1. Home
  2. Stories
  3. Phone Call Chapter 28 - The Flower That Never Bloom
Lagablab

Phone Call Chapter 28 - The Flower That Never Bloom

By supertoyantz ·

Chapter 28 - The Flower That Never Bloom

4 Years Ago.

Abala sa pagpinta ang trese anyos na si Jamaica.

Puno ng iba't ibang kulay ng pintura ang kanyang mga daliri.

Maging ang kanyang damit ay namantsahan na rin ngunit di nya ito alintana.

Masaya sya sa kanyang ginagawa.

Ito ang kanyang libangan pagkagaling sa eskwelahan.

Kung hindi sila lumalabas ng mga kaibigan, madalas ay nagkukulong lamang sya sa silid at nagpipinta ng kung anu ano.

..

Araw ng linggo.

Pabalagbag na bumukas ang pinto ng silid ni Jamaica.

Nagulat ang dalagita at muntik na nyang mabitawan ang hawak na brush.

Marahas syang napalingon pero bigla rin syang napasimangot ng bumungad sa pinto ang matalik na kaibigan.

"Ica ! " sigaw ni Angel.

Napailing si Jamaica at muling pinagpatuloy ang ginagawa.

Patakbong lumapit si Angel sabay talon sa kama ng kaibigan.

"Tara Ics, gala tayo. " aya nya.

Umiling si Jamaica.

"Kakaalis lang natin kahapon ah. " sambit nya.

"Oh eh ano ? Kailangan kapag umalis ng saturday, di na aalis ng sunday ? " tanong ni Angel.

Pinagpatuloy ni Jamaica ang pagpinta.

"Bakit di ka na lang mag stay sa inyo ? Mamalantsa ka ng mga uniform mo. " sabi nya.

Natawa si Angel.

Nagpaikot ikot sya sa kama.

"Tapos na. " matipid nyang sagot.

Napatingin si Jamaica sa kaibigan.

"Ows ? " di makapaniwalang tanong nya.

"Tatanong tanong ka tapos ayaw mong maniwala. Walastik ka rin eh no. " biro ni Angel.

Pero di natawa si Jamaica.

"Hmm, siguro si Manang na naman ang gumawa. Sabi mo magsisipag ka na ? Anyare sa promise mo ? " paalala nya.

Umikot ang eyeballs ni Angel.

"Para ka talagang si Mommy. Nag text nga pala si Irish, mall daw tayo. " aya nya.

Muling pinagpatuloy ni Jamaica ang ginagawa.

"Walang tao dito, aalis sina Mommy mamayang lunch. " wika nya.

Natigilan si Angel.

"Na naman ? Di ba kakarating lang nila ? " tanong nya.

Nagkibit balikat lang ang dalagita.

"Eh sa ganun eh. They have to work daw. " sagot nya.

"Work ? Eh Sunday ngayon ah. " paalala ni Angel.

Di nagsalita si Jamaica.

Nanatili lang syang nakatitig sa pinipinta.

Tumayo si Angel at nilapitan ang kaibigan.

"Jams. " bulong nya.

"Yo. " sagot ni Jamaica.

Niyakap ni Angel ang kaibigan mula sa likod.

Natatawang kumalas si Jamaica.

"Oy, marumihan ka. Baka malagyan ka ng paint. " saway nya.

Pero di nagpatinag si Angel.

Bagkus ay lalo nya pang hinigpitan ang yakap.

"Para naman silang walang anak nyan eh. " bulong nya.

Napangiti ng malungkot si Jamaica.

"They have to work. For my future. " sabi nya.

Di maiwasang mapangiwi ng bahagya ng dalagita.

Ito ang mga eksaktong salita sa kanya ng mga magulang mula pa pagkabata.

Pilit ipinauunawa sa kanya na kailangan ng mga itong maghanapbuhay para sa kanyang kinabukasan.

Di nya maintindihan ang sarili, pero sa twing naririnig nya ang mga ito, pakiramdam nya ay napakalungkot ng kanyang nakaraan.

Salamat na nga lang sa mga kaibigan at kahit papaano ay nakakalabas labas sya.

Kung hindi ay malamang na bahay / eskwela lang ang kanyang pinatutunguhan.

..

Pinatong ni Angel ang baba sa balikat ng kaibigan at pinakatitigan ang ginagawa nito.

Di nya maiwasang humanga sa galing ng dalagita.

"Alam mo Jams, minsan napapaisip ako eh. Saan ka kaya nagmana ng talent mo ? I mean, mula pa ng magkaisip ako, di ko pa narinig sa mga parents mo na mahilig sila sa pagpe-paint. Or sa kahit anong aspeto ng art. Di ba sabi ng teacher natin, yang mga ganyang talent daw ay namamana. Sa tingin mo, kanino ka nagmana ? " tanong nya.

Natawa si Jamaica at pinagpag ang baba ng kaibigan.

Binaba nya ang brush sabay dampot ng basahan na nakapatong sa mesa.

Naupo sya sa kama at tinitigan ang dalagita.

"Minsan naisip ko na rin yan. Tinanong ko na rin si Mom about sa pagpipinta ko, pero alam mo ba kung anong sinabi nya sakin ? " tanong nya.

Nacurious naman si Angel.

Tumalon sya sa kama at niyakap ang isang unan.

"Sinabi mo na sa Mommy mo yang tungkol sa hobby mo ? " tanong nya rin.

Tumango tango si Jamaica.

"Yeah. Pero sinigawan nya ko. Di ko to nasabi sayo sis kasi baka pagtawanan mo ko or baka magalit ka kay Mom. Pero sinigawan nya infront of her amigas. " malungkot na kwento nya.

Nakaramdam ng pinaghalong awa at galit si Angel.

Awa para sa kaibigan at galit para sa ina nito.

"Alam mo Jams, di ko rin maintindihan yang Mommy mo eh. Dapat nga suportahan ka pa nya sa ginagawa mo. I mean, look at your paintings. Grabe, di ako eksperto sa art pero masasabi kong may meaning yang mga ginagawa mo. Buti ka nga may Talent. Eh ako ? Pagkain at pagtulog lang ata ang alam ko. " biro nya.

Pilit nyang pinasasaya ang kaibigan dahil batid nyang nalulungkot na naman ito dahil sa paraan ng pagtrato ng mga magulang.

Parang walang anak kung umasta ang parents ni Jamaica.

Laging mga katulong ang kasama nito.

Hindi nagkakalayo ang sitwasyon nila ng kaibigan pero ang kaibahan nga lang ng mga magulang nya sa magulang ni Jam, lagi silang may family day.

Lagi silang nagsisimba tuwing linggo at sinisiguro ng kanyang ama na sabay sabay silang kakain ng hapunan.

Samantalang ang kaibigan, ni hindi na raw nito matandaan na nagkasabay sabay ang mga itong kumain.

Huli nyang nakitang buo ang pamilya nina Jamaica ay nung grumaduate sila ng elementary kung saan kailangan ang presensya ng mga ito para isabit ang medalya ng anak.

..

Napahinga ng malalim si Jamaica.

Hinagis nya ang basahan kung saan at humiga sa kama.

Gumaya sa kanya si Angel.

Magkatabi nilang tinitigan ang kisame.

Matagal na katahimikan ang namayani.

Hanggang sa magsalita si Angel.

"Alam mo Jams, sa tingin ko may gusto si Aaron kay Irish. " sambit nya.

Napangiti si Jamaica.

"Oh eh ano naman ? Bagay naman sila, gwapo si Aaron tapos maganda si Irish. " sabi nya.

"Pero parang ang weird ni Aaron eh. Minsan naiisip ko na baka bading yung mokong na yon. " biro ni Angel.

Natawa si Jamaica.

"Bading agad ? Porke hindi pinapansin si Irish ? Baka naman nirerespeto nya lang yung pagkakaiban natin. Malay mo, may gusto rin si Aaron kay Irish pero iniisip nyang magagalit tayo sa kanila. May ganun eh. " sabi nya.

"Eh bakit naman tayo magagalit ? Masaya nga tayo di ba ? Kasi kaibigan natin sila. " wika ni Angel.

"Ewan, kadalasan sa mga ganyan, natatakot silang mawala yung friendship. Kung mahal talaga nila ang isa't isa, makakapaghintay sila. Ganun yun eh, kapag sila ang nakatakda, sila talaga. " sabi ni Jamaica.

Tumaas ang isang kilay ni Angel.

"Kung makapagsalita ka, parang may experience ka na sa love. Eh zero din kaya ang lovelife mo. " pang aasar nya.

"Look who's talking. Kala mo sya nagkaboyfriend na. " ganti ni Jamaica.

Natawa si Angel.

"Ayaw ko pa. Istorbo lang yang mga yan. " sabi nya.

Napatingin si Jamaica sa kaibigan.

"Really bes, sa dinami dami ng manliligaw mo, wala ka man lang bang natitipuhan ? Si Jason, gwapo na mayaman pa. Si Willy, magaling mag gitara. Di ko na nga mabilang kung ilang kanta ang pinasa non saken tapos ipabigay ko daw sayo. Haha. " sabi nya.

Tila nandidiring napasimangot si Angel.

"Eeewww. Si Jason, babaero. Si Willy, bolero. Ano ba yang mga nirereto mo. " bulalas nya.

Natawa si Jamaica.

Pero muli syang nagseryoso.

"Napapansin ko sayo sis, parang ilag ka sa mga boys ? " tanong nya.

Kumunot ang noo ni Angel.

"Ilag ? Ano bang sinasabi mo ? " tanong din nya.

"Wala lang. I mean, kung ako ang mapalibutan ng ganyang karaming manliligaw, di ko alam ang gagawin ko. " sagot ni Jamaica.

"Ewan ko sayo. Parang wala ka namang manliligaw eh. " nakangiting paalala ni Angel.

Si Jamaica naman ang napakunot noo.

"Huh ? Anong pinagsasabi mo ? " tanong nya.

Kiniliti ni Angel ang balakang ng dalagita.

"Uuyyy, nag bablush sya. " sabi nya.

Napasimangot si Jamaica.

"Magtigil ka nga. " saway nya.

"Eh bakit naiinis ka ? Tama nga yung hinala ko, may something sa inyo ni Earl ! " bulalas ni Angel.

Nanlaki ang mga mata ni Jamaica.

Mabilis syang napabangon sabay takip sa bibig ng kaibigan.

"Shut up ! Walang something samin ! " mariing sabi nya.

Pero pumiglas si Angel.

"Weee ? Eh bakit namumula yang pisngi mo " tanong nya.

"Rosy cheeks lang talaga ako. " biro ni Jamaica.

"Oh come on, yung totoo sis ? Parang di mo naman ako bestfriend eh. " nagtatampong sambit ni Angel.

Napangiti si Jamaica.

"Sis, friend lang talaga tingin ko kay Earl. " pag amin nya.

Napalabi si Angel.

"Eh sino ba kasing gusto mo ? " pangungulit nya.

Natawa si Jamaica at muling nahiga sa kama.

Tumabi naman sa kanya si Angel.

Nagyakap sila at muling napatitig sa kisame.

Muli, namayani ang katahimikan sa kanila.

Hanggang sa di na nakatiis si Angel.

"Sino ba kasi ? " tanong nya.

Natawa si Jamaica.

"Bakit ba ang kulit mo ? Di mo na lang atupagin yang sarili mong lovelife. " sagot nya.

"Eh wala nga ako eh. " nakasimangot na sabi ni Angel.

"Eh wala rin ako eh. " panggagaya ni Jamaica.

Pinakatitigan ni Angel ang kaibigan.

"Wala talaga ? " tanong nya.

Napangiti si Jamaica sabay iling.

"Wala talaga. " pagkumpirma nya.

Tinantya muna ni Angel kung nagsasabi ng totoo ang kaibigan bago unti unting napangiti.

Muli nyang niyakap ang dalagita.

"Okay. " masayang sabi nya.

Natahimik si Jamaica.

Pagkuwa'y hinaplos nya ang buhok ng kaibigan.

"Sis, bakit parang affected ka kung sakaling may lovelife na ko ? " tanong nya.

Matagal bago nakapagsalita si Angel.

"Syempre, bestfriends tayo. Sa lahat, ikaw ang pinakamalapit sakin. Kapatid na nga ang turing ko sayo. " bulong nya.

Napangiti si Jamaica.

"Same here sis. " wika nya.

"Kaya gusto kong malaman kung may nagugustuhan ka na ba, o kung may lovelife ka na. " sabi ni Angel.

"Wala pa talaga promise. If ever na mayroon, ikaw ang unang makakaalam. " wika ni Jamaica.

Napangiti ng kimi si Angel.

"Promise ? " tanong nya.

"Promise. " sagot ni Jamaica.

Ngumiti si Angel at humilig sa tabi ng kaibigan.

Gumanti ng yakap si Jamaica pero parang may napansin syang kakaiba.

"Sis. " untag nya.

"Yep ? " tanong ni Angel.

"Uhm, may something eh. Sabihin mo na. " sabi ni Jamaica.

"Anong may something ? " tanong ni Angel.

"Parang may ano eh. Uhm, ayaw mo ba akong magkaboyfriend ? " tanong ni Jamaica.

Natigilan si Angel.

Pilit syang tumawa.

"H-ha ? Ano bang sinasabi mo ? Bakit naman ako aayaw ? " tanong nya rin.

Nagkibit balikat si Jamaica.

"Wala lang, feel ko lang. " sagot nya.

"Sira ka talaga, tigilan mo na nga yang pagmumukmok mo. Labas na tayo. Text na natin si Irish. " wika ni Angel.

Napaisip si Jamaica pagkuwa'y pero bigla syang napatili ng itaas ng kaibigan ang isa nyang braso at sugurin ng kiliti ang kanyang kili kili.

"Ano ba Angel ! " tili nya.

Napangisi na parang demonyita si Angel.

"Ayaw mo kasing kumilos eh. Di ka tatayo. Uhm. " patuloy nyang kiniliti ang kaibigan.

Hanggang sa sumuko na si Jamaica.

"Oo na, oo na. Maliligo lang ako. Maligo ka na rin. " taboy nya.

Inamoy ni Angel ang sarili.

"Kakaligo ko lang kaninang paggising ko. Okay pa naman itong amoy ko. " biro nya.

"Eeewww, kadiri ka talagang babae ka. Kababae mong tao ang dugyot mo. " pang aasar ni Jamaica.

Natawa si Angel sabay palo sa pwet ng kaibigan.

"Sige na, bilisan mong maligo ha. Baka makatulog ka na naman sa banyo eh. " ganting biro nya.

Natawa rin si Jamaica at hinatid ang kaibigan hanggang sa pinto.

"Love you sis. " pahabol nya.

Napangiti si Angel at pinagmasdan ang kaibigan.

"Love you more sis. Bilisan mo ha. " wika nya.

Tumango si Jamaica at pumasok na sa loob.

Nakangiting naglakad si Angel pauwi.

Dumiretso sya sa kwarto at kinalkal ang drawer.

Namili sya ng damit na isusuot hanggang sa matigilan ng makita ang pamilyar na damit.

Nakangiting nilabas ni Angel ang T-Shirt. Binili nila ito ni Jamaica at mayroon din ang kaibigan na kaparehong design, iba nga lang ng kulay.

Naalala nya ang sinabi ng kaibigan kanina.

Kung ayaw ba daw nyang magkaboyfriend ito.

Kinapa ni Angel ang sarili.

Di nya maintindihan pero parang ayaw nya sa ideyang may ibang tao na syang makakahati kay Jamaica.

Sa lahat, ito ang pinaka close nya talaga.

Ito ang nakakaalam ng mga sikreto nya at kapilyahan.

Dito rin nya nasasabi ang mga problemang hindi nya masabi sa iba.

Napatingin si Angel sa salamin.

"Nagiging makasarili na ata ako. " malungkot na sabi nya.

Di nya maamin sa kaibigan ang totoong nararamdaman.

Natatakot sya.

Natatakot syang kapag may boyfriend na ito, mahahati na oras ng kaibigan sa kanya.

Wala na syang magiging kasangga.

Ilalaan na nito ang free time sa nobyo.

At yun ang hindi nya masabi kay Jamaica.

Natatakot syang mawala ang kaibigan, oras na magkaroon ito ng lovelife.

..

Lumipas ang mga buwan.

Kaarawan ni Jamaica.

Kumpleto ang barkada.

Nagkaroon ng party sa bakuran nila ay invited ang mga malalapit na kaibigan at pamilya.

Pati ang mga kasosyo sa negosyo ng mga magulang ay inanyayahan at nagpaunlak naman.

Masayang masaya si Jamaica.

Halos nandito na ang lahat ng inaasahan nyang bisita.

Pero may hinahanap pa rin ang kanyang mga mata.

"Nasan ka na ba. " bulong nya.

Nagulat sya ng biglang may magsalita sa kanyang likuran.

"Sino ba kasing hinahanap mo ? " tanong ng boses.

Napaigtad ang dalagita at mabilis na lumingon.

Sinalubong sya ng isang pares ng magagandang mga mata.

Automatikong bumilis ang pagtibok ng puso ng dalagita.

"T-tonying. " gulat na bulong nya.

Ngumiti ang binatilyo.

"Kamusta ka na ? " tanong nya.

Napalunok si Jamaica at pasimpleng binistahan ang bihis ng kaharap.

Di nya maiwasang humanga sa ayos nito.

"A-ayos lang naman. B-buti nakapunta ka. " mahinang sabi nya.

Ngumiti si Tonying.

Lumabas ang nag iisa nitong dimple sa kanang pisngi na lalong nagpagwapo sa kanya.

"Pwede ba namang hindi ? Importanteng okasyon araw ito para sa akin dahil importanteng tao ang may kaarawan. " bulong din nya.

Napakagat labi si Jamaica at pinigil ang sariling kiligin.

Pasimple nyang ginala ang paningin sa paligid.

Hinanap ng mga mata ang magulang.

Nakita nya ito sa dating kinauupan, kasama ng mga kaibigan sa negosyo.

Di na nag isip ang dalagita, hinawakan nya sa kamay ang binatilyo at hinatak sa pinakatagong parte ng kanilang bahay.

"Bakit ka nandito ? " tanong nya.

Ngumiti si Tonying at nilabas ang isang maliit na kahon mula sa kanang bulsa ng pantalon.

Inabot nya ito sa dalagita.

"Oh, regalo ko. " abot nya.

Natigilan si Jamaica.

Nakatitig lamang sya sa maliit na kahon.

Napakamot sa batok si Tonying.

"Y-yan lang ang nakayanan ng pera ko. A-ayaw mo ba ? " tanong nya.

Mabilis na umiling si Jamaica.

Pahablot nyang kinuha ang kahon mula sa binatilyo.

"G-gusto ko. Pero di mo na naman kailangang magregalo. " sagot nya.

Ngumiti si Tonying.

"Eh gusto ko lang. Saka bertdey mo, syempre dapat may regalo. Para kapag bertdey ko, may regalo din ako sayo. " biro nya.

Napangiti si Jamaica.

"Ah ganon, kaya ka pala nagregalo kasi gusto mong may makuha ka ring regalo pag birthday mo na. " sabi nya.

Ngumiti ng matamis si Tonying.

"Syempre, pero gusto ko galing lang sayo. " bulong nya.

Natahimik si Jamaica dahil mabilis na gumapang ang kilig sa kanyang katawan.

Napayuko na lamang sya bilang pag iwas.

"A-ano bang laman nito ? " tanong nya.

"Buksan mo. " mabilis na sagot ni Tonying.

Ngumiti si Jamaica at binuksan ang kahon.

Tumambad sa kanya ang cute na relo.

May design ito ng hello kitty na paborito nya.

Natouch ang dalagita.

Natatandaan pa pala ni Tonying ang paborito nya.

"A-ang ganda. " bulong nya.

Napangiti si Tonying.

"Mura lang yan, pero lahat ng pera ko na yan. " sabi nya.

Napailing si Jamaica sabay hubad ng mamahaling relo.

Pinalit nya ang regalo ng binata.

"Maganda ba ? " tanong nya.

Napangiti ng maluwang si Tonying.

"Nagmumukhang mamahalin yang regalo ko sayo sa ganda mo. " biro nya.

Nag init ang mga pisngi ni Jamaica at pasimpleng pinalo ang binatilyo.

"Ewan ko sayo. Uy thank you ha ? Di ko na to huhubarin. " nakangiting sabi nya.

Natawa si Tonying.

"Eh pano pag maliligo ka ? " tanong nya.

"Syempre pwera pag maliligo. Iingatan ko to promise. " wika ni Jamaica.

"Masaya ako at nagustuhan mo. " nakangiting sabi ni Tonying.

Mula sa likod, nilabas nya ang isang piraso ng rosas.

Muli nya itong inabot sa dalagita.

Napangiti si Jamaica.

"San mo pinitas to ? " biro nya para pagtakpan ang kilig.

Napakamot sa batok si Tonying.

"Haha, tanim nyo din yan eh. " pag amin nya.

Nanlaki ang mga mata ni Jamaica.

"Hala, favorite ni Mommy to. Lago ka. " pananakot nya.

Napangiwi si Tonying.

"S-sorry. M-mahal kasi yung mga rosas eh flower shop eh. Eh nakita ko ang ganda nung tanim nyo, kaya ayan, di ko natiis na pumitas. Sayo ko rin naman binigay eh. " biro nya.

Natawa na lang si Jamaica at napailing.

"Sira. Ayos lang no. Salamat ha ? " pasasalamat nya.

Ngumiti lang si Tonying sabay tango.

Napangiti lang din si Jamaica.

Nagkatitigan sila at kapwa natahimik.

Hanggang sa mag iwas ng tingin ang dalagita.

"K-kumain ka na ba ? " tanong nya.

"Di pa. Pero di pa naman ako nagugutom. " sabi ni Tonying.

"Tara, samahan kita. Kain ka dun. " wika ni Jamaica.

Akmang maglalakad na ang dalagita ng pigilan ng binatilyo ang kamay nito.

"Jam, b-baka makita tayo ng mga magulang mo. " sambit nya.

Natigilan si Jamaica.

Hindi sa sinabi ng binatilyo kundi sa paghawak nito sa kanyang kamay.

Napansin naman ni Tonying ang ginawa nya kaya taranta nyang binatawan ang kamay nito.

"S-sorry. " bulong nya.

Napangiti lang si Jamaica.

"Ayos lang naman sigurong makita nya tayo. Wala naman tayong ginagawang masama. " bigkas nya.

"K-kahit na. Alam mo namang ayaw akong nakikita ng mga magulang mo na lumalapit sayo. " wika ni Tonying.

Natahimik si Jamaica.

Totoo iyon.

Ayaw na ayaw ng mga magulang nya sa binata dahil sa katotohanang anak mahirap lamang ito.

Anak ito ng may ari ng karinderya na minsan nilang kinainan ni Angel.

Mabait ang binata at maasikaso.

Dagdag pang palabiro ito kaya madali silang nagkasundo.

Pero ng malaman ng mga magulang na nakikipag kaibigan sya sa binatilyo, mahigpit na pinagsabihan sya ng mga itong lumayo.

Bagay na hindi nya kayang gawin dahil pakiramdam nya ay napapamahal na sa kanya si Tonying.

..

Napukaw ang atensyon ni Jamaica ng makarinig ng pamilyar na boses.

"Jams ! Nasan ba yung babaeng yon. " boses ni Angel.

Nataranta ang dalawa.

Dali dali silang tumakbo pabalik sa party pero nabunggo ni Jamaica ang kaibigan.

"A-angel. " bulalas nya.

Nagulat si Angel.

Pero lalo syang nagulat ng makita kung sino ang nasa likod nito.

"J-jam, a-anong ginagawa nyo dyan ? " tanong nya.

Nagkandailing si Jamaica.

"W-wala kaming ginagawang masama sis. Wala talaga. " sabi nya.

Lumapit si Tonying.

"M-miss Angel, k-kamusta na po kayo ? " tanong nya.

Pinilit ni Angel ang mapangiti.

"A-ayos lang naman. Ikaw ? " tanong din nya.

"Mabuti rin ho. Lalo ho kayong gumaganda. " biro ng binatilyo.

Ngumiti lang si Angel at binalingan ang kaibigan.

"Bes, kanina ka pa hinahanap ni Tita. Nagagalit na sya. " bulong nya.

Kinabahan si Jamaica at nilingon si Tonying.

Nakakaunawang napangiti na lang ang binatilyo.

"Ayos lang ako Jams. Uuwi na rin ako, naibigay ko na rin naman sayo yang regalo ko. Happy Birthday na lang ulit. Sige Miss Angel, uwi na ho ako. " magalang na paalam nya at pakubling humalo na sa mga tao.

Malungkot na pinagmasdan ni Jamaica ang papalayong binatilyo.

Pakiramdam nya ay biglang nawala ang kanyang lakas na ipagpatuloy pa ang party.

Hinawakan ni Angel ang kamay ng kaibigan.

"Sis, okay ka lang ? " tanong nya.

Ngumiti ng malungkot si Jamaica.

"Magsisinungaling ako sayo kung sasabihin kong oo. A-ang hirap ng ganito sis. " sagot nya.

Nabigla si Angel.

"A-anong mahirap ? " tanong nya.

"Ito, yung sitwasyon namin ni Tonying. Di sya tanggap ng parents ko. " sagot ni Jamaica.

Natigilan si Angel sa narinig.

"K-kayo na ni Tonying ? " tanong nya.

Umiling si Jamaica.

"Nope, I hope so. Pero mukhang hindi na aabot sa ganon. " sagot nya.

Natahimik na lang si Angel.

Wala syang maisagot sa kaibigan sa mga oras na iyon.

..

Lumipas ang mga araw.

Hindi natapos ang komunikasyon nina Tonying at Jamaica ng araw na iyon.

Pakiramdam ni Angel ay nawawala na ang kaibigan sa kanya dahil lagi na lamang itong gabi kung umuuwi galing sa pamamasyal kasama ang binatilyo.

Di nya maintindihan ang sarili.

Masaya sya dahil masaya ang kaibigan pero natatakot sya.

Natatakot sya na balang araw ay tuluyan ng mawalan ito ng oras sa kanya.

Wala na syang masasandalan.

Wala na syang matatakbuhan.

Hanggang sa dumating ang isang pangyayaring lubos na pinagsisihan ng dalagita.

Araw ng sabado.

Nagpasya si Angel na ayain ang kaibigang manuod ng sine kaya pinuntahan nya ito sa bahay.

Pero nagulat sya ng ang nagbukas ng pinto ay ang ina ng dalagita.

"T-tita. " gulat na bigkas nya.

Ngumiti lang ng tipid ang ina ni Jamaica.

"Napadaan ka Angel. " sabi nito.

Ngumiti din si Angel.

"S-si Jam po ? " tanong nya.

"Akala ko magkasama kayo ? " sambit ng babae.

Talagang nagulat si Angel sa narinig.

Kaya hindi agad sya nakareact.

"H-ho ? " tanong nya.

Kumunot ang noo ng ina ni Jamaica.

"Hindi mo alam ? Nagpaalam si Jamaica na mamamasyal daw kayo. But it looks like hindi mo alam ang bagay na ito. " sabi nito.

Mabilis na nag isip si Angel.

"A-ah oo nga po pala. Nagiging makakalimutin na po ako Tita. Sige po. " sambit nya.

Pero maagap na hinawakan ng ina ni Jamaica ang isa nyang braso.

"Wait a minute. Hindi kayo mamamasyal ni Jam ano ? Nasan sya ? " tanong nito.

Napangiwi si Angel.

Wala syang maisagot sa katangunan ng babae.

Hanggang sa bitawan nito ang kanyang kamay.

"Angel iha, nasan ang anak ko ? " tanong nya.

Napa kagat labi si Angel.

Walang namuwating boses sa kanyang mga labi.

Nag isip sya ng isasagot pero wala talagang pumapasok sa kanyang kukote.

Hanggang sa mabigla sya ng biglang mapamura ang ina ni Jamaica.

"Damn that girl. Siguro nakipagkita na naman sya sa hampaslupang yon ! " gigil na sabi nito.

Nanlaki ang mga mata ni Angel.

Oo nga, siguro ay magkasama sina Tonying at Jamaica.

Pero paanong nalaman ito ng ina ng kaibigan.

..

Tila nahulaan ni Jessica ang tanong ng dalagita.

Ngumiti ito ng sarkastiko.

"You think hindi ko malalaman ang kalokohan nyo ng kaibigan mo ? Akala ko pa naman mabait ka Angel, but it looks like bad influence ka sa anak ko. " sabi nito.

Nagkandailing iling si Angel.

"H-ho, hindi ho. " tanggi nya.

"Well, kung ganon. Ituro mo sa akin kung saan pwedeng makita yung dalawa. Saan nga ba yang bahay nyang Tonying na yan ? " tanong ng ina ni Jamaica.

Naumid ang dila ni Angel.

Di sya makapagsalita pero napaigtad sya ng biglang sumigaw ang ina ng kaibigan.

"Macario ! Lumabas ka nga dito at sunduin natin yang suwail mong anak ! " sigaw nito sa kabiyak.

Kunot noong lumabas ang ama ni Jamaica.

"Ano bang sinisigaw mo ? " tanong nito.

"Yang anak mo, nagpaalam na mamamasyal daw sila ni Angel. Eh eto si Angel oh. " turo ni Jessica.

"Oh iha, nasan ang kaibigan mo ? " tanong ni Mariano.

Napakagat labi lang si Angel.

Unti unti na syang nakakaramdam ng takot para sa kaibigan pero wala syang maisagot.

Hanggang sa muling magsalita ang ina nito.

"Magbihis ka, sunduin natin yang malandi mong anak. Siguro kasama nya yung hampaslupang nagpunta dito nuong birthday nya eh. Oh bakit Angel ? Akala mo di ko alam ? Tinutulungan mo pa yang kaibigan mong lokohin kami ng Tatay nya. Ha! Makikita talaga nyang batang yan. Naku ! " gigil na sambit nito.

"Ano ka ba ? Baka namasyal lang yung bata. " sabi ni Mariano.

Pinandilatan ng babae ang asawa nito.

"Namasyal ? Bakit kailangan nya pang mag imbento ? Anong tinatago nya ? Hala at magbihis ka na, kung ayaw mo, ako na lang ang susundo sa kanya ! " sambit nito.

"Sasama ako. Teka alam mo ba kung saan ang bahay nung lalaki ? " tanong ni Mariano.

Binalingan ni Jessica si Angel.

"Sasamahan tayo ni Angel. " sabi nya.

Nagulat ang dalagita.

"P-po ? " tanong nya.

Di na nakarinig ng tugon si Angel.

Pumasok na sa loob ang mga magulang ni Jamaica.

Naiwan syang tulala at di makapaniwala sa tinakbo ng mga pangyayari.

..

Ng araw ding yon, labag man sa loob ni Angel, sinamahan nya ang mga magulang ng kaibigan kung saan nila unang nakita si Tonying.

Anlakas ng dalangin nya na sana ay di nila makita ang kaibigan.

Ngunit mukhang hindi dininig ang kanyang mga dasal.

Dahil malayo pa lamang, kitang kita na nila ang dalawa na magkatabing nakaupo sa gutter sa tapat mismo ng karindertya nina Tonying.

Huminto sila di kalayuan.

Di pa namamatay ang makina ng sasakyan ay dali dali ng bumaba si Jessica at nagmamadaling nilapitan ang anak.

"Malandi ka talaga ! " sigaw nya.

Nanlaki ang mga mata ni Jamaica ng makita ang ina.

"M-mommy. " bulalas nya.

Pero huli na, nakalapit na ito at mahigpit na hinablot ang kanyang buhok.

"Mamamasyal ha ? Gagamit ka pa ng ibang tao para pagtakpan yang kalandian mo ! Hala uwi ! " sigaw nito.

Napatingin ang lahat ng nakarinig.

Akmang aawat si Tonying ngunit dinuro sya ng ina ni Jamaica.

"Don't you dare. Ambisyoso. Alam na alam mo rin kung sinong lalapitan mo eh no ? Akala mo ba papayag ako ? No way. No way ! " singhal nito.

Napaatras si Tonying.

Wala syang masabi at magawa.

Pinagmasdan na lamang nya ang minamahal na tangayin ng ina nitong ipasok sa kotse.

Rinig nya ang pagtangis ng dalagita.

Ngunit wala syang magawa.

Hanggang sa lumapit na ang ama ni Jamaica.

"Ikaw si Tonying ? " tanong nito.

Marahang tumango ang binatilyo.

"O-opo. " sagot nya.

"Nakikita ko namang mabait kang bata. Pero paprangkahin na kita. Hindi ikaw ang tipo na gugustuhin kong makatuluyan ng anak ko. Pagpasensyahan mo na sana ako iho. Humanap ka na lang ng, kauri mo. Wag na wag ka ng lalapit sa kanya. Kung talagang concern ka sa kanya. " dahan dahan ngunit mariing wika ng ama.

Natulala si Tonying.

Umagos ang luha sa kanyang mga mata ngunit walang namutawing boses sa kanyang mga labi.

Naiwan syang nakatayo na lamang.

Nakatitig sa papalayong kotse nina Jamaica.

..

Sa loob ng sasakyan, nagulat ang dalagita ng makita ang kaibigan.

"A-angel. " sambit nya.

Nag iwas ng tingin si Angel.

"S-sorry sis. " bulong nya.

Kahit luhaan, nagtagis ang mga bagang ni Jamaica.

Di sya nagsalita.

Tanging pagluha na lamang ang kanyang nagawa.

"Humanda ka sa bahay. Kabata bata mo pa, naglalandi ka na. " gigil na sabi ng ina.

Ngunit wala ng pakialam dito si Jamaica.

Higit na masakit ang ginawa ng kaibigan.

Tumagos ito sa kanyang pagkatao.

Masakit.

Sobrang sakit ng kanyang nararamdaman ng mga oras na iyon na tanging pagluha na lamang ang kanyang nagawa.

ITUTULOY !!!