1. Home
  2. Stories
  3. Kathlea's Sexcapades: Unfaithful - Part 4
Pinoy Tambay

Kathlea's Sexcapades: Unfaithful - Part 4

By unknown ·

NANGALISAG ANG MGA balahibo ni Sofia sa katawan. Ang lamig-lamig pa naman ng dampi ng hangin sa kanyang balat. Sadyang nakapangingilabot iyon.

Ang likot ng mga mata ni Sofia na nakatitig sa may tapat ng bintana. Doon lang kasi sa bahaging iyon may konting liwanag na nagmumula sa labas.

"H-hindi ako dapat matakot sa multo. K-kalokohan lamang ang kuwento tungkol sa mga nagbabalik na patay at nagmumulto. Hindi ako dapat magpaapekto. Hindi." Pilit niyang kinukumbinsi ang sariling 'wag matakot.

Mas nadagdagan pa ang takot ni Sofia nang makarinig ng mga yabag ng paa mula sa labas ng silid na kinaroroonan niya. Tahimik na tahimik kasi ang gabi. Kaya naman kaluskos lang ay alam na niya kaagad.

"M-may tao sa labas?!"

Nangangatog pa ang kanyang mga kamay na dinampot ang kumot na itinalukbong sa sarili. Pakiramdam tuloy niya ay hihimatayin na siya sa sobrang nerbiyos.

"A-ang mga yabag ng mga paang iyon ay papalapit mismo sa kinaroroonan ko. M-may nakapasok kayang ibang tao? Nakalimutan ko bang i-lock ang pinto sa ibaba?"

Urong-sulong naman si Sofia na lumabas sa kanyang silid. Kinakabahan na rin. Hindi iyon maitatago sa lakas ng kabog ng kanyang dibdib.

Nagdadalawang isip na talaga si Sofia na lumabas sa kanyang silid. Isa pang malaking balakid sa kanya ay ang brownout. Ni hindi man lamang siya nakapagtabi ng kahit kandila man lamang.

"Teka, may itinago nga palang flashlight si Alrex noon dito sa kuwarto namin. Saan nga ba niya iyon itinago?" Isip nang isip si Sofia.

"Ang alam ko'y dito lamang iyon niya itinago." Ang problema ay hindi naman niya maalala ang eksaktong pinagtaguan ng flashlight ng kanyang namayapang asawa.

Kakabug-kabog na naman ang dibdib ni Sofia. Sa kabila ng nagpupumilit siyang magtapang-tapangan sa mga sandaling iyon. Subalit, kapag lumalakas ang simoy ng hangin ay nangangalisag ang kanyang mga balahibo. Kinikilabutan siya nang husto.

"H-hindi ako dapat magpaapekto sa takot na nararamdaman ko."

Nakarinig na naman si Sofia nang yabag ng mga paa sa labas ng kanyang silid. Halos kapusin siya ng hininga. Halos panuyuan siya ng laway sa kanyang bibig. Nerbiyos na nerbiyos. Aatakihin na 'ata siya sa puso kahit wala naman siyang sakit.

"S-sino 'yan?" Lakas-loob naman niyang sambit.

Tumigil ang mga yabag ng paa sa labas ng silid na kinaroroonan niya. Sa puntong iyon ay nasa harapan na mismo ng pintuan si Sofia. Nakarating siya sa bahaging iyon na kakapa-kapa lamang.

Biglang nagtitili si Sofia sa sindak nang bigla ring may magtangkang magbukas ng doorknob ng pintuang iyon. Napaatras tuloy siya. Takot na takot.

"EEEHHH… EEEHHH… EEEHHH!!!" Tili ni Sofia.

Patuloy sa pagpupumilit na mabuksan ang doorknob ng pintuang iyon ng kung sinong tao sa labas. Walang magawa si Sofia kundi ang magtitili nang magtitili. Takot na takot pa rin. Sindak na sindak na rin. Pati buong katawan, nangatog nang husto.

Nabuksan na ang pintuang iyon na hindi alam ni Sofia kung sino. Napaatras na naman si Sofia. Dahan-dahang lumangitngit pabukas ang pintuan ng kanyang silid.

"S-sino ka?!" Habul-habol ang kanyang paghinga.

Nagtitili na naman si Sofia nang biglang may liwanag na nagmula sa bungad mismo ng pintuang iyon. Liwanag na nagmula sa isang flashlight na nakatutok sa mga paang nakasuot ng itim na sapatos.

Pakiramdam ni Sofia ay hihimatayin na siya. Hindi na kasi niya maintindihan ang nararamdaman sa puntong iyon. Takot na takot. Sindak na sindak. Nangangatog. Nanlalamig ang buong katawan. Hanggang sa mapaiyak na rin. (Itutuloy)