1. Home
  2. Stories
  3. LARAWAN 19
Filipino Sex Stories

LARAWAN 19

By paradoxxxx ·
"Maaa!! Sabihin mo naman dun sa bata wag siyang malikot! Nahihirapan akong i-drawing siya eh!" inis na inis na sambit ng batang Dandan na napapakamot sa ulo habang iginuguhit ang batang babae na nakaupo sa duyan.

"Sige lang anak... kaya mo yan... Don't mind her movement. Just focus on her features..." tugon naman ng ina sa kanyang anak.

Tutok na tutok ang paningin ni Dandan habang pinagmamasdan ang batang babae na kanyang iginuguhit. Sinasabayan ng hagod ng charcoal pencil sa kanyang sketchpad ang tila pagsayaw ng mahaba't maalong buhok ng batang nakatalikod habang tinatangay ng hangin ang mga hibla nito.

Tuwang-tuwa si Laura na makita ang anak na nakukuha ang bawat detalye ng batang kanyang iginuguhit. Maging ang mabibintog na kamay na nakakapit sa magkabilang lubid, ang mga alon sa tela ng bestidang suot, pati ang pagkaka-ekis ng mga binti ng bata na nakabitin sa ere habang nakaupo ito sa duyan.

Kuha ng anak maging ang tamang shading upang mapalutang lalo ang dimensiyon ng iginuguhit. Manghang-mangha siya dahil sa murang edad ay nakikita niyang may likas na husay ang kamay nito. Isang kakayahan na kanilang lilinangin at lalong hahasain sa paglipas ng panahon.

Nang matapos ni Dandan ang iginuhit na larawan ay buong pagmamalaki niyang ipinakita iyon agad sa kanyang ina. Tuwang-tuwa na nagawa niyang iguhit ang bata kahit na may kalikutan ito.

"Bilib ka Ma?" pagyayabang nito sa ina.

"Oo naman anak... Ang ganda!... I'm sure mas magaling ka pa kay Mama paglaki mo." tugon ni Laura sa anak.

"Ay ano yan... Ang pangit naman! Bakit walang color!" puna ng batang babae na nakasilip na pala mula sa likod ni Laura at nakatingin din sa sketchpad na hawak nito.

Inis na inis si Dandan sa sinabi ng bata at agad na kinuha mula sa kamay ng kanyang mama ang larawan at itinago iyon sa kanyang likod.

"Mas maganda pa kuha ng camera ni Tita dyan eh. Halika... picture tayo..." anas nito sa naiinis na batang lalaki.

Walang nagawa si Dandan nang hilahin siya ng bata sa may puno ng Acacia. Tila siya naging estatwa na tuwid na tuwid sa pagkakatayo nang yakapin siya ng bata mula sa kanyang gilid. Diretso lang ang nahihiyang tingin nito habang kinukunan sila ng litrato ng kasama ng bata gamit ang polaroid camera.

Nang lumabas na ang larawan sa camera ay excited iyong tinignan ng bata ngunit napasimangot ito at ipinakita din ang litrato kay Dandan.

"Cute ka sana kaso ayaw mo mag-smile sa picture!" inis nitong puna.

Tawang-tawa si Laura at ang tiyahin ng bata sa kakulitan ng paslit. Di naman makakibo at nanatiling nakasimangot si Dandan sa batang nang-aasar sa kanya. Matapos non ay nagpaalam na sa kanila ang magtiyahin na nakasabay nilang mamasyal doon at nagsabing mauuna na ang mga ito na bumaba ng burol.

"Uy, smile ka na..." wika ng ina sa nakasimangot na anak.

"Sige ka... papangit ka niyan... Cute ka pa naman daw sabi ni Ishie." dugtong pa nito at pilit na pinapangiti ang anak.

"I-Ishie?" nagtatakang tanong ng bata sa ina.

"Oo Dandan... Siya si Ishie... Siya ang babaeng mahal mo... Kaya sige na sundan mo siya anak!"

Takang-taka ang bata sa sinasabi ng ina. Kung bakit alam nito ang pangalan ng bata at kung bakit nito pinasusundan ang batang iyon sa kanya. Lalo na siyang naguluhan nang makita niya itong umiiyak.

"Dali na Daniel... habulin mo si Trisha... Kailangan ka niya anak!" at napahagulgol na ang tumatangis na ina.

Biglang nagdilim ang kalangitan at nabalot ng maitim na ulap. Lumakas ang bugso ng hangin at nagliparan sa himpapawid ang mga ibong umuuwak na tila nangangamba sa delubyong paparating.

Ngunit nanatili lang siyang nakatingin sa kanyang inang umiiyak habang nangingilid na din ang luha sa kanyang mga mata.

"Bilis na anak wala nang oras..." at ipinagtulakan na siya ng ina upang umalis.

"Ayaw ko mama! Dito lang ako! Ayaw kitang iwaaan!"bulalas ng anak na sa halip umalis ay napayakap pa sa kanyang mama.

Humahagulgol na din si Dandan habang kinakalas ng ina ang kanyang mga braso at itinutulak siya upang habulin ang batang babae. Parang kinakapos ng hininga ang bata sa pag-iyak habang ipinagtutulakan ito ng ina. Waring nawawalan na ng boses upang makiusap na huwag siya nitong itaboy.

"Please anak umalis ka na... Tulungan mo siya! ILIGTAS MO SI TRISHA!"

Sa pagkakalas ng mga braso niyang mahigpit na nakapulupot sa katawan nito ay unti-unting lumabo ang imahe ng kanyang ina hanggang sa tuluyan na itong naglaho.

"MAAAA!!! MAMAAAAA!!!" palahaw ng batang nagpapalinga-linga sa paligid.

"Pare! UY DANIEL! GISING PRE!!"

Niyugyog ni Jorge ang magkabilang balikat ni Daniel upang gisingin ang kaibigan na tila binabangungot. Kunot-noo itong umuungol kanina sa pagtulog ngunit hindi maintindihan ang sinasabi nito at panay ang paling ng ulo. Nang magising ay dilat na dilat ang mga mata nito, humihingal at di agad makapagsalita.

Malinaw na malinaw pa rin sa isip ni Daniel ang kanyang napanaginipan. Parang nararamdaman pa niya sa kanyang katawan ang pwersa ng pagtulak ng ina upang puntahan niya si Ishie.

"Yung dinrawing ko... Siya si Ishie!" tila gulat na nasambit ng binata sa kaibigan.

Walang ideya si Jorge sa babaeng binabanggit ni Daniel ngunit iyon na ang pangalawang beses na ginising niya ito at nasambit ng kaibigan ang pangalang iyon. Una ay noong nakatulog ito sa sofa sa condo nang iniuwi niya itong lasing matapos nila mag-bar. Ngayon naman ay habang natutulog ito sa kama ng ospital.

Ikaapat na araw na nitong naka-admit doon dahil sa pagkakaoverdose sa ipinagbabawal na gamot. Mabuti na lamang at napadalaw siya sa unit ng kaibigan nang araw na iyon dahil kung hindi ito naagapan ay maaaring ikinasawi ni Daniel ang napakataas na dosage ng tinunaw na cocaine na naisaksak nito sa kanyang sistema.

"Pre ok ka lang?" tanong niya dito sabay abot ng bote ng tubig sa kaibigan.

Wala naman siyang alam na kamag-anak ni Daniel sa Maynila kaya't siya na ang nagmamalasakit na puntahan ito araw-araw sa ospital pagkagaling niya sa trabaho. Sa lakas nga lang ng ulan kagabi ay hindi na siya nakauwi sa takot na bahain. Mabuti na rin na andoon siya kaya't nagawa niya itong gisingin mula sa pagkakabangungot.

"Pre kailangan ko nang umalis!" tila natataranta nitong sambit.

"Ha? Bakit? Saan ka pupunta?!"

"Uuwi ako ng Batangas!"

Napakunot ang noo ni Jorge dahil mag-aala sais pa lang ng umaga. Medyo madilim pa sa labas dahil sa makapal na ulap na nagpapakulimlim ng kalangitan.

May discharge orders na ang doktor para kay Daniel ngunit hindi pa nasesettle ang bill nito sa ospital at alas otso pa magbubukas ang opisina doon.

"Di pa pwede pre! Paubusin daw muna yang swero mo bago ka payagan makalabas... Saka sarado pa Billing. Hindi pa tayo bayad!"

Nagulat na lang ang kaibigan nang si Daniel na mismo ang humugot ng karayom na nakatusok sa braso nito na nakakabit sa linya ng nakasabit na swero. Agad itong tumayo at bahagyang sumusuray na naglakad patungo sa bag nito na parang hilo pa at nanghihina.Bagaman halatang hindi pa nanunumbalik ng husto ang lakas nito ay nagmadali itong magbihis.

Kakamot-kamot na lang ng ulo si Jorge at mukhang hindi na papipigil ang kaibigan. Mukhang balak din nitong takasan ang bill sa hospital dahil alam niyang wala din itong ibabayad.

Nagpalinga-linga sila bago lumabas ng pasilyo at pasimpleng naglakad na parang mga magnanakaw na papatakas. Napakunot pa ang noo ng nasalubong nilang nurse nang mapalingon ito sa kanila. Mabuti na lamang at may hood ang jacket na suot ni Daniel kaya't tila di nito namukhaan ang pasyente.

Dahil sa nakikitang kundisyon ng kaibigan na hindi pa tuluyang nanunumbalik ang lakas ay nagprisinta na si Jorge na ipagmaneho ito at samahan pauwi ng Batangas. Ngunit mariing tumanggi si Daniel at nagpahatid na lamang pauwi sa condo nito.

************************

Araw ng Kasal. Umpisa ng panibagong yugto sa buhay ni Trisha.

Maagang nagpunta ang pamilya, kasama na rin si Janet, sa hotel sa kabilang bayan kung saan sila nakatakdang magbihis at ayusan. Pawang pagod ang mga ito sa ginanap na handaan sa kanilang bahay nang bisperas ng kasal ngunit masaya ang lahat sa pagdating ng pinakaaabangang espesyal na araw para sa kanilang kaanak.

Ang lahat ay nasasabik maliban kay Trisha.

Batid naman ng mag-asawang Bert at Fely na hindi buo ang kalooban ng kanilang anak sa pagpayag nitong magpakasal kay Marco. Dahil dito ay hindi na nila nilayong isagawa pa ang mga kaugalian sa isang tradisyunal na kasalang Batangas. Ang mahalaga sa kanila ay mabasbasan sa simbahan ang pakikipag-isang dibdib ng kanilang nag-iisang anak na babae.

Mga prominenteng tao sa negosyo at pulitika ang inaasahang dadalo sa engrandeng wedding reception nila Trisha at Marco. Kaya naman nagdaos ang mag-asawa ng isang simpleng handaan sa kanilang tahanan para sa mga kumpare ni Bert at ilang mga kapitbahay at kakilala na hindi makakadalo.

Nagpaunlak naman ang alkalde na dumaan sa salo-salo upang makisalamuha sa mga bisita. Ngunit pinili ni Trisha na magkulong lang sa silid ng mga magulang kung saan nga ito nasita ni Aling Fely sa ginawang pagsusukat ng kanyang traje de boda.

Malayo ang tingin ni Trisha sa labas ng bintana ng sasakyan habang bumabaybay sila sa daan patungo sa hotel. Ni hindi niya alam kung nakatulog nga ba siya nang nagdaang gabi.

Araw na ng kanyang kasal ngunit parang hindi pa rin lubos na matanggap ng kanyang puso at isip ang pangyayaring ito sa kanyang buhay. Dahil ang totoo'y parang nahahati ngayon ang kanyang puso sa dalawang lalaking itinitibok nito. Ang masakit ay wala naman sa dalawang lalaking iyon ang kanyang pakakasalan.

Ang una ay ang lalaking nagpakilig sa kanyang musmos na damdamin. Ang nagparamdam sa kanya ng labis na pagpapahalaga sa kabila ng mga alinlangan niya sa kanyang sarili. Ngunit kanya itong nasaktan nang hindi niya kilalanin ang pagsinta nito at piniling paniwalaan ang isang impostor.

At ang ikalawa ay ang estrangherong lalaki na sa loob ng maigsing panahon ay alam niyang minahal siya ng lubos. Ang inakala niyang siyang katuparan ng kanyang mga pangarap. Ngunit sa halip na ipaglaban nito ang kanilang pagmamahalan ay hinusgahan pa nito ang kanyang pagkatao.

Napatingala si Trisha sa langit. Nagtatanong kung ganito ba talaga ang kapalarang nakatadhana para sa kanya. Simple lang naman ang kanyang pangarap, ang makasal sa kanyang minamahal. Ngunit hindi na iyon mangyayari.

Nakaramdam ng kilig noon mula kay Dandan ngunit nawala din agad dahil sa maling akala niyang si Billy ang dahilan niyon. Nakaranas ng pagmamahal mula kay Daniel na inakala niyang magsasalba sa kanya sa kanyang pinasok na sitwasyon, ngunit sumuko din agad at tuluyan siyang iniwan. At ni walang kaalam-alam na dinadala niya ngayon ang kanilang magiging anak.

Muling napatanong sa langit kung ganoon ba talaga ang maging masaya. Palaging panandalian lamang.

Pigil ang luha nito na bumaba ng sasakyan kung saan ito sinalubong ng isa sa mga wedding coordinators, stylists, kasama ang mga nakatalaga para sa photo at video coverage. Dumeretso na ang lahat sa bridal suite at nagmadaling tinungo ni Trisha ang banyo at nagkulong.

Doon ay ibinuhos niya sa huling pagkakataon ang lahat ng pighati na kanyang nadarama. Humahagulgol sa pag-iyak at unti-unting napaupo na lamang sa malamig na tiles ng malawak na banyo.

Umaasang maiibsan at mapapakawalan ang lahat ng kinikimkim sa huling pag-iyak niya bago ang kanyang kasal. Ang umpisa ng panibagong buhay at ang pagtatapos ng kanyang simpleng pangarap.

************************

Pinipilit ni Daniel na manimbang at maging matatag habang binabagtas ang basa at madulas na daan ng expressway. Gustuhin man niyang isagad ang bilis ng kanyang motor ay parang hilo pa rin siya sa ilang araw na pagkakaratay sa hospital.

'Ishie... ikaw din pala yung sa duyan.'

Hindi mawaglit sa kanyang isip ang napanaginipan na sinabi ng kanyang ina. At hindi niya maintindihan kung bakit ganoon ang pahiwatig nito na kailangan niyang iligtas ang dilag.

Maya't maya ay gumegewang ang unahang gulong ng kanyang motorsiklo. Muntik-muntikan pa siyang mabangga sa pag-oovertake niya sa mga naglalakihang sasakyan. Pilit niyang ginigising ang nanghihinang katawan upang makarating ng mas mabilis sa kanyang patutunguhan.

Pasado alas-nuebe na ng umaga narating ng binata ang tahanan ng dilag. Nagtataka at parang saradong-sarado ang buong kabahayan nito pati na rin ang kanilang tindahan sa harapan.

Nagpalakad-lakad siya sa harapan na tila nag-aalangang tumawag sa loob. Hindi niya kasi alam kung paano pa siya haharapin ng dalaga matapos ang mga sinabi niya rito nang huli silang magkita.

"Tao pooo? TAO POOO!!!... TRISHAAA!!... ISHIIIIE!!! hiyaw ni Daniel nang makakuha ng lakas ng loob.

Ngunit wala pa ring lumabas at ni wala siyang makitang palatandaan na may tao sa loob ng bahay. Nagsimula nang kabahan ang binata.

Tinangka niyang tawagan ang dilag ngunit parang nakablock na ang kanyang numero. Inulit niyang tumawag sa loob ng bakuran ngunit wala pa ring sumasagot. Hanggang sa may naparaan na tagaroon at agad niya itong napagtanungan.

"Ah Tay... Bakit ho parang walang tao dito?" turo ng binata sa bahay ng dilag.

"Ay syempre... Ngayon ang araw ng kasal ng dalaga ni Ka Berto. Hindi mo ga alam?"

Di na nakasagot ang binata sa balik tanong ng matandang lalaki. Nasapo na lang niya ang kanyang noo dahil parang lalo siyang nahilo sa isinagot nito sa kanya.

Laglag ang balikat na sumampa na siya muli sa kanyang motorsiklo at isinuot ang kanyang helmet. Wala siyang kaalam-alam na iyon na pala ang araw ng kasal ng babaeng minamahal. At ang maswerteng lalaki ay walang iba kundi ang kanyang ama pa.

Malalim na napabuntong-hininga si Daniel at muling nilukob ng lungkot at pagkadismaya ang mga mata nito. Napakalayo pa ng kaniyang binyahe para lang malaman na ngayon na pala ang kasal ng kanyang pinakamamahal.

Muli niyang pinatakbo ang motor pabalik ng Maynila na puno na naman ng pagdadalamhati. Puno ng tanong ang kanyang isip.

Bakit ba laging ganito, hindi pa ba sapat na nagpaubaya siya? Kailangan pa ba talagang durugin siya ng husto? Ito ba ang kapalit ng naging kasalanan niya noon?

Habang tumatakbo ang motorsiklo ay binuksan niya ang visor ng kanyang suot na helmet at hinayaang matuyo ng hangin ang mga luhang nagsimulang tumulo sa kanyang mga mata.

************************

Sadyang napakaganda ni Trisha sa suot nitong wedding gown. Lutang din ang magandang hubog ng katawan nito sa sheath silhouette ng dress na humahapit sa kanyang natural na kurba. Sinomang madaraanan ay tiyak na mapapalingon at mabibighani dito.

Kahit simple lang ay elegante tignan ang make-up sa maganda nitong mukha. Maging ang pagkakaayos ng buhok nito na lumutang sa off-shoulder na neckline ng kanyang traje de boda. Lalo pa iyong pinatingkad ng suot na belo at ng bitbit na bouquet ng blush pink na mga bulaklak.

Ngunit kahit napakaganda ng pagkakaayos sa bride ay hindi pa rin maitago ang lumbay sa malamlam nitong mga mata.

Matapos ang picture-taking sa suite kasama ang kanyang pamilya at maid-of-honor ay bumaba na ang lahat sa lobby ng hotel. Tutok na tutok ang mga cameraman habang sumasakay si Trisha sa vintage bridal car na pinalamutian ng bulaklak sa harapan. Nakaagap naman ang coordinator at stylists upang huwag malukot ang laylayan ng gown nito sa pagsakay sa kotse.

Nang makuhanan na ng mga litrato at video clips ang bride ay nauna nang umalis ang mga cameraman pabalik sa simbahan sa kanilang bayan kung saan naroon na din ang kanilang mga kasamahan na magcocover sa event. Hihintayin na lamang nila ang pagdating ng bridal car doon upang muling makuhanan.

Nauna na din ang sasakyan ng coordinator, stylist at make-up artist. Magkasunod namang umalis ang kotse ng pamilya ng kanyang tiyahin at ang sasakyang lulan ang pamilya ni Trisha. Nagpatihuli ng mga sampung minuto ang driver ng bridal car saka sila bumiyahe na din patungo sa simbahan.

Habang alalay na tumatakbo ang sasakyan ay nakatanaw lamang si Trisha sa labas ng bintana.Nangingiti na lang din ang dalaga kapag napapahinto sila sa traffic lights at may mga taong nakangiting napapasilip sa loob ng kanyang sinasakyan.

Ganito rin kasi siya noon. Na sa tuwing nakakakita ng babaeng nakasuot ng pangkasal na sakay ng kotse ay gandang-ganda siya sa ayos ng bride. Di niya noon maiwasang kiligin at mangarap na balang araw ay magsusuot din siya ng magandang traje at ikakasal sa lalaking kanyang minamahal.

Kabaligtaran sa sitwasyon niya ngayon. Na patutungo na siya sa simbahan ay puno pa din ng alinlangan ang kanyang puso at nagtatalo pa din ang kanyang isip.

************************

Isang engrandeng kasalan ang ipinahanda ni Marco para sa kanilang pag-iisang dibdib ni Trisha. Kahit sa magsing panahon para sa preparasyon ng kasal ay naihanda ng mga coordinator ang lahat ng maayos.

Napaka-elegante ng pagkakaayos ng lumang simbahan na pagdarausan ng kasal. Mula sa entrada sa may malaking pintuan sa harapan ng istruktura, ang mahaba nitong pasilyo sa gitna, maging ang antigong altar ay napapalamutian ng kulay puti at rosas na mga bulaklak na terno sa mga bouquet na bitbit ng mga abay.

Bukod sa kanilang mga kaibigan at kaanak na naroon ay nagsidalo din ang ilang malalaking negosyante at matataas na pulitiko na kaalyado ng alkalde.

Napakatikas ng alkalde sa suot nitong gray na tuxedo. Nakatayo ito sa may pintuan ng simbahan na tila ninenerbiyos habang nag-aabang. Hindi maiwasan ng lahat ng kababaihang naroon na humanga sa itsura ngayon ng alkalde. Maaliwalas ang mukha nito at dahil nagtina ng buhok ay tila bumata ng dalawang dekada.

"Congrats Pareng Mayor!" bati ng kaibigang si Greg sa groom at masaya silang nakipagkamay ng misis nitong si Elsa habang panay na ang tingin ni Marco sa kanyang relos.

"Oh Pareng Greg, Mareng Elsa... pasensiya na at di ko kayo napansin agad." at iniabot nito ang kamay sa mag-asawa.

"Mukhang inip na inip ka na pare ah... Malapit ka na magpaalam sa pagkabinata... Hindi ka na ba talaga papipigil? Kabata pa eh!"

Sabay pang natawa ang dalawang lalaki sa biro na iyon ni Greg sa alkalde. Siniko naman ni Elsa ang asawa sa biro nito kahit maging siya ay hindi rin mapigilang mapabungisngis.

"Ang ganda ng ayos ng simbahan Mayor... Ang gaganda ng mga bulaklak!" puri ni Elsa.

"Hayaan mo Ma... Sa silver anniversary natin, pakakasalan ulit kita." singit ni Greg sabay kurot naman ng buntis na asawa sa pagbibiro nito.

"Ah salamat Elsa... Magaling yung coordinator na nairefer sa amin. Kahit medyo gahol na sa oras naasikaso nila lahat. Siya nga pala, nasaan ang panganay niyo?"

Itinuro ni Elsa sa alkalde ang kanilang dalaga na isa sa mga abay sa kasal na iyon. Nasa may aisle ito ng simbahan kasama ang nakababatang kapatid na lalaki at abalang nagpapakuha ng mga larawan sa harap ng bunton ng mga bulaklak. Panay ang pose suot ang blush pink na sweetheart gown nito.

Natanaw na ni Marco ang pagdating ng sinasakyan ng pamilya ni Bert. Ilang sandali na lang ay mag-uumpisa na ang kasal at tanging ang sasakyan na lamang ng bride ang hinihintay ng lahat.

Ngunit quinse minutos na silang huli sa schedule ay wala pa rin ang bridal car na maghahatid sa dalaga sa simbahan. Kanina pa nagtipon sa labas ang lahat ng mga abay sa paghahanda sa kanilang pagmartsa patungo sa altar ngunit hindi pa din masimulan ang prosisyon hangga't wala si Trisha.

Hindi na mapakali ang mga coordinator. Nagsimula na ring mag-alala si Marco at ang pamilya ni Trisha. Nag-utos na ang alkalde sa dalawang bodyguard na balikan ang hotel at baka nasiraan ang sasakyan nito sa daan. Ngunit alanganin din si Marco sa rason na iyon dahil kanina pa niya tinatawagan ang cellphone ni Trisha na hindi naman nito sinasagot.

Lumalakas ang masamang kutob ni Marco kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ang babaeng kanyang pakakasalan. Pilit niya iyong iwinawaksi sa kanyang isipan subalit sadyang naghuhumiyaw sa kanyang diwa ang pangambang iyon.

'Wag naman sana!' bulong ng kanyang isip. Nananalanging huwag naman sanang umatras na nang tuluyan si Trisha sa kanilang kasal.

"Ah Mayor Vargas... magandang araw po..." bati ng isang lalaking lumapit sa alkalde nang mapalayo ito sa karamihan ng mga taong inip na nag-aabang sa labas ng simbahan.

Isang pilit na ngiti lamang ang itinugon ng alkalde sa lalaking bumati sa kanya.

"May gusto pong bumati sa inyo Mayor..." at iniabot nito kay Marco ang hawak nitong cellphone.

"Ah sorry... Mamaya na lang at busy ako." tanggi naman ni Marco.

Kahit nag-aalala na ay pilit niyang kinakalma ang sarili sa publiko. Akmang iiwan na ng alkalde ang lalaki nang pigilan siya nito sa braso.

"Please Mayor... Ibang magalit ang amo ko... Nananakit ng babae yon..."