1. Home
  2. Stories
  3. Kathlea's Sexcapades: Unfaithful - Part 8
Pinoy Tambay

Kathlea's Sexcapades: Unfaithful - Part 8

By unknown ·

PABABA PA LAMANG si Sofia nang makarinig na naman siya nang malakas na kalabog ng pinto sa dakong ibaba. Kaagad naman niyang natukoy kung saan nagmula iyon.

"Sa silid ng mga katulong."

Dinatnan ni Sofia na nakauwang pa ang pintuan ng silid ng mga katulong. At tama ang kanyang hinala na naroon sa loob ang taong may kinalaman sa pagkuha ng picture frame ni Alrex.

"Hindi ako natatakot kung sino ka man," aniya na ikinasa ang hawak na baril.

Kabado man, bahagyang itinulak pa ni Sofia ang pintuan ng silid na iyon. Diretso ang tingin sa loob na wala naman siyang nakita kundi ang maayos na kama. Nakiramdam din siya.

Dumiretso na nang pasok sa loob ng silid na iyon si Sofia. Ang hindi alam ni Sofia ay may mga paang nagsusumiksik sa likuran ng pintuang iyon. Napapiksi na lamang siya at napailing na rin.

"Saan nagpunta ang taong iyon?"

Huli na ang lahat.

Hindi na nakakilos pa si Sofia nang biglang may magtakip ng panyo sa kanyang bibig. May bahid iyon ng gamot-pampatulog. Nagpumiglas pa siya pero nang makalanghap ay tuluyan na siyang nawalan ng malay-tao.

NANG BALIKAN NG malay-tao si Sofia, nakagapos na ang kanyang mga kamay sa isang silyang kinauupuan niya. Nakapiring din ang kanyang mga mata. Katapusan na nga ba niya? O, nakatakda nang pagdusahan ang kataksilang ginawa sa kanyang asawa?

"S-saan ako naroroon?"

Tinangka na ni Sofia na pakawalan ang sarili pero mahigpit ang pagkakagapos sa kanyang mga kamay. Nagpumilit pa rin siya. Pati pala mga paa niya ay nakagapos din. Paano na?

"Kailangan kong makatakas sa lugar na ito. Kung hindi ay mapapahamak ako." Piglas pa rin siya nang piglas.

Sa pagpupumilit ni Sofia na makawala sa mahigpit na pagkakagapos sa kanyang mga paa at kamay, nawalan naman siya ng panimbang. Tumumba ang upuan na kanyang kinauupuan sa sahig na lupa. Subalit, ang kinabagsakan niya ay katawan ng isang tao. Malambot iyon. At narinig pa niya ang mahinang pag-ungol na sa pagkakadinig niya ay tinig ng isang taong hinang-hina na.

Napapitlag si Sofia. May malamig na kamay kasi na dumampi sa kanyang mukha. Napatili tuloy siya.

"S- Sofiiiaaa… Sofiaaa…" mahinang tinig ng isang lalaki.

"S-sino ka?!"

"Uuuunnnggg… uuunnnggg…."

"SINO KAAA?!"

"P-papa…ta…yin ka riiinnn niya." Hirap na hirap na nitong sambit sa kanya.

"S-sino ang papatay sa akin? Sinnnooo?!"

Hysterical na talaga si Sofia. Ngayon pang alam na niyang may taong nagtatangka sa kanyang buhay. Pero sino ang taong iyon? Bakit gusto siya nitong iligpit? Bakit gusto nitong patayin siya?

"Pakiusap, tulungan mo akong kalagin ang mga tali sa mga paa at kamay ko. Pakiusap, tulungan mo ako." Nagsusumamo na niyang pakiusap sa hindi nakikilalang tinig ng kausap.

Ungol at daing na nanghihina na ang naging tugon kay Sofia.

"He… tohhh na si… ya."

"Huh!"

Dinig na dinig ni Sofia ang yabag ng mga paang papalapit sa kanilang dalawa ng taong kausap niya. Biglang pumailanlang ang isang putok ng baril. Naghumiyaw naman sa pamimilipit ang taong kausap niya.

"EEEHHH… EEEHHH… EEEHHH!!!" Si Sofia. (Itutuloy)