1. Home
  2. Stories
  3. Biyaya... ( 02 )
Lagablab

Biyaya... ( 02 )

By wish_trish ·
" Biyaya... " ( 02 ) Yumuyuko sa lakas ng hangin ang mga talahib, mga damo, at mga bulaklak sa pag dating ng Bell 429 helicopter ng companya ng aking ina. Mas kilala ito sa tawag na T-Rex, short for Tabanda Reconnaissance. Makinang ito sa gitna ng sinag ng araw. Ang kulay silver na helicopter ay parang isang sasakyang hulog ng langit na mistulang taga dala ng biyaya sa daan daang kababayan dito sa Mankayan na nasalanta ng bagyo. Ang green diagonal stripe, at logo nito na pinag dikit dikit na Pine Trees para maka buo ng isang malaking letter T ay isang patunay sa tutoong may ari dito. Ibinababa ng grupo namin ang mga bagong dating na supplies. Kahon kahong mga gamot, pagkain, used clothings, at ilang toilettries ang laman ng bawat isang karton. Paubos na rin ang stocks ng dalawa pang grupo sa rescue mission namin, ngunit ang division lamang na direktang nasa aking pamamahala ang patuloy na nakaka bigay nang walang patid sa mga biktima ng nakaraang bagyo. Sa pagkakataong ito, kailangan kong sumama sa helicopter pabalik sa Lunsod ng Baguio upang makapag report muna sa estado ng aming rescue, bago ako pwede pang mabigyan ng mga panibagong supplies. Pasakay na ako ng T-Rex nang tinawag ako ni Annie. "Ma'am Trish, paubos na po ang supplies ng dalawa pang grupo, baka raw pwede po sila makisabay sa atin pabalik sa city para humingi pa ng tulong? Mas mabilis daw po kasi kung makikisakay sila kesa mag lalakad sila at magco commute pauwi sa Baguio?" Humihingal na sabi ng aking assistant. "Sure thing, no problem Annie. Pasakayin mo na sila. They're more than welcome to join us." Naka ngiti kong sabi dito. Inalalayan ako ng piloto para maka sakay nang makita ko si Annie parating, kasama ang lalakeng naka sagutan ko, at ang kaibigan niya na pasakay din ng helicopter. Parang nag sisi ako sa aking naging desisyon, ngunit nanahimik na lamang sa aking upuan. Nakita ko ang gulat sa mukha nung Marco na tinatawag nang makita niya akong naka upo na sa helicopter, at nag aalcohol habang inaayos ang Gucci knapsack ko na puno ng maruruming damit. Umupo sa tabi niya 'yung Russel na kaibigan niya, at lumaki ang ngiti ng bagong dating na lalake nang mamukhaan niya ako. "Hello... it's nice to see you again. Ako nga pala si Russel. Salamat sa permission para makasabay kami sa iyo." Kinakamayan ako nito nang tuwang tuwa. Nginitian ko siya at sinabing: "You're welcome". Narinig kong bumulong ng pasasalamat din si Marco, ngunit parang pilit ito. Tumango na lang ako, takot na baka may masabi pa akong pagsisisihan ko. * Ikatlong linggo na namin ito sa rescue mission. Bagama't bumubuti na ang lagay ng karamihan sa mga biktima, ay kailangan pa rin naming masiguro ang kanilang kalagayan bago kami tuluyang umuwi, at i-deklarang success ang mission. Sa araw na ito, alternative source ng tubig ang kinkailangan naming mahanapan. Dahil hindi pa naayos ang mga tubo ng kanilang water supplies, hirap ang mga taong humanap ng tubig na maiinom, at magagamit pampaligo. Umabot ang grupo ng pitong tao na pinamumunuan ko sa may paanan ng isang bundok. Nasundan namin ang isang maliit na trail ng tubig patungo dito, at umaasa kaming may natatagong ilog o lawa malapit sa lugar na ito. Isang kuweba ang bumungad sa amin sa may 'di kalayuan, at lumalaki ang trail ng tubig patungo sa loob mismo ng kuwebang ito. Sa paligid ay may mga nag kalat na mga bato, halatang nagkaroon din ng landslide dito. Nag masid ako sa paligid, at inutusan ang bawat isa na mag hiwa hiwalay at humanap ng puwedeng magamit na mga bagay, halaman, o tubig sa lugar na iyon. Narinig namin sabay sabay ang isang tunog na hindi namin maintindihan. Akala ko nung umpisa ay simpleng kulog lamang ito na nagmumula sa malayo, ngunit parang lumalakas, at pati kinatatayuan namin ay nag umpisang umalog. Tumingala ako sa taas ng bundok, at agad nakita ang mga tipak ng bato at lupa na bumubulusok pababa sa bunganga ng kuweba. Ang mas kinatakot ko ay nang makita ang lalakeng naka sagutan kong si Marco na naka tayo sa harap mismo ng pagbabagsakan ng mga bato. Agad akong kumilos at tumakbo patungo sa kinatatayuan niya, at bagama't narinig ko ang sigaw ng aking mga kasamahan, ay mabilis ko siyang tinulak papasok sa kuweba para maiwas ko siya sa mga nagba bagsakang bato. Bumagsak kaming pareho sa maputik at malagkit na suwelo ng kuweba. Biglang dumilim ang paligid, at patuloy ang dagundong ng mga batong sumara sa bunganga ng kuweba. Naghalong alikabok, at mga insekto ang sabaysabay lumipad palibot sa amin ni Marco, bago bahagyang tumahimik, at mga sigaw ng mga kasamahan namin ang aking narinig. "Trish!" "Marco!" "Hello?" "Ok lang ba kayo dyan?" Halos sabay sabay silang tumatawag sa amin. Hindi ko napansin na naka patong ako sa katawan ni Marco, at agad akong tumayo. Nagpagpag ako ng overalls ko, at buhok nang marinig kong umaray si Marco. Sa gitna ng dilim ay agad ko siyang nilapitan, mukhang iniinda niya ang kanyang kanang paa na parang napilayan. "Bakit mo ako tinulak paloob! Hindi mo na lang ako sinigawan para umalis at tumakbo palabas ng kuweba!" Sigaw nito sa akin na galit. "Sira ka ba? Kung sisigawan kita, baka bago mo ako maintindihan nadaganan ka na ng bato! Kung hihilahin kita, mas matagal 'yun, e 'di dalawa pa tayong na pisa pag ganun? Tinulak kita kasi mas mabilis gawin 'yun kesa sa sinasabi mo. Kung alam ko lang na magagalit ka, e 'di sana pinabayaan ko na lang mapitpit 'yang matigas mong ulo. Impakto! Diyan ka na nga!" Lumayo ako sa lalakeng namimilipit sa sakit at nilapitan ang bunganga ng kuweba. "Ok lang kami, buhay pa kami... pero na pilay yata si impakto... este si Marco! Tumawag kayo ng iba pang rescuers... ilabas niyo ako dito, madilim, may kasama pa akong mumoo!" Halos maiyak kong sabi sa mga tao sa kabila ng natabunang kuweba. * Gabi na, tahimik ang kapaligiran. Lagaslas ng isang ilog ang malakas kong naririnig sa aking kinauupuan. "Sa tingin mo, babalik pa sila? Mailalabas kaya nila tayo ngayon?" Tahimik. "Huy! Buhay ka pa ba dyan?" Tanong ko sa dilim na bumalot sa aking kinalalagyan. "Ah ewan!" Pasungit na sagot ng lalakeng kasama ko sa kweba. "Ah ewan ko rin sa iyo! Impakto!" At sumilip ako sa labas ng mga nag patong patong na bato, ngunit walang makita rito. Narinig ko ang kaluskos, tila pilit na lumalakad si Marco. "Saan ka pupunta? Madilim, baka mapahamak ka?" Sabi ko dito. "Malayo sa iyo, ikaw ang nagdadala ng panganib sa buhay ko." "Weh, 'di nga? Ako pa?" Sagot ko dito. Biglang huminto ang kilos, at narinig ko ang isang malalim na buntong hininga. "Iihi ako, 'wag kang sisilip." Saway nito sa akin. "Ulol! Sa dilim na ito, may makikita pa kaya ako?" At nakita kong lumiwanag bigla ang palibot, may lighter palang dala si Marco! "Ah! Ilaw... ilaw!" Tuwa kong sigaw dito. "Wag kang lalapit. Dyan ka lang. Mabuti na lang at naninigarilyo ako, kaya may lighter akong dala palagi." At iika ikang lumalakad ito palayo, papunta sa likod ng isang bato. "Sama ako... ayoko maiwan sa dilim!" Pagsusumamo ko dito. "Dyan ka lang sabi." At pinatay nito ang lighter nang marating niya ang bato. Matapos nun ay narinig ko ang tunog ng kanyang pag ihi na tumatama sa maputik na sahig ng kuweba. * Hinubad ko ang aking knapsack, at kinapa ang mga laman nito. Naramdaman ko ang isang karton ng biskwit na binaon ko kanina, at ang isang container ng drinking water. Inumpisahan kong buksan ang karton ng biskwit, at ngumuya ng isang cookie mula dito. Sa 'di kalayuan ay may isang bonfire na ginawa si Marco, naka upo siya sa harap nito, akap ang sarili, at tila nag iisip. "Gutom ka na ba? May cookies ako dito, may tubig din, share tayo?" Alok ko sa lalake. Muli nanahimik ito. "Alam mo, dadalawa na lang tayo dito. Baka matagalan pa bago nila tayo mailabas. Ikaw rin, wala kang makaka usap. Atleast ako, sagutin mo man o hindi, kinakausap kita, kaya malayong mabaliw ako." Sabi ko na patuloy ang pag nguya. Nag buntong hininga muli ang lalake sa harap ng bonfire, at hinayaan ko na lang muna ito. * "Marcus Josephus ang pangalan ko. Karamihan sa mga kakilala ko Marco ang tawag sa akin. Nanay ko lang ang tumatawag sa akin ng Joey. Nag iisang anak ako ng angkan namin. Nung bata ako, nahulog ako sa isang balon, halos dalawang araw ako sa ilalim nun bago nila ako nahanap. Kaya itong nangyari ngayon na nakulong na naman ako sa loob ng isang madilim na kuweba, ay parang binabalik ang takot na naramdaman ko dati." Magkatabi kaming naka upo sa harap ng apoy, kumot kumot niya ang jacket na suot ko kanina, at umiinom sa bote ng tubig na dala ko. Pinaglalaruan ko naman ang lighter niya, habang ngumunguya pa rin ng biskwit. Pinagmasdan ko ang mukha niya na naka tagilid sa akin, bago ako sumagot sa sinabi niya. "Naku, duwag ka pala sa dilim. Ang tanda tanda mo na, duwag ka pa rin." Pambubuska ko dito. Nanlilisik ang mga mata nitong tumingin sa akin. "Sino kaya sa ating dalawa ang kanina pa takot sa dilim? Ang nagsabing may mumoo pang kasama? Ako ba 'yun?" Tanong nito sa akin. "Oo, ikaw... 'yung mumoo. Antipatiko ka kasi eh. Ikaw na nga tinutulungan para 'di mapisa ng bato, ako pa inaway mo." Sabi ko dito na kumukuha uli ng isa pang cookie. "Baka maubos 'yan, magutom ka ng matagal pag 'di nila tayo agad na rescue." Paalala nito sa akin. "Wag ka mag alala, bukas, pag lumiwanag, makakalabas din tayo. 'Yung takbo ng tubig... tignan mo, may nilalabasan. Kaya hindi naiipon dito sa loob ng kweba kasi may dinadaanan ito palabas dito. Pag medyo maliwanag na, susundan lang natin 'yun, tapos makakalabas na tayo." At inabot ko sa lalake sa tabi ko ang isang cookie, na kanyang dahandahang tinaggap, at kinain.