1. Home
  2. Stories
  3. Mga Binhi Ng Tadhana
Filipino Sex Stories

Mga Binhi Ng Tadhana

By Teddyray ·
Book I. Ang Unang Binhi sa Magdamag

CHAPTER 1- PAG-IBIG SA UNANG PAGKIKITA

"Our eyes love the scenes before us. The sunset, the flowers, the seas. All the scenes we see become memories, to inspire, to soothe our pains. To become our trusted companion in our solitude. But why do the scenes my eyes would love to see must consist only of you? Your eyes, your smile—your touch and your kisses...Why should you be the only memory I would want to have and cherish ?"

Katatapos lang ng Medisina ni Lynda sa isang unibersidad sa kabikulan. Nais ng ama nya na isa ring doktor na magpakadalubhasa pa siya sa ibang bansa bago siya tuluyang mag-practice ng piniling propesyon. Ngunit ninais nyang mag-intern sa isang pampublikong ospital sa sentro ng kabikulan.

Maganda si Lynda. Ang singkit na mga mata na parang laging tumatawa ay binagayan ng malagong kilay at mahabang pilik mata. Ang isang pares na biloy sa magkabilang pisngi ay lalong nagpapatingkad sa kagandahan ng maamo nyang mukha. Kaya naman sa edad nyang 25 years old, nakapagtatakang wala pa siyang katipan. Parang hindi nya pansin ang kanyang mga tagahanga na lagi ng naghahangad na makuha ang kanyang atensyon.

Ngunit tila ba na ang kanyang atensyon ay laan lamang sa kanyang pamilya at sa napiling propesyon. Umiikot lamang ang kanyang daigdig sa kanyang pagiging pediatrician at pagiging kaisa-isang anak ng kanyang mga magulang na kapwa rin mga kinikilalang mahusay na manggagamot sa kanilang lugar. Nakadarama siya ng fulfillment sa tuwing nakikita nya ang mga sanggol at mga bata nyang pasyente ay gumagaling sa kanyang pagpapala.

Hanggang sa dumating ang araw na iyon. Hindi siya naniniwala sa tadhana o kapalaran. Naniniwala siya na ang tao ang lumilikha ng kanyang sariling kapalaran. Naniniwala siya na sa bawat araw binibigyan tayo ng pagkakataon na piliin ang ating mga gagawin sa bawat pangyayari na nasa harapan natin. At ayon sa ating mga pagpili nakabatay ang tinatahak nating kapalaran.

Subalit, may ibang ideya ang tadhana. Nagtatakda ito ng mga daan, na iisa lamang ang patutunguhan. Kaya kahit anong daan ang ating piliin, iisa lamang ang kahahantungan...

Ipinatawag siya ng Direktor ng Ospital . Nagtataka man, mabilis na tinugpa ng kanyang mga paa ang corridor patungo sa opisina ng kanilang director. Nang marating ang pakay na pinto marahan nyang pinihit ang hindi naka susi na pintuan.

" O, ikaw pala Dra. Abarrientos " Bungad ng Direktor ng sumungaw siya sa pinto. Malamig ang hangin na nagmumula sa tahimik na aircon sa loob ng opisina ng director.

" Tuloy ka, and have a seat." Sabi pa nito. Sabay turo sa isa sa mga bakanteng silya sa harap ng lamesa nito. Umupo siya sa itinurong silya at humarap sa kausap. May hawak na sulat ang director at iniabot ito sa kanya,

"Imbitasyon ito sa ating ospital para sa isang medical convention na gaganapin sa Sorsogon City. Magpapadala tayo ng isang kinatawan bawat departamento." Sabi nito matapos iabot sa kanya ang imbitasyon.

" Ikaw ang isa sa napili kong ipadala mula sa pedia." Binasa nya ang imbitasyon.

"3-DAY SYMPOSIUM ON NUCLEAR MEDICINE " Interesado siya sa tema ng symposium. Lihim siyang nagpasalamat at isa siya sa pinili ng kaharap upang dumalo sa nasabing kumbensyon.

" Maraming salamat po, Dr. Carreon. Isa pong malaking karangalan na isa ako sa mga napili na dumalo."Nasabi nya pagkatapos na sinabayan nya ng bahagyang pagyukod bilang paggalang.

" Isa ka sa mga masisipag at mapagkakatiwalaang intern ng ospital na ito, " Sagot naman ng kaharap.

" Isang magandang exposure ito para sa mga intern na tulad mo."

Ewan nya kung nakita ng butihing director ang pagkislap ng kanyang mga mata. At isang matipid na ngiti ang nulas sa kanyang mga labi na nagpalabas ng dalawang magagandang biloy sa kanyang magkabilang pisngi. Tumayo siya sabay abot ng kanyang kanang palad sa kaharap. Tumayo rin ito at tinanggap ang iniabot nyang palad. Nagdaop palad sila. Bahagya siyang yumukod bilang pagbibigay pugay sa director.

"Thank you uli Ma'am. " Nasabi nya at pumihit na siya palabas ng pintuan hawak-hawak ang imbitasyon.

Banayad na binabagtas ng sinasakyan nilang van ang kahabaan ng Maharlika highway patungong Sorsogon City. Isang araw yun sa buwan ng Marso. Tag-init. Pero ang van na service vehicle ng ospital ay may aircon. Kaya naman hindi nila nararamdaman ang alinsangan at alikabok sa labas. At habang matuling binabagtas ng van ang sementadong daan hindi maiwasan ni Lyn ang mapansin ang kakaibang kaba sa kanyang dibdib. Para siyang may hinahanap. Ngunit kung ano yun, ay hindi nya matanto.

" Mukhang malalim ang iniisip ng muse ng Albay General Hospital ha?" Nagulat siya ng marinig ang sinabi ng katabi. At napangiti siya sa tinuran nito. Tinutudyo marahil siya ng katabi dahilan sa siya ang napiling pinakamagandang muse sa ospital na kanilang pinaglilingkuran sa katatapos pa lang ng idinaos na taunang sports festival ng ospital.

" Nagagandahan lang ako sa mga tanawing dinaraanan natin." Depensa nya, habang tinatapunan ng kunwaring pag-irap ang kausap. Sinabayan nya ito ng pagngiti na nagpalitaw ng dalawang magagandang biloy sa kanyang magkabilang pisngi.

"At ako naman, excited ako na makaharap ang isa sa mga lecturer ng symposium." Sabi ng kausap.

"Excited ako na muling makita si Professor Artemio Domingo !" Sabi pa nito na kinagat pa ang labi. Napabaling ang tingin nya sa kausap. At napagmasdan nya ito. Si Dra. Leah Buenviaje ay katulad nyang intern at isa itong neuro-surgeon. Maganda ito. Maputi at makinis ang kutis. Ang tsinita nitong mga mata ay parang laging ngumingiti. Isang masayahing personahe ang ibinabadya ng katauhan nito. At ang mga Buenviaje ay kilalang angkan ng mga pulitiko sa kanilang lugar.

"Si Professor Artemio Domingo ang guest of honor sa aming pagtatapos." Paliwanag nito.

"At mind you, Dra. Abarrientos," Sabi pa nito na nangingislap ang mga mata habang nagsasalita.

" Ang gwapo- gwapo nya. He is the man of my dreams !" Pagtatapos nito na parang teen-ager na kinikilig. Napangiti sya. Marami na siyang nabasang mga artikulo ng nasabing professor tungkol sa medisinang nuclear at talagang magaganda at nakapagbubukas kaisipan ang nasabing mga artikulo.

"Malay mo siya na ang hinahanap mong Mr. Right ?" Parang nagulat siya sa ibinuka ng kanyang bibig.

" Di ba Dra. Buenviaje?" Dugtong pa nya na parang inaarok ang iniisip nito habang nakabaling sa katabi ang paningin.

" Leah na lang o Lei for short," Pakli naman nito na iniabot ang palad. Tumango-tango siya.

"Ok, Leah, call me Lyn naman para di gaanong pormal." At nagkatawanan sila. Habang ang mga iba pa nilang kasama sa van ay nakapikit ang karamihan.

"WELCOME DELEGATES. 3-DAYS SYMPOSIUM IN NUCLEAR MEDICINE. WELCOME PROFESSOR ARTEMIO A. DOMINGO"

Bumulaga sa kanila ang welcome signage na tarpaulin sa harapan ng hotel na venue ng tatlong araw na symposium. Pagka-log in nila sa counter ng hotel ay inihatid na sila sa kani-kanilang mga kwarto ng roomboy. Magkasama sila sa isang kwarto ni Leah.

Simple lang ang kwarto na napunta sa kanila. Tipikal sa mga hotel.May dalawang kama na may tig-isang lamp shade sa may ulunan. Tig isang utility cabinet na may lamang bibliya.Dalawa rin ang closet na may tigdalawang pares ng sinelas. Ang isang sinelas ay pang banyo. Pagkalapag ng kani-kanilang mga maleta. agad na pumasok si Leah sa banyo. Naiwan siyang naglalagay sa closet ng mga dala nyang damit mula sa maleta.

Inayos nya ang kanyang mga dalang sapatos. Isang rubber shoes at isang sapatos na leather ang kanyang dala-dala. Ang sapatos nya na leather ay katamtaman lang ang taas ng takong. Sapat lang na dagdagan ang kanyang taas na 5' 6". Nang lumabas ng palikuran si Leah, nakahanda na ang kanyang bihisan. Ibig nyang maligo agad at alisin ang panlalagkit na nararamdaman.

"Mauna na akong magshower—Lei" Sabi nya na hindi na hinintay ang tugon ng kausap. Dali dali na siyang pumasok sa banyo.

"Sige Lyn at ako namam ang mag shower pagkatapos mo, dinner daw at 8:00 pm !" Narinig nyang sabi nito matapos nyang isara ang pinto ng banyo. Malinis ang banyo. Maganda ang simpleng design ng mga tiles. At maganda ang pagkakaakma ng cubicle ng shower. Malinis ang twalya na nakasabit sa dingding ng banyo. Pero nasanay siya na gamitin ang dalang sariling twalya. May naka kahon ding toothbrush at ilang bote ng shampoo na may pangalan ng hotel. Subalit sa mga ganitong pagkakataon naka ugalian na nyang huwag ipaubaya sa hotel ang personal na mga gamit sa personal hygiene. May dala siyang sariling shampoo, toothbrush, sabon at alcohol na hand sanitizer.

Sinipat nya ang sarili sa salamin. Inayos ang nakalugay na buhok. Tuluyan na nyang hinubad ang lahat ng saplot sa kanyang katawan. Isinampay nya ito sa nakalaang sampayan at tuluyan na siyang pumaloob sa shower cubicle. Isinara nya ang glass partition ng cubicle. Inilagay sa medium ang heater ng shower at binuksan ang gripo ng shower. Ang mala ulan na patak ng tubig ay bumagsak sa kanyang buhok pababa sa maamo nyang mukha. Ang maligamgam na tubig na malayang dumaloy sa buo nyang katawan ay tila mabining haplos ng isang bihasang masahista. Nanunuot ito sa kanyang mga kalamnan na nagpapaginhawa sa kanyang pakiramdam. Matagal siyang naglunoy sa loob ng shower cubicle. Maingat nyang sinabon ang kanyang buong katawan. Pagkatapos ay tinuyo nya ito ng dalang sariling twalya. Nang lumabas siya mula sa banyo ay magaang na ang kanyang pakiramdam.

Gabi, maliwanag ang buong function room ng hotel. Apat na kwarto iyon na pinag-isa para sumapat sa dami ng delegado na dumalo sa naturang symposium. Nang lumabas sila ni Leah sa kwartong tinutuluyan naka puting t-shirt lang si Lyn na binagayan ng kupasing jeans. Naka rubber shoes lang siya. Kung titingnan mo siya sa malayo, hindi mo aakalaing isa siyang doktor. Mas aakalain mo siyang isang artista sa mga Korean drama. Ang simpleng kasuotan na jeans at t-shirt ay lalong nagpatingkad sa kanyang natural na ganda. Hindi siya mahilig sa make-up. Manipis lang na pahid ng lipstick sa labi at ang simpleng bango ng paborito nyang pabango ang kumukumpleto sa kanyang personal na pag-aayos sa sarili.

Kabaligtaran silang dalawa ni Leah. Naka pormal dress ito na skirt na binagayan ng ilang mamahaling alahas na suot na kwintas at pulseras. Ang likas na kaputian ng kutis nito ay lalo pang pinatingkad ng makapal ngunit maayos na make-up. Mula sa malayo, si Leah ay isang dyosa na nagniningning sa kagandahan at karangyaan.

Isang maikling palatuntunan ang inihanda ng mga organizers ng symposium. May naimbitahang mga lokal na mang aawit. At isang banda na bago pa lamang gumagawa ng pangalan. Umupo sila sa lamesa na laan sa kanilang grupo. Parang nauhaw ang pakiramdam ni Lyn, kaya pagka-upong pagkaupo ay hinagilap nya agad ang baso ng tubig sa harapan at tinungga. Agad naman itong sinalinan ng panibagong laman ng umiikot na waiter na naka assign sa kanilang lamesa.

Matapos ang maikling palatuntunan, sumunod ang masarap na hapunan. Masarap ang buffet na inihanda ng hotel para sa mga participants ng symposium. Pakiramdam ni Lyn nabusog talaga siya. Lalo pa at paborito nya talaga ang haleyang ube bilang panghimagas sa masarap na hapunan. Kasalukuyan silang nagpapalipas ng pagkabusog ng i-announce ng mga organizers ng symposium na magkakaroon ng impromptu party ilang sandali sa lobby ng hotel. Ito raw ay para magkaroon ng pagkakataon na magkakilala ang mga delegado.

Ilang sandali pa ang lahat ng naroroon sa function room ay inanyayahan ng magtungo sa lobby ng hotel na dagliang inayos upang magsilbing ball room. Hindi sanay si Lyn sa mga ganoong pagtitipon. Kahit pa noong college days nya, bihira siyang dumalo sa ganitong mga okasyon. Kaya habang nagkakasayahan ang lahat sa maingay na tugtog ng banda, palihim siyang tumalilis at tinungo ang dako ng hardin ng hotel.

Mabuti at hindi gaanong maalinsangan sa labas ng hotel. Maganda ang pagkaka disenyo ng hardin.Presko ang hangin na ibinubulong ng mga punong Acacia na sadyang inihelera upang bumakod sa hardin. Nakita nya ang isang mahabang upuan na yari sa matigas na kahoy sa gitna ng hardin. Napatingala siya sa kalangitan. Kabilugan pala ng buwan. At ng lumapit siya sa upuan, nakita nyang tanaw na tanaw mula dito ang bilog na bilog na buwan. Dahan dahan siyang naupo at isinandal sa matigas na sandalan ang malambot nyang likuran.

Pinagmasdan nya ang liwanag ng buwan. Blangko ang isip nya. Pinagmasdan nya ang tila paglalayag nito sa piling ng mga ulap. Kay gandang pagmasdan ang mala-pilak nitong liwanag na sumusuot sa masinsing ulap. Minsan tila ito pinalilibutan ng mala-bulak na ulap. Minsan naman nag-iisa ito sa kalangitan na walang kasama kundi ang mga kumukutitap na mga dagitab sa kanyang likuran.

At hindi namalayan ni Lyn ang paglapit ng isang anino. Naramdaman na lang nya ito ng bumulaga ito sa kanyang harapan.

" Would you mind, Dra. Abarrientos..." Napatingala siya sa aninong bumulaga sa kanyang harapan. Ang liwanag ng buwan ay nasa likuran ni Lyn na umiilaw naman sa mukha ng kaharap.

"Paano siyang nakilala nito. Hindi niya natatandaan na kilala nya ang lalaking nasa kanyang harapan. Pero, makisig ito at mukhang kagalang galang." Ito ang pumasok agad sa isip nya. Kinapa nya ang ID tag sa kanyang dibdib. Tiningnan nya ito. Nakasulat dito ang kanyang buong pangalan. Lahat ng mga delegates ng symposium ay may tag bilang ID. Subalit walang tag ang kaharap.

"Anong kailangan mo mister ..?" Pabitin niyang tanong sa estranghero sa kanyang harapan. Tumayo si Lyn habang nagsasalita.

" Tim, na lang Doktora..." Sabi nito habang pinagmamasdan siya sa liwanag na isinasaboy ng mga ilaw ng hotel at sa liwanag na rin ng bilog na bilog na buwan.

" Nakita kitang nag-iisa dito sa hardin. I presume isa ka sa mga delegates na nagkakatuwaan sa lobby at gusto mo lang ma-enjoy ang ganda ng buwan dito sa hardin." Paliwanag pa nito.

" Hindi lang ako sanay sa nga sayawan na tulad nyan..." Inginuso nya ang maingay na party sa lobby na tanaw sa dako nila ng kausap.

"Pareho pala tayo, Doktora. Puro kaliwa yata ang paa ko kaya di natutong sumayaw" Pagpapatawa ng kaharap. Nangiti siya sa sinabi nito. At mataman nyang napagmasdan ito. Mataas kay Lyn ng mga dalawang pulgada sa tantya nya ang kausap. Matangos ang ilong. Makapal ang kilay na nagpapatingkad sa mga malamlam na mga mata nito na parang nangungusap. Ang personahe ng lalaki ay isang kagalang galang at may malawak na pinag aralan at kakayahan. Para siyang namamagneto sa kaharap. Nakadarama siya ng kakaibang sikdo sa kanyang dibdib.

At ng mapagmasdan nyang ngumiti ito, lumitaw ang nag iisa, ngunit malalim na biloy sa kaliwang pisngi nito. Para siyang namalikmata. Ngayon lang siya nakadama ng ganitong damdamin. Lalo pa sa isang estranghero na ngayon nya pa lamang nakilala.

"Lyn, kanina pa kita hinahanap narito ka lang pala !" Ginulantang sila ng biglang paglapit ni Leah. Sabay sila ng kausap na napatingin sa direksyon ng bagong dating.

"At narito rin po pala kayo professor," Gulantang na sabi ni Leah na bahagyang yumukod bilang pagbibigay galang sa kanyang kausap. "Professor ? " Nagtaka si Lyn. At kinabahan sa katotohanang bumulaga sa kanya.

"Ikaw—kayo si Professor Artemio Domingo ?" Nagugulumihanang nyang tanong. Isang tango ang naging tugon sa kanyang katanungan, mula kay Leah.

" Siya si ProfessorDomingo, di mo ba siya kilala Lyn?" Tanong nito habang tumatabi kay Lyn at palihim siyang kinurot ng marahan sa tagiliran. At nakita na naman ni Lyn ang pagiging star-struck ni Leah ng makita ang sinasambang professor.

"Tim na lang para sa inyong dalawa. Let us let go the formalities, girls..." Wika nito na nakangiti sa kanilang dalawa. " Girls ha ? "Naisip nya. "Okay ka lang Professor Domingo ? We are professional Doctors not merely girls!" Protesta ng isip nya. Subalit hindi nya ito naisatinig. Ang totoo, parang musika sa kanyang pandinig na tawagin siyang "girl" ng lalaking ito. At alam nya sa kaibuturan ng kanyang puso, gugustuhin niyang siya ang simpleng "girl" sa buhay nito.

Natagpuan ko na talaga si Mr. Right para sa akin !" Bulalas ni Leah ng nasa kwarto na sila ng hotel. Halos ikadalawa na ng madaling araw. Natapos ang party sa lobby ng ika-labing isa ng gabi. Kaya lang nagyaya si Leah sa bar ng hotel pagkatapos ng party. At karay-karay nila ang hindi nakatangging professor.

" Leah hindi ka pa ba inaantok ? Pati talukap ng mga mata ko naghihikab na !" Sabi nya para patahimikin ang kasama sa kwarto. Bumangon siya sa pagkakahiga at pinatay ang ilaw ng kwarto. Binuksan nya ang lampshade sa kanyang ulunan at inilagay ang aircon sa low. Tinapunan nya ng tanaw ang kabilang kama. Aninag nya sa mapusyaw na liwanag na itinatapon ng lampshade ang mukha ni Leah. Hidi pa ito nakapikit. Nakatanaw ito sa kisame na parang may binabasa dito.

"Ang gwapo talaga ni Mr. Right ko di ba Lyn ?"Sabi nito na hindi inaalis ang pagkakatitig sa kisame.

"Anong Mr. Right mo ?!" Sabi naman ng isip nya. Pero iba ang sinabi ng bibig ni Lyn.

"Naku, matulog na tayo Lei, bukas mo na pangarapin uli si Artemio Domingo." Pumikit si Lyn. Subalit ang piping dalangin nya, mapuno ang kanyang pagtulog ng mga panaginip sa piling ni Professor Artemio Domingo !

At napuno ang madaling araw ni Lyn ng mga panaginip na totoong nangyari. Uminom sila sa bar ng hotel hindi para malasing. Lagerlite beer lang, at ilang pulutan para maalis ang mapait na lasa ng beer. Uminom sila upang pahabain pa ang mga sandali ng unang pagkikilala. Sa tuwina, ang bawat simula ay nangangako ng isang magandang kaganapan. Ang halakhak ay binibigyang laya ng pagkawala ng mga inhibisyong kinalakhan. Pag lasing ka na, may mabisa ka ng dahilan upang masabi o gawin ang isang bagay na di mo maiisip na gawin o sabihin kung ikaw ay nasa normal na huwisyo. Nawawala ang malisya sa sinasadyang tapik sa braso o paghawak sa iyong mga palad. O di kaya ang paghahagis ng malalagkit na tingin sa kainuman na sa normal na pagkakataon ay masasabing isang harapang paglalandi.

Napansin kaya ni Artemio Domingo na pareho sila ni Leah na nagtatapon ng lihim na paanyaya sa lalaki na dugtungan at arukin pa nito ang pagkakataon ng kanilang pagkikilala? Napansin kaya ng professor na tila ba naiinggit siya sa harapang pang-aakit ni Leah dito ? Ang harapang pagyakap yakap at pagsagi ng dibdib ni Leah sa braso ng lalaki kapag may pagkakataon, ay hindi nakawala sa pansin ni Lyn.

Wala pang ideya si Lyn sa mga stratehiya sa digmaan sa larangan ng pag-ibig. Wala pa siyang maraming alam tungkol dito. Hindi ito napag-aaralan. Ngunit kusa itong dumarating sa tamang pagkakataon. Sa bawat tunggalian, ang isang estratehiya ay tumutukoy sa magiging hantungan ng laban. At sa tunggalian ng puso at damdamin, ang estratehiya ay humahangga sa kung ano ang itinakda ng tadhana. Ang tadhana ang nagdidikta kung ang pag-ibig ay isang gantimpala o kaparusahan sa isang mangingibig. Subalit, alinman sa dalawa, gantimpala man ito o parusa, hindi nababawasan nito ang tamis na dulot ng pag-ibig sa bawat pusong wagas na umiibig.

May hang-over pa si Lyn ng tumunog ang kanyang maliit na alarm clock na lagi nyang dala dala.. Inilagay nya ito sa mode na mag-alarma ito ng 6:00 am. Pinilit nya ang sarili na imulat ang namimigat pang talukap ng kanyang mga mata. Ganap ng 6:05 am. Kanina pa tumutunog ang kanyang alarm clock.Pinisil nya ang alarma nito upang huminto sa pagtunog.

Bumangon si Lyn at tiningnan si Leah na nasa kabilang kama. Naghihilik pa ito sa pagtulog.Kinuha nya sa closet ang kanyang bihisan at pumasok sa banyo.Itinapat nya sa kanyang bibig ang kaliwang palad at huminga. Amoy Lagerlite pa ang hininga nya. Agad siyang nagmumog bago tuluyang nagsepilyo. Habang nagsisepilyo,nagbalik sa alala nya ang nagdaang gabi. "Masarap kausap ang mokong na yun!" Naisip nya.

Mokong? Si Professor Artemio Domingo ay 'mokong' lang sa kanya? " Hmp! Ganti lang yun sa pagtawag nya ng 'girls' sa amin! Hihihi!" Muli na naman siyang nangiti sa naisip na kapilyahan.

"Parang hindi siya isang propesor, para siyang makata !" Naiiling sa sarili si Lyn. Bakit nagkaganito? Sa buong buhay nya, ngayon lang siya naligalig sa alaala ng isang lalaki. Ginugulo ng lalaking ito ang kanyang mundo.

Dati naiinis siya sa mga harapang pagpapakita sa kanya ng maraming kalalakihan ng espesyal na atensyon. Hindi tuwa ang kanyang naramdaman pag nakakatanggap siya ng mga regalo na parang nanunuyo. Pero bakit ganito ? Anong mahika mayroon ang 'mokong' na propesor na si Artemio Domingo na ligaligin ang pananahimik ng kanyang puso? Anong mayroon sa kanyang malalamlam na mga mata na gusto nyang arukin? Anong init ang nasa mga palad nito na naramdaman nya ng sandaling hawakan nito ang kanyang braso upang alalayan siyang wag matumba kagabi sa corridor ng hotel?

Matutumba, o sinadya nyang kunwaring matumba? Sinubukan kung aalalayan siya nito ? Ang natatandaan nya, nainggit siya ng hapitin ni Artemio Domingo ang malambot na bewang ni Leah ng akmang nadulas ito habang palabas na sila ng pintuan ng Bar. Hindi nya alam kung sinadya rin ito ng dalaga.

Pilit nyang inaalis sa isip ang 'mokong' na iyon habang nasa ilalim siya ng dutsa. Hindi sinasadyang nahaplos nya ang sariling dibdib habang sinasabon ang kanyang buong katawan. "Paano kaya kung ang 'mokong' na iyon ang humahaplos ngayon sa kanyang dibdib?!" Ipinilig nya ang kanyang ulo. " Ano bang kabalbalan ang pumapasok sa kukote mo Dra. Lynnda Abarrientos!" Pagkastigo nya sa kanyang sarili. Subalit nangingiti siya sa naisip na mga kapilyahan. Mabilis siyang nagbanlaw sa mainit-init na tubig ng shower. Pagkatapos tuyuin ang sarili, lumabas siya ng banyo at ginising ang nahihimbing pa ring si Leah.

" Leah, gising na. 8:00 am ang breakfast at 10:00 am ang simula ng symposium!"

Sa Cafeteria nasalubong nya ang ilang participants na kumukuha na ng kani-kanilang almusal. Iniwan nya si Leah sa kwarto ng hotel na nag-aayos pa ng kanyang make-up. Hindi nya maintindihan kung bakit kailangan pang magpaganda nito samantalang mag-aalmusal lang naman sila at babalik pa sila sa kwarto bago magbihis uli para sa unang araw ng symposium.

Buffet style ang almusal kaya pumila siya matapos kumuha ng tray. Hindi nya napansin na nasa likuran nya si Professor Artemio Domingo. Pumili siya ng ilang piraso ng bacon,pritong daing na danggit, isang sunny side up na itlog, isang plain rice at isang hiwa ng hinog na papaya.

Akmang ilalapag pa lang nya ang tray ng pagkaing kinuha ng mapansin nya ang professor na mabilis na lumapit patungo sa kanyang mesa. "Makikisabay na akong kumain sayo Lyn." Sabi nito at inilapag ang hawak ding tray.

"Kukuha ako ng maiinom. Gusto mo ba ng hot o cold drinks?" Alok pa nito. At naramdaman na naman ni Lyn na parang may nag-karambola sa loob ng kanyang dibdib ng magkatinginan sila ng binata.

"Hot ang gusto ko. Black coffee" Ewan kung bakit iyon ang nasabi nya. Pero yun ang nararamdaman nya dito. Hot! Alanganin ang ngiti ni Lyn habang pinagmamasdan ang agad na tumalikod na binata upang kumuha ng kanilang maiinom. At hindi naiwasan ni Lyn na tapunan ng may paghangang tingin ang binata habang patungo ito sa kiosk na kinaroroonan ng mga inumin.

Talagang makisig ito. Matikas ang tindig. Bawat hakbang ay para bang bilang at tiyak sa bawat paglakad. Parang pagkasama ng sino mang babae ang lalaking ito, ang pakiramdam nya ay nasa loob siya ng isang di matitibag na moog.

"Heto na ang black coffee mo..." Naputol ang kanyang pagmu-muni-muni ng iabot ng binata ang umuusok na kape. Umupo ito paharap sa kanya. Inayos ang sariling tray ng pagkain at nagsimulang kumain.

"Salamat— Professor Domingo."Nabubulunan ba siya ? Halata ba ang garalgal sa boses nya? " Cool ka lang Lyn," Sabi nya sa sarili. " Hindi mangangagat ang mokong na yan !"

"Can I have your number?" Nasa kalagitnaan na siya ng pagkain ng narinig nya ang tinig ng kaharap. "Mabilis kumain ang mokong!" Naisip nya ng makitang wala ng laman ang tray ng pagkain nito. Number? Ah ng panahong iyon bago pa lang lumaganap ang mobile phone sa pamilihan. Nakikita nya na may mangilan-ngilan na na mayroon gamit na N3210. Pero hindi pa siya nakakabili o di kaya ay nakakagamit nito.

Napabilis siya ng nguya sa isinubong plain rice at daing na danggit."You mean yung mobile number ko wala pa akong..." Ibinitin nya ang sinasabi at biglang tumungga sa tasa ng kape.

"Pero may telepono sa ospital pwede mo akong tawagan doon." Biglang baling nya sa kausap. Kumuha siya ng napkin at tumingin sa kaharap. Nakuha naman agad nito ang gusto nyang mangyari kaya agad na iniabot ang nakahandang ballpen. Isinulat nya doon ang pangalan ng ospital na pinaglilingkuran. Mabuti at kabisado nya ang telepono doon.

Dumukot sa pitaka ang binata at kinuha ang isang tarheta at iniabot sa kanya. " Nariyan ang number ko sa office pati sa bahay. I hope you don't mind giving me your landline at home." Para siyang nakadama ng kaunting pagkapahiya. Kasi hindi nya naisip na ibigay ang telepono nya sa kanilang bahay. Agad nyang muling kinuha sa binata ang napkin na sinulatan nya ng address at telepono ng ospital at isinulat din ang numero ng telepono sa kanilang bahay.

"Thanks Lyn." Nadama nya ang pagkatuwa ng kaharap ng kunin ang napkin na sinulatan nya. Siya man ay nagagalak rin sa isiping hindi magtatapos sa seminar na ito ang pagkrus ng landas nila ng binata.May sasabihin pa sana siya ng biglang bumulaga sa kanilang tabi si Leah. Nay hawak-hawak ito na tray ng pagkain.

" Nag-aalmusal na pala kayo—prop Tim." Bungad nito. At sa sinabi nito ay parang epektibong binura nito ang presensya ni Lyn sa oras na iyon. Parang gustong ipakita ni Leah na hindi tamang nagpa-una si Lyn na kumain sa Cafeteria upang masolo ang propesor.

"Patapos na kami Leah, but you can eat your breakfast here." Sagot ng professor. Agad na umupo si Leah at nagsimulang kumain. Ilang sandali pa ay napansin ni Lyn ang pagtingin-tingin ng binata sa kanyang relo.

"Medyo napasarap kasi ako ng tulog napuyat ako..." Wika ni Leah sa pagitan ng pagkain ng ham and bacon sandwhich na pinili nitong almusal. Ipinapaalala nito ang nagdaang gabi sa bar.

"I think pare-pareho tayong tatlo na napuyat..." Sabi naman ng binata.

"But, it was a great evening sir..." Sabi ni Leah na ang buong titig at focus ng atensyon ay sinadyang nakabaling lang sa kausap na binata. Parang nag-iinit ang pakiramdam ni Lyn. Nakadarama siya ng pag-kairita sa kasama sa kwarto. Ito ba ang tinatawag na selos ? Ang selos ay bahagi ng pagiging maka-sarili. Ang magmahal ba at umibig ay may bahagi ng pagiging makasarili ? Nagseselos siya at kaya ni Leah ang harapang paglalandi sa lalaking nasa kanilang harapan.

Muli ay napansin nya ang pagtingin-tingin ng propesor sa orasan sa Cafeteria. Napansin din ito ni Leah.

"Sorry Prop Tim, baka gusto nyo ng mauna, ok lang po sa akin..." Ibinitin nito ang sinasabi habang buong wagas na ipinapansin sa kausap ang pamumungay ng kanyang mga mata habang nakatitig dito.

Nang akmang tatayo na ang propesor, tumigil sa pagkain si Leah sabay sabi sa propesor.

"Prop Tim baka pwede humingi ng calling card mo..?"Dumukot sa kanyang wallet ang kaharap at tiningnan kung meron pa siyang kopya ng tarheta. Nakakita siya ng isa pang kopya at magalang na iniabot ito kay Leah. " Naku Tim...Prop Tim...thanks talaga!" Ang tingin ni Lyn kay Leah ng mga sandaling iyon ay tila ito isang bata na nabigyan ng gustong gusto na kendi. Halatang halata ang saya at pangingislap ng magagandang mata nito. Pero siya man naisip ni Lyn ay yun din ang naging reaksyon nya ng abutan ng tarheta ng binata. Pinilit lamang nya na itago ang kanyang reaksyon.

Napabuntunghininga si Lyn.Ang mundo ay isang arena ng walang katapusang tunggalian. Hindi ka kailanman nag-iisa sa kagustuhan mong maging pag-aari ang bawat bagay na nagpapasaya sayo. Salig sa pagnanasang maangkin ang minimithing bagay, kailangan mong lumaban. Ipaglaban ang bagay na mahal mo. Ngunit, ang tadhana ay kadalasang pumapagitna. Ang tadhana ang humahatol sa pagtakda nito kung kanino mapupunta ang bagay na pinaglalabanan. Ito ang magtatakda kung sino ang magtatagumpay. Subalit, ang pag-ibig naman ang magtatakda kung ang tagumpay na iyan ay may tamis o may kapaitan...

End of Chapter 1- Susunod - Rigodon ng Pag-Ibig