1. Home
  2. Stories
  3. Kathlea's Sexcapades: Unfaithful - Part 3
Pinoy Tambay

Kathlea's Sexcapades: Unfaithful - Part 3

By unknown ·

"TOTOO. MAGKASABWAT KAMI ng babaeng pinakasalan mo. Ako, gusto kitang patayin dahil naiinggit ako sa'yo! Dahil ang suwerte-suwerte mo sa lahat."

"Kung kayamanan lang ang gusto ninyong dalawa sa akin ay ibibigay ko. H'wag lamang ninyo akong patayin!" Pakiusap ni Alrex sa kinakapatid.

"Ngayon pang alam mo na ang lihim naming dalawa!" Si Sofia.

"Ganyan Sofia, at 'wag kang pauuto kay Alrex. Tuloy ang plano nating dalawa na tapusin na ang buhay ng letseng iyan!" Sabat na naman ni Dave.

Ikinasa na ni Sofia ang hawak na baril sabay tutok sa sugatang asawa.

"Sa oras na mapatay kita ay sa akin mapupunta ang lahat ng mga kayamanan mo. At paniniwalaan ng lahat na namatay ka lang sa isang aksidente. Iyon ang palalabasin naming dalawa ni Dave."

"Mga walanghiya kayo!!!"

Ipuputok na ni Sofia ang hawak na baril nang sugurin naman siya ni Alrex at makipag-agawan na sa kanya sa baril. Nakipag-agawan na rin sa kanila si Dave. Biglang pumailanlang ang isang putok ng baril…

BANG!

HINDI NA MAPAKALI SI Sofia. Binalot na siya ng matinding pangamba. Wala naman siyang maisip na tao na nakaalam ng kanyang lihim. Ng lihim nilang dalawa ni Dave. Subalit nasaan na nga ba ang lalaking kasabwat niya sa krimeng iyon? Nasaan na si Dave? Nasaan na?

"Mabuti na lamang at hindi ako napaghinalaan ng mga imbestigador na may kinalaman sa pagkamatay ng aking… ni Alrex De Castro. Ano na kaya ang nangyari sa imbestigasyon ni Mr. Crisostomo?"

Tatlong taon nang kasal si Sofia kay Alrex De Castro. Isang negosyante. Mabait na asawa si Alrex. Sa tatlong taon nilang pagsasama ay hindi pa rin sila nagkakaroon ng anak.

Planado ni Sofia ang lahat. Sinigurado kasi niya na hindi siya magbubuntis. Kahit pag-aari ni Alrex ang kanyang katawan. Asawa siya nito at tungkulin din niya bilang asawa na paglingkuran ang lalaking kanyang pinakasalan at pinili bilang asawa.

Ang katotohanan ay hindi mahal ni Sofia si Alrex. Napilitan siyang pakasalan ang lalaking ito dahil sa kayamanan. At dahil din sa udyok ni Dave. Si Dave ay kinakapatid ni Alrex.

Nag-hysterical na si Sofia na kaagad namang dinampot ang cellphone. "Kailangan malaman ni Dave na may ibang nakaaalam sa aming sikreto."

Kaagad ding tinawagan ni Sofia ang numerong pag-aari ng kalaguyong si Dave. Kailangang magkausap silang dalawa. Kailangang makagawa kaagad sila ng hakbang para patahimikin ang texter na nakaaalam ng kanilang pinakaiingatang lihim.

Ring nang ring ang cellphone ni Dave. Paulit-ulit lamang.

"Dave, bakit ayaw mong sagutin ang tawag ko?"

Ring pa rin nang ring. Paulit-ulit lang ulit. Hanggang operator na ang sumasagot sa kanya.

"Dave, nasaan ka ba?!"

Biglang nag-brown out. Nagdilim ang buong kapaligiran.

"EEEHHHH… EEEHHH… EEEHHH!!!"

Pumailanlang ang mga sigaw ni Sofia sa kadiliman.

Takot na takot na si Sofia. Kakapa-kapa sa dilim. Kakabug-kabog ang kanyang dibdib. Walang patid ang abnormal na pintig ng kanyang puso.

Nang biglang umihip na naman ang hangin sa bungad ng bintana ay nagsisigaw na naman si Sofia. Hindi lang takot na takot, kundi sindak na sindak na.

Dinadaig talaga ng matinding takot at sindak si Sofia dahil baka pagpakitaan siya ng namatay na asawa. Baka ito na ang hudyat na nagpaparamdam na ito sa kanya. (Itutuloy)