1. Home
  2. Stories
  3. LARAWAN 22
Filipino Sex Stories

LARAWAN 22

By paradoxxxx ·
Kahit hinang-hina ay tila napawi ang lahat ng sakit na nararamdaman ni Daniel nang madinig niya ang kanyang mahal na bigkasin ang kanyang pangalan.

"Trisha..." mahina nitong tugon sa babaeng nagmamay-ari ng kanyang puso mula pa noon hanggang ngayon.

Halo-halong emosyon ang nag-uumapaw sa dibdib ng dilag ngayong nasa harapan na niyang muli ang lalaking kanyang iniibig. Ang siyang muli't muli ay nagparanas sa kanya ng labis na pagpapahalaga at ng tunay na pagmamahal.

Parang sa isang iglap ay napawi ang lahat ng kanyang takot at pag-aalala. Heto at muling nakikita sa kanyang harapan ang binatang simula pa lang nang kanyang makasama ay di na nawaglit sa kanyang puso't isip.

Dahan-dahang napatayo si Trisha na tila nalimutan na ang lalaking katabi na siya palang ama ng lalaking kanyang minamahal. Hindi niya lubos maisip kung bakit ngayon lang niya nalamang si Unseen ay si Dandan na anak ni Marco. At si Dandan at si Daniel pala ay iisa.

Napakaganda lalo ng kanyang mahal sa suot nitong puting trahe. Habang papalapit ito sa kanya ay sumandaling naglaro sa isip ni Daniel na sana ay siya ang maswerteng lalaking pakakasalan ni Trisha.

Ngunit unti-unting nanlabo ang kanyang paningin sa pagkahilo habang papalapit sa kanyang kinatatayuan ang minamahal. Pinilit pa niyang ihakbang ang mga paang tila kay bigat at ang tuhod na parang wala nang lakas.

Subalit tuluyan na siyang iginupo ng pagkahapo at ng mga tama sa kanyang katawan. Para siyang kandilang tuluyang naupos. Ang matamis na ngiti sa mga labi nito ay biglang naglaho at ang mga mata'y tuluyan nang napapikit bago pa man siya makalapit sa babaeng inalayan niya ng kahuli-hulihang lakas.

Sa halos pagkawala na ng kanyang ulirat ay hindi na napigilan ng binatang matumba at mapasandal sa barandilya ng balkonahe na tuluyan nang bumigay at nakalas dahil sa kanyang pagkakatuon.

"DANIEEEELL!!!"

Kitang-kita nila Trisha at Marco nang bumigay ang kahoy na sinandalan nito. Napatakbo ang dilag upang hilahin ang binata ngunit dulo na lang ng daliri nito ang kanyang nahawakan.

Sa paglangitngit ng bumigay na balkonahe at unti-unting pagkahulog ng kanyang katawan ay muling nagmulat ang binata at pilit pang iniangat ang kanyang kanang kamay kay Trisha. Nais mahaplos man lang sa huling pagkakataon ang babaeng kumumpleto sa kanyang pagkatao. Ang babaeng nagturo sa kanya kung paano magmahal.

Tuloy-tuloy na bumagsak ang katawan ng binatang wala nang malay at bumagok ang ulo nito sa sementadong sahig sa ibaba.

"DANIEL!!!... DANIEEEELLL!!!!!" palahaw ni Trisha na napasapo na lang sa kanyang bibig nang mamasdan ang pagkalabog ng katawan ng binata sa pagbagsak nito sa semento.

************************

Pilit nagpipigil ng iyak si Trisha habang hawak-hawak nito ang kamay ni Daniel sa loob ng ambulansiya. Kapwa sila walang magawa ni Marco kundi masdan ang dalawang paramedikong nagbibigay ng paunang lunas sa binata habang humaharurot ang kanilang sinasakyan patungo sa ospital.

Kahit napakaraming tanong sa kanyang isip bukod pa sa iniinda ring tama sa kanyang hita ay nangingibabaw kay Marco ang pag-aalala para sa kalagayan ni Daniel. Taimtim itong nananalangin na sana'y makaligtas ang kanyang anak na nagawang isugal ang sarili upang sila'y sagipin.

Nang makarating sa ospital ang ambulansiya ay agad nagsilabas ang mga medical staff ng Emergency Room upang salubungin at asikasuhin ang mga isinugod na pasyente.

"Unahin nyo anak ko!" tarantang pakiusap ng alkalde.

Hanggang sa pagtutulak ng stretcher papasok sa Emergency Room ay hindi binitawan ni Trisha ang kamay ni Daniel. Patuloy ang panalangin nito para sa kalagayan ng binata habang walang tigil ang pagdaloy ng luha sa kanyang pisngi.

"Miss... Kami na po bahala sa pasyente." pigil ng isang staff sa dalaga saka lamang ito napabitaw sa kamay ng binata.

Agad ding may sumalubong kay Marco na lalaking may dalang wheelchair at umalalay na maiupo doon ang sugatang alkalde. Nang maipasok din sa ER ay pilit nitong sinisilip ang anak habang sinusuri at nilalapatan ng lunas ng mga medical staff.

"Doc! Please gawin nyo lahat... Sagipin niyo anak ko!"pagsusumamo ng alkalde nang hablutin nito ang braso ng nagamamadaling doktor na naparaan.

"Gagawin namin ang lahat ng magagawa namin para sa kanya, Mayor. Pero kailangan niyo na ding matignan..." at nagmuwestra ito sa staff na may tulak ng wheelchair upang ipasok na din ang alkalde sa kabilang cubicle.

Alerto ang kilos ng lahat ng nasa ER. Habang inililipat siya mula sa wheelchair papunta sa kama upang masuri ay balisa itong nakamasid sa kanyang anak. Awang-awa ang ama sa binata lalo't alam niyang kritikal ang kondisyon nito.

Mabilis na nagtubo ang isang nurse sa bibig ni Daniel habang ginugupit ng isa pa ang duguang t-shirt nito. Lumantad kay Marco ang dumudugong saksak na tinamo ng anak sa kaliwang tagiliran at ang tama nito ng baril sa balikat. Ngunit ang ipinag-aalala niya ng lubos ay ang pinsalang tinamo ng katawan nito dahil sa pagkakahulog.

Hinatak na pasara ng isang nurse ang kurtinang naghahati sa cubicle ng mag-ama. Hindi naman halos makasagot si Trisha sa mga tanong ng staff na kumukuha ng impormasyon tungkol sa mga pasyente. Wala pa rin itong tigil sa pagtangis sa labis na pag-aalala sa kalagayan ng mag-ama lalong-lalo na ni Daniel.

Tila lutang pa rin ang dalaga sa mga pangyayari. Tulala itong mag-isang naroon sa Waiting Room habang naghihintay ng balita mula sa mga doktor kung kamusta ang operasyon ng mag-ama.

Doon na sunod-sunod na nagsidating ang kanilang mga kaanak. Bakas ang pag-aalala sa mukha ng mga magulang ni Trisha. Humahangos naman nang dumating si Lucy kasama ang kuya nito. Maging si Manang Sabel ay napasugod sa ospital nang mabalitaan ang nangyari sa mag-ama.

Agad niyakap ni Mang Bert at Aling Fely ang kanilang anak. Mugto ang mga mata ng dalaga sa walang tigil na kaiiyak, gulo-gulo ang buhok at may bahid ng dugo ang nanlilimahid at punit na trahe.

Napahagulgol ang ama sa kapalarang sinapit ng nag-iisa nilang anak na babae. Ang pinakamasaya sanang araw sa buhay nito ay tila naging isang bangungot na montik pa nitong ikinapahamak.

Di naman mapigilan ng magkapatid na sisihin ang mga sarili dahil hindi agad nabasa ang mensaheng ipinadala ng kanilang pamangkin.Bagama't nakatawag sila ng pulis at ambulansiyang agad rumesponde sa insidente ay nanghihinayang sila sa mga nasayang na oras.

Kung mas napaaga sana ay baka hindi ganoon ang sinapit ni Daniel. Gayon pa man, batid din nilang sa puntong iyon ay mas kailangan nito ng mga panalangin kaysa ang sisihin nila ang kanilang mga sarili.

Kahit hindi kakilala ni Lucy ang dalagang nakasuot ng damit pangkasal ay nakasisiguro siyang bukod kay Marco ay ito rin ang dahilan kung bakit nagawa ni Daniel na isugal ang sariling kaligtasan.

Kailan lang kasi, habang magkausap sila sa telepono ay naipagtapat sa kanya ng pamangkin na itinuring na rin niyang anak ang tunay na rason ng muli nitong paglayo sa kanyang papa. Lumapit si Lucy kay Trisha at maluha-luha nitong niyakap ang dalaga ng mahigpit.

Sama-sama silang taimtim na nanalangin para sa kaligtasan ng mag-ama at matiyagang naghintay. Nailahad na din ni Trisha sa kanila ang mga pangyayari.

Lahat ay labis ang paghanga sa katapangang ipinamalas ni Daniel na mag-isang pinasok ang kuta ng batang Umali upang iligtas ang dalawa. Pagliligtas na sa kasamaang palad ay nagbunga sa sarili nitong pagkapahamak.

Makalipas ang mahigit isang oras na paghihintay ay natanaw nila mula sa salaming bintana ang paparating na doktor. Sabay-sabay pa silang napatayo sa pagpasok nito sa silid, kumakabog ang mga dibdib sa hatid nitong balita tungkol sa lagay ng mga pasyente.

"Mayor's operation went well. Naalis na ang bala sa hita niya... Good thing the bullet missed the bone and major blood vessels. But we had to sedate him since nag-eelevate ang BP niya kanina dahil sa anxiety niya sa surgery." saad ng doktor kay Trisha.

"Pero ligtas na po si Mayor, Doc?" tanong ni Sabel na nalilito sa mga naririnig na terminolohiya.

"Yes, ligtas na siya. All his vitals are stable now. Ililipat na lang po natin siya sa recovery room para doon na po natin siya hintaying magising."

Nakahinga ng maluwag ang lahat sa nadinig. Mabuti na lamang at walang kumplikasyon ang tama ng alkalde at nasa ligtas nang kalagayan.

"Si Daniel po?" nagkasabay pang tanong nila Lucy at Trisha.

Saglit na sumilip ang doktor sa bitbit nitong chart ng pasyente bago muling hinarap ang mga nag-aalalang kaanak at mahal nito sa buhay.

"Naalis na po ang bala sa balikat ni Daniel... Walang tinamaang internal organs yung saksak niya sa gilid but he lost a significant amount of blood from his wounds kaya sinalinan po siya ng dugo. Tungkol sa pagkalaglag niya naman--"

Saglit itong natigilan habang minamasdan ang labis na pag-aalalang mababakas sa mukha ng mga kaanak. Tila naghahanap ng tamang mga salita ang doktor na kanyang bibigkasin sa mga ito.

"Nagkaroon ng fracture sa kaliwang binti ang pasyente. May mga pasa din siya sa katawan from his fall and sa encounter niya with his assailants."

"Doc, ligtas na ba siya?! Please... Sabihin niyo pong ligtas na si Daniel!" nanlulumong pakiusap ng dalaga na hindi na mahintay ang mga sasabihin ng doktor dahil iisang bagay lang naman ang nais niyang madinig mula dito.

Huminga ng malalim ang doktor bago nagpatuloy.

"Bukod sa fracture sa bungo ni Daniel, his CT scan shows na may pagdurugo at pamamaga ang utak niya. Kaya sumasailalim po siya ngayon sa isang napakaselang operasyon..."

Napayakap muli si Trisha kay Lucy sa nadinig at kapwa napahagulgol ang dalawa sa masamang balita.

"Pray... Kailangang-kailangan ni Daniel ng panalangin... Dahil sa ngayon po, walang makakapagsabi kung makakaligtas ba siya... kundi ang nasa itaas."

Mababakas sa mga mata ng espesiyalista ang kalungkutan dahil sa alanganing kalagayan ng pasyente. Napayuko ito at tahimik na iniwan na ang nagdadalamhating mga kaanak sa silid.

Kahit nanlulumo sa masamang balita ay hindi sila maaaring mawalan ng pag-asa. Lalo na si Trisha. Patuloy siyang kakapit sa panalangin at aasang malalampasan ng kanyang minamahal ang matinding dagok na iyon.

"Matatagalan pa tiyak ang operasyon ni Daniel... Maganda sigurong iuwi niyo na muna si Trisha para makapagpahinga... Kami na muna ang maiwan dito." mungkahi ni Lucy sa mag-asawang Fely at Bert.

Kahit tumatanggi ay napapayag din ng mga magulang ang dalaga na umuwi na muna. Ngunit hindi rin ito nagtagal sa kanilang bahay at agad ding nagpahatid pabalik sa ospital matapos makapaligo at magbihis.

Nailipat na si Marco sa pribadong silid at doon na ito nagkamalay. Agad nitong hinanap sa doktor ang kanyang anak at kinamusta ang kalagayan nito. Pinilit pa nitong bumangon upang makita si Daniel ngunit pinigilan ito ng kanyang doktor. Kasalukuyan pa rin kasing sumasailalim sa operasyon ang binata.

Sa pagdating ni Trisha ay nagsilabas na muna ng silid sila Lucy, ang kuya nito, at si Sabel. Pinagbilinan ni Marco ang mga bodyguard nito na andoon na din sa ospital at nagbabantay sa labas ng silid na hindi na muna ito tatanggap ng mga bisita at panayam mula sa press.

Sa pagpasok ng dalaga sa silid ay isang mahigpit na yakap ang isinalubong nito sa lalaking ama pala ng kanyang minamahal. Tahimik itong naupo sa silyang katabi ng kama ng alkalde.

Kapwa natigilan ang dalawa. Nag-aapuhap ng mga salita upang basagin ang katahimikang namamagitan sa kanila.

"Trisha..." sambit ni Marco at napaangat ang mukha ng dilag.

"Si Dandan... Uhmm Daniel... Siya ang nag-iisa kong anak... Siya ba ang--?"

Naputol na ang sasabihin ni Marco sa sunod-sunod na pagtango ng babaeng kanyang pakakasalan. Wala na itong ibang nasabi at muling dumaloy ang mga luha sa pisngi ng dilag habang nakayuko ito at animo'y napipi sa harap ng kausap.

Hindi malaman ni Marco ang mararamdaman nang oras na iyon. Hindi siya makapaniwala na ang lalaki palang tinatangi ng babaeng kanyang minamahal ay walang iba kundi ang kanyang anak.

Naiiling na nagpahid ng luha ang alkalde. Minasdan si Trisha na nakasapo na ang dalawang kamay sa mukha habang umiiyak.

Hindi na mahalaga sa kanya ang sariling damdamin sa puntong iyon. Ang importante sa lahat ay ligtas na si Trisha sa kapahamakan. Dininig ng Panginoon ang kanyang panalangin at ang mismong anak ang isinugo nito para sagipin sila.

Naalala pa niya nang magtapat ang dalaga tungkol sa pagdadalang-tao nito. Nakita niya kung paano nadurog ang damdamin ni Trisha nang iwan ng lalaking minahal nito kahit sa sandaling panahon lamang.

Kanina naman ay namalas niya ang kakaibang ningning sa mga mata ng dilag nang makita nito ang kanyang anak na siya palang iniibig nito. Ang kislap ng mga matang iyon na ni minsan ay di niya nakita sa dalaga kapag sila'y magkasama.

Gayon din ang kanyang anak na kahit hinang-hina na ang katawan ay muli niyang nasilayan ng lakas at pagmamahal sa mga mata nito. Bagay na huli pa niyang nakita sa anak noong nabubuhay pa si Laura.

Napangiti na lang si Marco sabay pahid muli ng kanyang luha sa pagmamahalang nakikita niyang namamagitan sa kanyang anak at sa babaeng ninais niya sanang mahalin at makasama sa buhay. Tunay ngang mapagbiro ang tadhana.

"Trisha..." sambit ng alkalde sabay abot sa kamay na nakatakip sa mukha ng dalaga.

Gamit ang likod ng kanyang daliri ay pinahid nito ang mga luhang namamalisbis sa pisngi ng dilag.Napadukdok naman ang mukha ni Trisha sa gilid ng higaan.

"I'm sorry Marco!... I'm so sorry!" palahaw nito habang nakasubsob.

Yumuyugyog ang balikat ng dalaga sa pag-iyak habang pilit pa ring itinatago ang kanyang mukha sa lalaking kanya sanang pakakasalan ngunit siya rin palang ama ng binatang tunay niyang iniibig.

"Shhh... Everything's gonna be okay Trisha..." wika ni Marco sa dilag habang hinahaplos ang buhok nito.

Napaangat ang mukha ng dalaga at muli nitong niyakap si Marco. Yakap na tanda ng pasasalamat sa lahat ng pang-unawa nito.

Mahigpit na yakap din ang iginanti ni Marco sa dalaga. Yakap ng pag-unawa at pagpapalaya sa taong kanyang minamahal.

Hindi na kailangan pa ng mga salita. Sapat na ang yakap na iyon upang maiparamdam niya kay Trisha na nauunawaan niya ang kanilang sitwasyon. Na hindi na ito dapat mangamba pa.

"Salamat Marco..." maikling tugon ng dalaga sa pagitan ng mga hikbi.

Nang mahimasmasan ang dalaga ay nagkwento ito sa alkalde mula sa pinaka-una pa nilang pagtatagpo ni Daniel. Sa burol, nang sila'y mga musmos pa lamang at iginuhit siya nito sa may duyan. Nag sila'y mga teenager, nang palihim siya nitong sinuyo bilang si Unseen.

Ipinakita pa nito ang bracelet na bigay noon ng binata. Hinawakan ni Marco ang pulseras at nangilid ang luha nito dahil tandang-tanda pa niya nang makita niya si Laura na ginagawa noon ang bracelet na iyon para sa babaeng sinusuyo ng kanilang anak.

Nagulat si Marco na si Trisha pala ang dalagitang dahilan ng kabiguan ng kanyang anak noon. Na dahil sa kasinungalingan at pagtatraydor ng isang pinagkatiwalaang kaibigan ay naudlot ang pagkakamabutihan ng dalawa. Ang dahilan kaya't labis na nasaktan ang kanyang anak.

Sising-sisi si Marco na hindi niya pinakinggan si Dandan noon at tanging galit at pighati sa biglaang pagkawala ni Laura ang hinayaan niyang manaig sa kanya. Nagawa niyang itakwil ang kaisa-isahang anak at maraming taon ang nawala sa kanilang mag-ama.

Namangha si Marco nang mapag-alamang simula noon pa pala ay nagkukrus na ang landas ng dalawa. Na para bang ang mga ito'y nakatadhana talaga para sa isa't isa.

Iisiping tanging sa nobela o pelikula lamang nangyayari kung paanong nahulog ang loob ni Trisha sa isang lalaking noon lamang niya nakita. Ngunit sadyang may mas malalim pa palang pinag-uugatan kung ano ang mayroon sa pagitan ni Trisha at ng kanyang anak. Ilang ulit na palang pinagtatagpo ng tadhana ang mga ito.

Ngayon ay naging mas malinaw na kay Marco ang lahat. Akala niya ay isang simpleng pagkakamali lamang ang nagawang iyon ni Trisha. Pagrerebelde ng dalaga sa pagpapakasal nito sa kanya ng labag talaga sa kalooban nito.

Nagkamali siya ng iniisip dahil ito pala'y tadhana na matagal nang nakaguhit. Na sila Trisha at Daniel ay pinaglalayo lamang at sinusubok, ngunit muli ring pinagtatagpo.

"Trisha... Salamat. Malinaw na sa akin ngayon ang lahat... Pero hindi pa tapos ang kwento niyo ni Dandan... Kailangan ka ng anak ko..." lumuluha nitong pahayag.

Naantala ng marahang katok sa pinto ang pag-uusap ng dalawa. Agad naman iyong pinagbuksan ng dalaga at bumungad sa kanya ang kanilang hepe kasama ang dalawa pang unipormadong pulis. Sinenyasan sila ng alkalde na tumuloy nang matanaw nito ang mga bagong dating.

Pumasok na sa loob ang hepe at dalawang aide nito kasunod ang isang sibilyan na may benda ang noo. Nakilala agad ni Trisha ang lalaking kasama ng mga pulis dahil ito ang driver na kasama niya nang dinukot sila ng masasamang loob. Laking pasasalamat niya na buhay din ito.

"Mayor... Ako na po ang humihingi ng dispensa sa nagawa ng dalawang tauhan ko... Wala akong kaalam-alam na sangkot pala sila sa sindikato ng mga Umali." bungad agad ng hepe sa kanilang alkade.

Alam naman ni Marco na malabong may alam ang opisyal sa dalawang pulis na naitalaga sa kanya bilang security. Bago pa kasi ito madestino sa kanilang bayan ay naka-assign na sa kanya ang mga iyon.

"Nangyari na Hepe... Pero kailangan siguro nating alamin baka may iba pang kasama ang mga iyon sa hanay ng kapulisan natin." mungkahi nito sa pulis.

"Masusunod po Mayor... Kausap ko na ang NBI at magsasagawa po kami ng background check sa lahat ng pulis na nakatalaga sa bayan natin." tugon naman nito.

Nagpahayag din ang hepe ng malaking pasasalamat sa ipinakitang katapangan ng anak ng alkalde na mag-isang sinagupa ang nalalabing pangkat ni John Umali. Batid man nilang maraming galamay ang sindikato ay mapipilay ang operasyon nito sa pagkawala ng kanilang lider.

Ipinakilala din sa alkalde ang driver na kasama ni Trisha nang madukot ito. Ito ang nasalubong ng mga pulis na rumesponde sa report ni Lucy at ang siyang nagturo sa mga otoridad ng eksaktong lokasyon kung saan dinala ang mga bihag.

"Mayor... Maaari ko po ba kayong makamayan? Kung pwede ko po sanang makamayan ang ama ng pinakamatapang na lalaking nakilala ko." hiling ng driver sa alkalde.

Ngumiti si Marco at iniabot ang kanyang dalawang kamay sa lalaki at mariing nakipagkamay dito.

"Daniel... Daniel Vargas... Yun ang pangalan ng anak ko." sambit nito na puno ng pagmamalaki.

"Kung hindi po dahil sa katapangan ni Daniel, Mayor... baka wala na pong tatay na uuwi mamaya sa mga anak ko!..." lumuluhang wika nito.

Napahikbi na lang si Trisha sa mga naririnig. Maging ang mga pulis na naroon sa silid ay nangingilid ang luha sa pagkaantig sa tagpong iyon.

"Ipagdasal na lang nating makaligtas siya..." tanging nasabi ni Marco sa kabayanihan ng kanyang anak.

Hindi nagtagal ay nagpaalam na si Hepe at ang mga kasama nitong dumalaw. Puno ng pagmamalaki ang alkalde kay Daniel dahil hindi lang pala buhay nila ni Trisha ang nasagip nito kundi maging isang padre na makakasamang muli ng kanyang pamilya.

Maya-maya'y dumating si Lucy kasama ang neurosurgeon na nagsagawa ng operasyon kay Daniel. Napatayo si Trisha sa labis na pangamba sa balitang ihahatid nito. Tuloy ang panalangin habang inaabangan ang mga sasabihin ng doktor.

"Doc... Kamusta po ang lagay ng anak ko?" kabadong tanong ng alkalde.

"Tapos na po ang operation... Although narelieve yung pressure at na-stop na ang bleeding sa utak niya, it remains swollen. We're giving him medications to manage the swelling."

"Please Doc... Gawin niyo lahat ng magagawa ninyo... Ilagtas niyo anak ko!" pakiusap ni Marco sa espesyalista.

"We're doing everything we can para mailigtas siya, Mayor... Pero tatapatin ko na ho kayo... it doesn't look good. His chances are very slim." malungkot na pahayag nito.

Nagimbal ang tatlong taong malapit sa puso ng binata sa kanilang narinig mula sa doktor. Lumuluhang napayakap si Trisha sa tiyahin ni Daniel. Lumong-lumo ang dalawa nang malaman ang kalagayan ng binata. Napatingala naman si Marco upang pigilang bumagsak ang luha sa kanyang mga mata.

"Doc... Pakiusap... Sabihin mong makakaligtas ang anak ko!" basag ang boses na pagsusumamo ng alkalde at tuluyan na din itong bumigay at napahagulgol.

"Tao lang kami Mayor... pero gagawin namin lahat ng makakaya namin... Nailipat na namin siya sa ICU where we will continue to monitor his condition... For now, we wait. Kung magkakamalay siya soon... that's definitely a good sign."

"Mas kailangan po ni Daniel ngayon ng panalangin. Yun po ang makakapagligtas sa kanya." dagdag pa ng doktor.

Bago magpaalam ay sinabihan sila nito na maaari na nilang dalawin ang pasyente sa ICU. Kahit comatose si Daniel ay hinikayat sila ng doktor na kausapin ito para sa ikalulubag ng loob ng mga mahal nito sa buhay at sa pag-asang baka may makita silang reaksiyon mula sa pasyente.

Walang sinayang na sandali ang dalawang babae at agad nagpasyang puntahan ang binata. Nagpaiwan na muna ang alkalde sa kanyang silid upang mapag-isa.

"Trisha... ang anak ko... wag mo siyang iiwan ha?" pahabol ni Marco sa dalaga bago ito lumabas ng silid.

Isang malungkot na ngiti lamang ang isinukli ng dilag sa alkalde sa habilin nito. Nang makalabas ng pinto ang dalawa ay muling bumuhos ang luha ni Marco sa sinapit ng kanyang anak.

"Diyos ko... Bakit hindi na lang ako?!" mahinang usal nito.

Kabang-kaba sila Trisha at Lucy habang marahang binubuksan ang malapad na pinto ng ICU room kung saan naroon si Daniel. Lalo silang nanlumo at nahabag nang masilayan ang kaawa-awang lagay nito.

Tila bumigat ang mga hakbang nila habang papalapit sa nakaratay na binata. May cast ito sa kaliwang binti, nakabenda ang ulo, at may suot na neck brace. Kay raming mga tubo at aparato na nakakabit sa katawan nito.

Di napigilan ng dalawang babae na muling tumulo ang mga luha nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ni Daniel. Malayong-malayo ang lagay ng binata sa normal na wangis nito. Ang dating makisig nitong pangangatawan ngayon ay parang lantang gulay.

Lumapit si Trisha sa kama at di napigilang dampian ng halik ang pisngi ng binata.

"Salamat Daniel sa pagligtas mo samin ng papa mo... Lumaban ka ha?... I need you..." lumuluhang bulong nito sa minamahal.

Bahagya namang pinisil ni Lucy ang kamay ng pamangkin upang iparamdam dito na naroon lamang sila at hinding-hindi siya iiwan.

Ganoon na lang ang pagdadalamhati ni Marco para sa nag-iisa niyang anak. Punong-puno ito ng panghihinayang at pagsisisi.

Kung sana'y nakinig siya sa paliwanag ni Dandan noon, hindi sana sila nagkawalay ng mahabang panahon. Kung mas may nagawa sana siya laban kila John, baka wala ang anak sa ganoong kalagayan.

"Sabel... Samahan mo nga ako... Gusto kong masilip si Dandan."

Tinawag ng kasambahay ang isa sa mga bodyguard ng alkalde upang alalayan itong makaupo sa wheelchair saka iyon itinulak ni Sabel palabas ng silid. Ngunit pagdating sa ICU ay bahagya lamang sinilip ni Marco ang anak mula sa naka-awang na pinto.

Agad din itong nagsabi kay Sabel na ilayo na siya doon dahil hindi nito matagalang makita ang kaawa-awang anak sa ganoong kalagayan. Sa tinagal-tagal na panahong nagkawalay sila ay sa ganitong kondisyon pa niya masusumpungan ang anak.

Maraming taon na pinilit niyang huwag isipin si Daniel at isisi rito ang pagkawala ng kanyang asawa. Ngunit dumarating din ang mga pagkakataong hindi man niya maamin ay alam niyang nasasabik siyang muling makita ito.

Ilang kaarawan, pasko at bagong taon na ba ang nagdaan na wala siyang kapiling. Gayon din naman ang anak na ilang taon ding piniling mamuhay ng nag-iisa. Lahat ay dahil sa hindi niya inunawa na aksidente ang trahedyang nangyari sa kanilang pamilya bagkos ay ibinunton pa niya dito ang lahat ng sisi.

Ngayon niya lamang napagtatanto ang malaking pagkukulang sa kanyang anak. Nawalan siya ng asawa. Ngunit di hamak na mas mahirap pala ang naging sitwasyon ni Daniel dahil sa mura nitong edad ay hindi lamang ina ang nawala dito kundi maging ang kanyang ama.

Imbis na sa silid magtungo ay nagpahatid ang alkalde sa chapel ng ospital. Nangingiwi ito habang inaalalayan ni Sabel sa pagpipilit nitong lumuhod. Bagama't kumikirot ang sugat sa kanyang hita ay tiniis iyon ni Marco dahil walang-wala iyon sa kalingkingan ng pagdurusa ngayon ng kanyang anak.

"Panginoon ko... Ama din po kayo... maawa po kayo sa amin!... Iligtas niyo po ang anak ko... Gusto ko pa pong makabawi sa kanya!..." at muling dumaloy ang luha sa mga mata nito.

Nakatingala si Marco sa krus sa may altar habang taimtim na nananalangin. Nagsusumamong iligtas ng nasa itaas ang nag-iisang anak mula sa kapahamakan.

************************

Mahigit dalawang linggo na ang lumipas mula nang malagim na araw na iyon. Wala pa ring pagbabago sa kondisyon ni Daniel. Nanatiling walang reaksyion ang katawan nito sa paligid at waring natutulog lamang.

Hindi na umalis si Trisha sa kanyang tabi at dinadalhan na lamang ng gamit ng kanyang pamilya kapag bumibisita. Halinhinan niya namang nakakasama sila Lucy at Sabel sa pagbabantay kay Daniel bukod pa sa lalaking private nurse na kinuha ni Marco para sa anak.

"Bes kaya naman pala nahumaling ka dito kay Daniel... yummy naman pala talaga eh!" biro ni Janet sa kaibigan.

"Oo Bes... Ang gwapo niya noh?..." at hinaplos ni Trisha ang hupak nang pisngi ng binata.

"Haaay... Kaso kawawa naman puro siya tubo... Wala ka bang picture niya dyan? Patingin nga ng looks niya dati." kantyaw pa nito sa kaibigan.

"Wala nga eh... Pinagbubura ko nga kasi lahat di ba... Kahit siya wala ding pictures sa social media niya eh." nanghihinayang nitong sagot.

Dahil sa maselan nitong kondisyon ay limitado lang ang maaaring dumalaw kay Daniel. Ngunit kasama sa mga nakabisita ay ang matalik na kaibigan nito sa Maynila na si Jorge. Sa pakikipagkwentuhan ni Trisha dito ay mas lalo niyang nakilala ang binata.

Ipinakita ni Jorge sa kanya ang mga larawan ng paintings ni Daniel na nasa condo nito. Napapangiti ang dalaga dahil nakilala niya ang sarili sa ilan sa mga iyon at pamilyar din sa kanya ang ilang bagay at eksenang ipininta ni Daniel sa kanyang mga obra. Kabilang na doon ang painting ng kanyang bracelet.

Ngayon lang din niya napagtanto na si Daniel pala ang nagsauli noon sa kanya sa simbahan. Naisip niyang marahil ay nahulog iyon sa kotse ng binata nang minsang sumabog doon ang laman ng kanyang bag.

Nalulungkot ang dalagang isipin na nalaman na pala nitong siya si Ishie ngunit dahil nakatakda siyang ikasal sa papa nito ay pinili na lang nitong lumayo.

Hindi naman niya masisi ang desisyong iyon ni Daniel lalo't naikwento na ni Marco sa kanya ang trahedyang nangyari noon sa kanilang pamilya na naging mitsa ng pagkakalayo nilang mag-ama.

Sa pagbabalik ng binata sa Batangas ay nadiskubre nitong nakatakda na siyang ikasal sa alkalde. Batid na nila ni Marco na kaya nito marahil tiniis na saktan si Trisha ay upang mas madali itong makalayo at magparaya sa kanyang ama.

Ang mas ikinalungkot pa ni Trisha ay nang malaman niya kay Jorge ang kinahinatnan ng binata matapos ang huli nilang pagkikita noon. Na nilunod nito ang sarili sa bisyo upang tabunan ang sakit. Na kagagaling lang pala nito sa pagkaka-confine sa ospital ngunit nagawa pa rin nito na iligtas sila ni Marco.

Tunay ngang nakapanghihinayang na kung kailan nabuksan ang kanilang mga puso upang umunawa at magpatawad ay saka naman sila sinubok ng matinding trahedya.

Ilang araw lang ay na-discharge na noon ang alkalde. Ngayon ay nakalalakad na ito ng mag-isa sa tulong ng saklay. Araw-araw itong dumadalaw sa ospital upang kamustahin ang lagay ng anak. Ngunit gaya nang dati ay hanggang sa pintuan lamang ng ICU nito tinatanaw si Daniel.

Bukod sa naaawa sa kalagayan ng anak ay di din nito maiwasang sisihin ang sarili. Tila nabaligtad kasi ang pangyayari. Sa halip na siya ay ang anak ang nagbayad at nagdurusa sa galit sa kanya ng mga Umali.

Paalis na sana ang alkalde nang hapong iyon nang tawagin siya ni Lucy.

"Ah Kuya Marco... pwede bang pakitingnan saglit si Daniel?... May aasikasuhin lang ako... Parating na din naman si Trisha." pakisuyo nito sa bayaw.

Tumango lamang si Marco sa hiling na iyon. Sumandal ito sa dingding at muling napasilip sa pintuang naiwang naka-awang.

Pilit niyang inilihis ang mga mata sa nakaratay na binata. Hindi niya matagalang makita ito sa ganoong kalagayan. Sa halip na masayang boses ng anak ay bomba ng ventilator at tunog ng iba pang mga aparato ang kanyang nadidinig.

Ngunit sa kanyang pagsulyap-sulyap sa nakaratay na anak ay hindi na namalayan ng ama ang pagpasok nito sa silid at unti-unting paghakbang nito palapit sa higaan ni Daniel. Naupo si Marco sa silya sa gilid ng kama. Piniga ang kamay ng anak na ngayon na lang niya ulit nahawakan at mahinang niyugyog iyon.

"Dandan... Uy... Gising na anak..." wika nito nang nangingilid ang luha.

"Alam mo Dan... mula nung ipinanganak ka hanggang sa lumalaki ka na... sabi ng Mama mo... manang-mana ka daw sa kanya."

Nagpahid ito ng luha habang nangingiti sa alaala ng kanyang namayapang asawa. Garalgal ang boses nito ngunit pilit nagpapakatatag habang kinakausap ang anak.

"Kayo daw ang magkamukha... Pati pagiging artistic mo sa kanya mo daw minana... Wala ka man lang daw nakuha sakin hahaha..." mapait na tawa nito.

"Pero hindi... may nakuha ka sa akin anak... Yung tapang mo... Parehas tayo di ba?... Akalain mo yun, kinaya mo silang lahat!!"

May gigil at puno ng pagmamalaki ang pagkakasambit ni Marco. Ngunit naiiling din at sinisisi ang sarili na hindi niya man lang nagawang tulungan ang binata nang mga oras na iyon.

"Kaya Dandan... anak... Laban ka ulit ha?... Kailangan ka namin... lalo na si Trisha... Kailangan ka ng magiging baby niyo..."

Tuluyan nang bumigay si Marco at napahagulgol habang hinahalikan ang kamay ng mahal na anak na wala pa ring malay..

Ito ang inabutang tagpo ni Trisha sa loob ng silid. Hindi niya napigilang mapayakap sa ama ng lalaking kanyang minamahal. Kapwa nila dama ang lumbay at panlulumo sa hindi bumubuting lagay ni Daniel. Ngunit hindi sila maaaring sumuko at kailangang humugot ng lakas sa isa't isa.

Hating-gabi na at katatapos lang magcheck kay Daniel ng nakaduty na nurse at doktor. Sa mahigit dalawang linggo nang naroon sa ICU ang binata, ni minsan ay hindi ito iniwan ni Trisha at gabi-gabi itong binabantayan.

Hindi nagsasawa ang dalaga na pagmasdan ang lalaking dahilan kung bakit humihinga pa rin siya ngayon. Hindi siya napapagod na alagaan si Daniel kahit walang kasiguraduhan kung magigising pa ito.

Patuloy siyang nananalangin at umaasa na gigising ang binata at magbabalik sa dati nitong lakas. Na muli niya itong makakasama upang ipagpatuloy ang kanilang kwento.

Habang nakadukdok sa gilid ng higaan at hawak ang kamay ni Daniel ay nilalaro ni Trisha sa kabilang kamay ang bead bracelet na bigay noon ng binata. Napapangiti ito dahil kapiling na niya ngayon ang lalaking nagparamdam ng pagmamahal at pagpapahalaga sa kanya sa kanilang murang edad.

"Dan oh... nasa akin pa tong bracelet... Alam mo ba tuwing malungkot ako, makita ko lang to nagiging masaya na ko... hindi ko akalain sayo pala to galing!" sabay halik nito sa kamay ng binata.

"Haaay... Miss na miss na kita Daniel..." sambit nito habang titig na titig sa binatang kay tagal nang nahihimbing.

Hindi na napigil ni Trisha ang pagguhit ng kanyang luha. Gamit ang kamay ni Daniel ay pinahid niya ang luhang dumaloy sa kanyang pisngi.

"Naaalala mo ba yung gabi na una tayong nagkita... nung hiniling ko sayo na kahit kunwari lang... sabihin mo sakin na mahal mo ko?" wika ng dilag na garalgal ang tinig dahil sa pag-iyak.

"Ang saya-saya ko nun Daniel... Sana marinig ko ulit yon sayo... Sabihin mo ulit yun sakin ha?"

Inilapat niya ang kanyang pisngi sa nakabukang palad ni Daniel habang nakatitig siya sa binata. Hanggang sa hindi na niya napigilan ang namumungay na mga mata at tuluyan na siyang mapapikit.

Naramdaman na lang ng dilag ang mga haplos sa kanyang pisngi na siyang gumising sa kanya.

"Good morning..." bati ng pamilyar na tinig at dinampian siya nito ng halik sa labi.

Unti-unting nagmulat ang kanyang mga mata. Sa malamlam na liwanag mula sa ilaw sa silid na iyon ng motel ay naaninag niya ang maamong mukha at matamis na ngiti ng binatang kanyang kayakap.

"Akala ko talaga iiwan mo ko kagabi..." wika nito sa malambing na tinig at lalo pang humigpit ang pagkakayapos nito sa kanyang katawan.

"Buti nagising ako... Buti napigilan kitang umalis... Kung hindi, nawala na ang babaeng pakamamahalin ko habang buhay..."sambit nito nang nagniningning ang mga matang titig na titig sa kanya.

Napayakap ng mahigpit si Trisha kay Daniel. Tama na nagbago ang kanyang isip at hindi iniwan ang binata habang ito'y mahimbing na natutulog.

Dahil sa pambihirang pagkakataong iyon pala sila muling pinagtagpo ng lalaking mula noon pa'y pinangarap niyang makasama habambuhay.

"Mam... Mam Trisha..." banayad na tapik ni Sabel sa dalaga na umuungol sa pagtulog.

Napabalikwas si Trisha mula sa pagkakadukdok nang gisingin ito ni Sabel. Muli niyang minasdan ang nakaratay na binata.

Sa halip na ang malambing na boses nito ay pagbomba ng ventilator na muli ang kanyang nadidinig. Hindi na ulit mabakas sa mukha ng nahihimbing na binata ang ngiti nitong ubod ng tamis.

Isa lamang palang panaginip. Ngunit tila nararamdaman pa niya sa kanyang pisngi ang mga haplos nito.Parang naroon pa rin sa kanyang labi ang dampi ng masuyo nitong halik. Waring nararamdaman pa rin niya ang init ng mga bisig ni Daniel sa mahigpit nitong pagkakayakap sa kanya.

"Nananaginip kayo Mam..." wika ng matanda sa naalimpungatang dalaga na nanatiling nakahawak sa kamay ng kanyang alaga.

"Oo nga po Manang Sabel." tanging malungkot nitong naitugon sa yaya ng binata.

Napabuntong-hininga si Trisha. Nanghihinayang. Sana nga ay hindi na lang niya iniwan si Daniel nang gabing iyon. Sana ay hindi na lang siya umalis. Baka sakaling naiba sana ang takbo ng mga pangyayari.

"Doon ka na sa sofa mahiga para hindi ka mangawit. Ako na muna magbabantay dito sa tabi ni Dandan."

Tumango na lamang ang dilag. Muling hinalikan at pinisil ni Trisha ang kamay ni Daniel. Sa kanyang pagtayo ay akma na sana niya itong bibitawan nang magulat siya sa kanyang naramdaman.

Natigilan ang dalaga at napayuko sa kamay ni Daniel. Tila hindi pa makapaniwala sa kanyang naramdaman kanina. Hanggang sa makita mismo ng kanyang mga mata ang pagpisil ng kamay nito sa kanyang kamay. Pisil na tila ayaw siyang umalis.

"DA-DAANIIELL!!!" maluha-luhang bulalas ni Trisha sa labis na tuwa.