1. Home
  2. Stories
  3. Rigodon Ng Pag-ibig
Filipino Sex Stories

Rigodon Ng Pag-ibig

By Teddyray ·
CHAPTER ll- RIGODON NG PAG-IBIG

Mabilis niyang kinabig ang manibela ng kanyang modelong Mercedes Benz. Pakurba ang daan pero hindi nya naisip mag menor. Nagmamadali si Arnie kailangan nyang dumating sa venue ng symposium bago magsimula ito. Halos lahat ng ospital sa buong kabikulan at karatig lugar ay may delegado sa nasabing kumbensyon. At ang kanilang kumpanya na pioneer sa genetics medicine ay mas makakakuha ng higit na pabor para sa marketing ng kanilang produkto sa symposium na ito.

Matapos ang parang walang katapusang pagmamaneho sa kahabaan ng Maharlika Highway, narating nya ang Sorsogon City. At maya-maya pa ay bumulaga sa kanya ang hotel na venue ng symposium. Ibinigay nya ang susi ng kanyang kotse sa sumalubong na valet ng hotel. Nagtuloy-tuloy siyang pumasok sa lobby ng hotel. Pumunta siya sa reception counter at nagpalista bilang isa sa mga delegado ng nasabing symposium. Makaraang bigyan siya ng ID, at isuot nya ito sa kanyang leeg pumasok na siya sa function room ng hotel. Nagsisimula pa lamang magdatingan ang mga delegado ng symposium.

Pinagala nya ang kanyang paningin at tiningnan nya kung nandoon na ang kanyang sekretarya. Nakita nyang sinasalubong ng mga usherette ang bawat delegado at sinasamahan sa nakatakdang upuan ang mga ito. Nakita nya ang mabilis na paglapit ng isa sa mga usherette ng tumunog ang cellphone na nasa bulsa ng suot nyang Amerikana. Habang itinuturo ng usherette ang upuang laan sa kanya, tinanggap nya ang tawag sa kanyang telepono.

" Good morning Sir Arnie nasa venue na po ba kayo?" Ang tinig ng kanyang sekretarya ang nasa kabilang linya. " Nandito na po ako sa lobby ng hotel."

"Dito na ako sa loob, pumasok ka na dito" Sabi ni Arnie sa telepono habang papaupo na siya sa takdang upuan. Inaayos nya ang telepono sa bulsa ng kanyang Amerikana ng mapasulyap siya sa lamesa na nasa kanan nya. Inagaw ang pansin nya ng isang babae sa kabilang mesa. Parang isang artista ang dating nito. Matangos ang ilong na binagayan ng manipis na labi at makipot na bibig. Simple ang suot na puting t-shirt at kupas na jeans pero lalong nagpalitaw sa kagandahan nito ang simpleng kasuotan. Para siyang nabato-balani sa kagandahan ng babae.

Maya-maya ay may lumapit at naupo sa tabi nito na isa ring magandang babae na mukhang nakaririwasa sa buhay. Naka pormal dress ito na coat and skirt. At natatandaan ni Arnie ang pangalawang babae. Anak ito ng kilalang pulitiko na si Congressman Arthur Buenviaje. Nakaramdam si Arnie ng lihim na galak sa isiping natatandaan nya ang pangalawang babae na kausap ng babaing umagaw sa kanyang atensyon. May magandang dahilan siya para lumapit at kausapin ang dalawang babae sa kabilang mesa!

Parang napakahaba ng unang lecture ng umagang iyon para kay Arnie. Kaya naman ng mag-announce ng breaktime una agad siyang tumayo para puntahan ang kabilang lamesa. Kasalukuyang sumisimsim ng pineapple juice ang mga participants sa kabilang lamesa ng lumapit si Arnie." Higit na mas maganda sa malapitan ang babae." Naisip nya.

" Please excuse me, di ba ikaw ang anak ni Congressman Buenviaje ?" Bungad ni Arnie sa grupo. Na nakatingin kay Leah pero ang atensyon ay kay Lyn. Napatingin sa kanyang paglapit si Leah at natitigilang inabot ang inilahad nyang palad.

" I am Arnulfo Alcantara. Arnie na lang for short." Naglabas si Arnie ng mga nakahandang tarheta at ipinamigay sa mga kaharap. Huli nyang inabutan ng tarheta si Lyn at ginagap ang palad bilang pagpapakilala.

"You are Miss..? " Ibinitin nito ang sinasabi habang hindi iniaalis ang titig kay Lyn.

"Siya si Dra. Lyn Abarrientos," Si Leah ang nagsalita.

" At ikaw naman si..." Hindi maalala ni Arnie ang unang pangalan ng anak ni Congressman Arthur Buenviaje.

" Leah...Dra. Leah Buenviaje." Nangingiti na naiiritang pagpapakilala ni Leah sa sarili.

"Ok, then see you girls sa lunchtime !" Nakita ni Arnie ang pagkaway ng kanyang sekretarya mula sa kabilang mesa. Naisip nya tama na muna ang maikling pag eksena nya sa grupo ni Dra. Lyn Abarrientos. Nailatag na nya ang unang hakbang. Kailangan na lamang dugtungan pa ang pagkakataon ng pagkikilala.

"Presko ang dating ng isang iyon !" Naisip ni Lyn. " Tapos , tinawag nya kaming 'girls'! Hmp! How dare him ? We are Doctors ! And hindi ko kailanman iniisip o pinapangarap na maging isang 'girl' nya, 'no?!!"

Hindi nya napansin ang sarili na napapaismid sa naisip, subalit lalo lang nagpapatingkad sa kanyang ganda ang di namamalayang pag-irap at pag ismid sa tumalilis na lalaking may bigote. Lumabas ang malalim na biloy sa mapupula nyang pisngi. Natigil lang ang kanyang pagmumuni-muni ng mapansin nya na sa kanya nakatingin ang mga kaharap sa lamesa.

Nang dumating ang lunchbreak ay napuno ang Cafeteria ng hotel sa dami ng mga dumalong delegado. Sa tantya ni Arnie mahigit sa 500 katao ang bilang ng mga dumalo hindi pa kasama ang staff at mga organizers. Agad nyang inapuhap ng tingin ang grupo nina Dra. Lyn Abarrientos. Natanaw nya ang magandang doktora na naka upo na sa isang lamesa paharap sa pasilyo ng hotel. May kausap ito na isang makisig nalalaki na nakasalamin at mukhang kagalang galang.Kasalo rin ng mga ito ang anak ni Congressman Arthur Buenviaje.

Hawak-hawak ni Arnie ang wala pang laman na tray na pagkain. Isang oras lang ang lunch break. Sa tantya ni Arnie ay hindi na uubra ang plano nyang makisalo sa grupo nina Dra. Lyn Abarrientos. Nakadama si Arnie ng matinding panghihinayang.

"Hindi bale," Alo nito sa sarili. " May gabi pa naman."Sa gabing ito hindi nya palalagpasin ang pagkakataong makalapit sa magandang doktora.

" Whatever Arnie wants—Arnie gets !" Bulong nya habang naglalagay ng pagkain sa kanyang tray.

Gabi na. Katatapos lang ng huling lecture sa function room. Hinagilap ng tanaw ni Leah ang propesor. At hinahanap din nya ng tanaw ang ka room mate na si Dra. Lyn Abarrientos. Sa ubod ng pakiramdam nya,kung nasaan si Lyn ay maaring nandoon din ang propesor. Nakadarama si Leah ng paninibugho sa nakita nyang closeness ng dalawa. Parang matagal na na magkakilala ang mga ito. Babae si Leah at ramdam nya rin ang kiming paglalandi ng ka room mate. At sa pakiramdam ni Leah kinikilig ang batang propesor kapag nagkakatitigan ang dalawa!

Parang kinukurot ng panibugho ang dalaga sa naisip. Subalit ibahin si Dra. Leah Buenviaje. Siya ay isang Arian. Isinilang siya ng April 12. At ang Aries ay lagi ng palaban at nagwawagi sa bawat labanan. Pareho lang sila ni Dra. Abarrientos na nag-aangkin ng kagandahan. May dalawang biloy lamang si Lyn sa magkabilang pisngi at si Leah ay wala. Ngunit sa tindig at pangangatawan, sa alindog at at angking kagandahan ay patas lamang silang dalawa. Mas lamang si Leah sa karangyaan. Isinilang si Leah na ika nga ay may gintong kutsara sa bibig. Nag-iisang anak siya ni Congressman Arthur Buenviaje. Mas may impluwensya ang pamilya nina Leah.

At sa tunggalian sa larangan ng pag-ibig, ang karangyaan at impluwensya ay malaking puntos upang matiyak ang tagumpay.

Nang hindi makita ang hinahanap, tinugpa na ng paa ni Leah ang pasilyo patungo sa kanilang kwarto. Baka nauna na doon ang ka room mate na si Lyn. Ilang dipa na lang ang layo ni Leah sa pintuan ng kwartong tinutuluyan ng marinig nyang may tumawag sa kanyang pangalan sa may lkuran nya.

"Excuse me, Miss Buenviaje !?" Napalingon siya sa pinanggalingan ng tinig. At hindi nya naitago ang pagka-irita ng makita ang tumawag." Ito yung nagpakilala kaninang breaktime na general manager ng Genetics Philippines. Arnie yata. Arnulfo Alcantara" Bulong ng isip ni Leah.

" Yes, anything sir?" Ibinitin nya ang sinasabi at tinitigan ang kaharap na pinabilog ang singkit na mga mata.

"Ahh, wala naman, Miss Buenviaje, gusto ko lang maging acquaintance ng grupo nyo ni Dra. Abarrientos, kung pwede!?" Paliwanag ng kausap na tinitigan din siya at parang ipinikit ng mabilis ang isang mata.

"Gusto ko sanang anyayahan kayo sa lobby ng hotel mamaya. And we can go to the bar para naman ma enjoy natin ang gabi between drinks." Dugtong nito na may pilyong ngiti na pilit itinatago ng manipis na bigote. Naisip ni Leah, parang hindi sa kanya interesado ang kausap. Pakiramdam nya ang tunay na pakay nito ay ang ka room mate at katrabahong si Dra. Lyn Abarrientos. " Well and good." Naisip ni Leah. Makakatulong nya ang lalaking kausap upang matiyak ang kanyang tagumpay na maangkin si Professor Artemio Domingo!

"Well, itatanong ko muna sa kasama ko kung ok sa kanya, And please... Mr. Alcantara ba ? Call me Dra. Leah Buenviaje, ok ?" Nakita nya ang biglang pagkapalis ng pilyong ngiti ng kaharap. Umayos ito ng tayo. Nag astang seryoso sabay sabi, " Oh, I am so sorry Doktora...But can I call you Leah ?"

Napangiti na si Leah sa nakitang asta ng kaharap. " It's ok Mr. Alcantara. You can call me Lei. At papasok na ako..." Lumakad na si Leah palapit sa pintuan ng kwartong tinutuluyan nila ni Lyn. Ng akmang pipihitin na nya ang seradura ng pintuan narinig nyang muling nagsalita ang kausap.

"Thanks Lei. At I will be at the lobby at 10:00 o'clock tonight kung pupunta kayo, I will be waiting." Patapos na sabi nito ng makitang tuluyan ng pumasok ang dalaga sa loob ng kwarto.

Pagkatapos na pagkatapos ng huling lecture sa function room ay agad na tinungo ni Lyn ang kwartong tinutuluyan. Malamig sa loob ng kwarto. Iniwan nilang umaandar ang aircon. Matapos na ilapag ni Lyn ang hawak na kwaderno na dala dala nya ay binuksan nya ang maliit na refrigerator sa kwarto. Kumuha siya ng mineral water at pinawi ang uhaw na nararamdaman. Biglang tumunog ang telepono sa lamesita na nasa ulunan ng kamang hinihigaan nya. "Room service ?" Naisip nya. Wala siyang ideya kung sino ang tumatawag o tatawag sa kanya sa oras na ito.

Subalit biglang pumuno ang iglap na kaligayahan sa puso ng dalagang doktora ng marinig ang tinig sa kabilang linya.

"Lyn si Tim, ito..." Kakaiba ang galak na pumupuno sa puso at isipan ng magandang doktora ng marinig ang tinig ng binata.

"Kung ok sayo, can we meet sa lobby ng hotel mamayang 9:30 pm ? Kung hindi ka napagod na makinig sa mahahabang lectures kanina." Paano sasabihin ni Lyn na nakakawala ng pagod ang marinig ang tinig ng taong nagpapasaya ngayon sa kanya ?

Iba ang ibinuka ng tinig ni Lyn. "Sure, pero anong gagawin natin ?" Nagpapa una ba siya na dapat may gawin sila pag nagkita sila? Natatawa siya at nagtataka sa kanyang sarili. Nagiging agresibo ba siya ?

"Pwede nating pagmasdan yung kabilugan ng buwan sa hardin hindi natin nagawa yun noong una kitang makita doon." Natahimik si Lyn. Nang hindi siya sumagot narinig nya ang tinig sa kabilang linya."Corny ba ? I mean pwede tayong uminom uli sa bar...gusto kita, I mean gusto kong makasama ka ng matagal tagal...malaman yung mga iba pang detalye sayo."

Parang nagsusumamo ang propesor. Iyon din naman ang gusto ni Lyn.Dineretsa na ba siya ng propesor? Diretsahan na bang sinasabi nitong gusto siya nito? Wala ng paligoy-ligoy? Parang gusto ni Lyn na mataranta. Bakit parang ang bilis naman ng pangyayari. Bakit parang matagal na silang nagkakilala? Bakit parang kilalang kilala na nya ang binata? Dahilan ba sa ang binata ang katuparan ng kanyang ideal na mangingibig? O dahilan sa sila talaga ang itinakda ng tadhana para sa isa't-isa?

"Ok, magkita tayo mamaya sa lobby . See you."

Yun lang ang sinabi ng magandang doktora sa kabilang linya. Subalit para kay Tim, isang magandang pangako ito ng isang magandang simula. Sa edad nyang 30, ngayon lamang nakadama ang binata na mabihag ng isang babae ang pihikang damdamin.

Pagpasok ni Leah sa kanilang kwarto, nadatnan nyang halos kabababa lang sa telepono ng magandang room mate. At bakas nya ang galak sa mukha nito. "Hmp! Mukhang masaya ang ka-room mate ko ah?" Untag nya dito sabay upo sa tabi ng dalaga. Lumabi si Lyn at lumabas ang magagandang biloy sa magkabilang pisngi nito. " Tumawag po si Prop Tim... si propesor Domingo..." Hindi natapos ni Lyn ang sinasabi. Bakit ba nya ibinabalita pa sa kaharap ang pagtawag ng propesor sa kanya? Mahahalata ni Leah na nagagalak siya sa pagtawag ng propesor.

"Haaa? Kailan tumawag at bakit? " Sunod sunod na tanong ni Leah. Kailangan na ni Lyn ngayon na sabihin ang dahilan ng pagtawag ng propesor.

" Kung pwede raw magkita ulit tayong tatlo sa lobby mamaya 9:30 pm. Inom daw ulit tayo sa bar." Nagsinungaling na si Lyn. Ang imbitasyon ay para sa kanya lamang. Hindi naman marahil ikagagalit ng binata na isama nya si Leah.

" Talaga? Eh nag iimbita rin yung nakipagkilala sa atin yung mayabang na si bigote kung pwede ka raw mamayang 10:00 pm sa lobby rin. Nagyayaya rin sa bar," Nagulat siya sa sinabi ni Leah.

" Si bigote? At nag-commit ka naman?" Pinandilatan nya ang tsinitang room mate.

"Ay hindi po. Sabi ko sasabihin ko muna sayo." Pinandilatan din siya ng mata ng kausap. At natawa sila pareho. Masaya rin kasi si Leah sa isipin na makakasama uli nila ang propesor.

"Hayaan mo na si bigote mas safe tayo kasama si Prop Domingo." Pagtatapos nya.

" Sinabi mo pa !" At para silang teen ager na nag apir pa.

9:00 pm. Alumpihit si Arnie sa loob ng kanyang kwarto sa hotel. Naisip nyang maagang lumabas ng kwarto at magpahangin na muna sa lobby ng hotel habang hinihintay ang takdang oras kung darating ang kanyang hinihintay. Matindi talaga ang tama nya sa magandang doktora. Iba ang dating nito sa kanya. Parang itinakda ng tadhana na ito ang babaing kanyang itatangi habang buhay.

Nagbihis siya. Simpleng gray na sport shirt na nagpapatingkad sa kanyang maskuladong pangangatawan at semi-formal na pantalon with matching leather shoes. Pinagmasdan ni Arnie ang sarili sa salamin. Hindi maipagkakailang gwapo siya. At sa taas nyang 6' 2" sabihin pang anak siya ng pulitikong si dating senador Manuel Alcantara na may-ari ng Genetics Philippines, Inc. at kasalukuyang gobernador sa kanilang lalawigan ng Pangasinan. Sino kayang anak ng isang eba ang makakawala sa kanyang mahika?

"Ah, Dra. Lyn Abarrientos, ikaw ang ibig kung maging reyna sa aking kaharian !" Naisip nya. "Ikaw lang at walang iba!" Ito ang bulong at sumpa ni Arnulfo Alcantara sa kanyang sarili.

Ah, ang pag-ibig ay isang kabaliwan. Ang lahat ng umiibig ay dumaraan sa ganitong proseso ng kabaliwan. At ang bawat mangingibig ay binubulag ng masidhing paghahangad na maangkin ang kanyang iniibig. At magka minsan ang paghahangad na ito ay humahantong sa kapahamakan.

Umupo si Arnie sa isang sulok ng bar na tanaw ang lobby ng hotel. Umorder siya ng isang baso ng whiskey. Pam-painit lang. Parang kinakabahan siya. At ang damdaming nararamdaman ay lubhang banyaga sa kanya. Kailangan pa nyang umamot ng lakas sa alak upang harapin ang katotohanang binihag ng isang magandang doktora ang kanyang puso. At habang iniisip niya ang magandang doktora, parang lalo siyang naduduwag. Subalit sumisidhi naman ang pagnanasa niyang muling makita ito. At muling masilayan ang kabuuan nitong tila mahika na nagbibigay sa kanya ng di maipaliwanag na kasiyahan. Ang mapagmasdan lang ang maamo nitong mukha ay parang obsesyon na hinahanap hanap ng kanyang paningin. Ang puso ni Arnie ay nagdidikta sa kanyang utak na kailangang mapasa kanya ang magandang doktora kahit ano pa ang mangyari!

At habang sinisimsim nya ang mapait na alak sa hawak na baso, sumagi sa isip nya na mas higit marahil siyang malalasing kung labi ni Dra Lyn Abarrientos ang kanyang hinahagkan at hindi ang labi ng baso ng alak na tangan!

Halos tatlumpong minuto na si Arnie na nasa lamesa sa sulok ng bar na iyon at naka tatlong order na siya ng whiskey. Natanaw nya ang makisig na lalaki na kasalo ng grupo ni Dra. Lyn Abarrientos noong lunch break. Umupo ito sa isa sa mga upuan sa lobby ng hotel na parang may hinihintay. " Talagang makisig ang lalaking ito." Naisip ni Arnie. " Pero hindi ito hihigit sa sariling kakisigan!"

Mga ilang minuto ang nakalipas, napapitlag si Arnie sa kina-uupuan ng makita nya ang dalawang babae na lumapit sa makisig na lalaki na nakasalamin sa lobby ng hotel. Nakita nyang tumayo ang lalaki at pagkatapos ng ilang sandaling pag-uusap tinungo ng mga ito ang direksyon patungo sa bar na kinaroroonan ni Arnie. Hindi halos humihinga si Arnie. Tatayo sana siya sa kina-uupuan ng pumasok ang tatlo sa bar at kumuha ng mesa na di kalayuan sa kanya.

" Mukhang matagal na silang magkakakilala." Ito ang naisip ni Arnie ng makita ang grupo nina Dra. Lyn Abarrientos, anak ni Congressman Arthur Buenviaje, at ang makisig na lalaki na mukhang kagalang galang ng pumasok ang mga ito sa loob ng bar. Nakita nyang lumapit ang isang waiter sa mga ito. Maya maya pa ay pumasok ang waiter sa kusina ng bar. At ng bumalik ito ay may dala na itong isang tray na may lamang ilang bote ng Lagerlight Beer . Bumalik ito at nagdala ng tatlong order ng pulutan.

Hinayaan muna ni Arnie na maubos ng tatlo ang tig-isang hawak na beer ng mga ito ng tawagin niya ang waiter. Lumapit ito sa kanya at may ibinulong siya sabay turo sa di kalayuang mesa ng tatlong masayang nag-iinuman. Maya maya pa ay bumalik ang waiter mula sa kusina at nagdala ito ng walo pang bote ng Lagerlight Beer at dinala sa mesa na kinaroroonan nina Dra. Lyn Abarrientos.

Nagulat yung tatlo ng ilapag ng waiter sa kanilang mesa ang mga botelya ng beer sabay turo sa direksyon na kinaroroonan ni Arnie. Tumayo si Arnie at mabilis na lumapit sa grupo. " Naririto rin pala kayo Lei,"
Sabi ni Arnie. May bisa na ang tatlong order na whiskey at pakiramdam ni Arnie ay nag-iinit ang kanyang punong tenga, " At magandang gabi Dra. Abarrientos," Baling nya sa talagang pakay nya. "I hope you won't mind if I join you..."

Nagulat si Tim ng ilapag ang walo pang bote ng Lagerlight Beer ng waiter. Hindi pa sila nangangalahati sa inorder at wala pa silang inorder na bago. At naasiwa siya na naririto rin at kasama nilang dalawa ni Lyn si Leah. Ang gusto ni Tim ay masolo sa gabing iyon si Lyn. Pero bakit isinama nito si Leah? At ng lumapit ang lalaking kaharap na itinuturo ng waiter na siyang nag order ng inilapag na inumin lalong sumidhi ang pagka-asiwa na naramdaman ng binatang propesor. Makisig din ang lalaki sa kanyang harapan. Tantya niya ay magkakasing-edad ang dalawang doktora at ang lalaking kaharap. At mukhang mayaman at makapangyarihan ang bagong dating.

At hindi nya gusto ang pilyong ngiti ng lalaki na ibinabadya ng makipot na bibig na ginuhitan ng manipis na bigote." Kaibigan ba o karibal ang bagong dating? Naisip ng binatang propesor. Napansin nya higit na atensyon ang ibinibigay ng lalaki sa gawi ni Lyn.

"Akala ko 10:00 pm pa ang usapan natin sa lobby, Lei" Sabi ni Arnie sa nagulat na si Leah.Tinawag nya ito sa palayaw nito upang ipakita ang impresyon sa mga kaharap na magkakilala na sila ng anak ni Congressman Buenviaje. Nakita ni Tim ang parang pagka asiwa din ni Lyn sa pagdating ng lalaking may bigote.

"Eh nauna na palang nag-imbita si Prop Tim kay Lyn, bago ka nag-imbita." Ang malamig na tugon ni Leah na hindi itinago ang pagka-irita sa pagdating ng kaharap.

"Why not you join us ?" Nagulat si Tim na natagpuan ang sariling biglang sumabad sa usapan. Pero ito ang hinihingi ng pagkakataon." Nag-order ka na pala ng beer..." Ibinitin ang sinasabi at hinayaang manghula ang bagong dating kung may inis ang kanyang pagkakabigkas sa huling kataga.

"Thank you," Sabi naman ng kausap at kumuha ito ng upuan kaharap si Lyn na nasa kaliwa ni Tim.

" Ako nga pala si Arnulfo Alcantara, Arnie na lang..." Iniabot ni Arnie ang palad sa batang propesor makaraang umupo.

" At ako naman si Tim. Artemio Domingo." Pagpapakilala ni Tim kay Arnie habang ginagagap ang iniabot na palad ng kausap. Sa pagkaka upo nilang apat, magkaharap si Tim at si Leah. Magkaharap naman si Arnie at si Lyn. At nagsimula ang paikot na tungggalian ng pag-ibig. Si Leah laban kay Lyn sa pag-ibig ni Tim. Si Arnie laban kay Tim sa pag-ibig ni Lyn. At kung ang pag-ibig ay isang laro, ang pag-big ay hindi nagtatakda ng mga alituntunin. Sa bawat laro may nanalo at may natatalo. At sa mga manlalaro mayroong mga mandaraya.

Kapag sinamahan ng pandaraya ang isang laro, ang mananalo kaya ay totoong nanalo ? At ang natalo kaya ay totoong talunan?

Ang daigdig ay isang bilog na umiikot sa bilog na kanyang iniikutan. Sinasabing maihahalintulad sa isang gulong ang buhay. Minsan ikaw ay nasa ilalim. Subalit darating din ang sandali na ikaw ay papaibabaw. Ang buhay ay maihahalintulad sa isang digmaan. Ang malakas at makapangyarihan ay higit na mas malaki ang pagkakataong magwagi sa laban ng buhay. Subalit sa pag-ibig, patas lagi ang laban. Walang mahirap o mayaman. Tanging ang puso ang nagdidikta kung sa huli ay sino ang tunay na nagwagi at sino ang talagang talunan sa laro ng buhay.

End Of Chapter II- Susunod- Pandaraya