1. Home
  2. Stories
  3. My Unfaithful Heart - Chapter 1
Filipino Sex Stories

My Unfaithful Heart - Chapter 1

By van_themaster ·

Chapter 1

Pagkatapos tingnan ang kanyang mukha sa salaming nasa loob ng kanyang locker ay isang ngiti ang nasa labi ni Lauren. Hindi niya kailangang magpulbos pa ng makapal dahil sa natural na mestisa niyang balat. Pinapula na lamang niya ang labi ng bahagya upang lalong maging kaakit-akit ang kanyang magandang mukha.

"Hoy! Tama na yan Lauren, 'wag mo ng masyadong pagandahin pa yang sarili mo. Maawa ka naman sa amin na nagmumukhang mga katulong kapag kasama mo." Ang natatawang sabi ni Mildred.

Nakalabing isinara ni Lauren ang kanyang locker at saka ipinuyod ang kanyang mahabang itim na buhok.

"Ikaw talagang babae ka, ganito na naman talaga ako mag-ayos. Saka tigilan mo nga ako sa sinasabi mong yan. Hindi ka ba humaharap sa salamin?" Ang tugon naman ni Lauren sa kaibigang may itsura din naman, mas higit nga lamang siya sa mukha, kutis at pagdating sa kurba ng katawan.

Natatawa namang nilapitan ni Mildred ang kaibigang bahagyang inaayos ang suot nitong uniforme.

"Sus, baka naman kaya lalo kang nagpapapaganda ay dahil sa gwapo at napakasipag mong nobyo."

Agad namang hinampas ng marahan ni Lauren sa balikat si Mildred at itinapat sa labi ng kaibigan ang kanyang isang daliri.

"Loka ka talaga, ikaw lang ang sinabihan ko dito tungkol sa amin ni Luis tapos wagas ka kung makapag-broadcast." Ang mahinang saway ni Lauren si kaibigan.

"Sorry na nga." Ang natatawa pa ding si Mildred. "Saka bakit kasi nag-aalala kang may makaalam eh lalabas at lalabas din naman yan. Alam mo naman dito sa supermarket natin, parang dyaryo lang ang buhay ng bawat empleyado."

"Ah Basta! Itikom mo yang bibig mo tungkol sa amin ni Luis o tatahiin ko talaga yan." Ang nagbibirong banta ni Lauren na may kasamang senyas na parang nagtatahi gamit ang karayom. Kung hindi lamang inaalala ni Lauren ang mga katrabahong nakatira sa lugar nila ay hindi niya nais na itago sana ang relasyon niya kay Luis.

Nagkunwari namang nahintakutan si Mildred.

"Ititikom ko na talaga bibig ko, peksman."

"Dapat lang…, kung hindi…."

At saka nagpasilay ng isang ngiti sa labi si Lauren.

"Baka magbago ang isipan ko at hindi ko na ibigay sayo yung sapatos kong matagal mo ng inaawitan."

"Ay, may ganun? Wala namang ganyanan. Magpapakabait na ako, promise." Ang nakangiting si Mildred na niyapos ang isang bisig ng kaibigan.

"Pag-iisipan ko muna."

"Ano? Hoy, mga kasama, alam nyo ba ang latest?"

Agad namang tinakpan ni Lauren ang bibig ni Mildred gamit ang kanyang isang kamay.

"Gaga ka talaga."

At saka sila mahinang nagkatawanan habang naglalakad patungo sa kanilang istasyon sa loob ng malaking pamilihan na iyon.

*****

"Congrats Pre! Balitang-balita na ah. Bisor ka na daw." Ang masayang bati ni Reden sa kaibigan niyang si Luis.

"Sinuwerte lang." At saka tipid na ngumiti si Luis sa kaharap.

"Naku Pre, napaka-humble mo talaga, sabihin mo, bunga yan ng sipag at dedikasyon mo sa trabaho. Eh halos lahat yata ng pwesto dito sa warehouse eh kaya mong hawakan."

"Kaya magsipag ka na din, malay mo sa susunod, ikaw naman?"

"Malabo yan, ang dami ko ng liban."

Natigil sa pag-uusap ang dalawa ng tumunog ang cellphone ni Luis. Inilabas iyon ng binata mula sa loob ng kanyang bulsa at binasa ang mensaheng kadarating lamang.

"Dyan ka muna Pre, saglit lang ako." Ang masayang paalam ni Luis at saka muling ibinulsa ang cellphone niya.

Magaan ang mga hakbang ng nagmamadaling si Luis patungo sa direksyon ng pamilihan. Nais na makita agad ang sinisintang dalaga na siyang inspirasyon niya sa bawat araw na dumarating sa kanya. Kaytagal din naman niyang nagtiis at nagtyaga upang makamit ang pag-ibig na noon ay pangarap lamang niya.

Kiming ngumiti si Lauren sa palapit na kasintahan.

"Musta ang bagong SV?" Ang nakangiting bating tanong ng dalaga.

"Hindi pa ako ipinapatawag sa opisina pero nakita ko na sa bulletin board."

"Ikaw na ang taya palagi ha. Mas malaki na sahod mo eh."

"Lagi naman akong taya ah. Para namang kaya ng kalooban kong pagastusin ka."

"Sabagay, saka hindi ka naman lugi sa akin noh." Ang nagbibirong tugon ni Lauren.

Muling ngumiti si Luis sa biro ng nobya ngunit inilabas na din ang saloobing inaalala niya.

"Hm? Musta sa inyo?"

Nawala ang masayang ekspresyon sa magandang mukha ng dalaga at gaya ng binata ay naroon ang pag-aalala.

"Kay inay lang ako nagsabi, dito naman sa market, kay Mildred lang."

"Anong sabi ng inay mo?"

"Wala namang problema sa inay. Si itay lang naman ang may ayaw sayo."

"Hindi naman ako nawawalan ng pag-asa na matatanggap din ako tatay mo. Kaya nga ako nagsusumikap ng husto, para maipakita sa mga magulang mo na kahit papano ay karapat-dapat ako sayo." Ang buong sinseridad na sabi ni Luis.

Muling ngumiti si Lauren.

"Basta walang bibitaw Luis? Desisyon ko ito, ako ang makikisama pagdating ng araw. Ang isipin mo na lang, tayo na."

Muling gumanti ng ngiti si Luis, kaysarap sa kanyang pakiramdam ang mga salitang narinig.

"Labas tayo mamamaya."

"Saan?"

"Kahit saan mo gusto?"

"Yung gusto ko talaga ha. Baka kung saan mo ako dalhin ngayong tayo na?"

"Oh di ba tayo na nga? Bakit parang nag-aalala ka pa?" Ang nagbibirong tanong ni Luis.

"Sira, nagbibiro lang ako."

"Eh di pwede na kitang dalhin kahit saan?"

"Hay naku!" Ang kunwang nasusuyang sabi ni Lauren, kahit na sa kanyang isipan ay alam niyang kung darating ang araw na mangyayari ang sandaling iyon ay nakahanda naman siya.

"Sarap mo talagang biruin eh."

"Ikaw ha, naging tayo lang biglang lumakas na loob mo."

"Sorry na, nagbibiro lang naman ako."

"Ewan?"

"Sorry na talaga."

"Sige na nga."

"So, tuloy na tayo mamaya?"

"Hm, sige, pero kain na lang tayo sa labas at lakad ng kaunti. Alam mo namang alam sa bahay ang uwi ko at hindi ako pwedeng umuwi ng masyadong lampas sa oras."

"Okay na yun sa akin. Mahalaga naman sa akin makasama kita."

Muli silang ngumiti sa isa't-isa habang hindi inaalis ang pagkatama ng kanilang mga mata.

"U-Una na ako. Mamaya na lang ulit." Ang paalam ni Lauren.

"Okay, antayin ko text mo ha."

"Mamaya."

"Lagyan ng mo naman ng three words na gusto kong mabasa." Paglalambing ng binata.

"Ikaw ang mauna no."

At saka masayang humakbang palayo ang dalaga na parang nasa ulap ang mga paa.

Inilbas naman ni Luis ang kanyang cellphone at saka nagsimulang tumipa sa keypad.

Nang mag-vibrate ang cellphone ni Lauren na nasa isang bulsa ng kanyang uniforme ay kaagad niya iyon kinuha. Muling nangiti ang dalaga ng makita ang pangalan ng nobyo na may mensaheng ipinadala.

"i love you"

Mabilis siyang nagreply at ipinadala ang mensahe. At saka nilingon ang binatang nakatingin pa din sa kanya.

Binasa naman ni Luis ang mensahe at napailing na lang sa birong sagot ng nobya.

"Neknek mo." Ang mahinang sabi ni Lauren na siya ding laman ng kanyang mensahe.

Bahagyang lumabi ang dalaga sa nakangiting si Luis.

Nang muling tumalikod ang nobya ay ibinalik na ni Luis ang cellphone sa kanyang bulsa. Isang panibagong araw na naman ang bubunuin niya. Ngunit hindi na niya alintana ang pagod dahil sa inspirasyong ngayon ay kasama na niya.

"Matatanggap din nila ako para sayo Lauren. At patutunayan ko yun sa kanila." Ang laman ng isipan ni Luis na determinadong gagawin ang lahat makuha lamang ang loob at pagpayag ng ama ng nobya na alam niyang hindi siya gusto para sa dalaga.

*****

Latag na ang dilim ngunit lalong mas dumami ang taong nasa lansangan sa lugar na iyon. Ilang minuto na ding naghihintay si Luis bago niya nasilayan ang parating na si Lauren.

"Sorry. Natagalan ako sa pagsasara ng kaha, ang dami pa din kasing customers sa counter ko."

"Hindi naman ako nagtatanong ah. Alam mo namang pagdating sayo. Napakahaba ng pasensya ko…, hanggang langit na yata ang naabot." Ang nagbibirong tugon ni Luis sa sinabi ng dalaga.

Napangiti naman si Lauren sa narinig.

"Corny mo. Lika na nga."

"Saan mo gustong kumain?" Ang tanong ni Luis habang naglalakad sila.

"May bagong bukas na fast food dyan sa malapit. Doon na lang tayo para hindi din ako gabihin masyado ng uwi."

"Sige, dun na lang tayo."

Nang nasa loob na silang dalawa ay kumuha na ng mauupuan si Lauren habang si Luis naman ang pumila sa counter upang umorder ng kakainin nila.

"Ang dami naman nito? Dalalawa lang naman tayo?"

"Ito ang una nating punta dito, at pagdating sayo, ayaw kong masabi mo na nagtitipid ko."

"Ikaw talaga, mabuti sana kung payday ngayon eh malayo pa ang a-kinse."

Naupo na din si Luis na kaharap si Lauren.

"Espesyal sa akin ang araw na ito, unang kain natin sa labas na girlfriend na kita." Sinabi iyon ni Luis na hindi na inaalis ang paningin sa mukha ng nobya.

Hindi man ganap na maipakita ni Lauren sa nobyo ay nag-uumapaw naman ang saya sa kanyang dibdib.

"Naku Luis, napaka-corny mo ha. Kumain na nga tayo."

Pagkatapos nilang kumain ay naglakad-lakad pa sila na magkasama sa luagr na kakaunti lamang ang mga tao. Ngunit kahit gusto na sanang hawakan ni Luis ang kamay ni Lauren ay parang nag-aalangan pa din siya.

Napangiti naman si Lauren ng maramdaman ang panaka-nakang pagdikit sa kanyang daliri ng kamay ni Luis.

Biglang nakaramdam ng kasiyahan si Luis ng maramdaman ang paggagap ni Lauren sa kanyang palad.

"Akala ko pa naman napakalakas ng loob."

"Nahihiya kasi ako, baka kasi magalit ka."

"Ano ka ba? Pagdating sa ganito okay lang noh. Ang gusto ko lang, hindi tayo magmamadali."

Naglibot pa silang dalawa sa ilang lugar, pilit na bumubuo ng mga masasayang sandali sa alam nilang saglit na panahon na magsama silang dalawa.

"Uwi na tayo, baka magalit ang itay kung malaman na masyado akong ginabi ng uwi."

Sumakay na sila ng dyip at umuwi na lugar kung saan sila kapwa nakatira bagaman magkalayo ang kanilang bahay.

Ihinatid lang ni Luis ang nobya sa may kanto patungo sa bahay nito at doon na sila nagpaalaman. Madilim naman ang lugar dahil walang ilaw na nakalagay malapit doon. Kaya hindi nag-aalala ang dawala na madali silang makikita na magkasama

"Ayaw mo ba talagang iuwi ito sa inyo?" Ang tanong ni Luis na hawak ang sobra sa natira nilang pagkain kanina.

"Iuwi mo na lang para sa inyo at baka nasa bahay ng ang itay ay matanong pa ako tungkol jan."

"Hm, pano, kita na lang tayo bukas." Si Luis na hindi na din nagpilit pa.

"Okay."

Saglit pa silang nagkatitigan na parang may gusto pang sabihin sa isa't-isa.

"U-Una na ako." Paalam ng binata.

"S-Sige." Ang maiksing tugon ni Lauren na may nais pa sanang sabihin sa binata.

Tumalikod na si Luis at nagsimula ng humakbang palayo. Nakailang hakbang na din siya ng bigla siyang natigilan. Biglang uminit ang kanyang pakiramdam dahil mula sa kanyang likuran ay ramdam niya ang malusog na dibdib ni Lauren na nakalapat sa kanya. Nakayakap sa kanya ang kasintahan at nakahilig sa kanyang likuran ang malambot nitong pisngi.

Ilang sandali munang hinayaan ni Luis na nasa ganun silang ayos ni Lauren bago niya marahang inalis sa kanyang harapan ang dalawa nitong kamay na nakayakap sa kanya. Hinarap niya ang dalaga at ang pag-aalala ay mababanaag niya sa maganda nitong mukha.

"Luis, ipangako mo sa akin, na kahit na anong mangyari. Hindi ka mapapagod, at hindi ka susuko."

"Mahabang panahon akong naghintay na mahalin mo. Hindi ko kailanman papayagang mawala ka sa akin. Kaya kahit na anong mangyari, mananatili akong nandito para sayo. Alam kong sa kalagayan ko ngayon, hindi ako matatanggap pa ng mga magulang mo para sayo. Pero nakahanda ako Lauren, nakahanda sa lahat ng pagsubok na darating para sayo."

Muling niyakap ni Lauren ang nobyo at isiniksik ang mukha sa dibdib nito.

"Ganun din ako Luis, magpapakatatag din ako."

Hinaplos-haplos ni Luis ang mahabang buhok ni Lauren habang muling ninanamnam ang masarap na pagkakayakap nito sa kanya.

Inilayo ni Lauren ng bahagya ang katawan ngunit hindi inalis ang pagkakayakap sa binata.

At sa kapwa nangungusap nilang mga mata ay nakikita nila ang isang kapwa ninanasa nilang dalawa. At sa pagbaba ng mukha ni Luis ay siya din namang pagpikit ng mga mata ng dalaga. At sa kauna-unahang pagkakataon ay naglapat ang kanilang labing noon pa nasasabik sa sandaling pinapangarap nila. Puno ng pag-ibig at kapwa umaasa na hindi sila kailanman susuko gaano man kabigat ang mga pasaning dumating sa isat-isa.

*****

Sakay ng dyip na pinapasada ng ama ay nakaupo si Lauren sa unahan. Sila pa lamang dalawa ang nasa loob ng sasakyan ng magsalita ang kanyang ama.

"Alanganing oras ka na daw nakauwi kagabi sabi ng kapatid mo." Ang sabi ni Ramon na hindi inaalis ang paningin sa daan.

"Nag-extend lang po ako ng oras sa trabaho."

"Siguraduhin mong sa trabaho lang talaga Lauren, nag-aaral pa sa highschool ang mga kapatid mo at hindi pa natin nababawi ang titulo ng bahay natin sa pagkakasanla. Ayaw kong mabalitaan na kung sino-sino lang ang lalakeng kasama mo. Kilala mo ako Lauren." Ang madiin na paalala ni Ramon sa anak.

"Opo itay, alam ko naman po iyon."

"Mabuti na yung nagkakaintindihan tayo."

Nang may sumakay ng ibang pasahero ay natigil na din sila pag-uusap.

"Dyan na lang po sa tabi tay." Si Lauren ng nasa malapit na ng pinapasukang malaking pamilihan.

"Umuwi ka ng maaga."

"Opo."

Nakalayo na ang dyip na minamaneho ng Mang Ramon ng magsimulang humakbang si Lauren. Hindi naman niya masisisi ang ama. Dahil may malubhang karamdaman ang kanyang ina at nakabaon pa sila sa utang. Siya lamang ang katulong ng ama sa lahat ng pangangailangan nila sa bahay na palaging kulang kahit na anong gawin nila.

Kaya ang minsang pag-akyat ng ligaw ni Luis noon sa kanilang tahanan ay hindi na nasundan pa. Dahil sa napakalamig na pakikitungo ng kanyang ama na tahasang ipinaalam sa nobyo ang hindi nito pagkagusto. "Para saan pa yang ganda mong bata ka tapos sa isang tulad lang ni Luis ka papatol. Aba! Wag ka namang maging tanga Lauren. Mag-isip ka!" Ang hindi mawala sa kanyang isipan na pagalit na minsang sinabi sa kanya ng ama.

Ngunit ang puso ay sadyang mahirap diktahan. Na kapag sisikilin ay mas lalong kay hindi niya kayang pigilan.

At sa paglipas ng mga araw ay lalong sumisidhi ang kanyang nararamdaman. Laging nananabik sa mga mumunting sandali na kasama ang binatang minamahal niya.

"Blooming na blooming ah. Iba talaga kapag in-love." Ang nakangiting si Mildred na nag-aayos din kanyang uniforme. "O baka naman naisuko mo na ang Bataan?"

Bahagyang kinurot ni Lauren sa tagiliran si Mildred.

"Tumigil ka nga at baka may makarinig sayo." Ang gigil na sabi ni Lauren. "Hindi naman kami nagmamadali."

"Mag-i-isang buwan na din kayo ah."

"Eh ano ngayon. Yang lovelife mong intindihin mo at wag yung sa akin."

Nilapitan ni Mildred ang kaibigan at saka nagsalita ng mahina.

"Lauren."

"Oh?"

"Sige ka, baka tabangan sayo si Luis kapag nag-ala Maria Clara ka pa jan."

"Sira. Mahal na mahal ako nun."

Napatawa ng mahina si Mildred.

"Pero sa totoo lang…"

"Ano?"

Idinikit ni Mildred ang bibig malapit sa tenga ng kaibigan.

"Maniwala ka sa akin Lauren, kapag nakatikim ka na nun. Titirik yang mata mo sa sarap."

Akma sanang kukurutin pa ulit ni Lauren ang kaibigan ngunit nakaiwas ito.

"Malibog." Ang madiin ngunit mahina niyang sabi.

"Sus, isipin mo na lang. Kasalan na agad ang kasunod kapag may nangyari sa inyo at nakabuo agad kayo."

"Hay naku, matagal pa yang kasalan na yan sa hirap ng buhay namin ngayon. "

"At bakit naman? Dalawa na kayong nagtatrabaho."

"Mildred, para namang hindi mo alam ang sitwasyon ng pamilya ko. Sa gastusin pa lang sa inay kulang na kulang pa ang sahod ko." Si Lauren na nagsimula ng maglakad.

Natigilan naman saglit si Mildred ngunit mabilis na sumabay na din sa paglalakad ng kaibigan.

"So, paano kayo nan?"

"Okay naman kami ng ganito lang, ang mahalaga sa amin, nagmamahalan kami, nauunawaan ang isa't-isa. Oo, bisor na si Luis pero alam natin pareho na pinag-aaral pa din niya ang dalawa niyang kapatid sa kolehiyo. Hindi din naman ganun kalaki ang idinagdag sa sahod niya."

"Sabagay, may punto ka."

"Hindi naman kami nagmamadali, at naniniwala akong hindi niya ako iiwan o ipapagpapalit." At saka hinarap ni Lauren si Mildred, inilagay ang ibabaw ng isang palad sa kanyang baba at buong tamis na ngumiti. "Pang Miss U kaya to."

"Sira, hindi ka din naman lugi kay Luis, masipag, mabait, at saka gwapo din naman."

"Talaga, siya ang pinakagwapo para sa akin."

"Talaga ha?"

"Talagang-talaga."

"Mas pogi pa kesa sa mga poster na nakadikit sa kwarto mo."

"Excuse me, matagal ng walang poster ng artista sa kwarto ko no."

"Sus, maniwala ako sayo."

Habang papasok sila sa loob ay napansin nila ang hindi maiwasang tingin sa kanilang dalawa ng mga lalakeng kasama sa trabaho.

"Tiyak, kagulo ang mga kalalakihan dito sa supermarket kapag lumabas ang balitang mag-on na kayo ni Luis." Ang mahinang sabi ni Mildred.

"Kapag nangyari iyon tiyak na ikaw ang nagpakalat."

"Ako talaga ang suspect ha?"

"Eh sino po ba? Teka-"

Napatingin si Lauren sa bulletin board na nadaanan.

"Matutuloy na kaya talaga ito?" Ang tanong ni Lauren sa katabing si Mildred.

"Matagal ng balita yan diba simula ng mag-retire yung GM natin?"

"Oo, pero noon parang tsismis lang. Nasa board na ngayon eh."

"Ano naman kung magkaroon ng new management structure. Mga nasa taas lang naman ang magkakaroon ng pagbabago. Bakit tayo mag-aalala?"

"Eh paano kung mawala yung mga incentives na tinatanggap natin gaya pag may inventory or nakakatarget tayo ng benta?" Ang may halong pag-aalang tanong muli Lauren.

"Wag kang mag-aalala, hindi naman siguro."

"May ilang absent na din ako dahil sa inay, 'wag naman sana ako madamay dito."

"Naku Lauren, itigil mo na nga yang kakaisip mo ng kung ano-ano."

Nasa kanya ng kaha si Lauren ay iniiisip pa din ang pagbabagong magaganap sa kanyang pinapasukan.

"Wag naman sana." Ang lihim niyang naiusal, dahil kailangan niya ang trabaho at malaking kawalan sa kanyang pamilya ang bawat extrang benepisyo na nakukuha.

*****

Isang banyagang babae ang palapit sa isang upuan na nasa parteng business class sa loob ng eroplano.

"Excuse me Sir."

Ang mga salitang ito ang narinig ni Tristan pagkatapos niyang makaramdam ng banayad na pagtapik sa kanyang balikat.

"We are about to descent so please do fasten your seatbelt."

"Sure." Ang matipid na tugon ni Tristan sa stewardess na nakangiti sa kanya.

"Thank you."

Pagkatapos ayusin ang seatbelt sa kanyang upuan ay itiningin niya ang paningin sa labas ng eroplano. May tatlong taon na din ang lumipas nag huli niyang nasilayan ang bansang sinilangan. Mga nakalipas na taon na itinuon niya sa lalo pang pagpapalawig ng kanyang kaalaman sa pagpapatakbo ng kumpaya.

Nauna pang ngumiti ang babaeng nasa may counter ng immigration paglapit ng binata doon. Ibinigay niya ang kanyang passport at saka naghintay na matapos ang babae.

Nasa may daan na siya ng hintayan ng mga pasahero ng mabasa ang isang placard kung saan nakasulat ang buo niyang pangalan.

"Tristan Cervantes"

Nilapitan niya ang lalakeng may hawak niyon.

"Sir Tristan." Ang magalang na sabi ni Ruben ng mamukhaan mula sa larawan na ipinakita sa kanya ang binatang amo.

"Yes."

"A-Ako po si Ruben, ang ipinadalang susundo po sa inyo ni Sir Mauricio."

"Asan na si Mang Noli?"

"May ilang buwan na po ng umuwi na siya sa kanila. Ako po ang kapalit."

Bahagyang tumango naman si Tristan.

"D-Doon po tayo Sir, ako na po jan."

Hinayaan naman ni Tristan ang matanda na siya ng magtulak ng kanyang trolley. Hindi alintana ang mga humahangang tingin ng mga babaeng nadadaanan. Sitwasyong hindi na din naman bago sa kanya saan mang lugar siya magpunta.

Kahit ilang dekada ng nakatayo ang malaking bahay na kanyang nakagisnan ay nanatiling maayos at maganda pa din iyon. Pagdating naman niya sa loob ay moderno na ang disenyo bagay na hindi mo aakalain mula sa labas.

"How's your trip?"

Iginawi ng binata ang paningin sa nagsalita at saka nagsimulang humakbang palapit doon.

"How's your health?" Ang ganting tanong ni Tristan sa ama na nakaupo sa wheelchair na may kasamang isang matandang babae na nagtutulak sa likuran.

"Not as good as before, but I'm fine. And I can finally relieved myself of all the stress and pressure. That's all yours now." Ang nakangiting sabi ni Mauricio sa anak at saka inilahad ang kanyang palad.

"Welcome home Tristan."

Ginagap naman agad iyon ni Tristan.

"I'm sorry for leaving you alone Dad."

"You're here now, that's all that matters."

At saka naghiwalay ang palad ng mag-ama.

"I have them prepared some of your favourite dishes. Come back down when you're done in your room."

"Sounds good."

Tumalikod na si Tristan at nakailang hakbang na muli siyang matigilan.

"Did you get over it?"

Pumihit si Tristan at muling hinarap ang ama.

"Time heals everything so they say. I think I'm fine now Dad."

"I'm happy to hear that."

Umakyat na si Tristan sa itaas at pumasok sa loob ng kanyang malaking kwarto. Binuksan ang malaking bintana at hinayaang pumasok ang hangin mula sa labas. Ang maaliwalas na panahon mula sa labas ay humahalintulad sa nararamdaman niya. Ang mapait niyang kahapon ay naibaon na niya. Handa na siyang muling harapin ang mundo sa paraang nais niya.

*****

Sa loob ng isang sports complex.

Naibalik na ng maayos ni Jasmine ang mga gamit sa loob ng kanyang sports bag. Bahagyang iniunat ang mga kamay at saka sakbit ang bag na lumapit sa isang lalakeng tapos na ding mag-ayos.

"Do you want to have something cold?" Ang tanong ni Nathan sa pawisang dalaga.

Umiling naman si Jasmine.

"Gusto ko ng mag-take ng shower. But if you want to, go ahead."

Isinara ni Nathan ang kanyang bag at isinakbit din iyon sa kanyang balikat.

"No, let's do that na lang after we change."

Inakbayan ni Nathan si Jasmine at saka sila lumakad na patungo sa direksyon ng shower room.

"Hey Jas!"

Natigil sa paglalakad ang dalawa at tumingin sa direksyon na tumawag sa dalaga.

"Go ahead Babe, sunod na lang ako."

"Okay, hayaan ko na muna kayong dalawa ni Abby. But Abby, I want her back when I'm done with my shower."

Ngumiti naman si Abbygail kay Nathan.

"She's all yours when I'm done with her." Ang nagbibirong tugon ni Abbygail.

Hinayaan muna ni Abbygail na makalayo ang lalake bago niya kinausap ang kaibigan.

"Jas, did you heard about it?"

"About what?"

"Tristan."

Natigilan naman si Jasmine pagkarinig ng pangalan na kailanman ay hindi niya malilimutan.

"Nakabalik na siya."

"Your source?"

"Friend siya ni Gab, and you know naman my BF, he's always telling me everything."

"I see." Ang sabi ni Jasmine na blanko ang ekspresyon.

"Is it better kung hindi ko sinabi sayo? I though lang kasi na you should know. I'm sorry kung I overstepped my boudary."

Ngumiti naman si Jasmine.

"It's alright Abby. Shower na muna ako. Have fun."

Nasa loob na ng shower si Jasmine at patuloy na binabasa ng maligamgam na tubig ang kanyang hubad na katawan. Laman ngayon ng kanyang isipan ang lalakeng sinabi sa kanya ng kaibigan.

"Fuck Tristan, why come back now?"

*****

Sa isang parte ng daan papunta sa warehouse ay nag-iisang hinihintay ni Lauren ang pagdating ni Luis na hindi naman nagtagal ay nakita niyang palapit na sa kanya.

Inaabot ni Lauren sa nobyo sa isang paper bag na may lamang balutan ng pagkain.

"Salamat dito. Hindi ka na sana nag-abala, may canteen naman tayo."

"Siya amina na yan, ang aga kong gumising para iluto yan akala mo."

"Ito naman, hindi na mabiro. Salamat ng marami, uubusin ko talaga ito."

"Dapat lang."

"Hm, Lauren…, makakalabas ba tayo ulit mamaya?"

"Nag-aalala ako sa itay eh, pero kung saglit lang naman. Sige labas tayo mamaya."

"Okay na sa akin yun, ang mahalaga makasama kita kahit saglit lang."

"Sa dati na lang tayo mamaya."

"Okay dun na lang."

Kapwa sila natigilan nang mapansin ang ilang may mataas na katungkulan na nagmamadaling naglalakad papunta sa iisang direksyon.

"Anong meron?" Ang tanong ni Lauren.

"Hindi ko alam, wala namang memo na may special visitor o auditor ngayon."

Ibinalik ni Lauren ang paningin kay Luis at saka siya nagpaalam.

"Punta na ako sa pwesto ko. Mamaya na lang, text na lng kita kapag palabas na ako."

"Okay, balik na din ako sa loob. "

Nakailang hakbang na si Lauren ng tinawag siya ng nobyo.

"Lauren…, I love you." Ang sabi ng nakangiting si Luis.

Lumabi lang ang dalaga at saka tumalikod na ulit. Hindi na ipinakita kay Luis ang matamis na ngiting nakapagkit sa kanyang labi.

Nagtuloy na sa paglalakad si Lauren ng makitang papunta sa kanyang direksyon ang mga taong nakita niyang humahangos kanina.

Tumigil sa paglalakad si Lauren at tumabi sa may gilid ng daan bilang paggalang sa mga nakakataas sa pinapasukang malaking pamilihan. Ngunit ang hindi niya maiwasang umagaw sa kanyang atensyon ay ang lalakeng naglalakad sa gitna ng mga ito. Matangkad ito na parang malapit sa anim na talampakan ang taas, may magandang pangangatawan at nagtataglay ng isang napakakisig na mukha. Mga katangiang sadyang hindi maaaring hindi aagaw sa atensyon ng isang babaeng tulad niya. Kahit gwapo din namang maituturing ang kanyang nobyo ay aminado siyang higit ang kakisigan na taglay ng lalakeng palihim na tinitingnan niya.

Sa isang sulok ng paningin ni Tristan ay napansin niya ang isang empleyada na nasa gilid ng daan. Hindi na sana magtatagal ang kanyang paningin sa babae ngunit ng masilayan ang mukha nito ng mas malapitan ay hindi niya nagawang alisin agad ang kanyang paningin.

Nagbaba naman ng tingin si Lauren at saka bahagyang yumukod ulit ng magtama ang kanilang mga mata ng lalakeng tinitingnan.

"Umayos ka Lauren." Ang galit niyang nawika sa sarili.

Nagtuloy naman si Tristan sa paglalakad na hindi na pansin ang mga sinasabi ng kasama. Dahil nanatili sa kanyang isipan ang imahe ng babaeng nakita niya kanina. Isang pigil na ngiti ang gumuhit sa kanyang labi. Malaki na ang kaibhan niya sa dating sarili at ang lahat ay malaya na niyang gawin.

"Oy, Lauren. Alam mo na ba ang latest?" Ang excited na tanong ni Mildred sa kaibigang nasa kaha na nito.

"T-Tungkol saan?" Ang ganting tugon naman ni Lauren kahit may ideya na siya sa ibig nitong sabihin.

"Mayroon na daw tayo ng bagong GM na kapalit ni Sir Norman. Makalaglag-panty daw sabi ng mga nakakita. "

"Ah, ganun ba."

"Anong klaseng reaksyon naman yan?"

Hinawakan ni Lauren sa bisig si Mildred at hinila palapit sa kanya.

"Eh ano naman sa akin, masaya na ako kay Luis at wala na akong pakialam sa iba kahit pa totoo yang balita mo. At isa pa, kung totoo man yan, sa tingin mo ba? Yung mga tulad natin ay pag-aaksayahan tayo ng panahon nun." Ang mahinang sabi ni Lauren at saka binitawan si Mildred.

"True, pero ibang usapan kasi pagdating sayo. Baka kabahan si Luis kung totoo ang balita." Ang tugon ni Mildred habang nakatingin sa magandang mukha ng kaibigan.

"Tigilan mo nga ako Mildred ha."

"Okay, pero tatandaan ko yang sinabi mo." Ang may himig nagbibirong patuloy ni Mildred.

Ang unang umaga ni Tristan sa kumpanya ay naubos sa dalawang magkasunod na meeting. At ng matapos iyon ay isa-isa niyang binisita ang bawat departamento. Mula sa magkakatabing opisina ng Accounting, Sales, HR at iba pa. Ang sumunod naman ay ang Warehouse Department na nasa bandang likuran ng pamilihan.

"Sir Tristan." Ang bati ni Arnold na siyang manager doon ng marami na ding taon.

Iginala naman ni Tristan ang kanyang paningin.

"I'm just looking around."

"Kung may mapapansin kayong hindi nyo gusto o para sa improvement ng warehouse. Please let me know Sir."

"That I will."

Napansin ni Tristan ang isang lalakeng nagsusulat malapit sa isang shelf ng mga bagong produkto.

"Luis." Ang pagtawag ni Arnold.

Paglingon ni Luis sa pinanggalingan ng tinig ay kaagad siyang napatingin sa kasama ng kanilang manager. At dito niya napagtanto na totoo ang balitang kumakalat kaninang umaga. Habang palapit sa dalawa ay nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na kaba. Dahil ang lalakeng nasa harapan niya ay higit ang lahat ng katangian sa kanya.

"Luis, this is Sir Tristan, our new GM."

"Sir Tristan." Si Luis.

Tumango naman ng bahagya si Tristan habang nakatingin sa lalakeng kaharap.

"Sir Tristan, bagong SV namin sa Warehouse itong si Luis. Masipag na empleyado at maabilidad."

"I see, then I look forward to seeing more of your good qualities."

"Yes Sir."

Ang hypermarket naman ang sunod na pinuntahan ni Tristan. At mula sa kanyang kinatatayuan ay hinanap sa mga naka-uniformeng staff ang babaeng nakatinginan niya kanina.

"Found you."

At saka lumapit sa isang chiller si Tristan at kumuha ng malamig na soda.

Pagkatapos ilagay sa plastic ang pinamili ng kanyang customer ay ibayong kaba ang nasa dibdib ni Lauren ng makita kung sino ang palapit sa kanya. Nakatitig sa kanya ang lalake na parang nais siyang tunawin sa tingin.

Pilit na kinalma ng dalaga ang sarili upang hindi madaig ng presensya ng lalakeng nasa harap niya. Kinuha ang sodang nasa counter at saka iyon iniscan.

"I-Ito lang po ba Sir?"

"It's Tristan…, Lauren." Ang sabi ni Tristan pagkatapos saglit na tiningnan ang nakasulat na pangalan sa tapat ng malusog na dibdib ng kaharap. "I believe you already have an idea kung sino ako."

Muling nagtama ang kanilang paningin na ngayon ay mas matagal na kumpara sa una nilang pagkikita. Naroon ang tensyon na hindi kayang ipaliwanag ni Lauren. Isang banyagang pakiramdam na kahit alam niyang hindi tama ay kanyang nararamdaman.

(Ipagpapatuloy…)

Hello all.

I know it's been a while.

This is a short series, like 10 to 12 chapters only. But each chapter is quite a long read I assured you. This story is my supposed entry to the FSS writing competition. But with my current pacing, I don't think I can finish it in time.

I'll publish the next update as soon as possible. But please do remember na nagtatrabaho din ako at may ibang priority pa. So be understanding sa situation ko.

Alam ko ding gusto nyong magkaroon ng kasunod ang isa ko pang story. Darating din tayo jan. But because that series is a very long one. Let me atleast give you a new story that will not take very long to have an ending.

Have fun reading and if you can, please support my stories.

Thank you.

VTM

Please visit my FB Page or send me a PM for support. Thank you.