1. Home
  2. Stories
  3. Kathlea's Sexcapades: Unfaithful - Part 5
Pinoy Tambay

Kathlea's Sexcapades: Unfaithful - Part 5

By unknown ·

"Maawa ka sa akin. Hindi ko naman gustong gawin iyon, e. N-naguluhan lang ako. Ang totoo ay naudyukan lamang ako... maniwala ka... nagsasabi ako ng totoo." Humagulgol na siya ng iyak.

Aamin na ba si Sofia sa pakikipagsabwatan niya sa pagpatay sa asawang si Alrex? Kinukunsensiya na siya?

Panay ang pawid ng mga luha ni Sofia sa kanyang pisngi pero patuloy pa rin iyon sa pag-agos. Hindi maampat.

Pakiramdam din ni Sofia na hihimatayin na siya. Ang tindi ng pangangatog ng kanyang mga tuhod. Ang tindi ng kanyang panlalamig. Pawisang-pawisan dahil sa sobrang takot.

Sa malas, hindi na niya ito makakayanan pa. Nanlambot ang kanyang mga tuhod hanggang sa maupo na siya sa sahig.

Sa puntong iyon, humakbang naman papalapit sa kanya ang mga paang iyon na natatanglawan ng liwanag mula sa flashlight.

Napalakas na ng iyak si Sofia. Titingalain sana niya iyon para makilala pero biglang pinatay naman ang liwanag ng flashlight.

Umiiyak. Natatakot. Gustong tumakas ni Sofia pero may dumampi sa kanyang pisngi na malamig na malamig. Mas lumakas pa ang kanyang pag-iyak. Pati ang kanyang balikat na apektado ng pangangatog ay dinantayan ng palad na iyon.

Ipinikit na lamang ni Sofia ang kanyang mga mata. Ang totoo ay takot siya sa multo. Sa multo ng asawang pinagtulungan nilang patayin ni Dave.

Hinaplus-haplos ng malamig na kamay na iyon ang kanyang luhaang mukha. Gusto sana niyang iiwas pero wala siyang kalakas-lakas na gawin iyon.

Ramdam na ramdam na rin ni Sofia na ang mukha ng taong iyon ay nakatapat sa kanyang mukha. Nalanghap kasi niya ang hininga nitong kay init na naghahalo ang amoy-alak.

Hindi isang multo ang nasa harapan niya ngayon. Hindi ang inaakala niyang multo ni Alrex.

"Maawa ka sa akin. H'wag mo akong patayin. Nakawin mo na ang lahat ng gusto mong nakawin sa loob ng bahay na ito. Bahala ka na. Basta, 'wag mo akong patayin." Nagsusumamo niyang pakiusap.

Lumikha na naman ng liwanag ang flashlight mismo sa tapat ng kanyang mukha. Hanggang sa yanigin pa siya ng napakalutong na pagtawa ng isang lalaki. At nang magdilat siya ng kanyang mga mata ay...

"I-ikaw?!"

"Sino pa sa akala mo?" Saka sinabayan na naman nang malutong na pagtawa ni Dave.

"Demonyo ka talaga!" Sabay tulak sa dibdib ng lalaki na ikinaatras naman nito sa kanya. Napaupo na rin sa sahig.

Tawa pa rin nang tawa sa kanyang harapan ang lihim na kasabwat na binata. Hindi makapagtimpi sa kanyang sarili si Sofia. Bukod kasi sa natakot siya nang husto, ang buong akala niya'y katapusan na rin niya.

"Napaka-demonyo mo talaga! Ikaw na ang pinakaugaling demonyong nakilala ko sa buong buhay ko!"

Hindi naman sineryoso ni Dave ang anumang masakit na sabihin niya. Bagkus, hindi pa rin ito tumitigil sa pagtawa.

Nagkataon namang nagliwanag ang buong kabahayan. May kuryente na.

Iritada na si Sofia.

"Ano ba ang nakakatawa? Sabihin mo nga sa akin, Dave?"

Sinipat lamang si Sofia nang tingin ng lalaking kasabwat niya. Bumuntong hininga ng malalim. At saka sinabayan na pungayan siya ng mga mata nito.

"Magkaliwanagan nga tayong dalawa, Dave. Isinugal ko ang buong buhay ko ng dahil sa'yo, 'tapos paglalaruan mo ako ng ganito?!"

Pigil na ang pagbungisngis ni Dave sa kanya. Saka sinabayan ng inat ng dalawang braso bago ilatag ang likuran ng katawan sa sahig.

"Hindi mo ba ako na-miss, babe?"