1. Home
  2. Stories
  3. Ikapitong Utos - Episode 26: Linda
Pinoy Tambay

Ikapitong Utos - Episode 26: Linda

By ereimondb ·

"Mahabagin… Ano ang nangyari kay Francis?" Mangiyak-ngiyak na tanong ni tiya Susan kay Linda.

Hindi naman maka-imik ang asawa ng kanyang pamangkin at tila tulala pa rin siya sa mga nangyayari. Walang silang kaalam-alam na matagal na palang nakaratay si Francis sa isang ospital sa Singapore. Kung kaya't para namang gumuho ang mundo ni Linda, maging ang mga kapamilya ng lalaki.

"Ano daw oras dadalhin ang katawan ni Francis dito? Ano na bang balita? Nasaan na ang duktor?"

Namamnhid ang buong katawan ni Linda at hindi nito maigalaw ang kanyang mga binti upang makapaglakad, o kahit makahakbang lamang, patungo sa opisina ng doktor. Hindi niya masagot ang sunod-sunod na tanong ng matanda at pati siya ay halos mabaliw na sa kakaisip at pagaalala.

"Ano ba ang nangyayari??? Linda??? Ano itong nangyayari sa pamilya natin???" Panay ang iyak ni tiya Susan habang hawak-hawak ang kanyang rosaryo.

"Mag-antay lang po tayo…" Mahinang saad ni Linda habang nakayuko ito.

Tila walang luhang pumapatak sa kanyang mga mata. Pakiramdam niya ay isang masamang panaginip lamang ang lahat at maya-maya'y magigising din siya mula dito. Wala siyang maramdaman. Wala siyang emosiyon.

Napapailing na lamang si tiya Susan at tinitignan ang asawa ni Francis mula ulo hanggang paa. Gusto niya mang kagalitan ang magandang babae dahil sa mga kasalanang ginawa, at isisi sa kanya ang lahat ng mga kamalasang dumating sa kanyang pamangkin, ngunit hindi niya ito magawa. Sinubukan pa rin niyang pigilan ang kanyang sarili at ipinagpatuloy na lamang ang kanyang panalangin.

Hanggang sa may lumapit sa kanilang isang grupo ng duktor at nurses.

"Excuse me po… Kayo po ba ang kapamilya ni Mr. Francis Alcantara?"

Mabilis na napalingon si Linda sa lalaking kumausap kay tiya Susan.

"Opo dok… Kami po ang kapamilya ng pasiyente…" Sagot ng matandang babae.

"Ako po ang asawa… Ano na pong nangyayari sa kanya? Nasaan na po siya?" Saad ni Linda at pumagitna ito sa kanilang lahat.

Nagtinginan naman ang mga duktor at nagsensyasan.

"Ako po si Dr. Alvin Mendez, at siya po si Dr. Greg Fonacier, at kasama niya ang mga staff nurses niya. Sila din po ang naghatid sa katawan ni Francis dito sa ospital sa pamamagitan ng air ambulance. Dok Greg, you can please explain to Mrs. Alcantara the status of her husband…"
"Hi Mrs. Alcantara, I am the one who observed the medical condition of the patient. Right now, your husband is still in state of coma. We have been observing his condition for about a month already, provided all of his medical needs and attention. I think your husband is really fighting for his life, and all we need to do right now is to keep on observing him, and giving him the proper medication. I will now turn over the patient to Dr. Mendez and you may approach him anytime."

Tumango naman si Dr. Alvin kay Dr. Greg at nagpaalam na ang mga ito kay Linda. Tila hindi pa rin makakilos ang asawa ni Francis dahil sa matinding balitang kanyang nadinig mula sa mga duktor.

"Misis, ang pamilya na po ng babaeng kasama ni Francis sa aksidente ang sasagot ng lahat ng bayarin dito sa ospital. Sila din ang nag-asikaso sa pag-uwi ng pasiyente dito sa Pilipinas. Sa ngayon po, ang kailangan na lang nating gawin ay ang maghintay at oberbahan si mister."
"Nasan ang asawa ko?"
"Nasa ICU pa po si Francis…"
"Nasan ang asawa ko? Gusto ko makita ang asawa ko…"
"Yes ma'am, makikita niyo rin si Francis, pero sa ngayon po kailangan pa siyang ilagay sa ICU…"
"Parang awa niyo na… Buhayin niyo ang asawa ko… Buhayin niyo si Francis…"
"Gagawin po naman lahat para maging okay ang asawa ninyo…"

"Ipangako niyo sa akin… Ipangako niyo… Bubuhayin ninyo ang asawa ko. " Saad ni Linda.

Tila nawala na sa kanyang sarili ang babae at dito lamang niya naramdaman na totoo ang lahat ng ito at hindi simpleng bangungot lamang.

Patuloy ang pag-agos ng mga luha sa mata ni Linda at maging si tiya Susan ay nababahala sa kanya nang ito'y maglupasay sa sahig.

"Linda… Linda… Tama na… Magiging maayos din ang lahat…" Mahinang saad ni tiya Susan habang sinusubukang patayuin muli ang magandang babae.

"Kasalanan ko ito… Kasalanan ko ito…" Patuloy sa paghagulgol ni Linda habang pinipilit ang kanyang sarili na makatayo.

Niyakap naman siya ng matandang tiyahin nina Francis at Michael habang sinusubukan pa rin siyang patahanin sa kanyang pag-iyak.

Lubusang nailabas ni Linda ang lahat ng itinatagong sakit sa kanyang puso dahil sa masalimuot na pangyayari sa kanilang buhay.

Kahit hindi pa niya nakikita si Francis ay nanatili sa ospital si Linda.

Tulala pa rin itong nakaupo sa tapat ng ICU. Pinipilit siya ni tiya Susan na umuwi muna at kumain, ngunit tila wala nang maunawaan at maramdaman si Linda sa lahat ng mga nangyayari.

Patuloy na tumatakbo sa kanyang isipan ang lahat ng mga nangyari sa kanila ni Francis bago pa ito maaksidente at bago pa siya nakipaglaro ng apoy sa kapatid nito. Patuloy din niyang sinisisi ang kanyang sarili dahil naging mahina ito sa tukso at nagpadala sa galit at selos sa kanyang asawa.

Buong gabi itong nag-aabang ng balita mula sa doktor at hindi niya nagawang maidlip dahil sa matinding pag-aalala nito sa kalagayan ng kanyang asawa.

Maya-maya ay natanaw niya si Michael na papalapit sa kanyang direksiyon. Hindi nito alam kung saan ibabaling ang kanyang paningin o kailangan pa bang harapin ang lalaking kasama niya sa pagkakasala.

"Linda…"
"Anong ginagawa mo dito?"

"Nasaan si kambal…" Mangiyak-ngiyak na tanong ni Michael.

Dahil sa mahigit na isang linggong hindi sila nagkikita at nagkakausap ng binata, ay napansin agad ng magandang babae ang pagbabago sa itsura nito.

Halatang nagpabaya sa kanyang sarili si Michael at mukha siyang lango sa alak. Kapansin-pansin din ang pangangayayat ng binata at ang kanyang malagong balbas.

Tatabi sana ito sa kinauupuan ni Linda, ngunit biglang tumayo ang magandang babae at nagsimulang maglakad papalayo sa kanya.

"Linda… Linda…"
"Tigilan mo na ako… Itigil mo na ito…"

"Kausapin mo naman ako oh… Mag-usap tayo, Linda…" Pagsusumamo ni Michael.

"Kung gusto mong dalawin si Francis, patawad pero hindi pa siya maaaring puntahan… Kung tungkol lang kay Francis ang itatanong mo, haharapin kita. Hanggang dun lang ang kaya kong ibigay sa iyo…"

Hindi naman mapakali si Michael. Bakas din sa kanyang mukha ang matinding panlulumo sa sinapit ng kanyang kapatid. Gusto niya ring kausapin ng masinsinan si Linda tungkol sa kanilang dalawa, ngunit ayaw siyang pagbigyan ng babae.

"Linda… gusto ko lang ipaalam sayo na ako ang may kasalanan sa lahat ng nangyari sa atin… Ako ang responsable doon…"

Sandaling napatahimik si Linda sa mga sinabi sa kanya ng binata. Hindi niya kayang tignan si Michael sa mata, kung kaya't minabuti na lamang ng magandang babae na ibaling sa iba ang kanyang paningin.

"Pinagsisisihan ko lahat ng ginawa ko… Ako ang nawalan ng tiwala kay Francis. Pinagdudahan ko siya at hinusgahan base lamang sa mga nakita kong larawan… Pero alam mo ang masakit? Kung sino pa ang naghahanap ng pagkakamali ng ibang tao, ay siya pa ang mas masahol at makasalanan… Ang tanga-tanga ko… Nagpakatanga ako… Hindi ko kayang patawarin ang sarili ko… Hinding-hindi…" Saad ni Linda habang patuloy sa pagtulo ang kanyang mga luha.

"Huwag mong sisihin ang sarili mo…"
"Hindi, Michael… Ako ang nakagawa ng kasalanan… ako ang nagkamali at hinding-hindi ko mapapatawad ang sarili ko dahil doon… Kaya nakikiusap ako, huwag ka na sanang magpakita sa akin… Huwag mo nang dag-dagan ang bigat ng nararamdaman ko…"
"Anong gusto mong gawin ko? Gusto mo magpakamatay ako para mawala lahat ng pagsisi diyan sa puso mo?"
"Wala! Wala akong gustong gawin mo! Yun na nga Michael eh… Sana wala ka na lang ginawa para sa akin… Sana hindi na lang ako naging malapit sa iyo…"
"Tapos na yun… Nangyari na ang nangyari… Wala na tayong magagawa…"
"Si Francis… Si Francis… Hindi ko alam kung may mukha pa akong ihaharap sa asawa ko…"

Hindi naman nakasagot si Michael. Pati siya ay nakokonsensya sa kaniyang ginawa. Gusto nitong akuhin ang lahat ng nagawang kasalanan. Maging ang kalungkutang nararanasan ngayon ni Linda.

"Naandito lang ako Linda… Kung gusto mo sumama ka na lang sa akin… Kayong dalawa ni Jacob… Tatanggapin kita ng buong-buo sa buhay ko…"
"Sa tingin mo, paano ko iiwan sa ganoong kalagayan ang asawa ko?"
"Gusto ko lang malaman mo Linda… Kahit anong mangyari, kahit ano pang sabihin sa iyo ni kambal… Ako ang may kasalanan… Ako ang dapat sisihin sa mga nangyari sa ating dalawa… At kung hindi ka na niya tatanggapin ulit… Sumama ka sa akin… Sumama kayo ni Jacob sa akin…"

Napailing na lamang si Linda sabay lakad nito papalayo sa binata. Kahit wala pa rin itong tulog dahil sa pagbabantay nito sa kanyang asawa, ay nagpupumilit pa rin siyang magpaiwan sa ospital.

Samantala, hindi naman kayang bisitahin ni Michael ang kanyang kapatid. Ni hindi niya ito magawang silipin sa silid ng nakaratay na si Francis, dahil tila unti-unti siyang pinapatay ng kanyang konsensya.

Umuwi na lamang si Michael dala-dala ang matinding kalungkutan at pighati sa kanyang dam-damin. Kahit anong pagkukumbinsi nito sa kanyang sarili na magiging maayos din ang lahat, ay hindi mawaglit sa kanya ang mga pagkakamaling nagawa sa kanyang kapatid. Hindi niya alam kung papaano pa haharapin si Francis. Kung papaano niya pa maipapagpatuloy ang kanyang buhay. At kung papaano niya maibabalik sa dati ang lahat.

Maging si Linda ay hindi pa rin mapalagay sa kalagayan ng kanyang asawa. Dahil halos magdadalawang buwan na sa ganoong kalagayan si Francis. Tila mahimbing pa rin itong natutulog at taimtimang pinagmamasdan ng mga duktor at mga nars sa ICU.

Ang tanging magagawa na lamang ni Linda ay ang tanawin sa malayo si Francis. Panay ang iyak nito habang tumatambay sa loob ng chapel ng ospital. Panay ang kanyang dasal at pagsusumamo na mailigtas nawa ang kanyang pinakamamahal na asawa.

"Dok… Kamusta na po si Francis? Mahigit dalawang buwan na siyang nasa ICU…" Tanong ni tiya Susan.

Tahimik lamang si Linda habang pinapakinggan ang pakikipag-usap ng matanda kay Dr. Mendez.

"Sana po ay maunawaan ninyo na ang paggagamot sa mga pasiyente ay dumedepende sa severity at cause ng comatose state. Usually, inilalagay po ang mga comatose patients sa ICU para ma-monitor ang breathing at brain activity sa pamamagitan ng CT Scans. Kinakailangan niya ng maigting na atensiyon para ma-maintain ang respiration at circulation of the blood and intravenous fluids ng pasiyente."
"Matatagalan pa po ba siyang nasa ganyang kalagayan, dok?"
"Ikinalulungkot ko pong sabihin, pero mukhang medyo matatagalan pa ang pasiyente sa ICU. Ang tanging maipapangako po namin ay patuloy naming ibibigay ang lahat ng magagawa namin, medical attention, supportive care at ang lahat-lahat para kay Mr. Alcantara."

Napakapit naman sa kanyang rosaryo si tiya Susan. Tanging binabanggit niya ay ang pangalan ng ating Panginoon.

Samantalang patuloy na nanahimik si Linda.

Tila nabibingi siya at pinipiling huwag na lamang madinig ang hindi magandang balita na sinasabi ng duktor.

"Patuloy lang po tayong magdasal para sa ikabubuti ng kalagayan ni Mr. Alcantara. At huwag kayong mag-aalala, once na may improvement ang pasiyente, ay ililipat na namin siya sa pribadong silid."
"Dok… Baka hindi na rin po namin kakayaning bayaran ang mga gastos sa ospital…"
"Huwag po kayong mag-aalala, sinasagot na po ni Mr. De Jesus lahat ng gastos ni Mr. Alcantara. Siya po yung ama ng babaeng nakasama ng pasiyente sa babae. Sila din ang tumulong para mailipat ang katawan dito ni Mr. Alcantara gamit ang air ambulance."
"Salamat sa Diyos…"
"Pero, kung magiging maayos naman na ang kalagayan ni Mr. Alcantara, ay maaari din naman siyang iuwi sa bahay kasama ng mga aparato dito sa ospital. Walang pong problema doon, kung sakaling mangyari…"
"Salamat dok, sasamahan po namin ng dasal ang mga gagawin ninyong tests sa pamangkin ko."
"Mabuti po kung ganon… Misis…"

Humarap si Dr. Mendez kay Linda. Hindi niya nadidinig ang mga sinasabi sa kanya ng duktor.

"Misis?"
"Linda…"

Kinalabit ni tiya Susan si Linda dahil hindi ito nakikinig sa pagtawag sa kanya ni Dr. Mendez.

"Ho?" Mahinang saad ng magandang babae.

"Namumutla po kayo… Okay lang po ba kayo, misis?" Pag-aalalang tanong ng doktor.

Tumango na lamang si Linda at nagkunwaring ayos lang ang kanyang pakiramdam.

"Opo dok…"

"Naunawaan niyo naman po ang mga ibinalita ko sa inyo, di po ba?" Tanong ng doktor.

"Opo dok…" Maikling tugon ni Linda.

Napapatingin naman sa kanya si tiya Susan dahil sa kakaibang ikinikilos ng asawa ni Francis.

"Kung ganun po eh, ako'y dadalaw na sa iba ko pang pasiyente. Maraming salamat po sa oras ninyo."

"Salamat din po dok… Aasa po kami sa magandang balita ninyo…" Positibong saad ni tiya Susan.

Ngumiti na lamang ang doktor sa matandang babae at agad na tumalikod at naglakad papalayo sa kanila.

Sinundan ng tingin ni tiya Susan ang doktor, samantalang si Linda naman ay tahimik pa ring nakayuko. Napalingon ang matanda sa kanya at tinignan niya ng mabuti ang asawa ng kanyang pamangkin.

"Ayos ka lang ba iha?"
"Opo."
"Mabuti pa siguro ay kumain ka na muna… Halika't sasamahan kita sa kantina."
"Hindi po ako nagugutom…"
"Umuwi ka na lang muna Linda, ako na lang ang bahala dito. Magpahinga ka na muna at alagaan si Jacob. Malamang nangungulila na rin iyon sa iyo."

"Opo…" Hindi na tumutol si Linda at agad itong naglakad papalayo kay tiya Susan.

Kahit mahilu-hilo pa ito ay nagbiyahe siya mag-isa papauwi sa kanilang bahay. Kaagad itong nagtungo sa kanilang kuwarto ni Jacob at nadatnang tulog na tulog ang kanyang anak.

Niyakap niya ng mahigpit ang bata habang patuloy ito sa pag-iyak.
Para siyang mababaliw dahil sa mga pagsubok na dinaranas sa kanilang buhay mag-asawa. Pakiramdam niya ay wala siyang makapitan at masandalan, at wala makakaunawa sa kaniyang pinagdaraanan.

Sumisikip ang kanyang dibdib sa tuwing naaalala niya ang ginawa niyang kasalanan kay Francis. At pinandidirihan niya ang kanyang ginawang pakikiapid sa ibang lalaki.

Maya-maya ay tumayo ito at tinanggal ang lahat ng kanyang damit. Naglakad ito patungo sa banyo at agad binuksan ang shower. Kahit sobrang lamig ng tubig na tumutulo sa dutsa ay pilit niya itong tinitiis, isinasabay ang pag-agos ng kanyang luha at pighati.

Pagkatapos niyang maligo ay binuksan nito ang kabinet na nasa gilid ng banyo. Kukuhanin sana niya ang moisturizing cream para sa kanyang mukha, nang bigla nitong napansin ang mga karton ng pregnancy test kit.

Matagal na niyang gustong gamitin ang mga ito, ngunit natatakot siyang harapin ang resulta.

Ikinukubli niya sa kanyang sarili ang mga pagbabagong nagaganap sa kanyang katawan. Iwinawaksi sa kanyang isipan ang dagdagan pa ang problema nila ni Francis.

Isinarado na niya ang kabinet at binuksan ang moisturizing cream. Unti-unti nitong nilagyan ang kanyang mukha. Nakatitig siya sa kanyang repleksiyon at tila manhid na itong tignan ang bagsak at napakalungkot niyang pagmumukha.

Alam niyang kailangan niyang patatagin ang sarili at harapin ang bawat hagupit ng bagyo sa kanyang buhay. Wala na siyang magagawa. Hindi na niya maibabalik ang nakaraan. Ang tanging solusiyon na lamang ay ang paglabanan at tanggapin ang lahat ng pagsubok.

Ibinaba niya ang moisturizing cream at muling binuksan ang kabinet.
Kumuha siya ng isang pregnancy test kit at agad itong nilapatan ng kanyang ihi.

Tahimik siyang naghihintay.

Kahit alam na niya ang resulta nito ay pilit niya pa ring ipinagdarasal na iba ang lumabas.

Mahigit isang linggo na siyang hindi dinadatnan ng regla.

Makalipas ang ilang sandali, ay huminga ito ng malalim, bago niya tignan ang testing stick.

Nakakita siya ng dalawang linya.

Hindi niya alam kung matutuwa ba ito o magagalit sa kanyang sarili.

Napahagulgol na lamang siya sa iyak at nananatili ng matagal sa loob ng banyo. Wala siyang ibang magagawa kundi harapin ang panibag responsabilidad sa kanyang buhay.

Kinaumagahan ay pinuntahan niya si Michael sa kanilang bahay. Tuwang-tuwa naman ang binata nang makita niyang dumalaw sa kanya si Linda.

Napansin agad ng asawa ni Francis ang mga boteng nasa sala. Alam niyang nagpapakalunod sa alak si Michael upang makalimot sa mga problema nila.

Hindi na nagpaliguy-ligoy pa ang magandang babae at agad inamin sa binata ang kanyang kalagayan.

Napaiyak naman sa tuwa si Michael. Akmang yayakapin niya sana si Linda, ngunit umiwas agad ito.

Lalong tumigas ang puso ni Linda. Hindi na niya alam kung papaano pa haharapin si Francis pagkagising nito.

Hindi niya alam kung ano ang tamang gawin, kung kaya't hinayaan na lamang niya si Michael na ibigay sa kanya ang mga pangangailangan nito habang dinadala sa kanyang sinapupunan ang anak nito.

Agad din nilang ipinaalam kay tiya Susan ang kanilang kumplikadong katayuan. Gigil na gigil sa galit ang matanda, ngunit mas pinairal na lamang nito ang pag-unawa. Ayaw niyang sisihin ang inosenteng bata na nasa tiyan ni Linda, at mas nag-aalala siya sa kundisiyon ni Francis.

Hindi namant tumigil si Linda sa pag-aalaga kay Francis. Pinag-usapan na lamang nila ni tiya Susan ang araw at oras na sila ang nakatokang mag-aalaga sa lalaki.

Ayaw na din ng matandang makasama pa si Linda, lalo pa't nagpipigil lamang siya sa kanyang galit dito.

Minabuti naman ni Linda na intindihin ang tiyahin ni Francis. Nilunok na lamang niya ang lahat ng pasakit sa kanya ng mga kamag-anak ng lalaki at nagkibit-balikat upang maipagpatuloy ang pangangalaga sa kanyang asawa.

Lumipas ang mahigit apat na buwan, ay nagkakaroon na ng magandang senyales para sa estado ni Francis.

May mga araw na nagigising siya at nakatingin sa kawalan. Tila nakatulala ng ilang menuto, hanggang sa unti-unti nanaman itong mapapapikit.

Sinusubukan siyang kausapin nina Linda at tiya Susan dahil sabi ng duktor ay maaaring nadidinig at nauunawaan na ito ni Francis.

Hindi nga lang ito makapagbigay ng tamang reaksiyon dahil sa matinding pinsala nito sa kanyang utak.

Kahit madalas ay nahihilo at nasusuka si Linda, ay panay pa rin ang punta nito sa silid ni Francis. Pinupunasan niya ang katawan ng lalaki.
Madalas din ay umiiyak ito at humihingi ng kapatawaran sa kanyang asawa.

Pinupupog niya ng halik ang ama ng kanyang anak, hanggang sa nakakatulog na ito sa bandang tagiliran ng lalaki.

Kahit gustong magalit ni tiya Susan sa asawa ng kanyang pamangkin, ay tila unti-unting lumalambot ang puso niya dito. Lalo na't nakikita nito ang mga sakripisyo ng magandang babae.

May mga pagkakataong nasasalubong niya sa ospital si Michael.

Umiiwas ng tingin ang binata sa kanyang tiyahin at madalas ay umaalis na lamang ito at hindi na magpapakita ulit.

Iba't iba man sila ng pamamaraan, ay tiyak na gusto lamang nilang pangalagaan at ipakita ang pagmamahal nila para kay Francis.

---

Two Months and Two Weeks Later

October 2011

Wednesday

" Francis… si tiya Susan mo ito… Naandito ako para bisitahin ka… Heto nga at pupunasan ko ulit ang mukha mo… Sa susunod magdadala ako ng shave para matanggal ko ang bigote at balbas mo… Mas guwapo ka kasi kapag wala kang buhok sa mukha at mukhang malinis… Aba'y iho, gumising ka na… Napakarami mo nang utang na kuwento sa akin… Naaalala ko pa dati noong bata ka pa, aba'y halos abutin tayo ng gabi sa kakakuwento mo… Francis… Magpagaling ka na iho… Miss na miss ka na namin ehh…"

Friday

"Alam mo ba… nakasama nanaman sa top ten si Jacob… Hindi na ako nagtataka na ganoon siya katalino… Kasi nagmana siya sa iyo… Manang mana sa iyo ang anak mo Francis… Sigurado ako diyan… Sigurado ako hindi siya nagmana sa katangahan ko… Kaya Francis… Gumising ka na… Sana naman maging okay ka na ulet… Hindi ko na kayang makita kang ganyan… Miss na miss na kita… At alam kong matutuwa kang makita si Jacob… Francis… Francis… Mapatawad mo sana ako… Mapatawad mo pa rin sana ako…

Mga boses.

Mga tinig.

Para silang mga hangin na dumaraan sa aking isipan.

Nadidinig ko.

Nauunawaan.

Pero hindi ko kayang sumagot.

Hindi ko kayang magtanong.

Hindi ako makagalaw.

May mga bagay sa isipan ko na hindi ko maipaliwanag.

Para silang mga eksena sa pelikula.

Isang babae.

Isang lalaki.

Masayang namamasyal.

Masayang nagkukuwentuhan.

Masayang naghaharutan.

Panay ang tingin ng lalaki sa magandang ngiti ng babae.

At ang tanging panalangin nito, ay manatili ang matamis na ngiti sa kanyang labi.

Ayaw na niya itong makitang nalulungkot.

Ayaw na niya itong makitang umiiyak.

Panay rin ang tingin sa kanya ng babae.

Dahil sa kakulitan ng lalaki, ay wala itong ibang nagagawa kundi ang mapangiti, mapatawa.

Nagpapasalamat sa pagkakaibigang inialay sa kanya ng lalaki.

Parehas silang masaya.

Parehas silang walang problema.

Ngayon lang nila nadama ang ganitong uri ng kaligayahan.

Nagawa pa nilang magkantahan.

Nagawa pa nilang magtuksuhan.

Lumabas ang kalokohan ng lalaki.

Papikit-pikit pa ito habang kumakanta.

Ninanamnam ang bawat salita ng kanta.

Tumatalon ang kanyang puso sa sobrang tuwa.

Habang ang babae naman sa simula ay tatahi-tahimik lamang.

Panay ang tingin at panay ang ngiti.

Hanggang sa napasabay na rin siya sa pag-awit.

Sumabay na rin siya sa trip ng lalaki.

Dahan-dahan.

Dahan-dahang lumingon ang lalaki sa kinaruroonan ng babae.

Nakita nito ang isang nakakasilaw na liwanag na nagmumula sa may bintana ng kotse.

Nakaharap sa kanya ang babae.

Tila wala siyang alam sa kung anong nasa kanyang bandang likuran.
Nanlaki lang ang mata ng lalaki.

At iyon lamang ang nanatili sa kanyang isipan at agad siyang napapikit.
Mabilis na napapikit.

Maya-maya…

Nagising ang lalaki.

Nararamdaman niyang umaandar ang kanyang hinihigaan.

Nakikita din nito ang mga ilaw at ang mga nakaputing tao na nakahawak sa kanyang bandang ibaba at bandang leeg. Nakahawak din ang isang babae sa isang aparatong nakasalpak sa kanyang bandang ilong at bibig.

Maya-maya ay huminto ang kanyang hinihigaan.

Napalingon ito sa kanyang bandang kaliwa at nakita nitong dumaan ang kasama niyang babae sa sasakyan.

Naka-dilat ito.

Tila nakatingin sa lalaki.

Pero alam ng lalaki na wala na itong buhay.

Nakadilat, pero wala nang buhay.

Hanggang sa unti-unti nanaman siyang napapapikit.

Namamanhid ang kanyang buong katawan.

Iyon lamang ang tanging naalala niya sa mga naganap.

Sa mga nangyari…

"Uhhhmm…"

Para akong binabangungot.

Para akong nananaginip ng masama.

"Uggghhh… Ummmm…"

Dahan-dahan kong idinidilat ang aking mga mata.

Sinisikap kong gumising mula sa masalimuot na panaginip.

"Dok! Dok!!! Tulungan niyo po kami…"
"Francis… Francis? Nadidinig mo na ba kami?"
"Francis…. Dok!!! Tulong… Nars!!!"

Malabo.

Sobrang labo ng aking paningin.

Tanging ang aking ulo lamang ang naigagalaw ko.

Nahihirapan akong magsalita.

Kung kaya't sinisikap ko na lamang gumawa ng ingay… ng pag-ungol.

Hanggang sa nakadama ako ng paninikip ng dibdib.

Gusto kong sumuka. Gusto kong tanggalin ang nakabara sa aking lalamunan.

Para akong nalulunod sa tubig.

Hanggang sa may naramdaman akong kamay na humahawak sa aking mga mata.

Para niya itong binubuklat at iniilawan.

At nakita ko na ng mas malinaw ang kanyang pagmumukha.

"Mr. Alcantara? Mr. Alcantara…"
"Uuuhhhmmm….uuuuhhmm…"

Hindi ko maunawaan kung nasaan ako.

Ang alam ko lang ay may doktor na nasa harapan ko.

Para akong nawawalang bata.

Para akong naliligaw.

Maya-maya ay may naramdaman akong parang kagat ng langgam.

Ngayon na lang ulit ako nakaramdam ng sakit.

Masakit na masakit.

Unti-unti akong inantok.

Nanghihina.

Hanggang sa napapikit ang aking mga mata.

---

Three Days Later

"Ugghh… Uhhhmm…"
"Francis? Francis???"

Si Linda.

Nakita ko muli ang magandang mukha ng aking asawa.

Para akong nakakita ng anghel na bumaba sa langit.

Napakaganda niya…

Napakaganda…

"Okay ka na ba? Anong nararamdaman mo?"
"L-l-linda…"
"Francis… Francis…"

Umiiyak si Linda.

Doon ko lang nalama na may nangyari palang masama sa akin.

Hinawakan niya ang isa kong kamay at ikiniskis ito sa napakakinis niyang mukha.

Hanggang sa parang kidlat na dumaan sa aking alaala ang mga nangyari.

"S-s-sssheryn… S-s-s-ssheryn…"
"Francis…"
"P-p-ppatay… P-p-pppatay na s-s-s-si Sheryn…"

Bigla na lang bumuhos ang aking luha.

Hindi ko maintindihan kung ano ang totoong nangyari sa akin.

Basta ang naaalala ko lang, ay may isang sasakyan na bumangga sa minamanehong kotse ni Sheryn.

Shit!

Yun na yun.

Mabilis na tumawag ng tulong si tiya Susan.

Hawak-hawak niya rin ang isa ko pang kamay.

Habang ako naman ay pilit na bumabangon.

Pero…

Bakit ganun?

Bakit hindi ko maikilos ang dalawang paa ko?

"A-a-anong nangyari? Paa k-k-ko…"

Maya-maya ay nakita kong pumapasok ang doktor.

Ang mukha niya ang una kong nakita nang idinilat ko ang aking mga mata.

Muli nitong tinignan at inobserbahan ang paghinga ko.

Binulatlat niya muli ang dalawa kong mata.

At ngumiti siya sa akin…

"Welcome back, Mr. Alcantara. You did great!"
"Diyos ko! Salamat po!!!"
"Francis… Francis…"

Tuwang-tuwa sila sa sinabi ng duktor.

Habang ako naman ay takot na takot sa kung anong nangyayari sa katawan ko.

Masakit pa rin ang bandang likuran ko.

At hindi ko maikilos ang mga paa ko.

Napansin agad ni dok na tumitingin ako sa bandang ibaba ng katawan ko.

"Don't worry Mr. Alcantara, we'll be having sessions and therapy para makalakad ka ulit. Ang mahalaga sa ngayon, ay magdire-diretso na ang paggaling mo. Magpalakas ka, kumain ka ng maayos para maibalik ang resistensya mo."

Wala na akong naisagot.

Tama nga ang hula ko.

Hindi na ako makakapaglakad simula ngayon.

Naiinis ako sa nangyayari sa akin.

Papaano na ako ngayon?

Papaano ko na bubuhayin ang pamilya ko?

Papaano kami kakain?

Papaano ang pag-aaral ni Jacob?

Si Jacob…

Nasaan si Jacob?

Malamang malaki na ang anak ko…

"S-s-si J-j-jacob?" Tanong ko sa aking misis.

Hindi sumagot si Linda.

Sa halip ay ngumiti na lamang siya sa akin.

"Nasa bahay ang anak mo… Huwag ka mag-alala." Sagot ni tiya Susan.

Napalingon ako sa aking tiyahin.

Alam kong napakalaking abala ang naibigay ko sa kanya.

"U-u-uwi na tayo? Uwi na tayo…"

Gusto ko nang umuwi.

Gusto ko nang makalabas ng ospital.

Agad namang kinausap ng tiyahin ko ang aking doktor.

Tila kinukumbinsi niya ito para makaalis na ako sa kuwartong iyon at bumalik na sa aming bahay.

Nakita ko namang pumapayag ang doktor.

Kahit papaano ay natuwa ko.

Pero…

Iba ang pakiramdam ko kay Linda.

Hindi niya ako tinitignan.

Tahimik lamang siyang nakaupo sa tabi ng aking kama.

Hinayaan ko na lamang siya.

Alam kong pagod na pagod ang asawa ko sa pag-aalala at pagaaruga sa akin.

Sa ngayon…

Ang tanging magpapaligaya sa akin ay ang makauwi ng bahay, at makasama sina Linda at Jacob.

---

Makalipas ang ilang mga araw, ay naihanda na ang aking pag-uwi sa aming bahay.

Tuwang-tuwa ako dahil sa wakas ay makakauwi na rin ako.

Tinulungan ako ng mga nurses na makaupo sa wheelchair.

Ito na ang bago kong makakaagapay hangga't hindi pa ako nakakapaglakad.

"Si Linda?"
"Hmmm…"
"Naku… Malamang naghanda na yun ng masarap na pagkain. May surpresa siguro ang asawa ko sa akin… Hehehe…"

Excited na akong umuwi.

Gustong-gusto ko nang makita ang asawa at anak ko.

At siyempre, si kuya Michael.

Kamusta na kaya ang mokong na yun?

"Nadalaw po ba si kuya?" Tanong ko sa aking tiyahin.

"Hmmm… oo…" Mahinang sagot ni tiya Susan.

"Kamusta na kaya yun? Hindi na ako makapaghintay… Hehehe…"

Talaga namang tuwang-tuwa ako habang hinahatid kami sa aming bahay.

Nang makarating kami sa may eskinita, ay agad kong binuksan ang aking bintana.

Ilang taon din akong hindi nauwi sa Pilipinas.

May mga bahay na bagong tayo.

May mga bahay na unti-unting lumalaki at gumaganda.

Naandoon pa rin ang manhole na pinaghulugan ng kaklase namin ni kuya noong highschool.

At naroon pa rin ang mga sunog-baga sa tindahan ni aling Pining.
Sarap bumalik sa Pilipinas.

Sarap umuwi sa bayang sinilangan.

Nang nasa tapat na kami ng bahay, ay napansin kong napakatahimik ng palagid.

Lalo akong kinakabahan dahil alam kong may surpresang nakahanda para sa akin.

Siyempre, hindi ako magpapahalatang alam ko na, para hindi sila mabadtrip. Hehehe…

At ang galing din umarte ni tiya Susan. Hindi siya ngumingiti.

Talagang hindi siya nagpapahalata at alam kong mayroong nakalagay na "Welcome Home" pagbukas namin ng pintuan.

Asus!

Ikinandado pa nila ang pinto. Hahaha!

Magandang ideya nga yun na kunwaring walang tao sa loob ng bahay namin para mas masurpresa ako.

Tahimik lamang akong nakaharap sa pintuan.

At nang nabuksan na ang main door, ay agad na tinulak ng tiyahin ko ang wheelchair.

Heto na! Heto na!

Surprise!!!

---

---

Walang tao.

Sobrang tahimik ng bahay.

"Nasa itaas po ba sila?"

Hindi ako kinibo ni tiya Susan.

"Tiya Susan… Nasaan po sila? Paki-akyat na po ako sa kuwarto…"
"Doon ka muna matutulog sa guest room ninyo. Para hindi mo na kailangang umakyat pa ng hagdan."
"Ho?"
"Mas maigi na rin iyon para masusubaybayan din kita."
"Naku, si Linda na lang po mag-aalaga sa akin. Nasaan po sila? Tulog po ba? Si Jacob?"

Sa tuwing tinatanong ko ang mag-ina ko ay tila nagbibingi-bingihan si tiya Susan.

Nakakahalata na ako.

"Tiya! Tiya Susan! Nasaan po mag-ina ko?"

Hanggang sa ibinagsak ng aking tiyahin ang kanyang puwet sa sofa at naupo. Nakita ko siyang umiiyak at nakayuko.

"Wala dito ang mag-ina mo. Hindi na dito nakatira sina Linda at Jacob…"
"Ho? Bakit po? Anong ibig ninyong sabihin?"
"Hindi ka maharap ng asawa mo… Hindi niya kayang ipagtapat sayo ang buong katotohanan?"
"Anong katotohanan? Tiya…"
"Buntis si Linda…"

Buntis?

Pero… paano nangyari yun?

Si Linda?

"Po?"
"Francis… Bago ka naaksidente at habang may problema kayong mag-asawa, naging sandalan ni Linda ang kapatid mo. Naging malapit ang loob nila sa isa't isa. Hindi ko alam kung papaano nangyari ang iba pang mga bagay, pero hindi nila naiwasan ang tukso…."

Putang ina…

Putang ina…

Putang ina…

"Putang ina…"

"Francis… Hindi ko alam kung papaano sasabihin sayo. Kahit sino ay hindi makakapaghanda para sabihin ang ganitong klase ng katotohanan. Hindi ka kayang harapin ng asawa mo… Magkasama na sila ni Michael. Ang kapatid mo ang nagtataguyod sa mag-ina mo mula nang ma-comatose ka…"
"Putang ina… Tang ina…"
"Francis…Tatagan mo ang loob mo…"
"Putang ina nila… Tiya…"

Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko.

Dahil walang salita na makakapaghambing sa sakit na dinaranas ko ngayon.

Wala akong laban.

Hindi ako makatayo.

Hindi ako makalakad.

Hindi ko mapuntahan ang mag-ina ko.

Para akong naparusahan kahit wala akong ginawang kasalanan.

Para akong unti-unting pinapatay.

Putang ina.

---

Hindi ako nakatulog.

Sino bang makakatulog sa ganoong uri ng problema at kasawian.

Sinalubong ko ang umaga ng galit at pagkabuwiset.

Hindi ko alam kung bakit pa ako nabuhay.

Para ano?

Para dumanas ng panibagong dagok?

Para malaman kong iniputan ako ng sarili kong asawa at kapatid?

Si kuya Michael.

Sa dinami-dami ng tao sa mundo… Bakit si kuya Michael pa ang gumawa sa akin nito?

Traydor.

Traydor siya.

Matapos ng lahat ng paghihirap at pagpaparaya ko para sa kanya, ay ito pa ang igaganti niya sa akin?

Napapailing na lang ako.

Hindi na ako makapag-isip ng matino.

Binabalutan na ako ng galit.

Maya-maya ay pinuntahan na ako ni tiya Susan sa aking kuwarto.

Tinulungan niya akong makaupo sa aking wheelchair.

Kahit hiyang-hiya ako ay hinahayaan ko na lang siyang pagsilbihan ako.

Simpleng bagay na dapat ang sarili kong asawa ang gumagawa para sa akin.

Iniabot niya sa akin ang aking almusal at ang mga gamot na dapat kong inumin.

Ayoko nang mabuhay.

Siguro kung hindi ko kakainin ang mga pagkaing ito ay mapapadali ang aking pagkamatay.

Siguro kung hindi ko susunding inumin ang mga gamot na ito, ay kusa na lang akong malalagutan ng hininga.

"Kumain ka na iho para mainom mo na yang gamot mo…"
"Ayoko tita."
"Francis… Huwag nang matigas ang ulo… Sige na't kainin mo na yan…"
"Tita… Gustong kong dalhin mo ako sa anak ko."

Natigilan ang aking tiyahin sa sinabi ko sa kanya.

"Hindi ko alam Francis…"
"Tita, dalhin mo ako sa anak ko. Karapatan kong makasama at makita ang anak ko…"
"Hmmm…"
"Nakikiusap ako sa inyo… Parang awa niyo na tita… Gusto kong makayakap ang anak ko…"
"Sige… Kung yan ang gusto mo. Pero kailangan mo munang ubusin ang pagkain mo't inumin ang mga gamot na yan."

Para akong batang sumunod agad kay tiya Susan.

Inubos ko nga ang aking agahan.

Ininom lahat ng gamot na nasa aking harapan.

Naligo.

Nagbihis.

Gusto ko lang makita si Jacob.

Si Jacob lang.

Nakiusap ang aking tiyahin sa amin kapitbahay na gamitin ang sasakyan nila. Inarkila niya ito upang maging maayos ang aming paglalakbay papunta sa kinaruroonan nina Linda at kuya Michael.

Madaming mga bagay na umiikot sa aking isipan.

Inihahanda ko ang lahat ng aking sasabihin sa dalawa.

Mga ahas.

Galit na galit ako sa kanilang ginawa.

At gustong-gusto kong makita sa kanilang mga mukha ang pagsisisi sa kanilang kasalanan.

Maya-maya ay nakarating na rin kami sa isang barangay.

Barong-barong ang mga bahay na nasa barangay na ito.

Kinakabahan ako. Hindi ko alam kung ano na ang kalagayan ng mag-ina ko.

Nanaig nanaman ang awa sa aking puso.

Hanggang sa huminto ang sasakyang inarkila ni tiya Susan.

Tinulungan ako ng drayber na makaupo sa wheelchair.

Marahan niya akong itnulak papunta sa pintuan ng bahay nina Linda.

Bumukas ang pinto.

"Francis?" Sinalubong ako ng aking asawa.

Napansin ko na ang kalakihan ng kanyang tiyan.

Bakit ba hindi ko ito nakita noong nagkamalay ako?

Tanga ko talaga.

"Nasaan ang anak ko?"
"Francis…"
"Sabi ko… Nasaan ang anak ko?"

Tuluyang bumukas ang pintuan. Natanaw ko sa may sala si kuya Michael.
Gulat na gulat sila sa aking pagdating.

Para namang umurong ang dila ko at hindi ko nasabi lahat ng inihanda kong masasakit na salita para sa kanila.

Hanggang sa nakita ko ang isang batang lalaki.

May hawak siyang laruang eroplano.

Lumapit siya sa bandang likuran ni Linda.

Kumapit ito sa palda ng aking asawa.

Kamukhang-kamukha niya ako.

"Jacob… Jacob ikaw na ba yan?" Mangiyak-ngiyak kong tanong sa anak ko.

Napatingin ang anak ko sa kanyang mommy.

Tila nagtatanong ito kung sino ba ang nasa harapan niyang pilay na lalaki.

"Jacob… si daddy mo ito… Ako ang daddy mo…"

Nakatingin lang sa akin ang anak ko.

Maya-maya ay marahan siyang itinutulak papalapit sa akin ni Linda.

Kahit bakas sa kanyang mukha ang malaking katanungan ay nilapitan niya ako.

Nang tuluyan na itong nakalapit sa akin, ay agad kong niyakap ng mahigpit ang anak ko.

"Jacob… Ang laki-laki mo na… I love you baby… Mahal na mahal ka ni daddy…"

Nararamdaman kong malayo ang loob sa akin ng aking anak.

Bahagya niya akong tinutulak papalayo at iniiwasan ang mga halik ko.

"Jacob, sama ka na sa daddy ha… Sasama ka na sa akin…"
"No!" Malakas na saad nito.

"Isasama ko ang anak ko… Sa akin na titira si Jacob."

Mahigpit kong hinawakan sa aking braso ang anak ko. Alam kong nasasktan siya dahil sa higpit ng pagkakahawak ko sa kanya.

Sinesenyasan ko ang drayber na tulungan akong buhatin si Jacob. Ngunit hindi siya kumikibo at gumagalaw. Inaawat naman ako ni tiya Susan sa aking balak gawin.

"Francis… Please huwag mong gawin yan… Nasasaktan ang bata…"

"Kambal… Nasasaktan si Jacob."

"Huwag kayong makikialam dito!!! Tangina niyong dalawa mga walang hiya kayo!!!"

Nailabas ko ang aking galit at patuloy na hinahawakan si Jacob.

Nagsimula nang umiyak ang aking anak. Sumisigaw pa ito sa sobrang takot sa akin.

"Francis bitiwan mo siya… Bitiwan mo ang anak ko…" Pakiusap ni Linda sa akin habang siya ay umiiyak.

"Wala kang kuwentang ina… May karapatan ako sa anak ko!"

At dahil buntis si Linda ay hindi niya magawang agawin sa akin si Jacob.

Kung kaya't si kuya Michael na mismo ang humila kay Jacob, papalayo sa akin.

Agad naman niyang nailayo ang anak ko.

At kitang-kita ko ang pagkakayakap niya kay kuya Michael.

Tila nanlisik ang mga mata ko.

Nainis ako.

Nagalit.

Nagselos.

At agad kong inabot ang isang paso na nasa labas ng kanilang bahay.

Sa sobrang galit ay nabuhat ko ito at ibinato sa bandang paanan ni Linda. Natumba ang asawa ko dahil sa pasong tumama sa kanyang paa.

"Putang ina niyo!!! Mga walang hiya kayo… Ibigay niyo sa akin ang anak ko!!!"

Nakita kong nagdugo ang paa ni Linda.

Agad naman akong inilayo nina tiya Susan at ng drayber upang maisakay sa kotse.

Hindi ko magawang bumalik dahil hindi ako makalakad.

Nanginginig ako sa galit.

Gusto ko silang patayin.

Gustong-gusto.

Maya-maya ay nilapitan kami ni kuya Michael. Pinuntahan niya ako sa kotse.

"Buntis si Linda. Hindi mo dapat ginawa yun… At tignan mo ang ginawa mo kay Jacob. Natakot siya sayo. Lalo mong inilayo ang damdamin ng anak mo sayo." Galit na galit na saad ni kuya Michael sa akin.

Sandali kong ninamnam ang mga sinabi niya.

Iniisip ko kung ano ang karapatan niyang magalit sa akin.

"Bakit hindi ka na lang namatay kuya? Mamatay ka na lang… Mamatay ka na lang…" Seryoso kong tugon sa kapatid ko.

Nakita ko sa mga mata niya ang pagkabigla sa mga nasabi ko.

Hindi siya makapaniwala na manggagaling mismo sa aking bibig ang mga salitang iyon.

Agad siyang tumalikod at naglakad patungo sa kanilang bahay. Nakita kong pinupunasan niya ang kanyang mga luha. Alam kong nasaktan siya sa mga sinabi ko.

Pero ako…

Para akong nakahinga ng maayos.

Nailabas ko kahit papaano ang gusto kong sabihin sa kanya.

Hindi na ako ang lumang Francis.

Mas tanga at bobo pa pala ako sa inaakala ko.

Umuwi kami ng bahay dala-dala ang galit sa aking puso.

Pero alam kong hindi ako susuko sa pagbawi kay Jacob.

Hindi ko alam kung papaano, pero alam kong may paraan.

Nang makauwi ng bahay ay agad akong pumasok sa kuwarto ko.

Doon bumuhos ang namumuong luha ko.

Hinang-hina ako.

Ang hirap magpakabuti sa mga panahong ganito.

Ang hirap mag-isip ng tama.

Nabubulagan ako ng takot at galit.

Takot na hindi ko na mababawi ang buhay ko… ang anak ko…

Galit dahil walang natira para sa akin… lahat ay kinuha ni kuya Michael.

Iyak lang ako ng iyak.Para akong batang inagawan ng laruan at binugbog pa pagkatapos.

Hanggang sa… Inabot ko ang mga lalagyan ng gamot na nasa aking harapan.

Kinuha ko ang mga ito at binuksan.

Sige na…

Talo na ako… Suko na ako…

At sinimulan kong ipinasok sa aking bibig ang lahat ng mga tabletas.