1. Home
  2. Stories
  3. Phone Call Chapter 4 - Charging.....
Lagablab

Phone Call Chapter 4 - Charging.....

By supertoyantz ·

Chapter 4 - Charging.....

Papikit pikit ang mga mata ni Ron habang nakatitig sa nagsasalitang guro sa harap ng klase.

Naririnig nya ang sinasabi nito, ngunit hindi halos hindi nya maintindihan ang buong lecture para sa araw na iyon.

Pinigilan nya ang maghikab ng mapagawi sa panig nya ang paningin ng guro.

Bagama't antok, inalerto nya ang sarili para hindi sya pagbintangan na hindi nagfofocus.

Kunwari ay mataman syang nakikinig at handa para sa kahit anong maaaring ibato sa kanya.

Simpleng taktika ng mga tulad nyang ayaw sa recitation.

..

Tulad ng inaasahan, hindi natawag si Ronron dahil nga sa pagkukunwari.

Nakangiting nag paalam ang huling teacher nila para sa araw na iyon.

Paglabas pa lamang nito sa pinto ay saka pa lamang nya nailabas ang pinipigilang hikab.

Pero nagulat sya ng tapakin ng kaibigang si Aldrin ang likod nya dahilan para mapaubo ang binata.

"Wala ka na naman sa kundisyon bata. Tsk tsk, napapadalas ata pagsha shabu mo ha. " biro ni Aldrin.

Napangiti na lang si Ronron.

Marahan nyang iniligpit ang mga gamit at sumandal sa upuan.

Saglit nyang pinahinga ang mga mata.

"Pre, ano bang tinitira mo ?. Mukhang solve na solve ka lagi ah. " pangungulit ni Aldrin.

Dinilat ni Ron ang mga mata at binigyan ng dirty finger ang kaibigan.

"Gago, puyat lang ako. " sagot nya.

"Alam ko, kitang kita dyan sa mukha mo. Halos maglambitin na yang eyebags mo pre. Ano ba yan ?, penitensya ? Di ka na ba natutulog sa gabi ? " tanong ni Aldrin.

Nanghihinang kumilos si Ronron at marahang tumayo.

Sinukbit nya sa likod ang bag.

"Uwi na ko, antok na antok na ko. " sabi nya.

Tinitigan lamang sya ng kaibigan.

"Baka may problema ka ? Alam mo namang pwede mo kong lapitan. Kahit na ganito ako kagwapo, may puso din ako. " biro ni Aldrin.

Natawa si Ronron.

"Gago ka talaga, pero okay lang ako pre. Medyo naaadik lang ako sa pag oonline ngayon. " palusot nya.

Natawa si Aldrin.

"Tama yan, maglaro ka na lang. Mas maganda kung wag ka na ring mag aral pre, sagabal lang ang pag aaral mo sa pag oonline mo eh. " biro nito.

Napangiti na lang si Ronron.

"Pre, uwi na ko. " paalam nya.

Kumaway si Aldrin at tumango.

"Ingats. " sabi nito.

Ngumiti si Ronron at lumabas na ng silid.

Dire diretso na syang bumaba ng management building at tinahak ang daan palabas ng campus.

Habang nag aabang ng sasakyan, nilabas ni Ronron ang lumang cellphone at tinitigan ang battery nito.

"Talagang hindi ako makapaniwala sayo, mula alas tres ng madaling araw hanggang alas sais ng umaga. ginagamit na kita. Pero ni hindi ka man lang nalolowbat. Tapos ngayon, hindi ka na naman mabuksan. Niloloko mo ata ako eh. " kausap nya.

Nakarinig sya ng bulungan at paglingon nya ay nakita nyang nakatingin sa kanya ang dalawang estudyanteng babae.

Mabilis na naglakad si Ronron palayo.

Di nya maiwasang mapailing dahil mukhang napagkamalan pa syang baliw ng mga ito.

Eksakto namang may papalapit na jeep kaya agad syang sumakay sa tabi ng driver.

..

Mabagal ang naging pag usad ng trapiko.

Marahil ay dahil sa rush hour na at nasakto pa na labasan ng mga estudyanteng tulad nya.

Hindi naman sya nagmamadali pero hanggan't maaari sana ay nais na nyang makauwi.

Gustong gusto na nyang ihiga ang katawan sa malambot na kama at ipikit ang pagod na mga mata.

Habang nasa sasakyan, muli nyang pinag tuunan ng pansin ang cellphone.

Sinubukan nya itong buksan pero muli syang nabigo.

Napabuntong hininga na lamang ang binata at muling sinilid sa bulsa ang aparato.

Siguro ay dadalhin na lamang nya ito sa pagawaan ng mga cellphone sa sabado.

..

Hindi pa rin halos makausad ang jeep na sinasakyan ng binata.

Bukod kasi sa nakapalibot na eskwelahan, may palengke din di kalayuan kaya hindi talaga nakapagtataka ang ganito kabagal na daloy ng trapiko.

Nakapagpapadagdag lamang ito ng pagod at irita sa mga byahero.

Rinig nya pa ang reklamo ng isang matandang babae na tulad nya ay pasahero din ng parehong jeep.

"Ano ba naman itong mga tricycle na ito, haharang harang sa daan. Kaya sumusikip ang kalsada eh." asar na sabi ng babae sa kasama nitong lalake.

Nanatiling nakikinig lamang si Ronron.

Wala syang panahon na magbigay ng kuro kuro o di kaya ay pansinin pa ang pagtatalak nito at pagrereklamo.

Wala rin namang magagawa kung mag iingay sya.

Masasayang lamang ang pagod at laway nya sa kakasalita pero hindi pa rin naman uusad ang trapiko.

..

Muli, nagmasid na lamang ang binata.

Nahagip ng mga mata nya ang isang tindahan ng gadgets.

Nakita nyang maraming nakadisplay na casing at charger ng mga cellphones sa estante.

Naisip nya ang lumang cellphone ni Ran.

Saglit syang nagtalo kung bibili ba o hindi ng charger.

Maaari nya ring ipatingin ang lumang cellphone at tanungin kung bakit may mga pagkakataong ayaw nitong magbukas.

Tiningnan ni Ronron ang mga sasakyan sa harap.

Mahaba pa ang trapik kaya nagpasya syang bumaba ng jeep.

"Manong, para na ho. Maglalakad na lang ako. " sabi ng binata.

Tumango lang ang driver.

Nilapitan ni Ronron ang tindahan ng gadgets at nagtanong.

"Manong may charger ho kayo ng 3310 ? " tanong nya.

Umangat ang tingin ng lalaking nasa loob ng tindahan ay kumunot ang noo.

Namangha si Ronron sa nakita.

"Ano kamo ? " tanong ng lalaki.

Natulala ang binata.

"Hoy !, anong sabi mo ? " tanong muli ng lalaki.

Natauhan si Ronron sa pagkakatulala at nahihiyang ngumiti.

"S-sorry kuya, uhm. May charger ba kayo para sa 3310 ? " tanong nya.

Muling kumunot ang noo ng tindero at biglang natawa.

"Teka pre, wala ka bang pera kay pinagtyatyagaan mo yang 3310 na model ? Anak ng, bigyan na lang kaya kita ng cellphone ? " sabi nito.

Nahindik si Ronron sa narinig.

"Grabe ka naman pre. Maayos akong nagtatanong tapos nilait mo pa yung cellphone ko. Actually di sakin to, sa kapatid kong bata. " depensa nya.

Natawang muli ang tindero.

"Wala, masyadong luma yang cellphone mo. Wala akong charger na para dyan. Kung gusto mo, meron dito universal charger. Patingin nga ng battery mo. " sabi nito.

Mabilis na nilabas ni Ronron ang lumang cellphone at pinakita sa lalaki.

"Eto kuya, ang hirap ngang buksan eh. Ilang beses ko na yang sinubukang buksan pero ayaw talaga eh. Natatakot naman akong pwersahin, baka matuluyan." paliwanag nya.

Kinuha ng tindero ang cellphone at tinitigan.

Nanlaki ang mga mata ni Ronron ng walang anu ano ay nahiwa hiwalay ang mga parte ng cellphone na tila hindi nakakabit.

Sinulyapan ng tindero si Ronron.

"Oh anong tawag mo dito ? Bakit nabuksan ko ? " pang aasar nito.

Nainis ang binata at umismid.

"Di ko alam kung paano nyo ginawa, pero pakitingnan na lang ho kung may sira. " asar na sabi nya.

"Tapon mo na to pre, bili ka na lang ng iba. May bago ako dito baka gusto mong tingnan. " sabi ng tindero.

Umiling si Ronron.

"Di pre, sa kapatid ko kasi yan. Ipapaayos ko lang sana baka may sira, may cellphone akong sarili. " wika nya.

Tumango tango ang tindero.

"Okay, pero parang pwede itong isa kong charger dito. Subukan nga natin. " sabi nito at saglit na hinalungkat ang mga gamit.

Pagbalik ng lalaki ay may hawak na itong charger.

Sinaksak ng lalaki ang charger at kinabit sa cellphone.

Napangiti silang pareho ng makita nilang umilaw ang aparato.

"Asteg di ba ? " biro ng tindero.

Natawa si Ronron at hinugot ang wallet.

"Magkano pre ? At saka wala bang sira yung cellphone ? Paki tsek mo naman. " sabi nya.

Umiling ang tindero at muling binalik sa dati ang aparato.

"Wala naman, medyo puyat lang to. Alas sais mo ba naman patulugin eh. " bulong nito.

Nagulat si Ronron.

"A-ano pre ? " tanong nya.

"Wala, ang sabi ko. Bilhan mo na lang ako ng lemon square at mountain dew. Okay na yon. " sabi ng tindero.

Napangiti si Ron at tumango.

"Sige pare, saglit lang. " sabi nya at saglit na nagpunta sa kalapit na tindahan.

Ilang saglit lang ay dala na nya ang miryenda para sa tindero.

"Oh pre, salamat ulit ha ?, paki soli na lang yung bote dun sa tindahan. " sabi ni Ronron.

Tumango ang tindero.

"Salamat. " nakangiting sabi nito.

Kinuha ni Ronron ang lumang cellphone at charger pagkatapos ay pinasok sa bag.

"Oh paano, kapag may problema itong phone, pwede bang sayo ko na lang ipaayos ? " tanong ni Ronron.

"Sige walang problema. Trabaho ko yan eh. " sabi ng tindero.

Napangiti na lang si Ronron at tumalikod na.

"Matulog ka na. " pahabol ng tindero.

Nagulat si Ronron at lumingon.

"H-ha ? " tanong nya.

Ngumiti lang ang tindero.

"Ang sabi ko , matulog ka na. Puyat ka eh. " sabi nito.

Natigilan ang binata.

"P-paano mo nalaman ? " tanong nya.

"Di mo naman kailangang sabihin, ayan ang ebidensya sa mga mata mo. Eyebags. " biro nito.

Di maiwasang matawa ni Ronron at tumango.

"Salamat ulit. Sige balik na lang ako pag may sira. " sabi nya.

Ngumiti lang ang tindero at sinimulan ng lantakan ang miryendang binili nya para dito.

"Wag masyadong mangurakot !. " sigaw ng tindero.

Pahabol pa nito.

Napahinto ang binata, saglit na pinag isipan ang sinigaw ng tindero pero pinili na lamang nya itong wag pansinin.

..

Ilang saglit lang, nasa bahay na si Ronron.

Naabutan nya ang ina na nanunuod ng TV.

Lumapit sya dito at humalik sa nagmano matapos humalik sa pisngi.

"Oh magmiryenda ka na. " sabi ni Sylvia.

"Sige Ma, si Ran ? " tanong ni Ronron.

"Tulog. Kanina ka pa hinihintay non. Yung cellphone nga nya wag mong dinadala sa eskwela. Ako ang nakakagalitan ng kapatid mo eh. " reklamo ng ina.

Natawa ang binata.

"Binilhan ko na nga po ng charger o . " payabang ni Ronron.

"Oh mabuti naman, hala at magpahinga ka na. " sabi ng ina at pinagpatuloy ang panunuod.

"Ma, yung bayad sa charger bukas ko na lang kukunin ha. " nakangising sabi ng binata.

Napatingin si Sylvia sa anak.

"Binigyan na kita ng 100 pesos ah. " sabi nya.

Ngumisi si Ronron.

"Lumang cellphone ito, halos wala nga akong mahagilap na charger. Nag iisa na lang to dun sa tindahan, ayaw na ngang ibenta ng tindero pero nagmakaawa ako kasi sabi ko para sa kapatid ko to. Pinagtawanan pa nga ako Ma, kasi luma na daw yung phone eh. " pagbibida nya.

Namangha ang ina.

"Talaga anak ? AAAawwww, ang bait naman ni Kuya. Oh etong limang daan. " humugot si Sylvia ng pera sa bulsa at inabot sa anak.

Tinago ni Ronron ang pagngisi.

"Thanks Ma, Love you talaga. Bukas maghahanap pa ako ng hello kitty na casing non. Para matuwa si Ran. " gatong nya pa.

Napangiti si Sylvia.

"Sige anak. Magpahinga ka na muna. Tatawagin na lang kita kapag kakain na. " sabi nito.

Muling humalik si Ronron sa pisngi ng ina bago nakangising umakyat ng kwarto.

Pagpasok sa loob ng silid ay napasuntok sya sa ere.

"Yeeeaaahhhhh, intant 500. Wooo. " tuwang sabi nya.

Pero bigla syang natigilan ng maalala ang sinabi ng tindero.

"T-teka, nagkataon lang siguro yon. Pero di naman ako nangurakot ah. " napaismid pa sya at hinubad na ang damit.

Chinarge ni Ronron ang lumang cellphone at napangiti ng makitang umilaw ito.

"Ayos, makatulog na nga. " sabi nya sa sarili at humiga na sa malambot nyang kama para magpahinga.

Batid nyang hindi lamang ang lumang cellphone ang nangangailangan ng pagcha-charge kundi pati na rin ang pagal na katawan.

"Charging...." bulong ni Ronron.