1. Home
  2. Stories
  3. LARAWAN 23 (Pagwawakas)
Filipino Sex Stories

LARAWAN 23 (Pagwawakas)

By paradoxxxx ·
Parang batang nakatanaw si Trisha sa labas ng kanyang bintana. Walang pinalalampas na magandang tanawin habang lulan ng sasakyan patungo sa simbahan.

Napatingala ito sa asul na kalangitan. Hinahawi ng mga sinag ng araw ang maninipis na puting ulap sa himpapawid. Mga sinag na tumatagos sa lupang tigmak sa tubig ulan at tinutuyo iyon maging ang mga butil ng hamog na naipon sa dahon ng mga halaman.

Banayad ang ihip ng hangin na sinasabayan ng masayang paglipad ng mumunting mga ibon. Napangiti si Trisha sa maaliwalas na araw na iyon na ni hindi na kababakasan ng nagdaang unos.

Nang malapit na sila sa simbahan ay tanaw ni Trisha ang dami ng taong dumalo sa araw na iyon. Pawang halos lahat ng kanilang kakilala ni Daniel ay sinikap na makarating.

'Heto na ko Daniel... sandali na lang mahal...' bulong ni Trisha habang pumapasok sa pakurbang entrada ng simbahan ang kanyang sinasakyan.

Huminga siya ng malalim. Mula sa loob ng kotse at tagos sa malaking pintuan ng simbahan ay napatanaw si Trisha sa dambana sa dulo ng mahabang pasilyong pinapalamutian ng mga bulaklak.

Napangiti ang dalaga sa magandang pagkakaayos ng altar na tadtad ng samu't saring mga bulaklak na tila isang paraiso. Puting-puti na sing busilak ng kanilang pagmamahalan ni Daniel.

Bumaba ang nagmaneho ng kanyang sinasakyan at pinagbuksan siya ng pinto. Inilahad ang kamay nito upang alalayan siya sa kanyang pagbaba.

Maingat na humakbang si Trisha pababa ng kotse at iningatang matapakan ang laylayan ng kanyang damit. Sa kanyang pagtayo sa entrada ng simbahan ay nanginginig ang mga kamay nito habang tangan ang pumpon ng mga puting bulaklak.

Lahat ng tao sa simbahan ay nakalingon sa kanyang kinatatayuan sa may pinto. Ang lahat ay nag-aabang sa kanyang pagdating. Di mapigilang humanga sa dalagang napakaganda at elegante kahit sa simpleng disenyo ng mahabang puting kasuotan nito. Eteryal na tila isang anghel na nagbaba sa lupa.

Bahagyang hinawi ni Trisha ang mga hibla ng buhok na nakalaylay sa magkabilang gilid ng magandang mukha nito. Muli siyang napatanaw sa may altar sa harapan ng simbahan. Masasamyo sa buong katedral ang halimuyak ng mga bulaklak na naroon.

Kumakabog ang kanyang dibdib at nangingilid ang luha sa tindi ng mga emosyong nadarama. Napatingala siya sa mataas na kisame ng simbahan upang pigilan ang mga iyon na pumatak mula sa kanyang mga mata.

Pinilit niyang kalmahin ang sarili sa kanyang unang paghakbang. Bitbit ang pumpon ng mga bulaklak ay marahan itong lumakad habang nakapako ang mga mata sa altar sa dulo ng pasilyong kanyang nilalakaran.

Nasa harapan sa gawing kaliwa ang kanyang mga magulang na sila Bert at Fely kasama si Janet. Sa gawing kanan naman ay si Marco katabi si Lucy at si Jorge.

Lahat sila ay nakamasid kay Trisha habang mabagal siyang naglalakad papalapit sa altar. Di mapigilan ni Mang Bert at Aling Fely na mapaluha para sa kanilang nag-iisang anak na babae. Ngunit ang mga mata ni Trisha ay sa isang tao lamang nakatutok sa mga sandaling iyon. Kay Daniel.

Hindi pa siya nakakapasok ng simbahan kanina ay tanaw na niya ang nag-iisang lalaking nagpatibok sa kanyang puso sa simula't simula pa lamang. Habang papalapit siya sa binata ay lalo niyang namamasdan ang kinang sa mga mata nito.

Mga matang noong una silang nagkakilala ay tila puno ng misteryo. Ang siya ring mga matang kahit walang salitang bigkasin si Daniel ay parating nangungusap. Mga matang kung tumitig sa kanya ngayon ay punong-puno ng pagmamahal.

Namamasdan ng dilag ang mapupulang labi nito. Mga labing hatid ay masuyong mga halik. Mga halik na sa tuwina'y nagpapalambot sa kanyang mga tuhod at nagdadala sa kanya sa isang paraisong tila sila lamang dalawa ang nananahan.

Sa kanyang patuloy na paglapit sa altar, hindi maiwasan ni Trisha na mapangiti din sa ngiting iyon ni Daniel na pagkatamis-tamis. Ngiti na laging nagpapabilis sa pintig ng kanyang puso. Ngiting pilit pumapawi sa sakit ng matinding unos na kanilang pinagdaanan sa tuwing kanya iyong nasisilayan.

Habang papalapit si Trisha sa altar ay tila bumibigat ang kanyang mga hakbang. Gustuhin man niyang takbuhin ang kinaroroonan ng kanyang mahal ay tila may kadenang nakatali sa kanyang mga paa.

Sinalubong siya ng kanyang mga magulang at akma ding lalapitan ng alkalde. Ngunit parang wala itong ibang nakikita at nilampasan lamang niya ang lahat. Nagtuloy-tuloy ang mabibigat niyang hakbang papunta sa harapan ng altar.

"Daniel... Mahal ko..." mahinang usal nito.

Ipinatong ni Trisha ang bitbit na mga bulaklak at saka ito napayapos sa selyadong asul na ataol. At tuluyan na itong napahagulgol sa labis na pagdadalamhati sa pagkawala ng kanyang pinakamamahal.

Habang patuloy ang pag-agos ng kanyang mga luha ay napatingala ito sa malaking larawan ni Daniel na nakapatong sa stand sa tapat ng kabaong. Muling minasdan ang wangis ng kanyang mahal na tanging sa larawang iyon na lamang niya mamamasdan.

Di niya malilimot ang araw na iyon nang muli silang pinagtagpo ng tadhana sa may burol. Nang tutukan niya ito ng lente ng kanyang camera habang abala itong gumuguhit sa ilalim ng puno. Sa paglingon ni Daniel ay mababakas sa mga mata at ngiti nito ang labis na kaligayahan sa kanilang muling pagkikita.

Sa araw na iyon ay muling nagtagpo ang dalawang pusong ligaw. Mga pusong tila sa simula pa lamang ay itinadhana na para sa isa't isa. Mga pusong ngayon ay muling pinaghiwalay ng mapait na pagkakataon.

"Danieeel!... Bakit mo ko iniwan... Kailangan kita... Kailangan ka namin!..."

Halos lahat ng tao sa simbahan ay nagpapahid ng luha kasabay ng pagpalahaw ng dalagang labis na nagdadalamhati. Walang tigil ang pagbukal ng luha sa kanyang mga mata sa tindi ng sakit ng sugat sa kanyang puso.

Sugat na tila hindi na kailanman maghihilom. Pusong kung bubuksan ay walang ibang laman kundi si Daniel.

Bago pa tuluyang manghina ang dalaga ay agad itong inalalayan ni Marco. Isang amang labis ding nagdadalamhati. Matapos mawalan noon ng kabiyak ngayon nama'y nagluluksa sa pagpanaw ng kanyang kaisa-isang anak.

Isang amang matagal na nangulila sa pagmamahal ni Daniel. Isang amang punong-puno ng pagsisisi ngunit sa isang iglap ay pinagkaitan ng pagkakataong makabawi at punuan ang maraming taong nasayang.

"Magpakatatag ka Trisha... para sa baby niyo..." pabulong na sambit ni Marco sa dalaga.

Inalalayan na lamang ng alkalde ang dilag na maupo sa tabi ng ama't ina nito at sinalubong naman sila ni Bert. Kahit batid nito na labis na nasasaktan ang anak sa gagawing pamamaalam sa minamahal ay alam niyang kailangan iyon ni Trisha. Dahil iyon ang unang hakbang upang muli itong makabangon.

Bago umalis ng bahay kanina ang mag-anak ay tumanggi ang dalaga na dumalo sa huling misa para kay Daniel bago ito ilibing. Sadyang hindi raw nito kayang mamaalam sa binata. Kaya't nagpaiwan na lang ang mayor ng sasakyan at driver sakaling magbago ang isip nito.

Tuloy ang pag-agos ng mga luha ni Trisha. Nang sa wakas ay nagpakita na ng pagbuti ng kalagayan si Daniel sa ospital ay umasa silang lahat na magtutuloy-tuloy na ang paggaling nito.

Ngunit sadyang hanggang doon na lamang siguro ang buhay na ipinagkaloob ng Maykapal dito at tuluyan na ring bumigay ang kanyang katawan.

Awang-awa si Marco sa nakikitang pagdadalamhati ni Trisha. Sa bawat patak ng luhang nakikita niya rito ay di niya maiwasang sisihin ang kanyang sarili.

Sa kanyang pagganap ng tungkulin bilang punong bayan ay nagkaroon siya ng mga kaaway. Mga kalabang nais gumanti at ang naging kabayaran nga ay ang buhay ng kaisa-isa niyang anak.

Ang anak na pinagkaitan niya ng pang-unawa at pagmamahal bilang ama. Na ngayon kung kailan siya natauhan sa kanyang pagkakamali ay huli na ang lahat.

Paika-ikang lumakad si Marco pabalik sa kabaong at hinipo iyon.

"Patawad Dandan... Patawad mahal kong anak..." nakayukong sambit nito at diretsong pumatak ang mga luha ng ama sa ibabaw ng ataol ng kanyang anak.

Lahat ng nakasaksi sa nangyayari ay di mapigilang mapaluha. Damang-dama ang matinding pagdadalamhati ng mga naiwan ni Daniel lalo na ng kanilang alkalde at ng babaeng naulila nito.

Mabilis kumalat ang balita. Ngunit sa halip na maging tampulan ng kwento at panghuhusga ay mas nanaig ang respeto at pang-unawa ng mga tao sa pinagdaanan ng tatlo.

Napasubsob na lamang si Trisha sa balikat ni Mang Bert habang tinatapik naman nito ang kanyang balikat. Tila hindi na nito kaya pang tumayo nang magsitindig ang lahat para sa pambungad na awit sa pag-uumpisa ng misa.

Dumako na sa pagbabasa ng mga talata sa Bibliya na pinangunahan ni Marco, sinundan ni Lucy, at panghuli ay ang pari. Lahat ay matamang nakikinig sa mga pagbasa maliban kay Trisha na nanatiling nakapikit at nakayakap sa gilid ng ama. Tila wala nang lakas habang pinipigilan ang kanyang mga hikbi.

Lahat ay tahimik na nakatuon ang paningin sa harap ng altar. Pinalipat ni Aling Fely si Janet upang tabihan at alalayan ang kaibigan nito. Nakayuko itong tahimik na nakikinig sa pagtatapos ng pagbasa habang hinahagod niya ang likod ni Trisha.

"Isang magandang umaga po sa inyong lahat na mga dumalo upang makiramay sa mga naulila ni Daniel..." bungad na pagbati ng pari at nagsitango naman ang mga tao bilang tugon.

"Nilisan man tayo ng ating kapatid... isa pa rin itong magandang araw... sapagkat ating ipinagdiriwang ang kanyang naging buhay sa mundong ito..."

Sa pag-uumpisa ng sermon ay natuon ang mensahe para sa mga naulila ng binata. Habang minamasdan ng pari ang mga nagluluksang mukha lalo na ng mga nakaupo sa harapan ay damang-dama niya ang lungkot at pighati ng mga ito.

"Batid po ng lahat ang hindi magandang pangyayari sa yumao at sa kanyang naiwang mga minamahal sa buhay..."

"Marahil ay hindi ninyo maiaalis sa inyong isipang... Siguro kung may nagawa lang ako, baka hindi ito nangyari... Siguro kung iba ang naging aksyon ko, maaaring walang nangyaring masama kay Daniel..."

Nagpatuloy ang pari na kababakasan din ng lungkot sa mga mata nito habang nakatingin sa umiiyak na dilag sa harapan. Nanatili namang nakapikit ni Trisha at nakahilig lamang ang ulo sa balikat ng kanyang ama.

"Siguro naiisip niyo na... Sana pwedeng ibalik ang oras... Sana pwedeng maibalik ang mga panahong lumipas... Baka sakaling maiba sana ang takbo ng mga kaganapan."

Lalong lumakas ang agos ng luha ng dilag sa naririnig na mensahe ng pari. Habang nakapikit ay taimtim na umusal na sana ay kaya niyang ibalik ang oras upang makasama niyang muli ang minamahal. Nang mayakap niya itong muli at sisiguraduhing hinding-hindi na ito mawawala pa.

"Ang daming SANA, hindi po ba?... At ang dami ding tanong na parang hindi natin malaman kung ano talaga ang tamang kasagutan..." wika ulit ng pari.

Habang nagpapatuloy ito sa pagbibigay ng mensahe sa misa ay palipat-lipat ang tingin nito sa butihing ama ng yumao at sa tumatangis na babaeng naulila ni Daniel.

"Siguro ay sumagi din sa isip ninyo ang mga katagang... Mahal ba ko ng nasa Itaas? Bakit Niya kinuha ang taong pinakamamahal ko?"

Nakamasid ngayon kay Trisha ang pari na para bang sa dalaga nakatuon ang mensaheng kanyang binibigkas.

Ngunit napapahid din ang alkalde ng panyo sa mga mata nito dahil sa ikalawang pagkakataon ay muli nga niyang tinatanong sa langit ang mga katanungang iyon. Noong una ay sa pagkawala ni Laura, at ngayon naman ay sa pagpanaw ni Daniel.

"Hindi po natin maiiwasan na itanong ang lahat ng ito sa Kanya..."

"Sana naitanong din po natin sa ang ating sarili na... Bakit pa kaya ako humihinga ngayon?... Bakit nangyari na nahahawakan at nakakapiling ko pa ang ibang mga mahal ko sa buhay?"

Lalong humigpit ang pagkakayakap ng dilag sa kanyang ama. Dahil tumitimo sa kanyang dibdib ang bawat mensaheng inilalahad ng pari.

Tila ba nababasa nito ang kanyang isip dahil ang dalas niyang tanungin sa kanyang sarili ang mga tanong na iyon. Kung bakit nga ba nangyayari ang lahat ng ito sa kanya.

"Oo mahal mo ang isang tao... ngunit alalahanin mo din na hindi mo siya pagmamay-ari... at wala tayong pagmamay-ari na buhay... Ang buhay natin ay sa Diyos at ipinapahiram lamang Niya sa atin."

Napailing si Trisha na humahagulgol at nanatiling nakayakap sa ama. Di pa rin matanggap ang katotohanang wala na ang kanyang pinakamamahal. Katotohanang lalong tumitimo sa kanyang puso dahil sa sermong iyon ng pari.

"Mga kapatid... Ang lahat ng bagay ay may hangganan... Ang buhay natin ay may hangganan... Sapagkat ang buhay natin ay hiram lamang..."

"At kung darating na ang panahon para ibalik natin ang buhay na hiniram... magpasalamat tayo sa Kanya... dahil binigyan Niya tayo ng pagkakataon na mabuhay dito sa lupa..."

"Ngunit wag kang mag-alala dahil sa pangako Niyang buhay na walang hanggan... kasama Siya."

Lalo nang hindi napigilan ng dilag ang magpalahaw ng iyak sa mga narinig. Maging si Marco ay di napigilang yumugyog ang balikat habang inaalo ni Lucy na panay din sa pag-iyak.

Nadudurog ang puso ng mga nakakasaksi sa pagdadalamhati ng mga naiwan. Lalo na ang paring ngayon ay nagpapahid na din ng luha sa mga mata nito. Waring hindi pa sanay na makasaksi ng mga pusong tila winasak sa pagpanaw ng kanilang mahal sa buhay.

Sadyang nadala lamang ng lumbay o tila may mas malalim pang dahilan ang nararamdaman ng pari.

"Alam niyo po mga kapatid... ang sakit pong makakita ng ganitong tagpo... lalo na po sa katulad kong tagapaglingkod ng Diyos... yung makita mong nagdadalamhati yung mga naulila... napakahirap po."

"Hindi niyo po naitatanong... nung kabataan ko po ay mayroon din akong nasaksihan... Isang anak na naulila ng mapagmahal niyang ina... Isang anak na napawalay din sa kanyang ama..."

"At may dalawang pusong nakalaan sanang magtagpo... pero dahil sa akin ay tuluyan silang nagkalayo." sambit nito habang nakatingin kay Trisha na tuloy ang pagluha habang hawak-hawak ang pinakaiingatan nitong bracelet.

Nahinto ang mga hikbi ni Trisha nang magsimula ang pari na magbahagi tungkol sa personal nitong karanasan. Ganon na lang ang gulat ng dalaga nang mapalingon sa altar at matitigan ang pari na ngayon ay naghubad ng salamin nito.

"Mga kapatid... Mayor Marco... Ishie..." pagpapatuloy nito sabay punas sa mga luhang di na napigil dumaloy sa pisngi.

"Nang dahil sa pagiging makasarili ko noon... nawalan ako ng isang tunay na kaibigan..."

"Si Daniel ay isang napakabuting anak sa kanyang mga magulang... Isang lalaking sa murang edad ay natutong umibig... Pero ako na naturingang kaibigan ay hinadlangan ko iyon dahil sa iisang babae ang aming nagustuhan."

Sunod-sunod na napailing ang dalaga nang makilala ang bagong paring nasa kanilang harapan. Napahawak naman sa kamay niya si Janet na awang-awa sa kaibigan dahil sa karagdagang kirot na nararamdaman marahil nito dahil sa pagbabalik ng mga alaala ng kanilang kabataan.

"Lahat tayo ay nagkakamali... lahat tayo ay nagkakasala at nagkukulang... at walang taong hindi nangangailangan ng pagpapatawad..."

Dumako ang tingin ng pari sa larawan ni Daniel na puno ng dalamhati at pagsisisi sa mga mata nito.

"Bro... alam ko parang huli na para humingi ako ng tawad sayo... Alam kong sa akin nagsimula ang lahat... ang lahat ng sakit na pinagdaanan mo at ng inyong pamilya..."

"Dandan... patawad... Patawad sa lahat ng naging pagkakasala ko sayo noon... sayong pamilya... kay Ishie...

"Kaya po ako narito ngayon sa harap ninyo... dahil sa aking pagpasok sa debosyong ito ay isinuko ko na ang lahat ng aking pagkakasala sa nasa itaas..."

Tuluyan nang bumigay si Father Billy sa kanyang kinatatayuan at napadukdok sa pulpitong tayuan sa pagsesermon habang tukop ng dalawang kamay ang kanyang mukha.

Patawad... Patawad sa lahat, Daniel... Isang maayos na paglalakbay sayo kaibigan..." pahuling mensahe nito sa pagtatapos ng kanyang sermon at nagsitayo na ang lahat.

************************

Lumipas ang mga buwan mula nang maihatid si Daniel sa huling hantungan. Pinilit ni Trisha na magpakatatag sa kabila ng labis na pangungulila sa kanyang mahal.

Pilit siyang humuhugot ng lakas sa sanggol na dinadala sa kanyang sinapupunan. Patuloy man na nagdadalamhati sa pagkawala ng minamahal ay may di matutumbasang kaligayahan na nagmumula sa batang kanyang dinadala. Ang pinakamahalagang alaalang iniwan sa kanya ni Daniel.

Sa kabila ng alok ni Marco na bagong matutuluyan ay pinili niyang mamuhay pa rin kasama ng kanyang pamilya. Palagi naman kinakamusta ng alkalde ang lagay nila ng magiging apo nito. Maging ang nanay-nanayan ni Daniel na si Lucy ay napalapit na kay Trisha at sa kanyang pamilya.

"Malapit ka na namin makita baby... Alam mo... kung nandito pa ang daddy mo... I'm sure mas excited pa siya sa paglabas mo... Siguro paglaki mo artistic ka din kagaya niya." nakangiting sambit ni Trisha na sapo at hinihimas ang kanyang mabilog na tiyan habang minamasdan ang mga obra ni Daniel.

Sa tuwing namamasdan niya ang mga likha nito ay parang nakikita niya ang kanyang mahal kung paano nito ipininta ang mga larawang iyon. Sa bawat piyesa ay tila may bahagi si Daniel na nananatiling buhay at kapiling niya.

Patuloy na nabubuhay sa kanyang puso at isip ang wangis ng lalaki na parang nariyan lamang ito lagi sa kanyang tabi. Pilit niyang dinudugtungan ang maigsing pinagsamahan nila ng nag-iisang lalaking kanyang minahal. Kahit sa isip lamang ay kapiling pa rin niya ito. Kahit kunwari lang.

Anak... gabi na masama sayo ang napupuyat..." paalala ni Aling Fely na sumilip sa kwarto ng anak.

Napuna kasi nito sa liwanag na sumisiwang sa ilalim ng pinto na hatinggabi na ay gising pa din ang panganay. Tumango lamang si Trisha sa kanyang ina.

Sinapo nito ang kanyang balakang at bumuwelo na upang mahiga. Dahil may kalakihan na ang kanyang dinadala ay medyo hirap na ito at nakaalalay sa bawat pagkilos.

Si Aling Fely na ang nagpatay ng ilaw sa silid ng anak matapos niya itong sabihan na matulog na. Dinukot naman ni Trisha mula sa ilalim ng kanyang unan ang pulseras na bigay ni Daniel at nilaro-laro ang beads sa kamay na nakapatong sa mataas niyang tiyan.

Good night Dan... Paramdam ka naman sakin mahal kahit sa panaginip lang...' hiling nito sa kanyang isip bago ipinikit ang mga mata.

Gaya ng bawat gabing nagdaan mula nang lumisan si Daniel ay muli na namang nabasa ng mga luha ang kanyang unan bago tuluyang ginupon ng emosyon ang dalaga at nakatulog.

Napalingon si Dandan at nakita ang dalagita na papalapit sa may gate ng paaralan. Napako ang kanyang paningin habang pinagmamasdan itong papalapit.

Tila nanlalamig ang kanyang buong katawan na para ding gigisawan ng pawis. Lalong tumitindi ang kaba ng binatilyo habang papalapit si Ishie sa kanyang kinatatayuan.

Napatitig naman ang dilag nang mapatapat siya sa binatilyong nakatayo katabi ng gwardiya na tila may itinatago sa likod nito. Napangiti sa kanya ang dalagita kaya't napayuko si Dandan sa hiya.

"Good morning po!" bati ng dilag sa security guard na gumanti rin ng bati sa kanya.

Nanlumo si Dandan nang lumampas ang dalagita nang di niya naiabot ang kanyang hawak na bulaklak kasama ang pulseras na ginawa ng kanyang ina. Sa payo ng kanyang mama ay napagpasyahan niyang personal nang iabot iyon upang magkakilala na sila ng kanyang sinisinta.

Ngunit tila may pumigil sa kanya at muli siyang pinanghinaan ng loob. Pero imbis na ipakiusap sa guwardiya na ito na lang muli ang mag-abot kay Ishie ay pinili na lamang ni Dandan na tumalikod.

'Mamahalin na lang kita mula sa malayo... mamahalin na lang kita kahit hindi mo ako makilala... Ishie...'

Lulugo-lugo itong lumakad pabalik sa kanyang sasakyan. Akma na sana niyang bubuksan ang pinto ng kotse nang magulat ito sa tinig na kanyang narinig.

"Unseen?"

Natigilan si Dandan at agad napapihit paharap sa dalagitang nagsalita mula sa kanyang likuran.

"Ikaw si Unseen di ba?!" muling tanong ng nakangiting dalagita.

Tumango lamang si Dandan na napayuko sa hiya lalo na nang lumapit si Ishie sa kanyang kinatatayuan.

"Para sa akin ba yan?" usisa nito sabay lahad ng kamay sa bulaklak na tangan ni Dandan at tila naghihintay na iabot ito ng binata.

Hiyang-hiya si Dandan na iniabot iyon sa dalagitang napakatamis ng ngiti sa kanya.

"Hi Daniel... I'm Trisha..." wika nito na ikinagulat ng husto ng binata.

"Ha?? Bakit alam mo ang--"

Hindi na naituloy ni Dandan ang kanyang sasabihin nang bigla siyang yakapin ng mahigpit ng dilag.

"Hindi na importante yun Dan... Ang mahalaga nandito ka na... magkasama na tayo... at hindi ka na mawawala..." lumuluhang sagot nito habang nakatuon ang gilid ng mukha sa kanyang dibdib.

Gumanti na rin ng yakap si Dandan kay Ishie. Yakap na puno ng pagmamahal. Yakap na tila wala nang kahit anong makapaghihiwalay sa kanilang dalawa.

Napamulat si Trisha sa kadiliman ng silid na gumuguhit ang luha sa gilid ng mga mata ngunit may ngiti sa kanyang mga labi.

'Kung alam ko lang talaga... nako ako na sana nakipagkilala nun sayo Dan... Ang torpe mo naman kase!' sambit nito sa kanyang isip habang natatawang nagpapahid ng mga luha.

Inabot niya ang isa pang unan at niyakap iyon ng mahigpit. Kahit papaano ay gumaan ang kanyang pakiramdam dahil sa magandang panaginip na iyon. Waring hinaplos ang nangungulila niyang puso dahil kahit doon man lang ay muli niyang nakasama ang minamahal at nayakap ito.

'Salamat Daniel ha... tulog na kami ulit ni baby...'

Unti-unting napapikit ang namumungay niyang mga mata hanggang sa muli siyang nahimbing sa pagtulog ng may ngiti na sa kanyang mga labi.

************************

Ipinagpatuloy ni Marco ang tapat na paglilingkod bilang alkalde ng kanilang bayan. Gaya noong nawala si Laura, isinubsob na lamang nito ang sarili sa trabaho upang maibsan ang sakit ng pangungulila para sa kanyang anak.

Ngunit sadyang mas mahirap matanggap ang pagkawala nito dahil kaugnay ng kanyang trabaho bilang mayor ang naging dahilan ng pagpanaw ni Daniel. Ang anak na siyang dapat na naglilibing sa magulang ay siya pang sumagip sa kanya at ibinuwis ang sarili nito.

Kung dati ay nasanay siyang wala ito sa kanyang buhay, pirming naroon pa rin ang pag-asa na balang araw ay magkakaayos din sila ng anak. Ngunit iba ngayon na alam niyang ang inaasam niyang pagkakataon na makabawi sa anak ay di na kailan man mangyayari.

Kababakasan pa rin ng lumbay si Marco sa tuwing nagsasalita ito sa harap ng kanyang mga kawani. Ang dating masiglang alkalde na nagbibigay sa kanila ng mga payo upang maging masigasig sa umpisa ng panibagong linggo ay nilulukuban pa din ng kalungkutan at pighati.

Abala ang alkalde sa pagbabasa ng reports ng iba't ibang departamento nang hangos na biglang pumasok si Bert sa kanyang opisina.

"MAYOR!!!"

"Oh?!... Bakit Bert?" gulat na tanong ni Marco.

"Si Trisha... Nasakit daw ang ti-yan!"

"OHH!... Nako eh ano pang hinihintay mo?!! Dali puntahan mo na! MAGIGING LOLO NA TAYO!!" pahiyaw na wika nito na di malaman kung natutuwa , nasasabik o natataranta.

Nagmamadaling umalis si Bert upang sunduin ang anak. Kabuwanan na nito kaya't ano mang araw ay inaasahan na nila itong magsilang. Harurot na nagpatakbo ang natetensiyong ama upang mabilis na makarating sa kanilang bahay.

Naiwang tulala ang alkalde. Tila naglalakbay na ang isip nito sa kasabikang makita ang magiging baby nila Trisha at Daniel. Sa kauna-unahang pagkakataon ay may sumilay na matamis na ngiti sa kanyang mga labi.

Waring isang senyales na ang parating na sanggol na ang tatapos sa kanilang lumbay na bunga ng biglaang pagkawala ng kanyang anak. Ito na marahil ang muling pupuno ng kaligayahan sa kanilang mga puso.

Nagmamadaling pinirmahan ni Marco ang lahat ng mga dokumentong nasa kanyang harapan. Hindi siya makapapayag na hindi agad masilayan ang kanyang apo. Agad siyang nagpaalam sa kanyang bagong sekretarya at dumaan sa opisina ng kanyang bise upang maghabilin.

Maagap namang naihatid ni Bert ang anak sa ospital na agad namang inasikaso ng mga medical staff na naroon. Maayos naman ang naging pagbubuntis ni Trisha. Malusog at malakas ang pangangatawan nito at kakayanin daw nitong magluwal via normal delivery ayon sa doktor.

Naiwan na lamang sa waiting area ang mag-asawang Fely at Bert nang ipasok na sa delivery room ang kanilang anak. Mag-isang tiniis ni Trisha ang kirot ng paghilab ng kanyang tiyan habang nagle-labor. Hanggang sa umabot na sa puntong lalabas na ang bata.

Oh hija... this is it ha... Deep breaths and then push... Kaya mo yan!..." wika ng doktora mula sa paanan ng kama.

Tumango lamang ang dilag na maluha-luha sa tindi ng sakit. Kitang-kita sa mga mata nito ang matinding sakit at hirap na ngayon lamang nito naramdaman.

Mag-isang tiniis iyon ni Trisha. Panay ang paling ng ulo, humihingal at nagbubutil ang pawis. Ngunit gaano man katindi ang sakit ay titiisin iyong lahat ng ina mailuwal lang sa mundo ang kanilang anak ng lalaking kanyang pinakamamahal.

Sige Trisha... iri mo pa... Konti na lang!!!" wika ng doktor habang nakatuon ang isang kamay nito pababa sa kanyang tiyan.

"Hooo... hooo... Ahhhhh!!! Ang sakiiiiitttt dooocc!!!... UGGHHMMM!!!" hiyaw nito kasabay ng buong lakas na pagtulak sa bata.

Lumuluha at di maipinta ang mukha sa tindi ng hirap. Pawis na pawis at labas ang mga litid sa leeg ni Trisha sa hirap ng pagluluwal sa kanyang sanggol.

Mahigpit siyang nakakapit sa bakal na railing sa magkabilang gilid ng higaan. Kung naroon lamang sana si Daniel sa kanyang tabi ay mayroong hahawak sa kanyang kamay.

Ayan naaa... konti pa Trisha... lalabas na! PUUUSHH!!!"

"AHHHH... UGGHHHMM!!... HOOO.... HOOO.... ARRRGGH!!!"

Isang malakas at todong iri. Pulang-pula ang mukha ni Trisha na halos mapabangon na sa huling tulak na kanyang ginawa. Kasunod noon ay ang pansumandaling katahimikan.

Halos panawan na ito ng ulirat sa tindi ng pagod nang bigla siyang makarinig ng iyak ng isang munting sanggol. Iyak na sa kanyang pandinig ay tila kasabay ng tinig ng mga anghel na umaawit.

"Oh hello baby girl! Welcome to the world!!" magiliw na bati ng doktora sa bagong silang na sanggol na malakas ang iyak habang kanya itong pinupunasan.

Napabagsak pasandal ang dalaga sa higaan matapos mairaos ang pagluluwal sa anak nila ni Daniel. Hingal na hingal ito at napaiyak na lamang sa pagod at labis na tuwa.

Namumutla ito at kahit hinang-hina ay pilit nitong tinatanaw ang kanyang baby na bitbit ng doktor. At sa isang iglap ay tila napawi ang lahat ng hirap at pagod niya sa pagluluwal sa kanyang munting anghel.

Namumungay ang mga mata nitong minasdan ang kanyang bagong silang na sanggol na kasalukuyang inaasikaso ng nurse. Nangingiti ang ina sa bawat paggalaw ng mumunting mga kamay ng kanyang anak.

"Congratulations Trisha... Ang ganda ng baby girl mo..." bati ng doktor habang inilalapag ang sanggol sa ibabaw ng kanyang dibdib.

Lalong napaiyak si Trisha habang banayad na hinahaplos ang kanyang munting anghel. Walang pagsidlan ang kaligayahan habang nadarama ang paggalaw nito sa ibabaw ng kanyang dibdib.

Kay tagal niyang hinintay na maipadama dito ang init ng kanyang pagmamahal. Na para bang ang bawat tibok ng kanyang puso ay nakalaan na para sa kanyang anak.

Nakangiti ito habang buong pagmamahal na minamasdan at hinahaplos ang kanyang supling nang tuluyan nang mapapikit ang namumungay nitong mga mata kasabay ng pagbagsak ng mga braso nitong nakasapo sa anak.

"Trisha?..." kabadong tawag ng doktor.

"Doc!... BP dropping!" balisang saad ng nurse na nakatingin sa monitor.

Napalingon ang doktor sa aparato upang icheck din ang pulso ng pasyente. Agad nitong ipinakuha sa nurse ang sanggol palayo at nataranta na ang mga staff sa loob ng delivery room.

Titig na titig si Marco habang pinagmamasdan ang bagong silang niyang apo. Naghahalo ang saya at lungkot habang nakatuon ang dalawang kamay nito sa salamin sa labas ng nursery.

Danielle Cruz Vargas

Naluluha si Marco habang minamasdan ang pangalang nakasulat sa paanan ng bassinet. Danielle. Kay gandang pangalan para sa napakagandang sanggol na kanyang nasisilayan.

Mula nang malaman ni Trisha na babae ang dinadalang sanggol ay agad na nitong napagpasyahan na Danielle ang ipapangalan sa anak sunod sa ama nito. Labis naman iyong ikinatuwa ni Marco.

Hindi niya maiwasang mapangiti sa kabila ng mga luhang hindi mapatid-patid ang pagdaloy sa kanyang mga pisngi. Awang-awa para sa munting paslit na nawalan na nga ng ama, at hindi na rin masisilayan pa ang kanyang ina.

Isang walang muwang na anghel na hindi masusumpungan ang pagmamahal ng kanyang tunay na mga magulang.

Ginawa ng mga doktor ang lahat upang lapatan ng solusyon ang di maampat na pagdurugo ni Trisha. Ngunit hindi tumutugon ang katawan ng pasyente sa lahat ng lunas.

Takang-taka ang mga eksperto dahil sa kabila ng kanilang kasanayan ay hindi nila maipaliwanag ang sinapit ng pasyente. Sa kabila ng kanilang pagsusumikap ay hindi na nga nila ito nagawang sagipin at tuluyang bumigay ang katawan ni Trisha.

Biglaang pagpanaw na ikinagulat at talaga namang di inasahan nino man. Na para bang hanggang doon na lamang talaga ang buhay nito at agad nang binawi ng Maykapal.

"Diyos ko! Isa na naman po bang pagsubok ito?"

Hinang-hina na ang alkalde sa nararanasang sakit bunga ng sinapit ng kanyang mga minamahal. Hindi pa man tuluyang naghihilom ang kanyang puso ay muli na naman itong dinudurog ng isa pang trahedya.

Mabuti at naroon si Sabel at ang bodyguard nito na sumapo at umalalay kay Marco na halos mapaluhod sa panlulumo habang tumatangis.

************************

Sa anim na buwang nakalipas ay halos araw-araw na sa bahay nila Bert dumederetso si Marco pagkagaling sa munisipyo. Hindi pwedeng hindi niya masilayan ang kanyang apo. Tuwing Sabado at Linggo naman ay nahihiram niya ang bata upang makasama sa mansyon.

Lalong gumaganda ang bata habang lumalaki. Mas hawig man ito sa ina base sa mga baby pictures ni Trisha, ngunit kuhang-kuha nito ang mga mata ni Daniel. Giliw na giliw si Marco sa tuwing nilalaro ang apo dahil para din niyang muling nasisilayan ang mga mata ng kanyang anak.

"Ito ang mommy at daddy mo Danielle oh..." wika nito sa kargang apo.

Nakaupo ang alkalde sa tumba-tumba habang nagpapahangin sila ng paslit sa may hardin. Ipinakikita nito sa musmos ang isang naka-frame na larawan. Larawan ng ama't ina nito na kuha sa may burol.

Nakangising hinampas-hampas ni Danielle ng mumunti nitong mga kamay ang larawan. Ang tanging imahe ng mga magulang na mamamasdan ng walang-muwang na paslit sa kanyang paglaki.

"Lagi silang nakamasid sayo apo... Nandoon sila oh... Lagi ka nilang binabantayan..." saad ni Marco sabay turo ng kanyang kamay sa langit na sinundan naman ng pagtingala ng bata.

Tuwang-tuwa naman si Sabel habang pinagmamasdan ang maglolo. Nanumbalik sa kanyang alaala kung paano din inalagaan noon ng alkalde ang anak nitong si Daniel noong baby pa ito.

"Bakit ganon noh Sabel... Buti pa mga bata masaya lang palagi... Pero habang patanda tayo ng patanda, parang palungkot ng palungkot ang buhay..." wika ng alkalde habang minamasdan ang kargang apo na nginangatngat ang teether nito.

"Pero alam mo... kahit ganon... May darating na magbibigay ng kahulugan sa buhay natin... Para muli tayong maging masaya... Makabawi sa lahat ng pagkukulang..."

Naluluhang hinalikan ni Marco si Danielle sa noo. Maging si Sabel ay nagpapahid ng luha sa kanyang nasasaksaihan at naririnig mula sa alkalde.

"Sayo ako babawi apo ko... Salamat at dumating ka."

************************

Maaliwalas ang hapong iyon. Nakatanaw ang mag-ina sa kalangitan na unti-unting nagbabago ang kulay habang lumalapit ang pagbaba ng araw.

"Dandan... kung maibabalik ba ang nakaraan anak... meron ka bang gustong baguhin?" tanong ni Laura habang nakaupo sila ng anak sa ugat ng malaking puno sa tuktok ng burol.

Natigilan ang binata sa tanong ng ina habang nakatanaw sa malayo. Tila nag-iisip ng malalim saka bahagyang napangiti bago sumagot.

"Alam mo Ma... hindi na siguro mahalaga kung ano yung nakaraan... kung may dapat bang baguhin..."

Napalingon si Laura sa anak habang inaantay ang karugtong ng sasabihin nito.

"Kasi kung nakatakda siya talaga para sayo... pagtatagpuin pa rin kayo ng tadhana... kahit saan at kalian... kahit sa kabilang mundo pa... di ba Ma?"

Napangiti ang kanyang ina sa sinabi ni Daniel. Batid nito kung paano ilang beses na pinagtagpo at pinaghiwalay ng tadhana ang kanyang anak at ang babaeng minamahal nito.

"Tama ka anak... Minsan hindi sa mundong ito nakakamit ang tunay na kaligayahan... May mga bagay na kailangang magtapos... para sa isang bagong panimula..."

Nakangiting napapikit ang binata habang ninanamnam ang malamig na simoy ng hangin. Ang banayad na dampi ng sinag ng papalubog na araw na nagbibigay sa kanya ng lubos na kapayapaan.

"Anak... Nandito na siya..." bulong ni Laura sa binata.

Biglang napatayo si Daniel sa kinauupuan nito at pumihit upang salubungin ang tinutukoy ng ina na paparating. Nang sa wakas ay matanaw ito ay muli niyang binalingan ang kanyang ina.

Napakatamis ng ngiti nito sa kanya. Labis ang kaligayahan na sa kabila ng lahat ng pinagdaanan ng kanyang pinakamamahal na anak ay nakita na niyang muli ang kasiyahan sa mga mata nito.

Salamat sa paggabay mo Ma..." nakangiti ring sambit ng anak.

Unti-unting nagliwanag ang imahe ni Laura at nagpalit ng wangis. Ang puting damit nito'y naging makulay na mga balahibo at tuluyan nang muling lumipad ang ibong iyon sa himpapawid.

"DAANIIIEEL!!!" hiyaw ni Trisha nang makitang nakatayo ang kanyang minamahal sa tabi ng malaking puno.

Patakbo nilang tinungo ang isa't isa at mahigpit na nagyakap. Yakap na puno ng pagkasabik. Yakap na alam nilang hindi na sila paghihiwalayin pa ng tadhana.

"Trisha... mahal na mahal kita..." wika ni Daniel na kumikislap ang luhang nalaglag sa kanyang mata habang nakatuon ang kanilang mga noo sa isa't isa.

Isang masuyong halik ang iginawad ni Trisha sa mga labi ng minamahal. Halik na pumawi sa lahat ng lumbay at pangungulila.

"Mahal na mahal din kita Daniel..." tugon ni Trisha na namamalisbis ang luha sa mga pisngi sa labis-labis na kaligayahan.

Napaangat sa lupa ang kanyang mga paa nang yakapin siyang muli ng mahigpit ni Daniel. Masayang nagpaikot-ikot ang mga ito nang hindi bumibitaw sa isa't isa.

Magkayakap nilang pinagmasdan ang kulay kahel na kalangitan. Ang paglubog ng araw na naghuhudyat ng pagtatapos ng isang yugto at ng isang bagong panimula.

Sa wakas ay muli nang magkapiling sila Daniel at Trisha. Larawan ng mga pusong ligaw na muling pinagtagpo at hindi na muli pang mapaghihiwalay...

Sabi nila balang araw darating
Ang iyong tanging hinihiling
At noong dumating ang aking panalangin
Ay hindi na maikubli


Ang pag-asang nahanap ko sa'yong mga mata
At ang takot kung sakali mang ika'y mawawala


At ngayon... nandiyan ka na...
'Di mapaliwanag ang nadarama
Handa ako... sa walang hanggan...
'Di paaasahin, 'di ka sasaktan


Mula noon... hanggang ngayon...
Ikaw at ako...


At sa wakas ay nahanap ko na rin
Ang aking tanging hinihiling
Pangako sa'yo na ika'y uunahin
At hindi na itatanggi


Ang tadhanang nahanap ko sa'yong pagmamahal
Ang dudulot sa pag-ibig natin na magtatagal


At ngayon... nandiyan ka na...
'Di mapaliwanag ang nadarama
Handa ako... sa walang hanggan...
'Di paaasahin, 'di ka sasaktan


Mula noon... hanggang ngayon...
Ikaw at ako...


At ngayon... nandito na...
Palaging hahawakan iyong mga kamay
'Di ka na... mag-iisa...
Sa hirap at ginhawa iibigin ka


Mula noon... hanggang ngayon...
Mula ngayon... hanggang dulo...
Ikaw at ako...


~ WAKAS ~.

.

.

.

For Trish...