1. Home
  2. Stories
  3. Phone Call Chapter 31 - Pangungulila
Lagablab

Phone Call Chapter 31 - Pangungulila

By supertoyantz ·

Chapter 31 - Pangungulila

"Pare, mag ingat ka. " seryosong bilin ni Earl.

Saglit na natigilan si Ronron bago sya dahan dahang tumango.

"Ikaw rin pare. " ganti nya.

Ngumiti lang si Earl at tumango.

Sumaludo pa sya sa binata bago tuluyan ng pinaandar ang sasakyan.

..

Tahimik na pinagmasdan ni Ronron ang papalayong kotse ni Earl.

Unti unti itong nawala sa kanyang paningin hanggang sa tuluyan ng naglaho.

Napahinga sya ng malalim.

Pagkuwa'y marahang naglakad patungo sa gate ng mga Lacson.

..

Mula sa malayo, nakita ni Ronron si Grace na abala sa pagwawalis ng mga tuyong dahon.

Napangiti sya ng kimi at dahan dahang lumapit sa dalaga.

"Good Morning. " bati nya.

Napaigtad si Grace at wala sa loob na inangat ang hawak na tingting.

Akmang hahampasin nya si Ronron ngunit maagap na nakahakbang paatras ang binata.

"Ay butiki ! " hiyaw nya.

Natawa si Ronron.

"Relax, walang butiki. Ako to. " wika nya.

Napasimangot si Grace ng mapagsino ang kausap.

"Bwisit ka ! Muntik na kitang mahampas ! Bakit ka ba nanggugulat ? " tanong nya.

Napailing si Ronron.

"Oy di ah. Binati lang kita ng Good Morning eh. Di ko sinasadya kung nagulat ka. " sagot nya.

Napaismid lang ang dalaga.

"Di daw sinasadya. Pumasok ka na nga don ! Kanina ka pa hinahanap ni Senyor. " sabi nya.

Natigilan si Ronron ng maalala ang ama ni Angel.

"G-galit ba ? " tanong nya.

Nagkibit balikat lang ang dalaga.

"Hindi ko sigurado. Teka, bakit ka ba kasi biglang umaalis ng walang paalam ? Akala namin lumuwas ka na pabalik sa Maynila. " sagot nya.

Nahiya naman si Ronron.

"S-sorry, biglaan eh. " tanging nasabi nya.

Matamang tinitigan ni Grace sa mga mata ang binat.

Pagkuwa'y nagkibit balikat na lang sya.

"Pasok ka na. Nandun sya sa garden kasama si Senyora. " wika nya.

Tumango tango si Ronron.

"Salamat Grace ha ? " sambit nya.

"Salamat saan ? " tanong ni Grace.

Ngumiti lang si Ronron.

"Wala lang. Kasi mabait ka sa amin ni Rom ? " sagot nya.

Pagkarinig sa pangalan ng kaibigan ay biglang sumimangot muli si Grace.

"Okay lang yon. " sabi nya.

Napakunot noo si Ronron.

"Oh bakit parang sumama timpla mo ? " tanong nya.

Ngumiting muli si Grace.

"Wala wala. Wag mo na lang banggitin yung pangalan ng kaibigan mo. " sagot nya.

Nagtaka si Ronron.

"Bakit na naman ? " tanong nya.

Sumimangot lang si Grace.

"Pumasok ka na. " pag iiba nya sa usapan.

Takang napakunot noo na lang si Ronron.

Hindi nya maintindihan ang isang ito.

Kadalasan ay magiliw ang mga babae kay Romeo, pero si Grace.

Napailing na lang ang binata at nilampasan nya ang dalaga.

Diretso syang nagtungo sa pantaong gate.

Binuksan nya ito at muling sinara.

Tinahak nya ang daan patungo sa garden kung saan naduon daw ang mag asawa.

..

Ilang saglit lang, nasa bukana na ng garden si Ronron.

Huminga sya ng malalim at pilit na kinalma ang sarili.

Kailangan nyang itatak sa isip ang sinabi ni Earl.

Tanging sila lamang ang makakaalam ng mga pangyayari.

Sikreto muna, dahil hindi nila kilala kung sino ang kalaban.

Bukod kay Aaron.

..

Sa pagkakaalala sa binata ay nagsimula na namang umahon ang poot sa dibdib ni Ronron.

Di nya alam ang dahilan nito.

O kung may sapat ba itong dahilan para gawin ang karumal rumal na kahayupan.

Marahil ay wala sa tamang pag iisip si Aaron.

Tama.

Wala ito sa sarili.

Pero hindi ito dahilan para palusutin nila ang binata.

Mananagot ito.

At sisiguraduhin nila ito ni Earl.

..

Pilit na kinalma ni Ronron ang sarili.

Pinahupa nya ang galit sa dibdib para hindi maghinala ang ama ni Angel.

Huminga sya ng malalim.

Hinanda ang naimbento nilang alibi ni Earl kung sakaling may magtanong kung bakit late na silang nakauwi di tulad ng iba.

Ng sa tantya nya ay kaya na nyang harapin ang lalaki, lakas loob syang naglakad patungo sa hardin.

Naabutan nya ang ina ni Angel.

Abala ito sa pagkain ng kung ano habang maingat na sinusubuan ng isa pang kasambahay.

Ngumiti si Ronron.

"Ah, si Tito Angelo po ? " tanong nya.

Gumanti ng ngiti ang kasambahay.

"Ay, pumasok ho. Kami lang ni Ma'am ang nandito kanina pa. " sagot nito.

Napakunot ang noo ni Ronron.

Sabi ni Grace ay nasa hardin ang lalaki.

Pero pinagkibit balikat na lamang nya ito.

Marahil ay magkasama ang mag asawa kanina ng makita ni Grace.

Baka may kinuha lamang ito sa loob ng bahay o may ginawang kung ano.

..

Ngumiti na lang si Ronron sa babaeng katulong at tumango.

Pinagmasdan nya ang walang imik na si Paloma.

Sa kabila ng edad, di maitatatwa ang angkin nitong ganda.

Pinakatitigan nya ang babae.

Hinanap ang pagkakahawig ng mag ina.

Pero lumipas ang ilang saglit, wala syang makitang resemblance ng dalawa.

Pasimple syang gumilid, baka may anggulo na magkahawig ang mag ina.

Ngunit unti unting napatingin sa kanya ang babae.

Natigilan si Ronron.

Pinilit nya ang sariling ngumiti at binati si Paloma.

"G-good morning po. " wika nya.

Pero hindi nagsalita ang babae, bagkus ay binalingan nito ang kasambahay.

"Linisin mo ang pool. " utos nito.

Nag alangan ang babae.

"P-pero M-madam, baka magalit si Ser kapag iniwanan ko kayo. " mahinang sabi nito.

Nagsalubong ang kilay ni Paloma.

"Susunod ka ba ? O sisisantehin kita ? " tanong niya.

Napanganga ang babae.

"H-huwag ho. May pinag aaral ho ako. " sagot nito.

"Kung ganon, sumunod ka na lang. Hindi yung sumasagot ka pa. " mahinahong sabi ni Paloma.

Mahina lamang ang pagkakasabi nito ngunit daig pa ang sigaw sa pandinig ng kasambahay.

Nagtalo ang isip nito kung sinong amo ang susundin.

Hanggang sa di na nakatiis si Ronron.

Sumingit na sya.

"Sige na ho Manang. Ako na ho muna ang titingin kay Tita Paloma. " volunteer nya.

Natigilan ang babae at tila nag isip.

Ngunit napaigtad sya ng biglang hampasin ni Paloma ang babasaging mesa sa kanyang harap.

Muntikan ng matapon ang orange juice sa ibabaw nito.

Hindi na nagpatumpik tumpik pa ang kasambahay, paatras itong yumuko at sa dalawa at dali daling umalis.

Pero bago ito tuluyang makalayo ay pumihit ang babae at tinuro ang platito sa ibabaw ng mesa.

"S-sir, paki tulungan na lang po si Madam na inumin ang mga gamot nya. " sabi nito at tuluyan ng pumasok sa loob.

..

Naiwan si Ronron sa piling ng ina ni Angel.

Bagama't naiilang sya, pilit nyang pinaglaban ang nararamdaman.

Ngumiti sya ng kimi at nagdesisyon na magbukas ng paksa.

"K-kamusta na po kayo ? " tanong nya.

Ngunit hindi nagsalita si Paloma.

Bagkus ay kalmado itong uminom ng juice.

Pagkatapos ay tumitig sa mga tanim na nagsisimula ng mamukadkad sa kanilang harap.

Pasimpleng napakagat labi si Ronron.

Nanatili syang nakatayo sa harap ni Paloma hanggang sa marinig na itong magsalita.

"Alam mo bang paborito ni Angel ang gumamela ? " tanong nya.

Natigilan ang binata.

Pagkuwa'y unti unting napangiti.

"Alam ko ho. " sagot nya.

Sinulyapan ni Paloma si Ronron.

"Mahal mo ba ang anak ko ? " tanong nito.

Naumid ang dila ni Ronron sa narinig.

Hindi nya inaasahan ang tanong ng babae.

Pero mabilis syang nakarekober at sumagot.

"Opo. " diretsong wika nya.

..

Tinitigan ni Paloma sa mga mata ang binata.

Tila tinitiyak kung nagsasabi ba ito ng totoo.

Bagama't naiilang, lumaban ng titigan si Ronron.

Hanggang sa muling magsalita ang babae.

"Paano mo nasabi yan ? Sabi ni Angelo, wala pa daw kayong isang buwan na magkakilala. Tapos ni hindi pa kayo nagkikita ng personal. " sambit nito.

Napalunok si Ronron.

Maging sya ay napaisip.

Pilit kinapa ang sariling damdamin.

"S-sa maniwala po kayo o hindi, wala akong ideya kung paano nangyari na minahal ko ng ganito ang anak nyo. Pero kahit na hindi pa po malinaw sa akin ang dahilan, mahalaga po na alam ko sa sarili ko na mahal ko sya. " matapang na sabi nya.

Tumaas ang isang kilay Paloma.

Nginuso nya ang bakanteng upuan.

Nagets naman ni Ronron ang nais nito.

Hindi na kailangan pang ulitin ng babae ang paanyay dahil kanina pa sya nangangawit katatayo.

..

Ng makaupo ay nagsalin ng juice si Paloma sa malinis na baso at tinulak patungo sa binata.

Napangiti si Ronron.

"Naku, maraming salamat po. " wika nya.

Tumango lang ang babae.

"Is r-really true ? Na nagkakausap kayo sa phone ? " mahinang tanong nito.

Marahang tumango si Ronron.

"Alam ko pong mahirap paniwalaan, pero nagsasabi po ako ng totoo. Hindi ko ho malalaman ang address nyo, kung hindi sinabi ng anak nyo. Pati mga tungkol po sa kanya, napagkwentuhan po namin. " sagot nya.

Nagsimulang maglandas ang mga luha sa ni Paloma.

Nataranta si Ronron at mabilis nyang dinaluhan ang babae.

Pero umiling lamang ito.

"K-kwentuhan mo ako. Anu ano bang pinag uusapan nyo ? Paano kayo nagsimulang magtawagan ? Please iho, kwentuhan mo ako. " pakiusap nya.

Natigilan si Ronron sa nagmamakaawang boses ng babae.

Batid nyang nangungulila ito sa anak.

Naantig ang kanyang puso.

"Okay lang po Tita. Buong puso ko pong ikukwento kung paano kami nagsimulang magkakilala. " nakangiting sabi nya.

Lakas loob na inangat ni Ronron ang kamay at masuyong hinaplos ang pisngi ng ina ni Angel.

Hindi naman ito pumalag.

Bagkus, ay pumikit lamang ang babae at bumulong.

"S-salamat iho. " wika nya.

"Wala po yun. Uhm, saan po ba ko mag sisimula. Ah, nung gabing tumawag sya sa akin. Tandang tanda ko po ang araw na iyon. Alas tres ng umaga. " bungad ni Ronron.

Hanggang sa tuloy tuloy na syang nagkwento.

..

Pabalik na si Angelo sa hardin ng tumunog ang cellphone sa side table.

Dali dali syang bumalik sa silid at dinampot ang aparato.

Sinulyapan nya kung sinong tumatawag, ngunit number lamang ito at hindi nakaregister sa kanyang phone.

Nagkibit balikat na lamang si Angelo.

Private number nya ang nag riring, kaya sigurado syang kakilala nya ang tumatawag.

"Hello ? " bungad nya.

Walang nagsalita.

Napakunot noo ang lalaki at tinignan kung naputol ang tawag.

Pero tuloy tuloy lamang ito.

"Hello ? Sino to ? " muling tanong nya.

Ngunit wala pa ring nagsalita.

Nagsimula ng mainis si Angelo.

"Kung wala kang magawang matino, humanap ka ng magugulo mo. Wag ako at abala kong tao. " singhal nya.

Akmang ibababa na nya ng tawag ng makarinig sya ng hikbi.

Natigilan si Angelo.

"H-hello ? " tanong nya ulit.

Muli, katahimikan.

Nagalit na si Angelo.

"HOY ! Ipapupulis kita ! Wag ako ang istorbohin mo ! " sigaw nya.

Muli na sana nyang ibababa ang tawag ng marinig nya ulit ang hikbi.

Tinalasan ni Angelo ang pandinig.

Parang malapit lang ang tunog.

Naglakad sya at sinundan ang pinanggagalingan.

Hawak pa rin nya ng cellphone.

Hinanap ang pinagmulan.

Hanggang sa manlaki ang kanyang mga mata ng mapatingin sa silid ng anak.

"B-baby ? " matapang na tawag nya.

Sa gulat ni Angelo, sumagot ang nasa cellphone.

"D-dad. " wika ng boses.

Gumapang ang kilabot sa katawan ni Angelo.

Unti unting bumilis ang tibok ng kanyang puso.

Pero pilit nya itong pinaglabanan.

Nangibabaw ang pangungulila at pagmamahal nya sa anak.

"B-baby ? Ikaw ba yan ? " tanong nya.

Katahimikan.

Napalunok si Angelo.

Pakiramdam nya ay sasabog na ang kanyang dibdib sa sobrang kaba at antisipasyon sa maaaring mangyari.

Nilagay nya sa tenga ang aparato at nagsalita.

"A-angel anak. Si Daddy to, kausapin mo ko. " lakas loob na sabi nya.

Nangilid na ang kanyang mga luha.

"Baby. Please, talk to me. " makaawa nya at naglakad patungo sa tapat ng silid ni Angel.

Ngunit naputol na ang tawag.

Tuluyan ng napaiyak si Angelo at napaupo.

Sumandal sya sa pinto ng kwarto ng anak at tumangis.

Hanggang sa muling tumunog ang kanyang cellphone.

Dali daling pinunasan ni Angelo ang uhog at mabilis na sinagot ang tawag.

"H-hello ? Anak ? " tanong nya.

Ngunit hindi boses babae ang sumagot.

Boses lalaki.

"Tito Angelo. We have a problem. " bungad nito.

- -

Sa hardin.

Unti unting napangiti si Paloma sa kwento ng binatang nasa harap.

"That's Angel for sure. " sabi nya.

Natawa si Ronron.

"Nakwento nya rin po Tita, minsan daw po kayong namasyal sa zoo. Tapos magpipicture daw po sana kayo sa tapat ng kulungan ng unggoy, pero kinuha daw nito yung sumbrero nyo tapos eksaktong nagflash na yung camera. Nakanganga daw po kayo sa picture. " kwento nya.

Sukat duon ay natawa ng malakas si Paloma.

"Dyaskeng bata, pati pala yon kinwento nya. Nakakahiya. " sambit nya.

Tawa ng tawa ang babae.

Nakangiting pinagmasdan lamang ni Ronron ang ina ni Angel.

Tila hinaplos ang kanyang puso sa nakikitang kasiyahan sa mukha nito.

Marahil kung nakikita ito ng dalaga, siguradong syang matutuwa ito.

Kung sakaling makikita lang sana sila.

..

Unti unting naging ngiti ang halakhak ni Paloma.

Hinawakan nya ang panga dahil pakiramdam nya ay nabanat ito sa kakatawa.

Hanggang sa makita nyang nakatitig sa kanya ng binata.

"Thank you. " taos pusong sabi nya.

Ngumiti lang si Ronron.

"Wala po yun Tita. " wika nya.

Lumamlam ang mga mata ni Paloma.

"Sorry for not believing you agad iho. Hindi lang talaga ako makapaniwala. " sabi nya.

Napangiti lang si Ronron at lakas loob na hinawakan ang kamay ng babae.

"It's okay Tita. Naiintindihan ko po kayo. Kahit naman po sino talagang hindi agad maniniwala sa kwento ko. Pero trust me po, nagsasabi ako ng totoo. " wika nya.

Nakangiting tumango tango si Paloma.

Kinulong nya ang palad ng binata at mahigpit na hinawakan.

"Alam ko. Naniniwala na ako. Salamat sa pagdating mo sa anak ko. " sambit nya.

Umiling si Ronron.

"Actually Tita, ako po ang dapat magpasalamat sa kanya. Kung di dahil kay Angel, passive pa rin akong tao. Nagpapatangay sa agos. Walang sariling desisyon. Pero dahil sa takot kong tuluyan na nya akong iniwanan, tinapanganan ko na lang po ang loob ko at sinugod sya dito. I'm sorry Tita, pero namimiss ko po si Angel. " sabi nya.

Nangilid ang mga luha sa mata ng binata.

Nabaghan si Paloma sa nakita.

Wala sa loob na niyakap nya ito at kinulong sa mga bisig.

"P-parehas lang tayo iho. Miss na miss ko na rin sya. " bulong nya.

Hindi na kinaya ni Ronron ang bugso ng damdamin, tuluyan na syang napaiyak sa bisig ng babae.

..

Ilang minuto ang lumipas bago humupa ang emosyon.

Nahihiyang kumalas sa yakap si Ronron.

"S-sorry po. " wika nya.

Ngumiti lang ang babae at tumango.

"Wag kang mahiya anak. Ituring mo na rin akong Mommy mo. " sabi nya.

Napangiti lang si Ronron.

Magsasalita sana sya ng makita nya ang kaninang kasambahay na nakatingin di kalayuan.

Napakunot ang noo ng binata.

Pero natigilan sya ng sumenyas ito.

Tumaas ang kilay ni Ronron.

Napatingin sa kanya si Paloma.

"Ano yon anak ? " tanong nya.

Akmang ituturo sana ni Ronron ang kasambahay pero mabilis itong nagtago sa likod ng halaman.

Nagtaka siya.

"W-wala po. Uhm, si Tito Angelo po ? " tanong nya.

Nawala ang ngiti sa mukha ni Paloma.

"Hindi ko alam. Malamang nasa taas. May kukunin daw eh. Pero duda ako. " sagot nya.

Natigilan si Ronron sa narinig.

"P-po ? Bakit naman po ? " tanong nya.

Dire diretsong nagsalita si Paloma.

"Siguro kausap na naman nya yung babae nya. Kagabi, nahuli ko syang may kausap sa cellphone. Sigurado akong babae nya yon. Di na sya nahiya sa anak nya. " ngitngit nito.

Natahimik lang si Ronron at di na nagkomento pa.

Ayaw nyang magsalita at baka may masabi syang hindi maganda.

Pinili na lamang nyang ngumiti, pero natigilan na naman sya ng makitang unti unting lumitaw ang kasambahay at mabilis na nagturo.

Kumunot ang noo ni Ronron.

Sinundan nya ang tinuturo nito at napadako ang kanyang tingin sa mga tabletas sa ibabaw ng mesa.

Nagpasimple sya.

Hinintay na malingat si Paloma.

Eksakto namang uminom ng juice ang babae.

Mabilis na tinuro ni Ronron ang mga tabletas para kumpirmahin ang hinala.

Agad namang tumango tango ang kasambahay.

Tinuro pa nito si Paloma at ang bibig.

Unti unting naunawaan ni Ronron ang nais nitong mangyari.

Napatingin sya sa ina ni Angel.

Tinantya ang mood nito.

Pagkuwa'y lakas loob na binuksan ang topic.

"T-tita, ano po ba itong mga gamot na to ? " tanong nya.

Natigilan si Paloma.

Unti unting umasim ang mukha.

"Ewan ko ba sa Tito. Lagi na lang nya kong pinapainom ng mga yan. Ayaw ko na nyan, inaantok lang ako. Nasan ba si Grace at ng maipatapon ko na nga ito. " sambit nito.

Akmang tatawagin na ng babae ang katulong ng pigilan ni Ronron.

"T-teka po Tita. Kailangan nyo ata ito eh. " pigil nya.

Sumimangot si Paloma.

"Wala akong sakit. Mukha ba kong may sakit ? " tanong nya.

Nagkandailing si Ronron.

"No Tita. You're pretty pa rin po. " puri nya.

Ngumiti si Paloma.

"Wag mo ng galawin yan anak. Hintayin mo ko dito ha ? " bilin nito.

"S-saan po kayo pupunta ? " tanong ni Ronron.

Kumindat lang si Paloma.

"Ipapakita ko sayo yung mga pictures ni Angel nung baby pa sya. For sure, matatawa ka. Wait lang iho ha ? " excited na sagot nito.

Walang nagawa si Ronron kundi pagmasdan na lamang ang babae na nagmamadaling pumasok sa bahay.

Ilang saglit lang ay pasimpleng lumapit ang kasambahay nila.

"Bakit hindi mo pa pinapainom kay Senyora yan ? " tanong nito.

Kumunot ang noo ni Ronron.

"Bakit ? Ano ba to ? Parang wala namang sakit si Tita ah. " sagot nya.

Naging malikot ang mga mata ng babae.

"Kabilin bilinan ni Sir Angelo, kailangang walang mintis si Ma'am dyan. Sige na at baka makita pa nya ako. Siguradong magwawala yon. Basta painumin mo sya ha ? " tanong nya.

Wala sa loob na napatango na lang si Ronron.

Hanggang sa dali dali ng lumayo ang babae.

Dinampot nya ang gamot at pinakatitigan.

Tatlong tabletas ang nasa platito.

Nakasulat sa mga katawan nito ang pangalan ng gamot.

Napaisip sya.

"Para san kaya itong mga gamot na to ? Parang wala namang sakit si Tita Paloma. " bulong nya.

Di mapakali si Ronron.

Hanggang sa di na sya nakatiis.

Nilabas nya ng cellphone at isa isang sinulat ang mga pangalan ng gamot.

Sinigurado nyang tama ang spelling ng bawat isa at pagkatapos ay sinend sa isang taong alam nyang hindi sya pababayaan.

Si Romeo.

Napaisip si Ronron.

Dapat malaman ng kaibigan ang mga nalalaman nya.

"Tama, kailangan ko si Rom. " bulong nya sa isip.

Dali daling nag dial si Ronron.

Pero bago pa nya mapindot ang call button, pumailanlang na ang tili ng ina ni Angel mula sa itaas na bahagi ng bahay.

ITUTULOY !!!