1. Home
  2. Stories
  3. Kabilang Mundo 16
Filipino Sex Stories

Kabilang Mundo 16

By fiction-factory ·

Please refer to the previous parts.

(Kapitulo Kuarienta y tres)

Napapikit nalang ako nang bawiin na pababa ng Berdugo ang palakol niya, papunta at eksaktong-eksakto sa leeg ko.

"Aaahhhhhhh"
napasigaw ako.

"Maaaaiiittttaaaa!"
napasigaw din si Tony.

Nasa bingit na ako ng kamatayan nang marinig ko ang pag-sigaw ng isang babae.

"Itigil mo 'yan!"

Pagmulat ko, kitang-kita ko ang talim ng palakol na halos dumampi na sa leeg ko.
Lalong napalakas ang pag-iyak ko dahil sa takot ko.

Inihinto ng Berdugo ang ginagawa niya at tinanggal niya na sa leeg ko ang palakol.
Natatanaw ko ang mga paparating na mga kababaihan. Nakapila sila at ang nasa unahan nila ay napakaganda ng gayak, siguradong siya ang pinuno nila.

Para din silang mga Igorot sa gayak nila o kung anong klaseng katutubo o tribo kaparang ng mga Malay.

"Aba, nandito ang Pinunong Amazona. Bihirang mangyari ito."
narinig kong nagsalita ang pinunong malay.

Teka, Amazona? Sila kaya ang tinutukoy ni Reynang Diwata nang balaan niya kami?
Ang mga Amazona na dapat naming ika-ingat?

"Mahal na Haring Malay, ang desisyon niyo po ay makapangyarihan ngunit aking hahadlangan ang pagbibitay na ito dahil sa kahilingan ni Prinsesa Tisha"
tugon ng Pinunong Amazona.

Walang ano-ano'y pinagutos ng Pinunong Malay na kalagan ako, maging si Tony.
Nakahinga na ako ng maluwag at napanatag na rin ang kalooban ko. Salamat nalang sa Prinsesa.

Pagtayo ko, nagulat ako nang makita ko ang Prinsesa, hindi ako pwedeng magkamali, siya ang batang iniligtas namin ni Tony sa kamay ng mabangis na tigre noong unang araw pa lamang namin sa bundok na ito. Isa pala siyang Amazona, at isang iginagalang na Prinsesa.

"Ama, sila po ang nagligtas sa akin no'ng muntik na akong lapangin ng tigre."
paliwanag ni Prinsesa Tisha habang nakaturo sa aming dalawa ni Tony.
Nagkibit-balikat lang ang haring malay at mukhang nanlumo pa sa sarili.

"Maraming salamat sa pagliligtas niyo sa anak ko. Patawarin niyo ako sa aking naging desisyon, at sa naging pagtrato namin sa inyo."
paumanhin sa amin ng Pinuno.
Ang kaninang nangangalit, ngayo'y kalmado na. Hindi na kami umalma pa at hindi narin nagsayang pa ng oras si Tony. Mas mahalaga parin ang misyon kaysa maling-akalang nangyayari ngayon.

"Hindi na po kami magtatagal, kailangan na naming umalis. May dalawang araw nalang kami para makita ang huling Witchcrafter"
pagmamadali ni Tony.

Akala ko katapusan ko na talaga kanina, pero tama si Tony, ginagabayan nga ako ng huling Witchcrafter. At ang mga amazona pa pala ang tutulong sa amin. Mapaglaro talaga at mapang-linlang ang witchcrafter.

"Teka, nabanggit mo ang huling Witchcrafter. May hawak din kaming talinhaga."
ayon naman kay Reyna Amazona.

Nagkatinginan kami ni Tony, pati na nina Jacob at Maya. Heto na ang bubuo sa palaisipang ito na ang may hawak pala ay ang mga Amazona.

"Ang ika-apat at ang kahuli-hulihang talinhaga"
sambit ni Tony.

Pinaupo nila kami sa isang mahabang upuan sa isang tabi at binasa sa amin ng Reyna ang hawak niyang huling kalatas ng Propesiya.

"Ang itinakda ay manggagaling sa lawa ng mga Sirena sapagka't iniligtas nila ito. Inyo siyang makikilala dahil nasa puso niya ang apat na elemento ng daigdig. Nalalapit na ang aking pagdating."
ayon sa Propesiya.

Nagtataka talaga ako, bakit kaya tinatawag pang talinhaga ang mga katagang malinaw na malinaw maintindihan?

Naalala ko ang mga kamay na humawak sa katawan ko na tumulong sa aking makaahon sa tubig kagabi. Marahil sila ang tinutukoy na Sirena sa talinhaga. Talagang natupad sa akin ang mga panukala.

Nilapitan kami ng Pinuno at ng Reyna. Parang kaming nagpu-pulong.

"Ang sabi ng alagad ko'y nakita nila kayo sa batis ng mga Sirena."
ang Pinuno.

Bakas sa mukha niya ang pagkamangha at pagkagulat.
Matapos ay nilapitan ako ng Reyna Amazona, napansin ata niya ang kuwintas ko, hinawakan niya ang suot kong pendant. Ang kuwintas na bigay ni Reyna Diwata. Hinahaplos-haplos niya ito at tinitignan ng mabuti, parang kanyang sinusuri.

"Ikaw nga ang Itinakda. Ito ang pendant ng apat na elemento na nasa tapat ng puso mo."

pagkasabi ng Reyna'y bigla nalang nagsipag-luhod ang lahat, maging ang Pinunong Malay at ang Reyna.

Aalis na sana kami pero hindi kami nakatanggi nang alokin nila kaming kumain. Ang daming pagkain, iba't-ibang prutas, may karne ng hayop at kung ano-ano pa.

Kinuha ko ang pagkakataon para makipagkwentuhan kina Maya at Jacob.

"O kumusta na kayo? Ano na nga palang nangyari sa inyo noong magkahiwalay tayo?"
tanong ko kay Maya.

"Akala namin Ate patay na kayo. Ni hindi ko kayo matanaw. Ngunit hindi kami nawalan ng pag-asa, nagpatuloy parin kami, umaasa na matatagpuan pa namin kayo, at heto nga, sa wakas nagkita-kita narin tayo."
magiliw na sagot niya.

"Medyo mahirap din ang pinag-daanan namin ni Tony. Siguro patay na ako ngayon kung di dahil sa kanya."
sa sinabi ko, napatingin ako kay Tony na nakaupo sa tabi ni Jacob sa dulo ng mahabang mesang ito.

Nagnining-ning ang maamo niyang mukha, at sa tuwing maaalala ko ang mga bagay na ginawa niya para sa akin ay napapangiti nalang ako, parang dalagitang kinikilig-kilig.

"Hoy Ate! Baka matunaw si kuya Tony niyan! Uuy…"
inasar pa ako ni Maya nang mapansing napatulala ako kay Tony.

"Pero Ate, ahm. Handa ka na ba?"
patuloy niya.

Alam ko ang tinutukoy niya. Alam kong tinatanong niya kung handa na akong maiwanan ni Tony sapagka't malapit na kami sa tuktok ng bundok, ngunit nablanko ako at walang maisagot.

"May dalawang araw nalang po kami mula ngayon para mahanap ang huling witchcrafter"
biglang sambit ni Tony.

"Hmm.. Ngunit bakit niyo hinahanap si Maria?"
tanong ng Reyna.

"Si Marcus po na isang bat vampire ay lumabag sa kasunduan ng langit at lupa, ngayo'y gusto pong maging human vampire, para magawa niyang vampire ang mga mortal na tagalupa, at para maghari sa mundo, at ang huling witchcrafter lang po ang makakapatay sa kanya"
tugon ni Tony.

Sa hitsura ng Reyna mukhang hirap niyang maintindihan ang sinabi ni Tony.

"Sa wari ko'y kabutihan ang pakay niyo, nawa'y patnubayan kayo"
ang Reyna.

"Kaya ipagpaumanhin niyo po at kami'y lalakad na, para marating agad namin ang tuktok ng bundok."
pagtatapos ni Tony.

"Huh?! Teka!"
bigla nalang nasindak si Maya at natigilan sa pagkain, parang may naalala o kung ano mang nasagi sa isipan niya.

"Mahal na Reyna, ilang oras po ba ang isang araw sa bundok sinai?"
tanong ni Maya.

"Ano'ng oras? Ang isang araw dito ay literal na isang araw, at ang gabi ay katumbas din ng isang araw."
paliwanag ng Reyna.

"Ibig sabihin, ang apat na araw pala sa mundo ng tao na may apat na umaga at apat na gabi ay katumbas lang ng dalawang araw dito, dahil ang gabi ay itinuturin ding araw!"

Nagulat at nagkatinginan kaming lahat sa sinabi ni maya. Naabot ko ang sinasabi niya. Kung biente y kwatro oras ang isang araw, dito dose oras lang. Bigla akong nanghina sa usaping ito.

"Ano'ng ibig mong sabihin Maya? Naubos na ang apat na araw natin at mamayang gabi na ang muling pagkabuhay ni Marcus at ang aking kamatayan?"
miserableng tanong ko.

"Oo ate Maita. Sorry."
tanging naisagot niya.

"Bakit ngayon mo lang sinabi?"
maging si Tony at Jacob ay nagsimula ng mataranta.

"Ibig sabihin, sa pagputok ng dilim, tapos na ang oras natin?"
pagkumpirma ko.

"Oo ate. Patawarin ninyo ako, ngayon ko lang naisip."

Halos manlambot ako at tuluyan ng nawalan ng pag-asa, hapon na sa mga oras na 'to, at ngayon sa tantiya ko ay may apat na oras na lang ang natitira, at ang tanging palatandaan nalang namin ngayon ay ang sikat ng araw, dahil sa paglubog nito, tapos na ang lahat. Nanlumo kaming lahat sa sinabi ni Maya.

"Sigurado ka ba sa sinasabi mo maya?"
paniniguro ni Tony.

Ngunit mukhang sigurado nga si Maya. Hindi namin malaman kung ano ang gagawin. Kulang na kulang na ang oras namin kahit pa anong bilis ang gawin naming pag-akyat. Hindi rin kami makakaabot sa tuktok.

"Isa nalang ang naiisip kong paraan."
biglang nagsalita ang pinunong malay.

Nagulat naman kami sa reynang amazona nang bigla siyang tumayo sabay bagsak ng mga kamay sa mesa.

"Imposible! Masyadong mapanganib!"
mukhang alam na ng reyna ang tinutukoy ng hari.

"Kung 'yan nalang po ang tanging paraan, sabihin niyo na, bago pa mahuli ang lahat!"
napatindig narin si Tony.

Bakas ang pag-aalala sa mukha ng hari at reyna, ngunit wala naman ibang pagpipilian kaya nagdesisyon na silang sabihin ang tanging paraang naiisip ng haring malay.

(Kapitulo kuarienta y kwatro)

Dinala nila kami sa isang liblib na lugar, at walang ibang malay o amazona na sumama kundi ang hari lang at reyna. May kalong-kalong pang bag ang Hari sa likuran niya.

Nakatayo kami sa tapat ng isang malaking kweba at talagang napakadilim sa loob nito. Panibagong lagusan nanaman, ano nanaman kaya ang naghihintay sa amin sa loob? Panibagong kalbaryo na naman, sigurado.

"Ito ang tinatawag naming Purgatoryo."
nagsalita ang hari habang ibinababa ang mga dala niya.

Teka! Purgatoryo? Sa pagkakaalam ko, ang purgatoryo ay isang kulungan ng mga kaluluwa na namamagitan sa langit at lupa. Paano nangyaring ang kwebang ito ay ang purgatoryo? Mahiwaga talaga ang kabilang mundong ito.

"Kung dito kayo dadaan, mararating niyo ng mas mabilis ang tuktok ng bundok, sa mismong kinaroroonan ng huling witchcrafter."
patuloy ng hari.

"O, ano pang hinihintay natin? Tara na!"
pagmamadali naman ni Jacob.

"Hindi 'yon gano'n kadali."
sabat ng reyna.

"Hindi namin inirerekomenda ang lagusang ito dahil mapanganib, pero dahil wala ng ibang paraan kaya nandito tayo ngayon. Sa loob ng kwebang yan ay punong-puno ng kababalaghan, ayoko ko kayong takutin, gusto ko lang kayong balaan. Ang purgatoryo ay kulungan ng mga masasamang espiritu. Ang lahat ng dumaan diyan, ni isa ay wala ng bumalik, lahat sila namatay at lahat ng mga namatay ay muling binuhay. Ito ang 'Land of the Dead'"
patuloy niya.

Sabi na nga ba't kapahamakan nanaman ang naghihintay sa amin, ngunit wala naman kaming magawa dahil ito ang hinihiling ng kapalaran. Isa pa, sa dami ng pinagdaanan ko, ngayon pa ba ako susuko? At walang dahilan para sumuko sapagka't nasa kamay ko ang kaligtasan ng buong mundo.

"Sino'ng bumuhay sa kanila?"
tanong ni Tony.

"Ang hari ng kadiliman. Si Lucifer."
sagot ng Reyna.

Nagkatinginan kami ni Tony sa sagot ng Reyna. Si Lucifer nga ba na sa pagkakaalam ko'y isang itinakwil na Anghel? Naguguluhan na talaga ako sa nangyayari.

"Kung siya ang kapatid ni Gabriel, malamang may pag-asa pa tayo."
sabi sa akin ni Tony.

Nagtataka ako kung bakit niya nasabi 'yon. Si Gabriel at si Lucifer ay magkapatid? At teka! sila nga ba ang mga Anghel?

"Ah. Oo nga pala hindi mo na maalala. Noong kaluluwa ka pa Maita, nakita mo na si Gabriel, ang Anghel na sumusundo sa Spirit of Life, at malamang si Lucifer nga ang tinutukoy nila, at dito niya dinadala at iniipon ang kinukuha niyang Soul of Death."
hindi ko maintindihan ang sinasabi ni Tony, bakit nga ba wala akong maalala?

"Ano po ba ang kailangan namin gawin?"
tanong ni Jacob sa Hari.

"Pagpasok niyo, sundan niyo lang ang daan, at matutukoy niyo ang tamang daan dahil may mga kandilang hindi natutunaw ang nakasindi sa gilid nito. Sa dulo nito ay may pintuan, 'yon ang pintuan palabas sa kinaroroonan ng huling witchcrafter."
tugon ng Hari.

Inabot ng hari sa amin ang apat na piraso ng itak na dala niya. Tig-iisa kaming apat.

"Kakailanganin niyo ito. Mag-iingat kayo. Hindi biro ang lugar na 'yan."
sabi niya.

Iginapos namin sa aming kanya-kanyang mga baywang ang mga itak na may sisidlan na binigay sa amin,
isinuot ko nalang kahit pa wala akong alam sa pakikipaglaban, maging si Maya na ngayon lang din daw nakahawak ng itak.

"Tara na. Wala na tayong oras."
sambit ni Tony.

hinawakan ni Tony ang kamay ko at nauna kaming pumasok sa loob ng kweba, kasunod namin sina Jacob at Maya.

"Mag-iingat kayo!"
nagkasabay pa ang Hari at Reyna.

"Kapag nakapasok na kayo sa loob ng purgatoryo, tandaan niyo, wala na kayo sa bundok Sinai, dahil ang purgatoryo ay hindi na parte ng bundok, kundi ibang lugar, na inyo lamang dadaanan."
dagdag pa ng Hari.

"Siya nga pala, walang araw sa lugar na 'yan, kaya 'wag kayong magalala kung makita man ninyong gabi d'yan, araw pa rin dito."
dugtong din ng Reyna.
Isa nalang ang inaalala ko ngayon, ang pagtantiya ko sa oras, paano kaya namin malalamang may oras pa kung kadiliman ang aming nakikita? sana'y hindi kami magkamali.

Habang papasok kami ay lalong dumidilim ang paligid, at wala kaming ibang naririnig kundi ang mga yapak namin.
Pinailaw ni Tony ang zippo lighter niya, at ito ang tanging liwanag na meron kami.

Napansin ko ang mga titik at mga guhit sa pader ng kweba na agaw-pansin talaga. Parang mga drawing na stick figure ng mga tao o halimaw, at ang mga titik ay hindi ko maintindihan, parang hebrew text o kung anong ancient character.

"Teka. Tignan muna natin 'to."
hiling ko sakanila nang mapansin ko ang isang kakaibang guhit. Parang Octopus na may kulay pula sa gitna, hindi, parang tao na may maraming kamay, at ang pula ay ang puso niya. Hindi ko maintindihan, kulang sa detalye. Pilit kong hinihila si Tony para mailawan ng maayos ang mga drawing na tinitignan ko, ngunit hindi talaga niya ako pinapansin.

"Wala na tayong oras Maita."
pagmamadali nila.

Malakas talaga ang kutob ko na may ibang ibig sabihin ang mga titik at mga guhit na ito. Ano kaya ang kahulugan ng taong nakaguhit na may mga galamay?

May natanaw kaming liwanag. Mukhang yon na ang hangganan ng kweba kaya mabilis kaming naglakad papunta doon.

(Kapitulo Kuarienta y Singko)

"Anong klaseng lugar kaya ito?"
tanong agad ni Maya nang makarating na kami sa loob ng tinatawag nilang Purgatoryo.

Bigla akong nakaramdam ng takot sa nakikita ko, nanginginig ang mga kamay ko, nanlalamig at nagsisipagtayuan ang balbon ko.
Kung ano-anong lugar na ang nakita ko, pero kakaiba talaga ang isang ito.

May dalawang magkatabing bilog na bilog na buwan na napakaliwanag ng pagsikat, at nagkalat ang mga patay na puno sa paligid, itim na parang nasunog at naging uling. Medyo masangsang ang amoy, amoy patis o anomang bulok na isda.

Gayunpaman ay nakikita na namin ang daan na napapaligiran ng kandila, tulad ng binanggit ng hari, ngunit ang lubos na nakakatakot ay ang mga puntod sa paligid ng daan, mga puntod na yari sa bato.

Oo, hindi ako pwedeng magkamali, isa itong sementeryo. Ang sabi'y pugad ito ng mga masasamang espiritu, ngunit parang ordinaryo lang itong sementeryo. Bawat puntod ay may katabing isang patay na puno, itim at wala ng dahon, nakahilera ang mga ito, at lahat ng puntod ay puro mga walang lapida. Marahil ang mga nakalibing dito ay ang mga tinutukoy ng Reyna na mga taong hindi na nagawang makabalik.

"Hindi ito ang purgatoryong alam ko."
sambit ni Tony.

Bakas na bakas ang pag-aalala sa mukha niya, parang punong-puno siya ng pagtataka dahil iba ang nakita niya sa inaasahan niya.

"Tutuloy pa ba tayo kuya?"
pangamba naman ni Maya.

"Nandito na tayo, dumiretso na tayo."

Nagpatuloy kami sa paglalakad, tinahak namin ang daan na napapaligiran ng kandila. Nakapagitna ang daang ito sa mga nasabing puntod, at nagtataka ako kung bakit maging ang kalsadang ito ay kulay itim ngunit natitiyak kong hindi ito aspalto, at ang isa pang pinagtatakhan ko ay kung bakit wala ni isang damo sa paligid.

Punong-puno ako ng takot, nanginginig talaga ang mga tuhod ko, iba ang pakiramdam ko sa lugar na ito, damang-dama ko ang pighati ng bawat nakalibing, para silang hindi matahimik at walang humpay na nagsusumamo, at habang naglalakad kami ay napakapit ako sa braso ni Tony, habang si Maya ay napakapit naman kay Jacob, halatang natatakot din siya.

Hindi ko mapigilan ang paglingon-lingon ko sa paligid, pati ang liwanag ng dalawang bilog na buwan ay nakakatakot din at nakakabagabag.

"Ilang libong tao na kaya ang namatay dito? At sino kaya ang supurtorero ng sementeryong ito."
si Jacob.

"Sino pa, edi si Lucifer!"
madiin na sagot ni Tony.

Hindi ako mapakali, hindi ko maiwasan ang hindi mapaisip ng kung ano-ano, pakiramdam ko parang may mga kaluluwang nakasunod sa amin, at parang may mga matang nakatitig sa amin.
Masyadong tahimik, nakakabingi at nakakabagabag talaga.

Lahat kami ay nag-aabang ng kakaibang mangyayari, ngunit habang nag-aabang kami ay mas lalo pang tumitindi ang kaba sa dibdib ko.

Lahat kami ay malamlam na naglalakad, nakikirandam sa sobrang katahimikan.
Medyo nakalayo na kami sa kwebang aming pinanggalingan,

"Huh! Tony, ang kweba!"
sigaw ko.

Nanlaki na lang ang mga mata ko nang lumingon ako sa likod para tignan ang kweba, wala! Wala na ang kwebang aming dinaanan kanina, naglaho na, puro mga libingan at patay na puno na lamang ang nakikita namin, napakalawak ng lugar na ito, at ang sa dulo ay purong kadiliman lang ang matatanaw.

"Mukhang wala ng atrasan 'to! Tara na, bilisan na natin."
si Tony.

Binilisan namin ang aming paglalakad, nagaalangan kaming tumakbo dahil hindi namin kabisado ang lugar na ito.
Lumalakas na ang tunog ng mga yakap naming pinagsama-sama, tulad ng lalong paglakas ng kabog ng dibdib ko.

Sinundan namin ang mga kandila tulad ng habilin ng haring malay, ngunit tila wala silang katapusan, napakahaba ng pila ng mga kandilang ito, at hindi pa rin namin matanaw ang dulo ng kalsadang ito, mukhang malayo pa kami.

Biglang napahinto si Tony, itinaas at hinarang niya ang kanyang kamay sa amin para senyasan kaming huminto rin.

"Teka! Shh…"
sambit ni Tony.

Nang mapatingin ako sa aming daraanan ay may naaaninag akong isang nilalang na hindi ko matukoy kung tao o kung ano, ngunit habang papalapit siya ay unti-unti kong nakikita ang mga kamay niya at mga paa, makisig ang katawan at tila kasing-tangkad lang ni Tony, tapos may suot siyang maskara na yari sa metal na may dalawang butas lang na para sa kanyang mga mata, ang kasuotan niya ay kulay pula na punit-punit, at ang nakapagpaalarma sa amin ay ang hawak niyang espada, oo, may hawak siyang malaki at malapad na espada na halos sumasayad na sa lupa sa sobrang haba nito, parang espada ng mga sinaunang pirata.

"Jake, ako na'ng bahala dito, 'pag sinabi kong takbo, tumakbo na kayo at mauna na, susunod na lang ako."
utos ni Tony.

"Pero Tony--"

"Wala ng pero-pero, wala na tayong oras!"

Pagkasabing-pagkasabi ni Tony ay bigla na lamang siyang tumakbo para salubungin ang nasabing nilalang, buong tapang niya itong sinugod kahit pa may hawak itong malaking espada, habang si Tony ay binunot ang maliit na itak na bigay ng Haring malay.

Pagkalapit niya sa nilalang ay hinawi agad niya ito ng hawak niyang itak, ngunit maliksing naka-ilag ang nilalang at ngayo'y mabilis na gumanti, ang lakas niya, nagawa niyang itaas ang malaking espada niya na parang wala man lang itong timbang at napakalakas ng pagsugod na ginawa niya kay Tony, mabuti na lang at marunong ding umilag itong si Tony.

Habang naglalaban sila ay napapansin kong papalayo sila sa aming daraanan, madiskarte talaga si Tony. Alam na alam niya ang gagawin. Inilayo niya ang kalaban sa daan para makadaan kami at makalampas.
Nang mapadpad sila sa ibabaw ng mga puntod ay sumigaw na si Tony.

"Ngayon na! Takbo na!"
sigaw niya habang patuloy na nakikipagpalitan ng talim sa kalaban niya.

"Tara na!"
utos naman ni Jacob.

Sabay silang tumakbo ni Maya. Ngunit ako ay nanatiling nakatayo habang pinapanood ang pakikipaglaban ni Tony.
Hindi ko siya kayang iwan, lalo na sa ganitong sitwasyon niya.

"Maita, ano pang hinihintay mo? Tayo na!"
sigaw sa akin ni Jacob.

"Hindi ko siya kayang iwan Jake! Hindi ko kaya!"
sagot ko at bigla na lamang akong napaluha.

"Huwag ka ng maraming drama dyan! Susunod din naman si Tony."
pagkukumbinsi ni Jacob.

Hindi ako makahakbang ni makagalaw, ayoko talagang iwanan si Tony, alam kong malakas siya, ngunit mortal siya ngayon at walang kapangyarihan, alam kong ikakamatay niya ito kapag hindi ko siya tinulungan ngayon. Hindi ko siya iiwang mag-isa sa ganito kalakas na kalaban.

Binunot ko ang sarili kong itak na bigay din sa akin ng Haring malay. Kahit pa wala akong karanasan sa pakikipaglaban ay susugurin ko pa rin ang halimaw na ito. Para kay Tony.

Ngayon handa ko ng lusubin ang panganib, ngunit paghakbang ko ay biglang humarang sa daraanan ko si Jacob.

"Ako na Maita! Matigas talaga ang ulo mo, hintayin niyo nalang kami dito."
bumilib ako sa sinabi ni Jacob kahit papa'no.
Ayaw talaga nila akong mapahamak.

To be continued…
Fiction-Factory
Copyright2014