Larawan
Yung pakiramdam na sa kauna-unahang pagkakataong nasilayan na rin kita ng personal, mula sa hindi kalayuang kinatatayuan ko ay kuntento kitang pinagmamasdan.
Nasasaksihan ko na rin sa wakas ang aktuwal na pagkurap ng iyong mga mata, ang bawat pagkunot ng iyong noo at pagkibot ng iyong labi na talaga namang nagdudulot sa akin ng doble dobleng kaligayan, kumpara noong larawan mo lang ang meron ako. Sa mga oras na 'yon ay pinaniniwala ko ang aking sarili na dapat makuntento na ako. Hindi ko na siguro aasahan na dadako pa ang paningin mo sa'kin. Panigurado, nakalimutan mo na rin naman ako.
Ngunit totoo nga yata ang kasabihan ng iba. Ang sabi nila, mararamdaman ng isang tao, kapag may nakatingin sa kanila.
Kaya nung napagtanto kong biglang nakapako na ang tingin mo sa'kin, mga tinginan mong tila pilit inaalala kung sino nga ba ako sa buhay mo. Naku! Matatalo ang mga nagkakarera sa bilis ng pagtibok nitong puso ko, habang humahakbang ka papalapit sa akin.
At ayan ka na nga, buong buo. Walang labis, walang kulang.
Tila tumigil ang pagdaloy ng mundo, may halos tatlong minuto rin siguro tayong nagkatitigan, parehong walang mabigkas na salita o sadyang sapat na ang katahimikan at mga mata na lamang natin and nagkakaintindihan.
Napaka tikas ng iyong tindig at kakaiba ang ngiti mo sa akin. Hmmmm, mukhang naalala mo yata ang sinabi ko sa'yo noon na… paborito ko ang klase ng mga matang mayroon ka lalo na kapag ika'y nakangiti; na ang makita kang nakangiti ay nakapagdudulot sa akin ng kapayapaan, ng saya at oo na nga, pati na rin ng kilig— Sobrang kilig. Hays.
Hanggang sa naramdaman ko na lang ang mga braso mo na niyayakap ako. O kay tagal kong hinintay ang pagkakataong ito.
Saksi ang ang bawat kumpas ng hangin sa tagpong matagal kong inasam ng labis. Sa kalagitnaan ng pagpipigil ko sa aking paghikbi, mahina kong iniusal ang mga katagang…
"Mahal, hinintay kita. Naghintay ako kasi hanggang ngayon ay ikaw pa rin. Ikaw lang mula noon, ikaw lang talaga."
At muling nagkasalubong ang ating mga tingin, walang kakurap-kurap mong inilapat ang labi mo sa akin. Ipinikit ko ang aking mga mata upang namnamin ang sensasyong dulot ng halik mo, na kay tagal inaasam asam. Ilang segundo rin ang lumipas nang maramdaman kong nabakante na ang aking labi, dahan-dahan ko pang minulat ang aking mga mata.
Subalit biglang wala ka na sa aking harapan, lumingon-lingon pa ako sa aking paligid, nagbabakasali na baka nandoon ka ngunit ni bakas ng anino mo ay wala— wala ka na. Wala ka pa rin.
Napagtanto kong nakatulog pala ako rito sa ilalim ng puno habang hawak ko ang larawan mo, larawan mong kinuha ko pa sa peysbuk noon.
Panagip lang pala…Panaginip na naman pala.
Naisip ko tuloy kung dapat ko bang ikatuwa na ikaw ang laman ng bawat panaginip ko… O ikalungkot ang katotohanan na hanggang sa panagip lamang tayo magkakatotoo, na sa panaginip lang kita aktuwal na masisilayan,mayayakap, mahahalikan at patuloy na mamahalin.
Na kahit pa nakakatingala tayo sa parehong langit at mga ulap, ilang beses o paulit-ulit ko mang itaas ang kamay ko ay imposible kitang maabot…
Mahal, hinding-hindi pa rin talaga kita maaabot.