumupunta tayo sa burol na 'yon?"

Natigilan si Dandan at nagkatinginan silang mag-ina habang napapaisip. Waring may isang bahagi ng kanilang alaala ang pilit na hinahalungkat upang balikan.

"Doon mo ginawa yung first masterpiece mo na nakatanggap ng award di ba? Yung 'Girl on Swing'. Ano tanda mo na?"

Maliit pa lang siya noon nang minsang dumalaw sila sa puntod na kanyang lolo sa sementeryo. Matapos dumalaw ay isinama siya ng kanyang ina sa taas ng burol. Maganda daw kasi ang tanawin doon upang makahanap siya ng inspirasyon para gumuhit.

"Ah yup! Yun nga unang obrang naipanalo ko."

"Hmm... Ano kaya kung ask mo si Ishie kung gusto niya maging model mo... doon din sa burol."

Napatawa lang si Dandan sa naisip ng ina. Hindi pa man nito nakakaharap ang dilag ay tila botong-boto na siya dito. Parang ang gaan na agad ng loob nito kay Ishie kahit minsan pa lang nito nakita ang dalagita.

"Bahala na Ma... kung papayag." sagot nito sa kanyang ina.

"Sige na... Nandun pa rin yung duyan. Natanaw ko kailan lang nung madaan kami ni Papa mo dun."

Tumango na lamang si Dandan sa kakulitan ng kanyang ina. Pangarap din niyang maipinta o maiguhit si Ishie. Wala naman sigurong masama kung subukan niyang alukin ito kapag nagkita na sila ng personal.

************************

Maagang gumising ang binatilyo sa araw ng pagtatagpo nila ng sinisinta. Sinabi kasi ni Billy na sa umaga daw gaganapin ang picnic ng magkakaklase kasabay ang pag-celebrate ng kaarawan ni Ishie. Sumama pa si Laura at Manang Sabel upang tulungan si Dandan sa mga dala nitong pagkain at cake na si Laura mismo ang nagprepara.

Habang isinasalansan ni Sabel ang mga lalagyan ng pagkain sa inilatag na sapin sa ilalim ng lilim ng puno ay inayusan ni Laura ang duyan ng mga bulaklak na yari sa makukulay na papel. Napakaganda nang tignan ng duyan at kung sakaling pumayag si Ishie ay tiyak na maganda itong backdrop para sa iguguhit ng kanyang anak.

"Ma... Ok na po... iwan niyo na ko." pakiusap ni Dandan. Para kasing nahihiya ito kung maabutan pa nila Ishie na naroon ang kanyang mama at yaya.

"Sige nak alis na kami... Goodluck ha!" sabay halik sa pisngi ng binatilyo na pinahid naman nito.

Hanggang ngayong nagbibinata na siya ay masyado pa din siyang binebaby ng kanyang mama. Kaya tuloy minsan ay nakakantiyawan ito ng mga kaibigan at kaklase na 'Mama's Boy'. Gayon pa ma'y natutuwa si Dandan dahil ramdam na ramdam niya ang suporta sa kanya ng ina sa lahat ng bagay.

Nangingiti niyang pinagmasdan ang duyan na pinalamutian ng bulaklak. Para niyang nakikinita ang ganda ng larawang maiguguhit niya sa dalang sketchbook kapag naupo na doon si Ishie.

Sabi ni Billy ay alas nuebe napagkasunduan ng klase ni Ishie na magkita-kita sa burol. Dahil inagahan ni Dandan ay mayroon pa siyang kalahating oras na ipaghihintay sa pagdating ng dilag.

Habang naghihintay ay naisipan niyang iukit sa balat ng puno ang initial ng kanyang palayaw gamit ang kanyang Swiss Army knife. Inukit niya ang DD, tapos ay puso, at kasunod noon ay ISHIE. Natatawa na lang ang binatilyo sa kanyang kabaduyan.

Lumipas ang ilang oras ngunit wala pa rin si Ishie o sino man sa mga kaklase nito ang dumating. Hindi naman niya maiwan ang mga pagkaing inihanda ng kanyang ina. Wala namang cellphone si Billy na pwedeng matawagan.

Mag-aalas dose na ng tanghali nang may natanaw siyang paparating. Si Billy. Nag-iisa lamang itong papalapit sa kanya.

"Bro ano... nasaan na sila?" nagtatakang tanong ni Dandan sa bagong dating.

Napalingon si Billy sa paligid at napansin ang mga inihandang sorpresa ni Dandan. Ang mga pagkaing nakalatag na sapin sa damuhan at ang magandang pagkakaayos ng duyan.

Bakas ni Dandan ang lungkot at pagkabalisa sa mga mata ng kaibigan. Tila ba nag-aatubili ito sa gusto nitong sabihin sa kanya.

"Bro... ano kase eh... uhmm... Alam na ni Ishie kung sino ka."

Napakunot ang noo ni Dandan sa sinabi ni Billy. Naguguluhan at naghihintay pa ng susunod na sasabihin ng kaibigan.

"So? Paano niya nalaman? Saka ano problem?"

Tila nag-aalinlangan at hiyang-hiya si Billy sa mga susunod pang nais isiwalat sa kaibigan.

"Dandan... Sabi niya kase... di ka daw niya gusto... uhmm... Para ka daw kawayan... Sa katunayan pinagtatawanan ka nila ng mga kaklase niya eh."

Parang di na naririnig ni Dandan ang iba pang masasakit na sinabi ng kaibigan. Napaupo na lang ito sa malalaking ugat ng puno. Sising-sisi kung bakit niya pinaniwala ang sarili na magugustuhan din siya ni Ishie. Hindi naman niya masisi ang dilag kung hindi talaga siya kaaya-aya sa paningin nito.

"Sorry bro ha..." at tinapik na lang ni Billy si Dandan sa balikat.

Nalaman din niya sa kaibigan na hindi na daw matutuloy ang picnic ng magkakaklase. Walang imik at nanlulumo ang binatilyong bumaba na ng burol. Tulala at ni hindi na naalala pang yayain ang kaibigan na sumabay sa kanya pauwi.

Sumakay siya ng sasakyan na lutang ang isip at di alam kung saan patutungo. Ang labis na sakit ng kalooban ay humantong sa pag-inom nito ng alak. Mag-isa nitong tinungga sa loob ng sasakyan ang biniling bote ng brandy habang nakaparada sa kung saan.

"Pangit mo!... hik!"

Natatawa itong parang tanga habang tinititigan at kinakausap ang sarili sa dashboard mirror. Hinubad pa niya ang makapal na salamin na nakaharang sa kanyang mata ngunit lalo lang lumabo ang imaheng kanyang pinagtatawanan.

Di namalayan ni Dandan na nakatulog na pala siya sa kanyang sasakyan. Nagulat na lang siya sa katok ng barangay patrol na napadaan at natanaw siyang tila walang malay. Liyong-liyo niyang biglang binuksan ang kanyang pinto.

"Gwwwaarrkkk"

Napaatras ang dalawang barangay tanod sa pagsuka ng binata sa gilid ng kalsada.

"Tsk... Ala-eh kaya mo pa gang magmaneho utoy?"

Tumango lamang si Dandan at humingi ng paumanhin sa nagpapatrol. Nang tingnan niya ang kanyang relos ay pasado alas tres na pala ng hapon. Pinilit nitong ayusin ang sarili upang makapagmaneho siya ng maayos.

Uuwi na sana siya ngunit habang bumabaybay sa daan ay napalinga siya sa loob ng kanyang kotse at napansin niyang wala ang kanyang sketchpad at sketch kit na gagamitin sana niya sa pagguhit sa tuktok ng burol.

Mahalaga kay Dandan ang mga iyon dahil regalo iyon ng kanyang ina nung nakaraan niyang kaarawan. At agad niyang binuwelta ang sasakyan pabalik sa burol.

Napabilis ang mga hakbang ni Dandan nang makarinig siya ng ingay ng mga kabataang naghihiyawan sa tuktok ng burol. Dinig niyang parang may nagaganap na kasiyahan sa taas base sa mga tili at tawanan ng mga ito.

Nang marating ang pinakatuktok ay bumungad sa kanya ang pamilyar na grupo ng mga kabataang halos magkakaedad. Nagkakagulo ang mga ito na nakapaikot sa malaking puno ng Acacia na waring mayroong pinagkakatuwaan.

May ilan naman siyang nadaanan na nakaupo sa mga nakalatag na kumot at kumakain ng mga pagkaing hinanda ng kanyang ina para sa kaarawan ni Ishie.

Halong pagtataka at kaba ang nagsimulang maramdaman ng binatilyo habang papalapit siya sa kumpol ng magkakaklaseng nag-ipon-ipon sa may puno.

Napako ang kanyang paningin sa babaeng nakaupo sa duyan at sa lalaking nasa likuran nito na mukhang nagpapakuha ng larawan. Lalong kumabog ang kanyang dibdib sa akmang paghalik ng lalaki sa pisngi ng babaeng kay tagal din niyang sinuyo sa pamamagitan ng kanyang mga liham.

Parang sasabog ang kanyang dibdib habang nakikita niya ang pagyuko ng lalaki at tangkang paghalik sa dilag na nakaupo sa may duyan. At di na niya napigilang mapabulalas.

"Billy... Ano to?!"