1. Home
  2. Stories
  3. Lust'' Call Pt. 1
Lagablab

Lust'' Call Pt. 1

By amirjamal ·

Napadpad ako sa isang maliit na beerhouse sa may Pasay Rotonda. Oo, ako'y umiinom ng serbesa at alak sa mga beerhouse pero hindi ko pa naranasang magpunta sa isang mumurahing lugar kagaya ng pinasok ko at ngayon ay tinutungga ang laman ng ika anim na bote ng beer ko. Inuman na lugar lang ito, wala dito yung mga dancer, meron sila mga waitress na pwede ding makiupo sa tabi mo na parang GRO kung nais mo. Bakit ba ako nandito ngayon.

Nakipagtagpo ng araw na yun ang aking nobya na kararating lang mula sa kanyang dalawang linggong seminar sa Singapore. Nag half-day ako sa aking trabaho dahil akala ko ay mag date kami dahil dalawang linggo na hindi kami nagkita. Gusto nya lang pala na harapang sabihin sa akin na nakikipagkalas na siya sa aming relasyon dahil may natagpuan na siyang iba na minamahal.

Bumuhos ang malakas na ulan ng tumalikod at lumakad palayo sa akin ang aking nobya, dating nobya na pala. Naiwan ako sa aking kinatatayuan at hindi ko alam kung ilang oras ang lumipas bago ko naihakbang ang aking mga paa.

Madilim na noong oras na yun, umaambon lang pero nakita ko ang kalangitan na nagbabadya pa din na magbuhos muli ng malakas na ulan. Ang alam ko ay nasa SM Makati kami nagtagpo ng aking dating nobya. Alam ko naglakad lakad ako, pero natagpuan ko ang aking sarili na nasa tapat ng istasyon ng MRT sa Pasay Rotonda. Sa Cavite ako umuuwi at sa may Pasay Rotonda ang rota ko araw araw kapag oras na ng uwian ko mula sa opisina.

Naalala ko na naman ang pakikipagkalas sa aking ng aking dating nobya. Ang aking minahal at sinamba sa higit na tatlong taon. Sa isang iglap, wala pa yatang dalawang minuto yun ay naputol na ang aming relasyon. Hindi man lang ako nakapagsalita, hindi man lang ako tumutol sa mga sinabi niya dahil bigla akong natulala at nawala sa aking sarili.

Matagal na siguro akong nagmumuni muni sa kinatatayuan ko. Hindi ko nga napansin na palakas na naman ang buhos ng ulan. Basa na ang aking buhok at damit. Nakarinig lang ako ng tawag ng isang babae mula sa likuran ko.

"Mama baka magkasakit kayo niyan, pasok muna kayo dito. Masarap ang pagkain at pulutan namin ... inom muna kayo ng beer habang nagpapatila ng ulan."

Napakaganda ng babae, maputi ang kutis, sexy at may balingkinitan na pangangatawan. Bagay ang kulay puti at pula na stripes na damit na suot niya. Para siyang sumisinag sa kinatatayuan niya na madilim na pasukan sa maliit na beerhouse na yun dahil sa napakatamis niyang ngiti. Ang ngiti na yun ang siyang nag udyok sa akin na tanggapin ang alok ng babae.

"Ay salamat sir, buwena mano kayo ngayong gabi, sige pasok lang po kayo."

Pagkapasok ko ay agad akong umupo sa unang mesa pinakamalapit sa pintuang pinasukan ko. Ang aking pagkakaupo ay nakatalikod sa pasukan ng beerhouse. Dalawang bote ng beer agad at isang platitong mani ang inilapag ng waitress na may kaparehong suot na katulad sa babaeng nag alok sa akin kanina para pumasok.

"Bakit dalawang bote agad." natanong ko sa waitress na sexy din at maputi pero hindi kagandahan. Nakasuot din ng pula at puting stripes na damit kagaya ng babaeng nag imbita sa akin.

"Yan po ang patakaran ng may ari" medyo may kasungitang sagot ng waitress.

"Order ba kayo ng pulutan sir" matigas na tanong sa akin.

Dahil nakaramdam na nga ako ng gutom ... "May fried chicken ba kayo?"

"Meron po, pero hintay kayo mga 20 minutes" medyo nabawasan ang tinig ng pagkasungit ng waitress.

"Okay lang at dalhan mo din ako ng isang order ng kanin."

Umalis na ang waitress pagkakuha ng order ko. Inumpisahan ko ng uminom ng beer. Lumilingon ako sa may labas ng pasukan at hinahanap ang babaeng nag aya sa akin na pumasok sa beerhouse na yun pero hindi ko nakita.

Naubos ko agad ang dalawang bote ng beer. Bantay sarado pala ako ng waitress ko kaya lapit agad sa akin ng makitang naubos ko ang ikalawang bote ko.

"Beer ka pa?" ang walang kabuhay buhay na alok ng waitress.

"Matagal pa ba yung fried chicken ... ano nga pala pangalan mo?"

"Jennifer sir at mga lima hanggang sampung minuto pa siguro, tamang tama ang isang bote ng beer."

" O sige, dalawang bote na ng beer at dalhin mo kaagad ang fried chicken, gutom na ako."

"Opo kuya, ora mismo."

Nakita ko na may ibang customer na din ang pumasok sa beerhouse. Binuksan na ang TV dahil sa hiling ng mga customer sa isang lamesa, meron laro ang Ginebra at Alaska. Naglabasan na din ang ibang mga waitress pero hindi ko nakita yung magandang babaeng nag imbita sa akin kanina.

Naunang dumating ang dalawang bote ng beer at may kasama ulit na platito ng mani. Habang paubos ko na ang isang bote ng beer ko ay dumating na din yung isang buong fried chicken at isang plato ng kanin. Medyo naglaway ako sa amoy ng pritong manok. Dala na talaga din ng gutom. Kumain agad ako at hita ng manok ang pinili ko na unang kainin.

Maganda ang laban ng Ginebra at Alaska, nagsisigawan din ang mga manginginom na kustomer sa loob ng beerhouse. Nagpapalakpakan kapag nakaka shoot ang paborito nilang koponan. Halos nasa ikahuling subo na ako sa ikalawang hita ng kinakain ko ng mabitawan ko ito. Na pokus ang camera ng TV sa mga announcer.

Sa likod ng mga announcer ay nakita ko ang pamilyar na mukha. Si Chona ang aking dating nobya na nakipagkalas ngayong araw lang. Nakangiti sa katabi niya na lalaki na pamilyar din ang mukha, si Mike na kaopisina ko at mahigpit na nakatunggali sa isang promosyon na ako ang nagwagi kailan lang.

Ng sinabihan ako ni Chona na tapos na ang relasyon namin ay namanhid lang ako at natulala. Pero ngayon ay nararamdaman ko ang unti unting pagkahiwa ng aking puso ng makita ko na kung sino ang ipinalit niya sa akin. Ramdam ko na ang pinaghalong hapdi at kirot sa aking puso. Gusto kong maiyak dahil higit tatlong taon ang ipinuhanan ko na pagmamahal kay Chona. Siya ang babaeng gusto kong pakasalan at makasama sa habang buhay. Pero ngayon ay wala na, may iba na siyang minamahal.

Ayaw ko ng makita silang muli at sigurado kapag half time ay magpokus ulit ang camera sa mga announcer. Kaya lumipat ako sa kabilang bahagi ng aking lamesa. Ngayon nakaharap na ako sa pasukan ng beerhouse at kita ko na ang mga kaganapan sa labas pati na ang EDSA.

Napabilis ang aking pag inom ng beer. Nasa ika anim na bote na ako. Ibinigay ko na din kay Jennifer ang natirang bahagi pa ng pritong manok ko. Tuwang tuwa si gaga. Umorder pa ako ng dalawang bote ng beer bago umalis si Jennifer. Nawalan na ako ng ganang kumain at gusto ko na lang magpakalasing ng oras na yun.

Parang tubig ko lang na ininom ang ika pitong bote ng beer ko. Hinahanda ko ng inumin ang ika walong bote ng mapansin ko mula sa labas na nakatingin sa akin ang magandang babae na nag imbita sa aking pasukin ang beerhouse na yun. Kinawayan ko siya. Nakita ko muli ang matamis na ngiti niya, parang sumisinag talaga ang katauhan niya sa ngiti niyang yun

Kinawayan ko siya na lumapit. Mabilis naman na lumapit at umupo sa tapat na bahagi ng lamesa ko.

"Ikaw naman, kanina pa kita hinahanap, hindi ka ba waitress dito. Ikaw sana ang gusto kong magsilbi sa akin."

"Waitress ako pero nagpakita lang ako dahil bawal mag absent at kailangan ko magpaalam ng maaga dahil may okasyon sa bahay namin."

"Ang ganda mo, parang hindi ka bagay dito ... Miss ???"

"Andrea ang pangalan ko. Ikaw si ...?"

"Leo ... Leo Placido. Ikinagagalak kitang makilala Andrea. Kung hindi mo mamasamain, taga saan ka at ano ang okasyon sa bahay niyo."

Bago makasagot si Andrea ay nakarinig ako ng boses ng lalaki na sinabing "Last Call" ng order bago matapos ang happy hour. Maya maya ay lumapit si Jennifer sa lamesa namin.

"Kuya, sampung minuto na lang bago mag 8:30, yung presyo ng beer tataas na pag lampas ng 8:30. Pwede kang umorder maski ilang bote at presyong pang happy hour pa din ang beer mo maski hindi na happy hour."

"Isipin ko muna Jennifer, maski pa tumaas yung presyo mamaya ay kaya ko naman. Ayaw ko lang umorder ng marami pagkatapos ay hindi ko mauubos."

"Sige Kuya lapit ako sa iyo bago mag last two minutes ng happy hour."

"Leo, order ka na. Last Call na talaga yan, makakatipid ka." sabi ni Andrea sa akin.

"Okay lang Andrea, wala problema sa presyo sa akin."

"Ahihi, mayaman ka siguro."

"Hindi naman, binata pa ako kaya wala pang masyadong obligasyon. Mabalik pala ako sa tanong ko Andrea, kung taga saan ka at anong okasyon sa bahay niyo."

"Sa may Alfonso Cavite ako nakatira Leo. Nandoon ang pamilya ko at birthday ng tatay ko ngayon. Nakapaalam na ako at pwede na daw akong umuwi. O order ka na ng beer mo Leo at baka tumaas na ang presyo."

"Ah Andrea, wala akong pakialam sa Last Call na iyan, ibang Call ang nasa isip ko ngayon kung hindi mo mamasamain ulit."

"Ano yun Leo."

"Taga Cavite din kasi ako baka pwedeng ihatid kita sa inyo dahil gabi na. Huwag kang mag alala at hindi ako magpapaimbita sa okasyon ninyo."

"Hmm, baka naman hindi ka taga Cavite ha."

"Aaminin ko taga Silang lang ako, pero kabisado ko ang Cavite at kahit mas malayo ang Alfonso ay ihahatid pa din kita Andrea. At inuulit ko na hindi ako magpapaimbita sa party ng tatay mo."

Nakita kong ngumiti muli si Andrea pagkatapos ko sabihin ang aking alok. Parang napakagaan na ng kalooban ko ng mga oras na iyun. Parang nawala ang hapdi at kirot na nararamdaman ng aking puso dahil muli ay ramdam ko ang masayang pagtibok nito. Ganun ba kabilis tanong ko sa aking sarili, dahil parang nakaramdam agad ako ng pag-ibig para kay Andrea.

Hindi dahil sa ganda at pisikal nyang kaanyuan. Merong kakaiba sa pagkatao niya na makakaramdam ka ng kasiyahan at kapayapaan sa iyong kalooban. Idagdag pa ang kanyang ngiti na parang idinuduyan at lumulutang ang iyong pakiramdam.

"O sige Leo, payag akong ihatid mo ako pero ngayon pa lang sinasabi ko sa iyo na iimbitahan kita sa handaan ng tatay ko. Dahil titigil ka na sa pag inom mo ay doon mo na lang ituloy ang pag inom at ng makisalo ka din sa kasiyahan ng pamilya at mga kaibigan namin."

"Naku salamat Andrea, napasaya mo ang akala ko ay malungkot na araw para sa akin. Sige hintayin mo lang ako at magbabayad na ako."

Tumayo ako at nagmamadaling pumunta sa kahero. Nasalubong ko si Jennifer ng malapit na ako sa kahero.

"San ka punta kuya."

"Magbabayad na sana ako dahil aalis na kami ng kasama ko, sabay lingon at turo sa aking lamesa."

Napakunot noo si Jennifer, maski ako ay kinabahan dahil wala si Andrea sa lamesa ko. Mabilis na inabot ko ang isang libong piso kay Jennifer at sinabing kanya na ang sobra.

Dali dali akong lumabas ng beerhouse at nakahinga ng maluwag ng makita ko si Andrea. Nakatayo siya ilang metro lang ang layo sa beerhouse na pinanggalingan ko. Nakapayong dahil may kaunting ambon. Nakita na din niya ako at ngumiti. Dali akong lumakad sa kinatatayuan niya.

"Akala ko iniwan mo na ako Andrea."

"Hi hi hi, lumabas na ako baka makita pa tayong magkasabay. Isipin nila kaya ako uuwi ng maaga dahil makipag date lang pala ako sa iyo."

Eksakto may dumaan na bus na may karatulang Alfonso. Agad pinara ni Andrea at kami ay sumakay na sa bus.

Itutuloy....